Resources para Matugunan ang Emosyonal na mga Pangangailangan
Ang matitinding emosyon gaya ng depresyon o pagkabalisa ay nagsasabi sa atin na tayo ay dumaranas ng sobrang stress. Basahin ang “Pangkalahatang mga Tuntunin para Makayanan ang Stress” sa mga pahina 17–22 para sa pangkalahatang mga mungkahi. Bukod dito, ang mga mungkahi sa ibaba ay maaaring makatulong sa mga partikular na emosyon.
A
Nararamdamang Pagka-homesick
-
Manatiling abala. Ang homesickness ay karaniwan na, lalo na kung hindi ka madalas malayo sa iyong tahanan. Hayaang malungkot ang iyong sarili nang ilang minuto, at pagkatapos ay kumilos at maging abala. Ang pinakamainam na paraan para hindi mag-alala o maawa sa sarili ay paglabanan ito sa pamamagitan ng pagiging abala sa gawain at paglilingkod sa kapwa.
-
Ayusin ang mga gamit at mag-adjust. Kumilos at mag-adjust. Ayusin ang iyong sariling lugar. Maglagay ng larawan na tutulong sa iyo na madama ang Espiritu at alalahanin kung bakit gusto mong paglingkuran ang Panginoon. Itapon ang mga basura, at ituring na sa “iyo” ang apartment. Magluto ng pagkain na gusto mo.
-
Gumawa ng mahabang listahan ng mga bagay na hindi nagbago tungkol sa iyo. Isipin ang iyong mga pakikipag-ugnayan, mga kakayahan, at iba pang bagay na ganoon pa rin, kahit marami na ang nagbago. Mga Halimbawa: “Masayahin ako; mahal ako ng mga magulang ko; gusto kong maglingkod.” Magdagdag ng mga bagay na gusto mo pa ring gawin kapag nakauwi ka na: “Gagawa pa rin ako ng mga desisyon; kailangan ko pa ring makibagay sa iba; kailangan ko pa ring magsikap na mabuti.”
-
Repasuhin ang iyong mga dahilan sa pagmimisyon. Isiping ihandog ang iyong misyon bilang pasasalamat sa Tagapagligtas, at ilista ang iyong mga pagpapala. Ipaalala sa iyong sarili ang sasabihin ng mga naiwang sumusuportang lider o mahal sa buhay tungkol sa iyong paglilingkod.
-
Humingi ng priesthood blessing.
-
Tanggalin ang nakagagambalang mga retrato. Alisin ang anumang retrato o larawan na nakahahadlang sa iyo na madama ang Espiritu o nagdudulot ng homesickness o pangungulila sa mga mahal sa buhay. Maaari mong ilabas muli ang mga ito kapag mas nakapag-adjust ka na. Hikayatin ang iyong pamilya na sulatan ka nang isang beses lamang kada linggo, para gaya ng mga disipulo ni Jesus noon, maaari mong iwanan ang iyong “mga lambat” (tingnan sa Mateo 4:18–22) at magpokus sa gawain.
-
Magtiyaga. Karaniwang umaabot ng anim na linggo bago makapag-adjust sa bagong kapaligiran. Huwag munang gumawa ng anumang desisyon, at bigyan ng panahon ang sarili na makapag-adjust. Huwag magmadali. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 137.)
B
Nadaramang Depresyon o Panghihina ng Loob
-
Rebyuhin ang nagpapasiglang mga talata at kuwento. Magtipon ng mga banal na kasulatan, sariling karanasan, quotation, at kuwento ng pamilya na nagpapalakas ng loob at nagpapasigla sa iyo. Kapag binabasa mo ang mga bagay na ito, isiping ihalili ang pangalan mo sa mga ito. (Mga halimbawa: 2 Nephi 4; Mosias 24:13–14; Alma 36:3; D at T 4; 6; 31; Mga Kawikaan 3:5–6; Helaman 5:12; at “Paghihirap” sa Tapat sa Pananampalataya.)
-
Repasuhin ang iyong patriarchal blessing para mapatnubayan. Maghanap ng mga paraan na makatutulong ang iyong mga talento at kakayahan sa gawain.
-
Huwag magpaliban. Ang pagpapaliban sa mga bagay-bagay ay maaaring humantong sa depresyon. Hatiin ang malalaking gawain at isa-isa itong gawin. Magsimula, na ipinapaalala sa sarili na, “Ang gagawin ko lamang sa oras na ito ay _____” o “Gagawin ko lamang ito nang ilang minuto at titigil sandali kung gusto ko.”
-
Makinig sa mga angkop na musika o kumanta. Pumili ng musikang nakakapanatag at nakakapayapa kung nababalisa ka, o masigla at masayang musika kung nalulungkot ka.
-
Huwag magkimkim ng hinanakit. Kung naghihinanakit ka tungkol sa isang bagay, magpatulong sa paglutas ng problema nang hindi pinipintasan o sinisisi ang iba. Kung ayaw mong pag-usapan ito, huwag kang maghinanakit.
-
Magtakda ng makatotohanang mga mithiin, at gumawa ng partikular na mga plano kung paano mo isasagawa ang mga ito. Paisa-isang lutasin ang mga bagay na gumugulo sa iyo. Ang depresyon ay nawawala sa pagkakaroon ng mga mithiin at plano. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 166–67.)
-
Hayaan ang mga bagay na hindi mo makokontrol. Ang nakaraan, ang kalayaang pumili ng iba, ang mga patakaran, ang panahon, mga pamamalakad ng gobyerno, kultura, iyong mga limitasyon, o personalidad ng ibang mga missionary ay hindi mo makokontrol. Magpokus sa mga bagay na may magagawa ka pa, gaya ng iyong pag-uugali, ang pakikipag-ugnayan mo, mga pinipili mo sa kasalukuyan, at iyong kilos.
-
Tanggapin na mayroong ilang nakababagot na routine o gawain. Hindi lahat sa buhay ay lubos na makabuluhan at masaya. Iwasang magdrama o gumawa ng di-magandang bagay, magdulot ng pinsala, o kaguluhan para solusyunan ang pagkabagot. Sa halip, pasalamatan at pahalagahan ang mabubuting bagay sa iyong paligid, at maghanap ng paraan para mas humusay ka at makapaglingkod.
-
Maghanap ng mga bagay na magpapasaya sa iyo. Bukod sa paggalang sa kasagraduhan ng iyong tungkulin, maging masayahin, damhin ang ganda ng mundo, pansinin ang kabutihan ng iba, at malugod sa presensya ng Espiritu.
-
Gawin ang mga pangunahing bagay: pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paglilingkod. Magpokus sa pasasalamat. Kapag nagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagtuunang mabuti ang mga bagay na pinakaangkop sa iyo. Halimbawa, huwag masyadong pagtuunan ang galit ng Diyos sa mga makasalanan kung ikaw ay perfectionist. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, viii.)
-
Basahin ang Alma 26 at alamin kung ano ang ginawa ni Ammon nang siya ay panghinaan ng loob. Basahin din ang Doktrina at mga Tipan 127:2 at pansinin kung paano hindi hinayaan ni Joseph Smith na panghinaan siya ng loob. Huwag ma-depress sa pagkakaroon ng depresyon, isang sitwasyon na walang magandang resulta. Normal lang na may mga araw na pinanghihinaan ka ng loob, nakadarama ng stress, o homesickness. Kadalasan lumilipas ito.
C
Pagiging Mapamintas sa Sarili
-
Magpokus sa mabuting ginagawa mo, at iwasang ikumpara ang iyong sarili sa iba. Ang mga taong may napakataas ng ekspektasyon ay malamang na masyadong magpokus sa kanilang mga kahinaan at kabiguan. At pagkatapos, sa halip na humusay pa, maaari silang makadama ng kawalang pag-asa. Kapag nagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagtuunang mabuti ang mga bagay na pinakaangkop sa iyo bilang minamahal na lingkod ng Diyos. Hanapin ang mga katibayan ng pagpapasensya, biyaya, pag-asa, at awa ng Diyos sa mga taong nagmamahal at nais maglingkod sa Kanya. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 11–13.)
-
Kausapin nang positibo ang iyong sarili. Tingnan sa “Pagbabago ng Negatibong Pag-iisip” sa pahina 21.
-
Unawain na lahat ng ginagawa mo ay hindi maaaring laging above average. Nanaisin mo pa ring magsikap na mabuti para humusay, ngunit gaano ka man maging mahusay sa isang bagay, kung minsan may magagawa ka pa ring mas mababa sa kakayahan mo. Huwag itong ikabahala.
-
Purihin ang iyong sarili sa paggawa ng isang bagay na hindi mo gusto o hindi nagawa nang mabuti. Huwag sabihin sa sarili na may halaga lamang ito kung masaya ka rito o kung perpekto mo itong nagawa.
-
Isa o dalawa lamang na malalaking mithiin ang isagawa sa isang pagkakataon. Iwasan ang karaniwang pagpapakahusay sa maraming bagay sa iisang pagkakataon; maaaring maging mahirap ito at mauwi sa pagkabigo.
-
Makinig sa Espiritu, hindi sa negatibong pag-iisip. Kung ang naiisip mo ay manghamak, manlait, magalit, mangutya, magreklamo, mamintas, o magbansag ng pangalan, ang mga ito ay hindi mula sa Panginoon. Huwag pansinin ang mga ito.
-
Humingi ng mabuting payo. Magpatulong sa iyong mission president at sa iba upang malaman mo kung sapat o labis na ang iyong pagsisikap, at tanggapin ang kanilang payo. Maraming taong mapamintas sa sarili ang hindi magaling sa pagtukoy sa kaibhang ito.
D
Nararamdamang Pagkabalisa o Kawalan ng Kakayahan
-
Ikasiya ang pagiging baguhan kapag bago ka pa lang sa isang bagay. Hindi ka inaasahang maging eksperto. Sapat na ang maging mausisa, interesado, mapagpakumbaba, at handang sumubok. Ikatuwa ito!
-
Masayang gawin ang makakaya mo, at ipaubaya sa Diyos ang iba pa. Kung minsan nadarama ng mga missionary na wala silang pakinabang o nahihiya sila kapag mas nagtatagumpay ang iba. Kung tinutukso ka ni Satanas na pag-alinlanganan ang iyong sarili o ikumpara ang iyong sarili sa iba, alalahanin na ang ginagawa mo ay gawain ng Diyos, at Kanyang pinipili ang mahihina at simpleng tao upang gawin ito. Ikaw ay pinili Niya! Magtiwala sa Kanya. Siya ay nagtitiwala sa iyo!
-
Ilarawan sa isipan ang tagumpay. Ang pag-aalala ay maaaring magpaisip sa iyo na hindi ka magtatagumpay. Sa halip na isipin kung ano ang maaaring maging mali o palaging mag-alala tungkol sa “maaaring maging resulta,” mag-isip na magiging maganda ang resulta at planuhing makamtan ito. At kung hindi mangyari ang inaasahan mo, isipin ang iyong sarili na natututo mula sa pagkabigo at nagpapatuloy sa pagsulong.
-
Huwag subukang kontrolin ang hindi mo makokontrol. Ang pagsisikap na kontrolin ang mga bagay-bagay na hindi mo makokontrol ay lalo lamang nagpapadama sa iyo na hindi mo ito kaya, na magdaragdag sa iyong pagkabalisa. Ipokus ang iyong lakas sa mga bagay na may magagawa ka pa.
-
Itanong, “Ano ang pinakamatinding bagay na maaaring mangyari?” Kung ang pinakamatinding mangyayari ay isang bagay na makakayanan mo o isang bagay na matutulungan ka ng Tagapagligtas upang makayanan ito, magpatuloy nang walang takot.
-
Magdahan-dahan nang 10 porsiyento kung nakagawian mo nang magmadali palagi. Maaaring mas mahusay ka kung mas mahinahon ka.
-
Maglingkod. Kapag pinaglingkuran mo ang iyong kompanyon, mga investigator, miyembro, kapwa-tao, o ang mahihirap at nangangailangan, hindi mo gaanong iisipin ang iyong sarili at mas magiging masaya ka. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 191–93.)
E
Nadaramang Madaling Pagkainis o Pagkagalit
-
Bigyan ng panahon ang iyong isipan na madaig ang iyong emosyon. Ang bahagi ng iyong utak na nagbibigay-katwiran at gumagamit ng katalinuhan ay mas mahinahon kaysa sa bahagi ng iyong utak na nagagalit. Lumayo sa sitwasyon nang ilang minuto, at huminga nang malalim para mabigyan ka ng pagkakataong makapag-isip.
-
Huwag pag-alabin ang galit. Ang mga tao ay mas malamang na magalit kapag pinili nilang ituring ang iba na (1) mapagbanta, (2) hindi makatwiran, o (3) walang galang. Sa halip, tingnan kung makakapag-isip ka ng mas mabuting paliwanag sa ikinikilos nila. Halimbawa, siguro pagod sila, hindi nasabihan, walang tiwala, o akala nila ay nakakatulong sila. Piliing huwag pag-alabin ang galit.
-
Maging mahinahon, mausisa, at maawain. Alamin ang iniisip at nadarama ng iba. Magtanong, makinig na mabuti, sabihin sa kausap ang sa akala mo ay narinig mo, at magtanong kung tama ang pagkaunawa mo. Kung hindi, subukang muli.
-
Paglabanan ang ugaling sisihin o ipahiya ang iba o ang iyong sarili. Sa halip, alamin kung ano ang problema at hilingin sa tao na tumulong na malutas ito, kahit kanino pang pagkakamali ito.
-
Maging handang humingi ng paumanhin at magtanong kung ano ang magagawa mo para maitama ito. Ang paghingi ng paumanhin ay tanda ng espirituwal na kalakasan, hindi ng kahinaan.
-
Ngumiti at tawanan ang sarili. Manalamin upang makita kung ano ang hitsura mo kapag galit ka.
-
Paglingkuran ang mga taong madali mong makainisan. Isabuhay ang payo ng Tagapagligtas na “mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo” (3 Nephi 12:44).
-
Pangalagaan ang iyong sarili. Tiyaking kumakain kang mabuti, natutulog, nag-eehersisyo, at nagdarasal nang sa gayon ay madagdagan ang katatagan ng iyong damdamin sa pagharap sa kabiguan.
F
Nadaramang Panghihina o Pananamlay
-
Magpokus sa iyong mga kakayahan. Anong magagandang ugali, mga talento, karanasan at kaloob ang dala mo sa mission? Paano mo magagamit ang mga kakayahang iyon sa malikhaing paraan sa linggong ito? Kung hindi mo makita ang iyong mga kakayahan, magpatulong sa iba.
-
Paisa-isang gawin ang mga bagay-bagay. Paalalahanan ang sarili, “Ang gagawin ko lang sa oras na ito ay ____.”
-
Gawin itong masaya! Iginagalang ang kasagraduhan ng iyong tungkulin, magtakda ng mga mithiin para sa iyong sarili, at ikatuwa ang pagharap sa mga ito. Maging malikhain at batiin ang iyong sarili dahil sa pagtatagumpay.
-
Huwag pahirapan ang sarili sa napakaraming personal na mithiin na agad nais maisakatuparan. Magtakda muna ng isa o dalawang personal na mithiin (gaya ng pagiging mas masayahin o hindi gaanong magulo). Huwag umasa na maging perpekto, at magplano kung ano ang gagawin mo para masunod ang iyong iskedyul kapag hindi maganda ang araw mo. Madalas na paalalahanan ang sarili kung bakit gusto mong magbago.
-
Ibahagi ang iyong mga mithiin sa iyong kompanyon at mission president. Matutulungan ka nila at makapagbibigay sila ng magagandang ideya.
-
Unawain na kapag nahikayat ka kikilos ka. Ang pagsisimula ang kadalasang pinakamahirap na bahagi. Sabihin sa iyong sarili, “Gawin mo lang ito nang 10 minuto” kapag kailangan mong simulan ang isang bagay na ayaw mong gawin. Kapag nasimulan mo na, lalo kang mahihikayat.
G
Pag-aalala sa mga Naiwang Mahal sa Buhay
-
Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 31:1–6. Mula pa noong mga unang araw ng Simbahan, ang mga missionary ay tinawag na iwanan ang kanilang mga mahal sa buhay sa mahihirap na kalagayan. Manalangin na ang mga pagpapala sa iyong paglilingkod ay mailaan sa kapakinabangan ng iyong mga mahal sa buhay. Igalang sila sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon nang iyong buong puso. Magtiwala na pagpapalain kayo ng Panginoon, ayon sa Kanyang takdang panahon at kalooban.
-
Sumulat sa iyong pamilya linggu-linggo. Ibahagi ang iyong patotoo at magagandang karanasan at kuwento. Ikuwento sa kanila nang madalas kung kailan mo nakita ang impluwensya ng Panginoon sa iyong buhay. Manalangin para sa kanila. Alalahanin ang kanilang kaarawan at mahahalagang okasyon.
-
Asahang may darating na ilang pagsubok sa iyong mga mahal sa buhay. Karamihan sa mga ito ay darating nagmisyon ka man o hindi. Ang mga mahal mo sa buhay ay may kalayaang pumili at maaaring gumawa ng mga desisyong magpapabalisa sa iyo, lalo na kung ikaw ang palaging namumuno o tagapagpayapa sa pamilya. Maaaring pagpalain ang kanilang buhay sa pagharap nila mismo sa mga pagsubok na iyon. Igalang ang kanilang mga desisyon, at patuloy na ipadama ang iyong pagmamahal at pagtitiwala.
H
Pagiging Malungkot
-
Kilalanin ang iba. Magtanong kung paano nila nakakayanan ang kalungkutan. Magtanong tungkol sa kanilang mga karanasan at nadarama para mas maunawaan mo sila.
-
Magbahagi pa. Nakadarama tayo ng lungkot kapag hindi tayo kilala at pinahahalagahan sa kung sino talaga tayo.
-
Magsulat sa iyong journal.Nakakatulong ito na maunawaan ka kahit paano ng iyong sarili.
-
Ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin para sa iyo ng “malungkot.” Ipaliwanag kung anong mga damdamin, kaisipan, at ugali ang kasama nito para sa iyo. Pagkatapos ay isa-isa itong harapin.