Pagpapakamatay
Paano Mapipigilan ang Pagpapakamatay at Pagbangon Matapos Mawalan ng Isang Mahal sa Buhay


“Paano Mapipigilan ang Pagpapakamatay at Pagbangon Matapos Mawalan ng Isang Mahal sa Buhay,” Doktrina at mga Alituntunin (2018).

“Paano Mapipigilan ang Pagpapakamatay at Pagbangon Matapos Mawalan ng Isang Mahal sa Buhay,” Doktrina at mga Alituntunin.

Paano Mapipigilan ang Pagpapakamatay at Pagbangon Matapos Mawalan ng Isang Mahal sa Buhay

Agosto 9, 2018

Ang tumataas na bilang ng mga nagpapakamatay sa maraming lugar sa mundo ay isang nakababahalang isyu. Ang layunin ng dokumentong ito ay tulungan ang mga magulang, pamilya, lider ng Simbahan, at miyembro ng Simbahan sa hangarin nilang mag-minister sa mga taong naapektuhan ng pagpapakamatay.

Maaaring gamitin ng mga miyembro ang resource na ito para matutuhan ang doktrina ng Simbahan tungkol sa pagpapakamatay, ang mga palatandaan ng pagpapakamatay, kung paano tutulong sa isang taong may mabigat na pinagdaraanan, at kung paano babangon matapos mawalan ng isang mahal sa buhay dahil sa pagpapakamatay. Maaaring gamitin ng mga lider ang resource na ito sa pamumuno sa mga makabuluhang talakayan kasama ang mga miyembro sa stake at ward council at sa iba pang pagkakataon. Ang layunin ng mga talakayang ito ay tulungan ang mga lider at miyembro na mag-minister nang mas epektibo sa mga taong naapektuhan ng pagpapakamatay.

Kung ang pagkakaroon ng talakayan tungkol sa pagpapakamatay ay makatutulong sa pagpigil sa pagpapakamatay at pag-minister sa mga taong naaapektuhan ng paksang ito, ang gayong talakayan ay dapat pamunuan ng dalawang taong nasa hustong gulang. Maaaring anyayahan ng mga lider na makilahok sa talakayan ang isang propesyonal mula sa komunidad na nakauunawa at gumagalang sa doktrina ng Simbahan tungkol sa pagpapakamatay. Ang mga talakayan na kasama ang mga batang wala pang 12 taong gulang ay dapat lamang mangyari pagkatapos mapayuhan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

Pagkatapos rebyuhin ng mga stake at ward council ang dokumentong ito, dapat nilang talakayin ang mga angkop na paraan para masuportahan ang mga pagsisikap ng komunidad at maipaalam sa mga miyembro ang tungkol sa makukuhang resources.

Doktrina at mga Alituntunin

Inanyayahan tayo ng Panginoon na pakitunguhan ang lahat ng tao nang may pag-unawa at habag nang itinuro Niya na, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39). Ang ating mga pagsisikap na mag-minister sa mga naapektuhan ng pagpapakamatay ay magiging mas epektibo kung nauunawaan natin nang lubos ang doktrina at mga turo, tulad ng sumusunod:

  • Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, naranasan ni Jesucristo ang kabuuan ng mga hamon sa buhay sa lupa para malaman Niya “kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (tingnan sa Alma 7:11–13). Itinuro ni Pangulong James E. Faust: “Dahil napagdusahan na ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay na maaari nating maramdaman o maranasan, matutulungan Niya ang mahihina na maging mas malakas” (“The Atonement: Our Greatest Hope,” Ensign, Nob. 2001, 20).

  • Ang buhay sa lupa ay isang mahalagang kaloob mula sa Diyos—isang kaloob na dapat pahalagahan at protektahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10; M. Russell Ballard, “Suicide: Some Things We Know, and Some We Do Not,” Ensign, Okt. 1987, 6–9).

  • Kapag kinitil ng isang tao ang kanyang sariling buhay, ang Diyos lamang ang may kakayahang husgahan ang kanyang mga kaisipan, mga gawa, at antas ng pananagutan. Ang walang-hanggang buhay ng isang indibiduwal ay hindi dapat husgahan batay lamang sa kanyang pagpapakamatay (tingnan sa 1 Samuel 16:7; Doktrina at mga Tipan 137:9; Dale G. Renlund, “Grieving after a Suicide [Pagdadalamhati Matapos Magpakamatay ang Isang Mahal sa Buhay],” [video, suicide.ChurchofJesusChrist.org]).

Mga Palatandaan ng Pagpapakamatay

Hindi naman nais mamatay ng karamihan sa mga taong nagtatangkang magpakamatay; nais lamang nila ng ginhawa mula sa pisikal, mental, emosyonal, o espirituwal na sakit na nararanasan nila. Maraming tao na may mabigat na pinagdaraanan ang nagpapakita ng mga palatandaan bago sila magtangkang magpakamatay. Kapag matututuhan mong tukuyin ang mga palatandaan, mas magiging handa ka na mag-minister sa mga taong nangangailangan ng tulong. Pansinin ang mga pahayag tulad ng “Wala akong pakialam kung mamatay ako” o “Mas makabubuti sa lahat kung wala ako.” Kabilang sa mga palatandaan ang mga sumusunod na gawi:

  • Paghahanap ng paraan para patayin ang kanyang sarili

  • Pagsasabi na wala na siyang pag-asa o wala na siyang dahilan para mabuhay

  • Pagsasabi na parang nakakulong siya o nakararanas siya ng napakatinding sakit

  • Pagsasabi na pabigat siya sa ibang tao

  • Pagtindi ng kanyang paggamit ng alak o droga

  • Pamimigay ng mga personal na gamit nang walang dahilan

  • Pagiging balisa o aligaga o padalus-dalos

  • Paglayo o paghihiwalay ng kanyang sarili sa iba

  • Pagpapakita ng matinding galit o paghahangad na maghiganti

  • Pagpapakita ng matitindi at pabagu-bagong mga emosyon (tingnan sa National Suicide Prevention Lifeline)

Ang isang palatandaan lamang ay hindi kaagad nangangahulugan na gusto ng tao na magpakamatay. Ngunit kung ang indibiduwal ay nagtangka nang magpakamatay dati o kung mayroon kang mapansin na biglaang pagbabago sa kanya o nagsimula kang makakita ng iba’t ibang palatandaan, kumilos kaagad. Mayroong mga libreng crisis helpline at karagdagang impormasyon sa suicide.ChurchofJesusChrist.org. (Tingnan ang “Paano Tutulungan ang Isang Taong May Mabigat na Pinagdaraanan” sa gabay na ito para sa mga karagdagang detalye.)

Sa kabila ng ating matitinding pagsisikap, hindi lahat ng pagpapakamatay ay mapipigilan. Ang ilang pagpapakamatay ay nangyayari nang walang anumang malinaw na palatandaan. Hindi ka responsable sa pagpili ng isang tao na tapusin ang kanyang buhay.

Mga Karagdagang Resource

Paano Tutulungan ang Isang Taong May Mabigat na Pinagdaraanan

Palaging seryosohin ang mga palatandaan ng pagpapakamatay at ang anumang banta na pagtatangkang magpakamatay, kahit na sa palagay mo ay hindi seryosong iniisip ng indibiduwal na iyon na magpakamatay o gusto lamang niyang mapagtuunan ng pansin. Sundin ang tatlong hakbang na ito para makapagbigay ng suporta—Magtanong, Magmalasakit, Magsabi.

Unang Hakbang: Magtanong. Diretsahang tanungin ang taong iyon kung iniisip niyang magpakamatay. Maaari mong itanong, “Iniisip mo bang kitilin ang iyong buhay?” Kung sasabihin niya na iniisip niyang magpakamatay, tanungin siya kung mayroon siyang plano. Maaari mong itanong, “Mayroon ka bang plano na saktan ang iyong sarili?” Kung mayroon siyang plano, tulungan siyang makapunta kaagad sa isang ospital o pagamutan, o tumawag sa isang emergency service provider o crisis helpline sa inyong lugar. (Tingnan ang suicide.ChurchofJesusChrist.org/crisis para sa mga link sa mga helpline sa buong mundo.) Kung wala siyang plano, tumuloy sa ikalawang hakbang.

Ikalawang Hakbang: Magmalasakit Ipakita na nagmamalasakit ka sa pamamagitan ng pakikinig sa sinasabi niya. Bigyan siya ng oras para maipaliwanag kung ano ang nadarama niya. Igalang ang nararamdaman niya sa pamamagitan ng pagsasabi ng, “Nalulungkot ako na labis kang nasasaktan” o “Hindi ko naisip kung gaano kahirap ang mga bagay-bagay para sa iyo.” Maaari kang mag-alok na tulungan siyang gumawa ng isang plano para makaiwas sa mapanganib na situwasyon para mapigilan ang pagpapakamatay (tingnan sa “Paano Gumawa ng Plano para Mapigilan ang Pagpapakamatay,” Doug Thomas, Liahona, Set. 2016, 33). Ang isang plano para makaiwas sa mapanganib na mga situwasyon ay makatutulong sa mga tao na matukoy ang kanilang mga personal na kalakasan, mga positibong relasyon, at magagandang kasanayan sa pagharap sa mga problema. Makababawas din ito sa posibilidad na makakuha sila ng mga bagay na ginagamit sa pananakit sa sarili, tulad ng mga armas o pills. Kung hihilingin niya sa iyo na huwag mong sabihin kaninuman kung ano ang nararamdaman niya, ipaliwanag na igagalang mo ang kanyang pribadong buhay hangga’t maaari ngunit kailangan niya ng higit pang tulong kaysa sa maibibigay mo. Huwag kailanman mangakong ililihim na iniisip niyang magpakamatay.

Ikatlong Hakbang: Magsabi. Hikayatin ang taong iyon na magsabi sa isang taong makapagbibigay ng karagdagang suporta. Ibahagi ang contact information ng makatutulong na resources sa inyong lugar. Maaaring kabilang sa resources ang mga ospital ng pamayanan, mga pagamutan para sa agarang lunas, o mga libreng crisis helpline. Kung ayaw niyang humingi ng tulong, kailangan mo itong ipagbigay-alam sa kinauukulan para sa kanya. Maaari kang magsabi ng isang pahayag tulad ng, “Nagmamalasakit ako sa iyo at nais kong maging ligtas ka. Magsasabi ako sa isang taong makapagbibigay sa iyo ng tulong na kailangan mo.” Igalang ang kanyang pribadong buhay sa pamamagitan ng pagsasabi lamang sa isang tao na sa palagay mo ay makatutulong, tulad ng isang malapit na kapamilya, bishop ng taong iyon, isang counselor sa paaralan, isang doktor, o iba pang propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan. Kung hindi ka sigurado kung kanino magsasabi, kausapin ang iyong bishop o tumawag sa isang libreng crisis helpline sa inyong lugar. Tandaan, hindi inaasahang suportahan mo nang mag-isa ang taong iyon.

Paalala: Kung namumuno ka sa isang talakayan, maaari mong hilingin sa mga kalahok na gawin ang mga hakbang na ito. Maglarawan sa kanila ng isang sitwasyon kung saan mayroong lumapit sa kanila at nagpahayag na iniisip nitong magpakamatay, at hilingin sa kanilang magsanay kung paano sila tutugon.

Karagdagang Resources

Paano Babangon Matapos Magpakamatay ang Isang Mahal sa Buhay

Sa kabila ng ating matitinding pagsisikap, hindi lahat ng pagpapakamatay ay mapipigilan. Matapos ang pagpapakamatay, normal para sa mga naiwan na hindi matanggap ang nangyari, mabigla, makonsensya, magalit, at malito. Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, “Ang pagkitil sa sariling buhay ay talagang isang trahedya dahil ito ay nag-iiwan ng napakaraming biktima: una ay ang taong namatay, pagkatapos ay ang maraming iba pa—mga kapamilya at kaibigan—na naiwan, na ang ilan ay dumaranas ng ilang taon na puno ng matinding sakit at pagkalito” (“Suicide: Some Things We Know, and Some We Do Not,” Ensign, Okt. 1987, 7). Para sa mga indibiduwal na ito, ang paggaling ay dumarating sa pamamagitan ng Tagapagligtas, na “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” para malaman Niya “ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Doktrina at mga Tipan 88:6; Alma 7:12). Maaari ring makatulong ang propesyonal na resources at pagpapayo.

Maaaring naisin ng mga stake at ward council na talakayin kung paano nila masusuportahan ang isang indibiduwal o pamilya matapos ang pagpapakamatay. Maaaring kabilang sa mga tanong na tatalakayin ang sumusunod:

  • Paano makapagdudulot ng paghilom sa indibiduwal o pamilyang iyon ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  • Ano ang mga pangangailangan ng tao o pamilyang iyon na napansin ng mga ministering brother at sister? Ano na ang tulong na naibigay nila?

  • Ano ang emosyonal o espirituwal na suporta na patuloy na kakailanganin ng tao o ng pamilyang iyon? Sino ang makapagbibigay ng suportang ito?

  • Mayroon bang mga temporal na pangangailangan ang tao o pamilyang iyon, tulad ng transportasyon o pagkain?

  • Paano masusuportahan ng mga lider ng auxiliary sa ward ang mga bata at kabataan na nawalan ng mahal sa buhay?

Ang proseso ng pagdadalamhati matapos ang pagpapakamatay ay maaaring magtagal nang mahabang panahon. Kung ang isang tao ay patuloy na nakararamdam ng matinding sakit o pighati, sumangguni sa iba pang nagmamalasakit sa taong iyon. Mapanalanging pag-isipan kung paano ka pinakamainam na makapagbibigay ng suporta. Maaari mong tulungan ang taong iyon na makahingi ng basbas ng priesthood o makipag-ugnayan sa resources sa inyong lugar. Maaaring makatulong ang mga support group para sa mga nagdadalamhati, mga doktor, o iba pang propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan.

Paalala: Kung namumuno ka sa isang talakayan, huwag pag-usapan ang tungkol sa kung paano kinitil ng isang tao ang kanyang buhay. Hindi man sinasadya, maaari itong makahikayat sa isang tao sa grupo na gawin din ang bagay na inilarawan. Kung mayroong isang tao sa grupo na nagsimulang magbahagi ng mga detalye tungkol dito, ibaling ang pag-uusap sa ibang bagay sa magalang na paraan.

Karagdagang Resources

Iba Pang Resources

Mga Payo mula sa mga Lider ng Simbahan

Mga Personal na Karanasan mula sa mga Miyembro

Iba Pang Resources ng Simbahan

Tingnan ang suicide.ChurchofJesusChrist.org para sa karagdagang resources.