Mga Calling sa Mission
Pangkalahatang mga Tuntunin para Makayanan ang Stress


Pangkalahatang mga Tuntunin para Makayanan ang Stress

Ang bahaging ito ay naglalaman ng pangkalahatang mga mungkahi para maiwasan at makayanan ang sobrang stress. Ang mga mungkahing ito ay maaaring makatulong sa lahat ng missionary.

Two young elder missionaries walking on a road in Australia.

A

Pagtugon nang Positibo sa Stress

  • Manalangin nang taimtim at madalas, nang mag-isa at kasama ang iyong kompanyon. Sabihin sa Panginoon ang iyong mga nadarama, karanasan, plano, at alalahanin. Hilingin na mapasaiyo ang Espiritu sa lahat ng bagay. Isulat ang mga impresyong natatanggap mo sa iyong pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maging alerto sa paggabay na maaaring matanggap mo sa buong maghapon. Kapag pinakinggan mo ang tinig ng Espiritu, ikaw ay patuloy na tatanggap ng karagdagang paggabay, kapanatagan, at tulong. “Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Mangako sa Panginoon na gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya na palaging susundin ang espirituwal na pahiwatig na iyong natatanggap.

  • Kilalanin ang kamay ng Panginoon sa lahat ng bagay. May pagkakataon kang makita ang pinakamagandang himala sa lahat: ang epekto ng Pagbabayad-sala ni Cristo sa bawat tao at mga pamilya. Magpraktis araw-araw na pagtuunan ng pansin ang mga pagpapalang ipinagpapasalamat mo. Pansinin ang impluwensya ng Espiritu sa iyong buhay, at magsulat tungkol dito. (Tingnan sa Moroni 10:3.)

  • Tukuyin at isaulo ang mga banal na kasulatan na nakapapanatag ng kalooban. Sa iyong pag-aaral, ilista ang mga banal na kasulatan na nagpapalakas at nagbibigay sa iyo ng kapanatagan. Isaulo ang mga ito o basahin nang madalas.

  • Magpokus sa mga pangangailangan ng iyong pinaglilingkuran. Isipin ang magagawa mo para mapagpala ang mga investigator na iyong tinuturuan at ang mga miyembrong iyong pinaglilingkuran. Hangarin ang inspirasyon kung paano mo sila mapaglilingkuran at mapapalakas ang kanilang pananampalataya.

  • Kumanta. Isaulo ang mga titik ng ilan sa mga paborito mong himno. Kapag nakakaramdam ka ng stress o panghihina ng loob, kumanta sa iyong sarili o kasama ang iyong kompanyon. “Ang mga himno ay makapag-aalo sa ating mga kaluluwa, makapagbibigay-tapang sa atin, at hihimok sa atin upang gumawa ng kabutihan. Mapupuno nila ng makalangit na pag-iisip ang ating mga kaluluwa at makapagdudulot sa atin ng kapayapaan” (“Paunang Salita ng Unang Panguluhan,” Mga Himno [2001], viii–ix).

  • Alalahanin ang iyong natutuhan. Matagumpay mong nakakayanan ang mga pagbabago at paghihirap sa buhay mo. Sa iyong personal na pag-aaral, ilista ang natutuhan mo sa nakalipas na mga transition at panahong labis ang nadarama mong stress (gaya ng pag-adjust sa MTC). Paano mo magagamit ang mga kasanayang ito ngayon? “[Alalahanin] kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito, at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso” (Moroni 10:3).

  • Gamitin ang iyong mga kakayahan sa paglilingkod. Ilista ang iyong mga kakayahan, talento, at espirituwal na kaloob. Ang iyong mga kakayahan ay bahagi ng storehouse ng Panginoon, na ginagamit Niya upang pagpalain ang Kanyang mga anak at itayo ang Kanyang kaharian. Ang isang napakahalagang bahagi ng iyong misyon ay paghusayin pa ang mga kaloob na talento sa iyo at ilaan ang iyong mga kakayahan sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo. Higit na magpokus sa mabuti mong nagagawa kaysa sa mali mong nagagawa. Magplano kada linggo kung paano pagbubutihin at gagamitin ang iyong mga talento upang mapaglingkuran at mapagpala ang iba (tingnan sa D at T 82:18–19).

  • Kaibiganin ang iyong kompanyon. Magbahagi ng mga ideya, paglingkuran ang isa’t isa, magtulungan, at patawarin ang isa’t isa. Malaki ang maitutulong ng mga kaibigan para makayanan ang stress. “Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo” (Juan 15:12).

  • Suriin ang mga inaasahan mo. Huwag umasang mangyayari ang lahat ng iyong inaasahan. Hindi mo magagawa nang perpekto ang lahat ng bagay. Hindi lahat ng missionary ay magiging lubos na masunurin at mabait. Ang iyong mga investigator ay maaaring makatanggap ng maling impormasyon mula sa mga anti-Mormon. Maaaring hindi mo mahusay na masasalita ang wika. Alalahanin ang payo ng Panginoon kay Joseph Smith sa Liberty Jail: “Ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti. … Samakatwid, maging matatag” (D at T 122:7, 9).

  • Mag-ehersisyo. Ang regular na ehersisyo ay epektibong paraan para makayanan ang stress. Piliing makibahagi sa iba-ibang aktibiti na kapwa nakasisiya at nakabubuti sa katawan. Kapag nagpokus ka sa aktibiti na iyong sinalihan, makadarama ka ng kasiglahan at mas madaling malilimutan ang mga inaalala sa araw na iyon. Anuman ang aktibiti na iyong pinili, ang pag-ehersisyo ay makatutulong upang mapalakas ang iyong stamina at kapasidad na paglingkuran ang Panginoon. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, viii.)

  • Huwag subukang kontrolin ang mga bagay na hindi mo makokontrol. Kahit ginagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya upang makamit ang iyong mga mithiin sa pagbabahagi ng inyong mensahe, ang resulta ng iyong pagsisikap ay batay pa rin sa kalayaan ng iba, na hindi mo mapipilit. “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig” (D at T 121:41). “Samakatwid, mga minamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:17).

  • Alalahanin ang kahalagahan ng pagpapahinga. Halimbawa, gamitin ang progressive relaxation exercise (tingnan sa kanan) sa gabi para makapagpahinga at makapag-relax bago matulog, o ang breathing exercise (tingnan sa kaliwa). Planuhin ang mga preparation day na may kasamang oras para magpahinga, magsaya, at mag-relax upang maging masigla sa darating na linggo. Bukod sa kinakailangang gawain gaya ng pamimili at pagsulat ng liham sa pamilya, subukan ang:

    • Mga aktibiting pangkultura. Magpunta sa mga makasaysayang lugar, mga museo, o mga pagdiriwang sa lugar.

    • Mga aktibiting kasalamuha ang mga tao. Makisali sa iba pa sa mga sport, laro, sining, pagkain, o angkop na musika.

    • Pamamasyal sa magagandang lugar. Magpunta sa mga parke o magagandang tanawin o mag-hiking.

    • Magpahinga at magnilay-nilay. Umidlip, magnilay-nilay, o isulat ang nadarama mo.

“At sinabi [ni Jesus] sa [Kanyang mga disipulo], Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti: sapagka’t marami ang nangagpaparoo’t parito, at sila’y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain” (Marcos 6:31).

“At tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas” (Mosias 4:27).

B

Pagtugon sa “Stress Emergency”

Ang stress emergency ay nangyayari kapag bigla kang napunta sa orange o red stress zone. Kung ikaw ay may malubhang pisikal o emosyonal na problema, tawagan kaagad ang iyong mission president. Sa iba pang mga sitwasyon, subukang gawin ang sumusunod na mga mungkahi:

  • Magpahinga sandali. Kung nakadarama ka ng sobrang pagkabalisa o sobrang stress, magpahinga sandali. Dahan-dahang huminga ng malalim nang ilang beses, mag-inat, at i-relax ang katawan. Kapag kalmado na ang iyong katawan at isipan, mas malinaw ka nang makapag-iisip. Maglakad-lakad kayo ng kompanyon mo, bumili ng pagkain o inumin, o kaya’y maupo lamang at mag-isip sandali.

  • Maging mabait sa iyong sarili. Panatagin ang sarili gamit ang mabubuting salita na sinasabi mo rin sa ibang tao. Lahat ay nabibigo o nakagagawa ng mali kung minsan. Dapat mong malaman na nauunawaan ito ng Panginoon. Isipin na kunwari nakaupo Siya malapit sa iyo, nakikinig at nag-aalok ng tulong. Alalahanin, ang isiping wala nang magagawa, wala nang pag-asa, o matinding kaparusahan ay hindi sa Panginoon.

  • Muling magpokus sa pagpapasalamat. Pansinin ang nasa paligid mo. Mag-ukol ng ilang minuto sa bagay na tama, mabuti, at positibo tungkol sa iyong sarili at sa mundo. Manalangin at magpasalamat kahit sa limang partikular na bagay lamang.

  • Isa-isang isagawa ang mga bagay-bagay. Tukuyin ang pangunahing problema, at paisa-isang lutasin ito. Paalalahanan ang sarili, “Ang gagawin ko lang sa oras na ito ay ____.” Halimbawa, “Ang gagawin ko lang sa oras na ito ay maghintay sa bus.” o “Ang gagawin ko lang sa oras na ito ay hanapin ang address na ito.”

  • Tulungan ang ibang tao. Ipokus muli ang iyong lakas sa paglilingkod sa iba. Ngumiti sa mga tao, tulungan sila, at maglingkod. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 191–93.)

  • Baguhin ang negatibong pag-iisip. Sa oras na ito, o bago matulog ngayong gabi, ilista sa papel ang mga negatibong naisip mo ngayong araw na ito; pagkatapos ay isulat ito nang panibago na mas puno ng pag-asa, katapatan, at mas naghihikayat (tingnan ang halimbawa sa kanan).

C

Tulungan ang Iba pang mga Missionary na Nakadarama ng Sobrang Stress

  • Pansinin ang mga missionary na nahihirapan. Ipaalam sa kanila na nauunawaan mo na nahihirapan sila. Tiyakin sa kanila na gagawin mo ang gawain kasama sila at na sa tulong ng Panginoon, magkasama kayong magtatagumpay. Kung angkop, imungkahi na magpahinga sila sandali, gaya ng paglalakad-lakad kasama ang kanilang kompanyon, pagpunta sa ibang lugar, o paggawa ng di-gaanong mahirap na aktibiti kung maaari. Tahimik na manalangin o manalanging kasama ang missionary para matulungan.

  • Isipin ang iyong tipan sa binyag. Nangako tayo na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon” (Mosias 18:8–9). Isakatuparan ang tipang ito sa pamamagitan ng (1) pagtulong sa pasanin ng missionary, (2) pagpapakita ng pagdamay at pagbibigay ng kapanatagan, at (3) pagpapatotoo sa pagmamahal ng Diyos.

  • Magtanong nang kaunti, pero huwag piliting magsalita ang missionary. Sabihing, “Parang malungkot ka. Ano’ng nangyari?” o “Gusto mo bang sabihin sa akin ang tungkol dito?”

  • Makinig para maunawaan at magbigay ng tulong at maghikayat. Hangga’t hindi nadarama ng tao na nauunawaan siya, ang pagbibigay ng payo at mga mungkahing solusyon ay kadalasang hindi nakatutulong. Magtanong at tulungan ang tao na mahanap ang sarili niyang sagot o solusyon. Bagama’t hindi ka dapat magpayo sa mga investigator o mga missionary na hindi mo katulad na lalaki o babae, maaari kang maging tagapakinig na tumutulong at sumusuporta sa iba pang mga missionary. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 210–11.)

    Elder missionaries engaged in companion
  • Magpokus sa kinakailangang pagpasiyahan sa oras na ito. Iwasan ang malalaking problema (gaya ng, “Hindi ko tiyak kung may patotoo ako”), at magpokus sa mahalagang desisyon na gagawin (“Sa ngayon, magdesisyon na lang tayo kung paano natin ituturo itong susunod na lesson”). Mag-alok ng tulong (“Ako ang magpapatotoo ngayon”). Kapag maayos na ang lahat, balikan ang mas malaking problema at maghanap ng solusyon (“Ano sa palagay mo ang patotoo? Paano nagkakaroon nito ang isang tao? Ano na ang sinubukan mong gawin? Saan tayo makakakuha ng mas maraming ideya?”). Ipaalala sa missionary na ang Panginoon ay makapagbibigay ng mga solusyon kung gagawin natin ang makakaya natin at ipauubaya ito sa Kanya.

  • Ipaalala sa missionary ang mga bagay na nagagawa niya nang mabuti. (“Talagang hanga ako sa iyong katapatan at hangaring maglingkod sa Diyos.”)

  • Ibigay ang iyong patotoo. Ibahagi ang iyong pananalig sa pagmamahal at kahandaang tumulong ng Diyos.

  • Maging matalino sa paglilingkod sa iba. Sagrado ang iyong tungkulin. Maging mapagkakatiwalaan, ingatan ang mga bagay na kumpidensyal, at palaging manatili sa tabi ng iyong kompanyon.

  • Ipaalam sa iyong mission president kung hindi bumubuti ang sitwayon.