Mensahe sa Visiting Teaching
May Isang Puso
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at maghangad ng inspirasyong malaman kung ano ang ibabahagi. Paano ihahanda ng pagkaunawa sa layunin ng Relief Society ang mga anak na babae ng Diyos para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan?
“At tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila” (Moises 7:18). Paano tayo magkakaisa?
Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa gitna ng salitang Ingles na atonement ay ang salitang one o isa. Kung mauunawaan ito ng buong sangkatauhan, walang sinuman na hindi natin pahahalagahan, anuman ang edad, lahi, kasarian, relihiyon, o katayuan niya sa lipunan at kabuhayan. Sisikapin nating tularan ang Tagapagligtas at di kailanman magiging masama, walang malasakit, walang paggalang, o di-sensitibo sa iba.”1
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kapag sumasa mga tao [ang] Espiritu, makaaasa [sila] na magkakaroon ng pagkakasundo. … Ang Espiritu ng Diyos ay hindi nag-uudyok ng pagtatalo kailanman (tingnan sa 3 Nephi 11:29). … Nagdudulot ito ng kapanatagan sa bawat tao at ng pagnanais na makiisa sa kapwa-tao.”2
Sa pagsasalita tungkol sa mga hamon sa pamilya, si Carole M. Stephens, na naging Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, ay nagsabing: “Hindi ako nakaranas ng diborsyo, ng sakit at pagkaligalig ng isang inabandona, o ng responsibilidad ng inang mag-isang nagtataguyod ng pamilya. Hindi ko naranasang mamatayan ng anak, hindi magkaanak, o hindi pa ako naakit sa kapwa ko babae. Hindi ko naranasang maabuso o magkaroon ng paulit-ulit na sakit o adiksyon. Hindi ito ang mga pagsubok na ibinigay sa akin.
“… Ngunit dahil sa aking sariling mga pagsubok … nakilala ko nang ganap ang Taong nakauunawa. … Maliban diyan, naranasan ko ang lahat ng pagsubok na nabanggit ko sa naging karanasan ng aking anak, ina, lola, kapatid, tiya, at kaibigan.
“Ang ating oportunidad bilang pinagtipanang anak na babae ng Diyos ay hindi lang ang matuto mula sa sarili nating mga pagsubok sa buhay; ito ay upang magkaisa tayo nang may pagdamay at habag habang tinutulungan natin ang iba pang miyembro ng pamilya ng Diyos sa kanilang mga paghihirap.”3
Mga Karagdagang Banal na Kasulatan at Impormasyon
Juan 17:20–23; Mga Taga Efeso 4:15; Mosias 18:21–22; 4 Nephi 1:15