Mga Calling sa Mission
Resources para Matugunan ang mga Pangangailangang Panlipunan


Resources para Matugunan ang mga Pangangailangang Panlipunan

Ang mga ugnayan ay maaaring kapwa pagmulan ng stress at tulong para makayanan ang stress. Kapag sobra tayong na-stress, maaaring maapektuhan ang pagsasamahan. Isipin ang mga mungkahing ito para sa pagkakaroon ng mabuting samahan. Sumangguni rin sa bahaging “Pangkalahatang mga Tuntunin para Makayanan ang Stress” sa mga pahina 17–22 para sa karagdagang mga ideya.

Two sister missionaries talking to a woman on the street.

A

Makipag-usap sa mga Estranghero

  • Tukuyin at gamitin ang iyong mga kakayahan. May mga taong sumisigla sa pakikipag-usap sa iba; ang iba naman ay itinuturing itong nakakapagod. Ang dalawang klaseng ito ng tao ay maaaring maging epektibong mga missionary. Kung ikaw ang taong napapagod sa pakikipag-usap sa mga estranghero, huwag sumuko. May iba ka pang mga kakayahang makatutulong sa gawaing misyonero, gaya ng pagiging mabuting kaibigan sa mga taong kakilala mo, pagkakaroon ng malikhaing mga ideya, pagiging maunawain sa mga tao, o mahusay sa pagpaplano. Maaaring isipin mo na hindi ka gusto ng iba, bagama’t talagang gusto ka nila. Maghangad ng inspirasyon at makinig sa Espiritu para matulungan ka na gamitin ang iyong mga kakayahan sa Kanyang gawain at magkaroon pa ng mga katangian ni Cristo na maaari mong taglayin bilang missionary. Kinakatawan mo si Jesucristo, hindi ang iyong sarili.

  • Matutong magtanong ng mga bagay na puno ng inspirasyon. Pag-aralan at gamitin ang mga tanong na maghihikayat sa mga tao na magsalita. Tanungin ang mga tao tungkol sa kanilang trabaho, hilig, pamilya, o personal na kasaysayan. Tanungin kung ano ang pinakamahalaga sa kanila, kung ano ang nais nila o inaalala nila. Makinig para sa mga pagkakataon na mapatotohanan ang isang alituntunin ng ebanghelyo na may kaugnayan sa kanila. Ipakitang tapat ka. Maging handa ring sagutin ang mga tanong tungkol sa iyo, na nananatiling nakatuon sa kanilang mga pangangailangan at iyong mensahe. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 208–10.)

  • Maghanap ng mga simpleng paraan para makuha ang atensyon ng iba. Subukang ngumiti lang, tumingin sa mata, kumaway, magsabi ng hello, purihin sila, mag-alok ng tulong, o magtanong na nagsisimula sa sino, ano, kailan, saan, bakit, o paano.

  • Pag-aralan kung paano tatapusin ang pag-uusap. Kapag natalakay mo na ang sa akala mo ay naaangkop at nakahingi na ng mga referral, sabihing, “Natutuwa ako na nakilala ka namin (o nakausap ka namin). Kami ay ______ (aalis na, babalik na sa ginagawa namin, sasakay na ng bus, maghahanap pa kay Brother Smith bago siya makaalis). Magkita na lang tayong muli!”

  • Mithiing magkaroon ng bagong kakilala sa bawat miting na pupuntahan mo. Gamitin ang pangalan ng tao sa simula at kapag natapos na ang pag-uusap ninyo. Isulat ang pangalan para maalala mo siya.

  • Gawin ito sa mga district meeting. Ito ang magandang lugar para magamit ang mga kasanayan sa pakikisalamuha gaya ng pakikinig at pagtatanong.

  • Humingi ng feedback. Hindi lahat ay mahusay “bumasa” sa nadarama o iniisip ng ibang tao. Magpatulong sa iyong kompanyon kapag nasabihan ka na hindi ka marunong makahalata kung hindi na komportable o hindi interesado ang ibang tao.

  • Hayaang makitang may kumpiyansa ka sa iyong sarili, kahit hindi mo ito nararamdaman. Ang payo na ibinigay kay Pangulong Hinckley ng kanyang ama ay magagamit mo rin: “Kalimutan ang iyong sarili at gumawa ka” (Ensign, Hulyo 1987, 7). Magagawa natin ito sa hindi pagpansin sa ating takot tungkol sa nagawa natin at muling pagtuunan ang ating tungkuling maglingkod sa kapwa at ipangaral ang ebanghelyo.

  • Magpokus sa pagtulong at paglilingkod sa kapwa. Kapag ibinaling mo ang iyong pansin sa mga pangangailangan ng iba, hindi mo na gaanong maiisip ang iyong sariling mga pangangailangan o kakulangan (tingnan sa Mosias 2:17).

B

Pagnanais na Mapag-isa

  • Magkaroon ng privacy paminsan-minsan sa pamamagitan ng pagsusulat, pagdarasal, pagbabasa, o pagpaplano. Kahit na kailangan mong manatali sa tabi ng iyong kompanyon sa lahat ng oras, maaari kang pumikit sandali at mag-relax.

  • Hilingin na bigyan ka ng kaunting sandali ng katahimikan para makapag-isip. Tiyakin sa iyong kompanyon na hindi ka malungkot. Magpatuloy sa pagpapatibay ng inyong samahan at makipag-usap nang mahinahon.

  • Hatiin ang oras sa maghapon. Huwag mag-ukol ng napakahabang oras sa paggawa ng isang aktibiti. Iba-ibahin ang ginagawa mo. Samahan ang mga ipinlanong aktibiti ng ilang sandali ng katahimikan at pasasalamat, at pagkatapos ay bumalik sa gawain.

C

Bukas na Pakikipag-usap sa Kompanyon

  • Makinig muna. Kapag kasama mo sa isang tirahan ang isang tao nang 24/7, may mapapansin kang ilang bagay na kaiinisan mo. Nagmula kayo sa magkaibang pamilya at pinagmulan at magkaiba ang inyong mga inaasahan at “mga patakaran” sa kung ano ang tama o normal. Ang pag-uugali ng iyong kompanyon ay maayos na para sa kanya, kahit hindi maayos para sa iyo. Sa oras ng companion inventory, alamin kung ano ang iniisip niya sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagtatanong at pakikinig na mabuti. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 210–12.)

  • Magalang na ipaliwanag ang bumabagabag sa iyo. Kung ikaw ay mapamintas o nagagalit, malamang na mangatwiran ang iyong kompanyon sa halip na makipagtulungan sa iyo. Ipaliwanag ang iyong problema at kung ano ang kailangan mo sa halip na pintasan ang nakakabahalang ugali ng iyong kompanyon. Halimbawa, “Talagang ayaw kong nakakalat ang mga hugasan, pero ayaw ko ring gawin ito nang mag-isa. Iniisip ko kung maaari tayong magtulungan sa gawaing ito.” O, “Nag-aalala ako na galit ka sa akin kapag napakatahimik mo. Puwede bang sabihin mo sa akin ang iniisip mo?”

  • Maging tuwiran sa pagsasalita pero sa mabait na paraan. Iwasan ang negatibong pananalita o panghuhusga. Huwag magmalabis sa iyong pinaninindigan sa pamamagitan ng pagbanggit sa maraming pagkakamali ng iyong kompanyon. Panatilihing mababa ang boses nang hindi nagagalit o kinaaawaan ang sarili (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:29–32).

  • Huwag maghinanakit. Tanggapin ang mga payo, kahit pagalit itong ibinigay, nang maluwag sa kalooban at masaya hangga’t maaari.

  • Purihin nang madalas ang iyong kompanyon. Magpasalamat sa kanya para sa mga bagay na pinasasalamatan mo.

  • Humingi ng mungkahi sa iyong kompanyon kung paano ka huhusay pa. Magpatulong din sa Panginoon na makita mo ang iyong mga kahinaan (tingnan sa Eter 12:27).

  • Sikaping makagawa ng kabutihan sa iyong kompanyon sa araw-araw. Maghanda ng pananghalian, makinig, pakintabin ang mga sapatos, ayusin ang kanyang kama, ngumiti, magsampay ng mga tuwalya, maghugas ng mga kinainan, magsulat ng thank-you note sa kanyang mga magulang, ipagplantsa siya ng kamiseta, purihin siya.

D

Mahalin ang mga Tao

  • Pag-aralan ang kultura, kasaysayan, at pamumuhay ng mga taong iyong pinaglilingkuran. Maglista ng mga bagay na gusto mo at pinasasalamatan.

  • Manalangin na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao. Gawin ito “nang buong lakas ng puso” (Moroni 7:48). Hilingin na magkaroon ng kakayahan na makita ang nakikita ng Diyos sa kanila.

  • Maglingkod sa mga miyembro ng Simbahan, mga investigator, at sa iba pa. Magtanong tungkol sa kanilang buhay, paniniwala, at karanasan hanggang sa maunawaan mo ang pag-uugali nila.

  • Ipanalangin ang mga tao. Isama sa iyong mga panalangin ang mga taong tumanggi sa iyo at nakasakit sa iyo (tingnan sa 3 Nephi 12:44).

E

Pakikibagay sa mga Mission Leader

  • Maging mapagpakumbaba (tingnan sa D at T 112:10). Sa pagpapakumbaba nagmumula ang lahat ng kabutihan. Humingi ng payo sa iyong mga lider kung paano ka huhusay pa. Maging handang tanggapin ang payo, at ipaalam sa kanila na makaaasa sila sa iyo. Pasalamatan ang iyong mga lider sa kanilang paglilingkod, kapwa sa salita at sa sulat. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 138.)

  • Hilingin sa lider o trainer na tulungan at pagtiyagaan ka nila. May ilang missionary na hindi nagtitiwala sa mga lider o nahihirapang tumanggap ng payo dahil sanay sila na sila ang nasusunod. Ang iba ay nakikipagkumpetensya sa mga lider na kaedad o kabarkada nila. Ipaalam sa mga lider kung may ganito kang problema. Manalangin na maging mapagpakumbaba ka para maging mabuting tagasunod.

  • Ipanalangin ang iyong mga lider. Ipanalangin lalo na ang sinumang kinaiinisan mo.

  • Unawain na tao ang mga lider. Kung iniisip natin na ang mga lider ay dapat mas mabuti kaysa ibang tao, manlulumo tayo at magiging mapamintas kapag sila ay nagkamali, hindi nagpasensya, hindi naging makatwiran, o nagkamali sa pag-unawa sa atin. Asahan ang mga pagkakamali, at tingnan ang mabubuting katangian (tingnan sa Mormon 9:31).

  • Matuto mula sa mga kakayahan at pagkakamali ng iyong mga lider. Ilista ang mga katangiang gusto mong tularan o iwasan kapag ikaw na ang namuno.

F

Pagkontrol sa Seksuwal at Romantikong Damdamin

  • Matutong magpigil sa sarili. Ang kaisipan at damdaming seksuwal at romantiko ay normal at bigay ng Diyos. Kapag pinanatili natin ang ating ugnayan at kilos sa hangganang itinakda ng Panginoon para sa atin bilang mga missionary, tayo ay lalakas at tatanggap ng maraming pagpapala. Maganyak na gawin ito sa pamamagitan ng mapanalanging pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 121:45; I Mga Taga Corinto 9:24–27; Mosias 3:19; at Alma 38:12. Tingnan ang mga salitang “virtue,” “self-mastery,” at “temperance” sa Topical Guide. Ilista ang mga pagpapala at kabutihan na darating sa iyo ngayon at sa hinaharap kapag tinaglay mo ang mga katangiang ito.

  • Baguhin ang iniisip. Sa halip na isipin ang mga kaisipan at damdaming seksuwal at romantiko, maging abala; huwag mabahala at makibahagi sa ibang bagay. Kumanta ng mga himno. Magsaulo ng mga talata sa banal na kasulatan at banggitin ang mga ito. Magpokus sa mga bagay na ipinagpapasalamat mo. Isaisip ang mga plano para sa araw na ito. Mag-ehersisyo. Pagtuunang muli ang iyong gawain. Maging masaya at maging malikhain.

  • Umiwas sa tukso. Umiwas sa mga lugar, sitwasyon, usapan, o mga tao na maglalapit sa iyo sa tukso. Kung napalapit ka sa mahahalay na larawan o ideya, huwag itong pansinin. Ituon ang takbo ng iyong pag-iisip sa ibang bagay, at umalis kaagad sa sitwasyong iyan. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 135–36.)

  • Magpatuloy nang may pag-asa at pananampalataya. Kung nahihirapan kang kontrolin ang damdaming seksuwal, nais ng Panginoon na malaman mo na mahal ka pa rin Niya. Huwag talikuran ang iyong pakikipag-ugnayan sa Diyos dahil pakiramdam mo ay hindi ka karapat-dapat. Bagama’t maaaring mahirapan ka na kontrolin ang damdaming ito, hindi ka Niya tatalikuran. Higit kaninuman, nauunawaan Niya ang pinagdaraanan mo at pinahahalagahan ang iyong pagsisikap na madaig ang tukso, matuto mula sa mga pagkakamali, at magsisi. Hingin ang payo ng iyong mission president, at patuloy na sikaping madaig ang mga hamong ito. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 133–34.)

  • Huwag masyadong magpagutom, malungkot, mapagod, mabagot, o ma-stress. Lahat ng bagay na ito ay lalong nagpapahirap sa pagdaig mo sa tukso. Magmiryenda, magpahinga sandali sa aktibiti o baguhin ang iyong aktibiti, magkaroon ng masayang pakikipag-usap, o gawin ang relaxation exercises (tingnan sa pahina 19).

  • Panatilihing ligtas ang iyong sarili. Alalahanin na palaging manatili sa tabi ng iyong kompanyon at huwag kailanman maiwang mag-isa kasama ang miyembro ng opposite sex. Kung nadarama mong naaakit ka sa iba, kontakin ang mission president at hingin ang kanyang payo. Kung nararamdaman mong may taong nagkakagusto sa iyo, magpatulong sa iyong kompanyon. Tawagan ang mission president para ipaalam sa kanya ang nahahalata mo.

  • Mag-ayuno at manalangin para makaunawa at mapalakas. Kapag nag-aayuno tayo, binabale-wala natin ang normal na pagkagutom sa pagkain para lumakas sa espirituwal at magkaroon ng mga katangian na gaya ng pagkontrol sa sarili, pakikiramay sa mga nagugutom, at pagiging sensitibo sa Espiritu. Ang gayon ding mga katangian ay maaaring makatulong sa atin na hindi pansinin bilang missionary ang normal na mga damdaming seksuwal at romantiko. Ang pag-aayuno ay hindi mag-aalis sa damdaming seksuwal, pero ang buwanang pag-aayuno ay maaaring makatulong sa atin para magkaroon ng lakas, kamalayan sa sarili, at mahikayat na kontrolin sa angkop na paraan ang damdaming ito. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 104–07.)