2017
Pisikal na Kapanatagan mula sa mga Banal na Kasulatan
Setyembre 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pisikal na Kapanatagan mula sa mga Banal na Kasulatan

scriptures and woman in hospital bed

Paglalarawan ni Allen Garns

Noong bata pa ako, ako ay nasuring may juvenile rheumatoid arthritis. Madalas akong magkasakit noon, at maraming oras ang ginugol ng aking mga magulang sa loob ng opisina ng mga doktor. Nag-aalala sila sa aking kalusugan at nadama nilang wala silang magawa para malutas ang problema. Hindi ko kailanman napahalagahan ang kanilang naging damdamin noon hanggang sa ako naman ang walang magawa habang pinagmamasdan ang aking ina na nakikipaglaban sa breast cancer.

Katapusan ng linggo noon, nagmaneho ako papunta sa bahay ni Inay sa New Jersey upang makasama siya habang sumasailalim sa magkakasunod na chemo. Gusto ko siyang makasama at pagpahingahin na rin ang aking mga kapatid mula sa araw-araw na pag-aalaga sa kanya. Kailangan ng isang taong magbabantay sa kanya sa gabi dahil sa ginagawang panggagamot sa kanya. Isang higaan ang nakalaan para sa kanya sa sala, at binalak kong matulog sa sopa. Matindi ang nararamdamang sakit ni Inay at wala akong magawa. Pakiwari ko’y wala akong silbi at bigo.

Habang sinisikap ni Inay na makatulog, may nagtulak sa aking basahin sa kanya ang mga banal na kasulatan. Gustung-gusto niya ang mga banal na kasulatan, pero hinang-hina siya para humawak o magbasa man lamang nito. Nang tanungin ko siya kung ano ang gusto niyang basahin ko, sinabi niya na kanyang kinagigiliwan ang aklat ni Alma. Matapos daanan ng aking paningin ang mga chapter heading, ginabayan akong magbasa mula sa kabanata 7.

Napuspos ng Espiritu ang silid habang binabasa ko ang mga salitang naglalarawan sa misyon ni Cristo sa mundo: “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa” (Alma 7:11–12).

Nagpatuloy ako sa pagbabasa hanggang sa payapang nakatulog si Inay. Inanyayahan ng mga banal na kasulatan ang Tagapanatag sa kanyang tahanan at tinulungan siyang makatulog. Lumakas ang aking patotoo tungkol sa kapangyarihan ng mga banal na kasulatan at kay Jesucristo, na handang tumayo bilang ating Tagapagligtas at bigyan tayo ng kapanatagan sa lahat ng ating mga paghihirap.