Paano Gumagaling ang mga Naiwan
Kapag pinili ng isang tao na tapusin ang kanilang paghihirap sa pamamagitan ng pagpapakamatay, isang kumplikado at talagang masakit na proseso ng pagdadalamhati ang nagsisimula para sa mga mahal sa buhay na naiwan (karaniwang tinutukoy bilang mga survivor). Ang damdamin ng pagkalito, pagkabagabag, pagtalikod, pagtanggi, at galit ay tumitindi. Ang di masagot na mga tanong na Bakit? Ano ang hindi ko napansin? Bakit hindi ako nakatanggap ng pahiwatig? Paano ito makakaapekto sa walang-hanggang mga gantimpala? atbp., ay maaaring maging sanhi ng matinding kaguluhan gayundin ng kaisipan na marahil kahit paano ay responsable sila sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
May tendensya ang mga naiwan na lumayo sa iba sa kahihiyan dahil sa takot na masisi, mahatulan, at madungisan ang dangal. Maaari ring makadama ng trauma ang mga naiwan, lalo na sa taong nakadiskubre sa katawan ng yumao. Ang mga naiwan ay maaaring makaisip din na magpakamatay dahil sa kanilang kalungkutan.
Sa kabila ng ganitong matinding sakit at dalamhati, ang ating Tagapagligtas ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (tingnan sa D at T 88:6; 122:8) “upang kanyang malaman ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12) upang “tayo’y … mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan” (Sa Mga Hebreo 4:16).
Sa mga taong nagdadalamhati:
-
Huwag sisihin ang iba, lalo na ang iyong sarili.
-
Pangalagaan ang iyong sarili sa espirituwal: Magtiwala sa kaloob na kalayaang pumili, aminin na hindi mo alam ang lahat ng bagay (tingnan sa 1 Nephi 9:6), at magtiwala sa kapangyarihan ng Panginoon na magpagaling at magbigay ng kapayapaan (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:7).
-
Pangalagaan ang iyong sarili sa pisikal: Kumain lagi ng tamang pagkain, magpahinga, at mag-ehersisyo.
-
Humingi ng suporta mula sa mga pinagtitiwalaan mo (pamilya, mga kaibigan, bishop), at hayaan ang iba na tulungan ka na malampasan ang krisis na ito.
-
Makilahok sa nakapagpapalusog na mga aktibidad na makapapawi sa kaguluhan ng isip.
-
Makipag-usap sa isang professional counselor at/o dumalo sa isang suicide support group.
-
Maging matiyaga sa iyong paggaling.
Sa mga nangangalaga sa isang taong nagdadalamhati:
-
Maging mahabagin at huwag sisihin o hatulan ang tao. Unawain kung paano “[iniaangkop ng] Panginoon … ang kanyang awa” (D at T 46:15).
-
Tumulong at tanungin ang mga naiwan kung paano ka makakatulong kahit sa mga simpleng gawain, o samahan sila sa mga aktibidad.
-
Maging matiyaga, pakinggan, at tanggapin ang damdamin na ibinabahagi ng mga taong ito ayon sa kahandaan nila.
-
Iwasang magbigay ng walang kabuluhang kataga at maling pagtitiyak tulad ng “Magiging OK ang lahat,” “Baka mas masahol pa ang nangyari,” “Alam ko kung ano ang nararamdaman mo,” “Naiintindihan ko,” “Kalooban ito ng Diyos,” “Kayang paghilumin ng panahon ang lahat ng sugat,” at marami pang iba.
-
Huwag mong subukang sagutin ang kanilang mga tanong na hindi masagot.
-
Huwag mong ikumpara ang pagdadalamhati nila sa iyong nararanasan kahit na may kaugnayan ito sa pagpapakamatay.
-
Kausapin sila tungkol sa kanilang mahal sa buhay sa paraang tulad ng pagkamatay ng isang tao sa ibang paraan.
-
Tiyakin sa mga apektadong anak na wala silang pananagutan.
-
Mag-alok na tulungan silang makahanap ng karagdagang resources sa kanilang pamimighati (counseling, mga support group, atbp.).