Mga Banal na Kasulatan: Sampung Minuto sa Isang Araw
Hiniling namin sa limang kabataan na subukan ang imbitasyon ni Elder Stevenson na palitan ang 10 minutong araw-araw na pagtutok sa screen (ng TV, computer, o cellphone) ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon.
Nagawa na ba ninyong magtakda ng mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na gaya nito? “Mula sa araw na ito, gagawin kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa loob ng isang oras bawat araw—at gagawin ko ito nang walang palya.”
Kung nagtakda kayo ng ganitong mithiin, kumusta naman? Malamang, hindi mabuti. Malaking hamon talaga ang magsikap na simulan ang isang bagong gawi, lalo pa’t madalas na hindi makatotohanan ang mga mithiing itinakda (gaya ng makikita sa itaas) kaya mabilis tayong magsawa rito o panghinaan dahil dito.
Upang makagawian ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mas makabubuting magsimula sa maliit o kaunti. Nagbigay si Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ng isang napakagandang mungkahi: “Maraming kabataan ang nag-uukol ng halos pitong oras kada araw na nakatutok sa TV, computer, at smartphone screen. … Maaari bang palitan ninyo ang ilang oras ng araw-araw na pagtingin sa screen—lalo na iyong nakalaan sa social media, internet, video game, o telebisyon—ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon? … Kahit 10 minuto lang sa isang araw.”1
Hinilingan namin ang limang kabataan na tanggapin ang imbitasyon ni Elder Stevenson. Sinubaybayan nila ang kanilang oras sa araw-araw na panonood, at pagkatapos ay pinalitan nila ang 10 minuto nito ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Tingnan ang nangyari—marahil mahihikayat nila kayong subukan ito sa inyong sarili!
“Matapos kong itala ang oras na ginugol ko sa social media para sa unang linggo, bahagya akong nagulat sa dami ng oras na ginugol ko sa aking telepono. Talagang magandang ideya para sa akin na gamitin ang ilan sa mga oras na iyon para sa Aklat ni Mormon, lalo pa’t ang masigasig na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay hindi isa sa mga lakas ko.
“Ang hindi ko inaasahan, isa sa mga unang araw ng pagbabasa ko ng aking mga banal na kasulatan sa umaga ay isang teribleng araw. Gayunman, alam kong bubuti ang buhay ko sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, kaya nagpatuloy ako sa pagbabasa.
“Sa aking palagay, ang pinakamalaking nagawa ng araw-araw na pagbabasa ay naging mas sensitibo ako sa Espiritu. Nagagawa kong magdesisyon nang mas madali. Mas minahal ko ang mga tao sa paligid ko at tumindi ang aking hangaring maglingkod. Kapag nagbabasa ako ng aking mga banal na kasulatan sa umaga, mas gumaganda ang araw ko. Kapag nagbabasa ako sa gabi, nakakatulog ako nang mahimbing. Lubos kong iminumungkahi sa lahat na subukan ito. Napakalaki ng kaibhang nagagawa nito!”
Bryn C., edad 18, Utah, USA
“Nang sinubaybayan ko ang paggamit ko ng telepono, natanto ko na mas madalas akong nasa telepono kapag araw ng Linggo. Nakalulungkot isipin iyon dahil iyon ang araw na dapat sana’y nagsisikap akong mapalapit sa aking Tagapagligtas—pero sa halip ay nakatitig ako sa aking screen.
“Nang simulan kong basahin ang aking mga banal na kasulatan, 10 minuto akong nagbabasa tuwing gabi bago ako matulog, na para sa akin ay halos isang kabanata lamang sa isang gabi. Nang gawin ko ito, napansin ko na mas madali akong nakakatulog. Nakita ko rin ang sarili ko na gumagawa ng mas mabubuting pagpapasiya sa buong linggo, at sa kabuuan ay naging mas maganda ang pakiramdam ko sa sarili ko.
“Nagpapasalamat ako na natanggap ko ang paanyayang ito, at plano kong ituloy ang 10 minutong pagbabasa bawat araw at magdasal tuwing gabi.”
Ryan E., edad 16, Alabama, USA
“Hindi ko talaga inakala na gumugugol ako sa social media ng maraming oras hanggang sa hinikayat akong subaybayan ang paggamit nito, at doon ko natanto kung gaano kalaking bahagi ng buhay ko ang nauubos sa social media.
“Nang sinimulan kong magtuon talaga sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, nakadama ako ng pananabik na basahin ang Aklat ni Mormon, at ninais kong matuto mula rito. Sa pagbabasa ko sa loob ng 10 minuto kada araw, mas lalo akong natatangay ng mga kuwento. Halos nangangalahati na ako nang magdesisyon ako na, bago magbasa, magdarasal ako upang makahanap ng mga sagot sa mga tanong ko, at walang palya na nakatanggap ako ng mga sagot sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
“Alam ko na kinakausap tayo ng Diyos sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. Tunay na pagpapalain nito ang ating buhay sa pamamagitan ng taimtim at mapanalanging pag-aaral. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makibahagi rito, at inaanyayahan ko ang lahat na gawin din ito. Isa itong karanasang nakapagpabago ng buhay.”
Sydney B., edad 16, Arizona, USA
“Bago ko sinubaybayan ang oras na ginugol ko, naisip ko na napakahirap huminto sa pinagkakaabalahan at magbasa ng mga banal na kasulatan—pero nang matuklasan ko kung ilang oras ang ginugugol ko sa social media, ang pagbawas ng 10 minuto mula roon ay napakadali! Makapagbabasa ako sa tanghali o kaya’y bago magsimula ang seminary.
“Matapos kong mabasa ang mga banal na kasulatan, naging mas mapagbantay ako sa mga tinitingnan ko sa social media. Kung masumpungan ko ang isang bagay na masama, hindi magandang pananalita o negatibong mensahe, napapansin ko ito at sinikap na iwasan ang mga ito nang higit pa kaysa dati. Napansin ko rin na mas naging taos sa puso ang mga dasal ko at mas nakakatanggap ako ng mga sagot sa mga ito. Isang bagay ito na inaasahan kong maipagpapatuloy nang mas matagal pa!”
Izzie J., edad 16, California, USA
“Kahit pa nakalimutan kong magbasa ng ilang beses, sa kabuuan ito ay naging matagumpay. Natanto kong bago ko sinimulan ang paanyaya ni Elder Stevenson, ang talagang pagbabasa ko ay umaabot lamang ng mga 3 minuto kada gabi, at sa dagdag na pagbabasa ko ng 10 minuto tuwing gabi, nakita ko ang pagbabago sa buhay ko. Kapag nagbabasa ako, mas nagiging sensitibo ako sa Espiritu at nadarama ko ang mga pagpapala ng espirituwal na proteksyon sa bawat araw. Tulad sa mahirap magsimulang magbasa matapos ang matagal na hindi pagbasa ng mga banal na kasulatan, nang simulan kong magbasang muli, hindi ko magawang huminto.
“Napansin ko na para sa akin, kapag bago matulog ako nagbabasa ng mga banal na kasulatan, kadalasan ay nakakatulog ako o wala akong gaanong napapala sa pagbabasa ko. Mas epektibong magbasa sa umaga o kaya’y pagkatapos ng klase.
“Nasiyahan ako sa paggawa nito at hinahamon ko ang lahat na subukan ito.”
Rachel A., edad 15, Colorado, USA