Mga Calling sa Mission
Pambungad


Pambungad

Larawan
Christ with His arm raised calling Peter and Andrew from a small fishing boat with the sail raised.

Bilang missionary, ikaw ay tinawag na kumatawan kay Jesucristo sa paglilingkod sa mga anak ng Ama sa Langit. Mahal ka ng Tagapagligtas, at tutulungan ka Niyang magtagumpay. Ipinangako Niya: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).

Habang nananampalataya ka at kumikilos ayon sa desisyon mong gawin ang gawain ng Panginoon, ikaw ay mabilis na magkakaroon ng mga kasanayan, karunungan, at kakayahan na kailangan mo. Madarama mo ang Kanyang tulong at mas magtitiwala ka sa iyong kakayahan na paglingkuran ang Panginoon.

Kahit nangako ng tulong ang Panginoon, marami sa pinakamahuhusay na missionary sa kasaysayan ang nagsabing sila ay nahirapan at sinubukan sa kanilang misyon. Si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay “labis na nagdusa, kapwa sa katawan at sa isipan, tulad ng gutom, uhaw at pagod, at gayon din sa labis na paghihirap ng espiritu” (Alma 17:5). May mga pagkakataon na parang gusto na nilang umuwi. “Ngayon, nang ang ating mga puso ay manghina, at tayo sana ay magbabalik na, masdan, inaliw tayo ng Panginoon, at sinabi: Humayo sa inyong mga kapatid, na mga Lamanita, at batahin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at ipagkakaloob ko sa inyo ang tagumpay” (Alma 26:27).

Ang malaking sekreto para mapaglabanan ang panghihina ng loob at stress na karaniwan sa missionary ay ang muling pagtibayin sa Panginoon ang iyong desisyong maglingkod. Ikinuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang karanasan noong simulan niya ang kanyang mission sa England.

“Hindi mabuti ang pakiramdam ko nang dumating ako. Ang mga unang linggong iyon, dahil sa karamdaman at oposisyon na naranasan namin, ay nagpahina sa aking loob. Sinulatan ko ang mabait kong ama at sinabing tila sinasayang ko lang ang oras ko at ang kanyang pera. Siya ay aking ama at aking stake president, at siya ay matalino at taong puno ng inspirasyon. Sumulat siya ng napakaikling liham sa akin na nagsasabing, ‘Mahal kong Gordon, natanggap ko ang huli mong sulat. Isa lang ang maipapayo ko: kalimutan ang iyong sarili at gumawa ka.’ Noong umagang iyon sa aming pag-aaral ng banal na kasulatan ng kompanyon ko nabasa namin ang mga salitang ito ng Panginoon: ‘Sinomang mag-ibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon.’ (Marcos 8:35.)

“Ang mga salitang iyon ng Panginoon, na sinundan ng sulat ng aking ama na nagpapayo na kalimutan ko ang sarili ko at gumawa, ay tumimo sa aking kaluluwa. Hawak ang sulat ng aking ama, pumasok ako sa aming silid sa bahay na nasa 15 Wadham Road, kung saan kami nakatira, at lumuhod ako at nangako sa Panginoon. Nakipagtipan ako na sisikapin kong kalimutan ang aking sarili at magtutuon ako sa paglilingkod sa Kanya.

“Ang araw na iyon noong Hulyo 1933 ay ang araw na nagdesisyon ako. Isang bagong liwanag ang dumating sa aking buhay at bagong kagalakan sa aking puso. Ang hamog ng England ay tila nahawi, at nakita ko ang sikat ng araw. Nagkaroon ako ng makabuluhan at magandang karanasan sa mission, na ipagpapasalamat ko magpakailanman” (“Taking the Gospel to Britain: A Declaration of Vision, Faith, Courage, and Truth,” Ensign, Hulyo 1987, 7).

Nagtagumpay si Pangulong Hinckley na mapaglabanan ang panghihina ng kanyang loob nang pagtibayin niyang muli ang kanyang desisyong paglingkuran ang Panginoon. Sinabi niya kalaunan: “Ang pinakamabisang solusyon na alam ko sa pag-aalala ay paggawa. Ang pinaka-epektibong gamot sa kawalan ng pag-asa ay paglilingkod. Ang pinakamabisang lunas sa pagkapagod ay ang hamon na tulungan ang isang taong mas pagod” (“Words of the Prophet: Put Your Shoulder to the Wheel,” New Era, Hulyo 2000, 7).

Paggamit ng Buklet na Ito

Ang gawaing misyonero ay kapwa masaya at mahirap. Ang buklet na ito ay tutulong sa iyo na mas maunawaan ang stress at kung paano ito nakakaapekto sa iyo, ngunit hindi ito dapat basahin nang minsanan lang. Gamit ang mga instruksyon na nakatala sa pahina 1, ikaw ay itutuon sa mga mungkahi sa mga paksang pipiliin mo. Ang mga ideyang ito ay makatutulong din habang pinaglilingkuran mo ang iyong kompanyon at iba pang mga missionary.

Print