2017
Ang Landas ng Ebanghelyo Tungo sa Kaligayahan
Setyembre 2017


Ang Landas ng Ebanghelyo Tungo sa Kaligayahan

Mula sa mensahe sa isang debosyonal, “Living after the Manner of Happiness,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Setyembre 23, 2014. Para sa buong mensahe sa Ingles, magpunta sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.” Walang sinumang magkakaroon ng tunay na kaligayahan maliban sa pamamagitan Niya.

lighted path

Sa katagang tiyak kong maraming beses na ninyong narinig, minsang sinabi ni Propetang Joseph Smith (1805–44) na, “Kaligayahan ang pakay at layon ng ating pag-iral; at ito ang magiging katapusan nito, kung hahanapin natin ang landas tungo dito.”1

Ang karapat-dapat na paghahanap ng kaligayahan ang nais kong talakayin. Pansinin na sinabi kong, “paghahanap ng kaligayahan,” hindi kaligayahan mismo. Alalahanin ang piniling pananalita ni Propetang Joseph: binanggit niya na ang landas tungo sa kaligayahan ang susi sa pagkakamit ng mithiing iyon.

Hindi na bago ang paghahanap na ito. Isa ito sa mga pinakamalahagang mithiin ng sangkatauhan sa lahat ng panahon. Isa sa mga pinakamatalinong palaisip ng Kanlurang bahagi ng mundo ang minsang nagsabi na ang kaligayahan ang kahulugan at layunin ng buhay, ang buong layunin at wakas ng buhay ng tao.2

Iyan si Aristotle, ngunit pansinin kung paanong natutulad ang kanyang pahayag sa sinabi ni Propetang Joseph—halos eksakto ang mga kataga. Sa mga unang linya ng U.S. Declaration of Independence, habambuhay na naipreserba ni Thomas Jefferson kapwa ang ating personal at pulitikal na mga hangarin sa pamamagitan ng habampanahong pag-uugnay (kahit sa Amerika lamang) ng tatlong hindi maipagkakait na karapatan ng “Buhay, Kalayaan at ang paghahanap ng Kaligayahan.” Ngunit pansinin sa kahanga-hangang troika na ito na hindi ang kaligayahan ang karapatan (tulad ng buhay at kalayaan) kundi partikular ang paghahanap ng kaligayahan.

Kaya paano natin “hahanapin” ang kaligayahan, lalo na kapag tayo ay bata pa at walang karanasan at siguro bahagyang natatakot, at ang buhay na naghihintay sa atin ay tila bundok na mahirap akyatin? Kung sa bagay, isa lang ang natitiyak natin: ang kaligayahan ay hindi madaling mahanap sa diretsong pagtakbo papunta doon. Ito ay karaniwang masyadong mailap, masyadong panandalian, masyadong tuso. Kung hindi pa ninyo ito alam, malalaman ninyo sa darating na mga taon na kadalasan ang kaligayahan ay dumarating sa atin sa panahong bahagyang-bahagya lang natin inaasahan, kapag abala tayo sa paggawa ng ibang bagay. Ang kaligayahan ay halos palaging resulta ng iba pang gawain.

girl with butterfly

Larawan mula sa Getty Images

Si Henry David Thoreau, isa sa mga paborito kong manunulat noong nasa unibersidad pa ako, ang nagsabing, “Ang kaligayahan ay tulad ng isang paru-paro; kapag lalo mo itong hahabulin, lalo itong lumalayo sa iyo, ngunit kung itutuon mo ang iyong pansin sa ibang bagay, ito ay lalapit at dahan-dahang dadapo sa balikat mo.”3 Ito ay isa sa mga dakilang kabalintunaan ng ebanghelyo na kadalasan ay tila hindi halata, tulad ng “ang huli ay mauuna” (Mateo 19:30; D at T 29:30) at “mawalan ng buhay upang masumpungan iyon” (tingnan sa Mateo 16:25). Ang ebanghelyo ay puno ng gayong mga kabalintunaan at di tuwirang mga mensahe, at palagay ko ang paghahanap ng kaligayahan ay isa sa mga ito. Paano natin mapabubuti ang pagkakataon nating lumigaya nang hindi natin ito tuwirang hinahanap, na magagawa nitong makawala sa atin? Hayaang buklatin ko ang pinaka-pambihirang aklat para sa ilang kasagutan.

Pamumuhay “nang Maligaya”

Ang unang 30 taon ng kasaysayan ng Aklat ni Mormon ay hindi naglalahad ng mainam na kuwento. Ang kalupitan sa loob ng pamilya nina Lehi at Saria ay naging napakatindi kaya’t nahati sa dalawa ang kanilang pamilya at tuluyang nagkahiwalay. Ang isang grupo ay tumakas papunta sa ilang, nangangamba para sa kanilang buhay dahil baka maging biktima sila ng kabilang grupo na mga uhaw-sa-dugo. Nang ang unang grupo ay nanirahan sa di pa natitinag na lupain para manatiling ligtas at lumikha ng mainam na buhay sa abot ng kanilang makakaya, sinabi ng propetang-pinuno ng kalahating bahaging ito ng pamilya ng mga Nephita na sila ay “namuhay nang maligaya” (2 Nephi 5:27).

Kung iisipin ang napagdaanan nila sa loob ng 30 taon at ang alam nating naghihintay sa kanila na mga pagsubok sa hinaharap, tila masakit ang gayong komentaryo. Paano mailalarawan ang gaya nito na malayo sa turing na “kaligayahan”? Ngunit hindi sinasabi ni Nephi na maligaya sila, kahit halatang naging masaya nga sila. Ang sinasabi niya ay, sila “ay namuhay nang maligaya.” Kailangan kong ipaunawa sa inyo na may kahanga-hangang susi sa mga katagang iyon na makapagbubukas sa mahahalagang pagpapala para sa inyo habang kayo ay nabubuhay.

Sa palagay ko hindi layon ng Diyos sa Kanyang kaluwalhatian o ng mga anghel sa langit o ng mga propeta sa lupa na gawin tayong maligaya sa lahat ng oras, bawat araw sa bawat paraan, nalalaman na ang buhay sa mundo ay nilayon upang magsilbing pagsusulit at pagsubok. Gaya ng minsang sinabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang kaligayahan ay hindi ibinibigay sa atin sa isang pakete na basta lang nating bubuksan at uubusin. Walang tao na laging masaya sa loob ng 24-oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo.”4

Ngunit tinitiyak ko sa inyo na sa plano ng Diyos ay marami tayong magagawa para mahanap ang kaligayahang hangad natin. Maaari tayong gumawa ng ilang hakbang, makabubuo tayo ng ilang mga gawi, magagawa natin ang ilang bagay na sinasabi ng Diyos at ng kasaysayan na aakay sa atin tungo sa kaligayahan nang may pagtitiwala na kung mamumuhay tayo sa gayong paraan, ang paru-parong iyon ay malamang na dadapo sa ating balikat.

Sa madaling salita, ang pinakamainam na pagkakataon para maging maligaya kayo ay gawin ang mga bagay na ginagawa ng masasayang tao, mamuhay na tulad ng pamumuhay ng masasayang tao, at tahakin ang landas na tinatahak ng mga taong masaya. Kapag ginawa ninyo ito, ang mga pagkakataon ninyong makasumpong ng kagalakan sa mga sandaling di-inaasahan, at magkaroon ng kapayapaan sa lugar na di-inaasahan, at makita ang pagtulong ng mga anghel nang hindi ninyo alam na alam nila na nabubuhay kayo, ay magbabago nang husto. Narito ang limang paraan na makapamumuhay tayo “nang maligaya.”

Ipamuhay ang Ebanghelyo

woman healed by Christ

Woman Healed, ni Kathleen Peterson

Higit sa lahat, ang tunay na kaligayahan, ang tunay na kapayapaan, at kahit anumang di nalalayo sa kagalakan sa banal na kasulatan ay matatagpuan una, higit sa lahat, at magpakailanman sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Maraming iba pang mga pilosopiya at sistema ng paniniwala ang nasubukan na. Sa katunayan, masasabi ko na halos bawat iba pang pilosopiya at sistema ay sinubukan na sa paglipas ng mga siglo ng kasaysayan. Ngunit nang itanong ng Apostol na si Tomas sa Panginoon ang madalas itanong ng mga kabataan ngayon, “Paano namin malalaman ang daan?”—na ang ibig sabihin para sa marami ay, “Paano namin malalaman ang daan para maging masaya?”—ibinigay ni Jesus ang sagot na tumataginting hanggang sa kawalang-hanggan na:

“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. …

“At ang anomang inyong hingin sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin. …

“Kung kayo’y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin” (Juan 14:5–6, 13–14).

Napakagandang pangako! Ipamuhay ang aking landas, ipamuhay ang aking katotohanan, ipamuhay ang aking buhay—mamuhay sa paraang ipinakikita ko sa inyo at itinuturo sa inyo—at anuman ang hilingin ninyo ay ibibigay, anuman ang hinahanap ninyo ay makikita ninyo, kabilang na ang kaligayahan. Ang mga bahagi ng pagpapala ay maaaring dumating kaagad, ang ilang bahagi ay maaaring dumating kalaunan, at may mga bahagi na maaaring sa langit na dumating, ngunit darating—ang lahat ng ito. Napakagandang panghihikayat niyan pagkatapos ng nakakaiyak na Lunes o puno ng luhang Martes o nakakapagod na Miyerkules! At ito ay isang pangakong may katuparan na hindi darating sa ibang paraan maliban sa pamamagitan ng katapatan sa walang hanggang katotohanan!

Sa mga salita ng bagong orden noon na si Elder David O. McKay (1873–1970) wala pang isang siglo ang nakararaan, hindi tulad ng kasiyahan o katuwaan o isang uri ng pagkakilig, ang tunay na “kaligayahan ay matatagpuan lamang sa pagtahak sa madalas lakarang landas ng [ebanghelyo], makitid iyon … [at] matuwid [iyon], na patungo sa buhay na walang hanggan.”5 Kaya mahalin ang Diyos at ang isa’t isa, at maging tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Piliin ang Kaligayahan

Pangalawa, matutunan sa mabilis na paraang kaya ninyo na ang kaligayahan ay nasa inyong mga kamay, at wala sa mga pangyayari o sitwasyon o kapalaran o kamalasan. Bahagi iyan ng digmaan noon para sa kalayaan sa mga kapulungan ng langit. Tayo ay may mapagpipilian, tayo ay makapagpapasiya, tayo ay may kalayaan, at tayo ay makakapili, kung hindi man kaligayahan mismo, ang mamuhay nang alinsunod sa paraan nito. Ang pangulo ng U.S. na si Abraham Lincoln ay maraming dapat ikalungkot sa pinakamahirap na pamamahala na nakaharap ng isang pangulo ng Estados Unidos, pero kahit siya ay nakapag-isip na “halos lahat ng tao ay masaya ayon sa kaligayahang binuo nila sa kanilang isipan.”6

Ang kaligayahan ay dumarating muna sa kung ano ang pumapasok sa isip mo bago pa man ito dumating sa iyo. Si Joseph Smith ay namumuhay “nang maligaya” sa isang napakalungkot na sitwasyon nang sumulat siya mula sa Liberty Jail sa mga taong nasa labas na mga biktima rin ng kawalan ng katarungan at pang-uusig:

“Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos. …

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan” (D at T 121:45–46).

“Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay.” Hindi lang iyan magandang payo laban sa makabagong salot na pornograpiya, kundi mabuting payo rin ito sa lahat ng uri ng kaisipan ng ebanghelyo, mabubuting kaisipan, makabuluhang pag-iisip, puno ng pag-asa na kaisipan. Ang mga kaisipan na puno ng pananampalataya ay magpapabago sa paraan ng pagtingin ninyo sa mga problema sa buhay at kung paano hahanapan ng solusyon ang mga ito. “Hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan” (D at T 64:34), sabi sa paghahayag.

Madalas nating iniisip na nakasalalay ang lahat ng ito sa puso; pero hindi gayon. Inaasahan ng Diyos ang nagkukusang kaisipan sa paghahanap ng kaligayahan at gayundin ng kapayapaan. Dito ituon ang inyong isipan. Lahat ng ito ay nangangailangan ng pagsisikap. Ito ay isang labanan ngunit isang labanan para sa kaligayahan na sulit ipaglaban.

Sa isang sikat na aklat ilang taon na ang nakararaan, isinulat ng awtor: “Ang kaligayahan ang bunga ng sariling pagsisikap. Ipinaglalaban mo ito, pinagsisikapan mo ito, iginigiit mo ito, at … [hinahanap] mo ito. Kailangan kang patuloy na makibahagi sa pagpapamalas ng sarili mong mga pagpapala. At kapag nakamit mo na ang isang estado ng kaligayahan, dapat hindi ka maging pabaya tungkol sa pagpapanatili nito, kailangan mong pagsikapang lumangoy pataas tungo sa kaligayahang iyan … na manatiling nakalutang sa ibabaw nito.”7

Gustung-gusto ko ang mga katagang “patuloy na makibahagi sa pagpapamalas ng sarili mong mga pagpapala.” Huwag magsawalang-kibo. Lumangoy pataas. Mag-isip at magsalita at kumilos sa positibong paraan. Iyan ang ginagawa ng masasayang tao; iyan ay isang aspeto ng pamumuhay nang maligaya.

Maging Mabait at Kalugud-lugod

father with daughter

Narito ang isa pa. Sa paghahanda ng mensaheng ito, matagal akong naupo sa pag-aaral na sinisikap isipin kung may nakilala ba akong masayang tao na hindi mabait o hindi kalugud-lugod na makasama. At hulaan ninyo? Wala akong maisip kahit isa—wala ni isa. Kaya dapat ninyong malaman ang dakilang katotohanang ito habang bata pa kayo: Hinding-hindi ninyo maaaring ibatay o iasa ang kaligayahan ninyo sa kalungkutan ng iba.

Kung minsan, siguro lalo na noong bata pa tayo at kulang ang tiwala sa sarili at sinisikap na maging tanyag sa mundo, iniisip natin na kung minamaliit natin nang kaunti ang isang tao, kahit paano ay mahimala tayong iaangat nito. Ganyan ang bullying o pananakot. Ganyan ang may malisyang pananalita. Ganyan ang kayabangan at pagpapaimbabaw at pagiging suplado. Marahil iniisip natin na kung tayo ay negatibo o mapamintas o salbahe, hindi masyadong mataas ang aasahan sa atin; mapapanatiling mababa ang bawat isa na puno ng kamalian, at dahil dito ang ating mga kahinaan ay hindi masyadong mapupuna.

Ang masasayang tao ay hindi negatibo o mapamintas o salbahe, kaya huwag magplano na maging bahagi ng ganoong “uri ng kaligayahan.” Kung may naituro man sa akin ang buhay ko, ito ay ang kabaitan at pagiging kalugud-lugod at may positibong pananaw na puno ng pananampalataya ay mga katangian ng mga taong masasaya. Sa mga salita ni Mother Teresa, “Huwag hayaan ang sinumang lumapit sa inyo na lumisan nang hindi nagiging mas mabuti at mas masaya. Maging buhay na tagapagpamalas ng kabaitan ng Diyos—kabaitan sa inyong mukha, kabaitan sa inyong mga mata, kabaitan sa inyong mga ngiti, kabaitan sa inyong mainit na pagbati.”8

Isang kaugnay na hakbang sa landas tungo sa kaligayahan ay ang iwasan ang poot, alitan, at galit sa inyong buhay. Tandaan, si Lucifer, si Satanas, na kaaway nating lahat ay gustung-gusto ang galit. Siya ang “ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29).

Matapos banggitin ang talatang iyon sa pangkalahatang kumperensya ilang taon na ang nakalilipas, sinabi ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu na, “Ang pandiwang inuudyukan ay parang isang resipe sa kalamidad: Ilagay ang galit sa katamtamang init, ihalo ang ilang piling salita, at pakuluin; patuloy na haluin hanggang sa lumapot; palamigin; hayaang lumamig ang damdamin sa loob ng ilang araw; isilbi nang malamig; maraming tira-tira.”9 Talagang maraming tira-tira.

Pinipinsala o sinisira ng galit ang halos lahat ng bagay na nadadantayan nito. Tulad ng sinabi ng isang tao, ang pagtatanim ng galit ay gaya ng pag-inom ng lason at paghihintay na mamatay ang isang tao. Isa itong mabagsik na asido na sisira muna sa lalagyan nito bago sirain ang bagay na pakay nito. Wala sa loob nito o sa mga kamag-anakan nitong bisyo—karahasan, galit, kapaitan, at pagkapoot—ang may kinalaman sa pamumuhay ng ebanghelyo o sa paghahanap ng kaligayahan. Palagay ko ay hindi makaiiral ang galit—o kahit paano ay yayabong at makalilibang at pagsasawaan—sa isang buhay na namumuhay “nang maligaya.”

Pagsikapan Ito

girl with rake

Narito ang isang huling mungkahi kapag marami tayong dapat isaalang-alang. Sinabi ni Nephi na sa pagsisikap na mahanap ang kaligayahan sa kanilang bagong lupain matapos ang 30 taon ng kanilang kaguluhan, “Ako, si Nephi, ay pinapangyaring maging masisipag ang aking mga tao, at gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay” (2 Nephi 5:17). Sa kabilang banda, ang mga taong tinakasan nila ay naging “mga tamad na tao, puno ng kalokohan at katusuhan” (2 Nephi 5:24).

Kung gusto ninyong maging masaya sa paaralan o sa misyon o sa trabaho o sa pagsasama ninyong mag-asawa—pagsikapan ito. Matutong magtrabaho. Maglingkod nang masigasig. Huwag maging tamad at puno ng kalokohan. Ang simpleng kahulugan ng katangian ni Cristo ay integridad na gawin ang tama sa tamang panahon sa tamang paraan. Huwag maging tamad. Huwag maging mapag-aksaya. “Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). Maging masipag at magtrabaho, pati na ang pagtatrabaho para sa at paglilingkod sa iba—isa sa magagaling na susi sa tunay na kaligayahan.

Ngayon, hayaang magtapos ako sa pagbanggit ng tahasang payo ni Alma kay Corianton. Taglay ang lahat ng panghihikayat na gugustuhing ibigay ng isang ama sa anak na lalaki o anak na babae, sinabi niya na sa Pagkabuhay na Mag-uli ang matatapat ay babangon sa kalagayan na “walang katapusang kaligayahan” kung saan sila “magmamana ng kaharian ng Diyos” (Alma 41:4). Sa panahong iyon, dagdag pa niya, tayo ay “magbabangon sa kaligayahan alinsunod sa [ating] pagnanais ng kaligayahan” (Alma 41:5). Ngunit mariin din siyang nagbabala: “Huwag mong ipalagay … na [kung walang pagsisisi] ikaw ay manunumbalik mula sa kasalanan tungo sa kaligayahan. Masdan, sinasabi ko sa iyo, ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang kasalanan ang kabaligtaran ng “pamumuhay nang maligaya.” Sa katunayan, ang mga taong naniniwala nang taliwas dito, sabi ni Alma, “ay walang Diyos sa daigdig, at … sila ay tumaliwas sa katangian ng Diyos; anupa’t sila ay nasa kalagayang taliwas sa likas na kaligayahan” (Alma 41:11).

Tanggihan ang mga Paglabag

Jesus with Mary Magdalene

Sina Jesus at Maria Magdalena, ni Kathleen Peterson

Hinihiling ko sa inyo na tanggihan ang mga paglabag upang mamuhay nang naaayon sa likas na katangian ng Diyos, na katangian ng tunay na kaligayahan. Hinihikayat ko kayo at pinupuri kayo sa inyong mga pagsisikap na “tahakin ang landas tungo rito.” Hindi ninyo ito makikita sa ibang paraan.

Ang aking patotoo ay na ang Diyos, ang Walang Hanggang Ama sa Langit, ay palaging hinihimok at pinapalakpakan ang inyong adhikain nang mas magiliw kaysa sa akin. Pinatototohanan ko na nais Niya kayong maging maligaya, magkaroon ng tunay na kagalakan. Pinatototohanan ko ang Pagbabayad-sala ng Kanyang Bugtong na Anak, na naglaan ng tamang landas at, kung kinakailangan, ng bagong simulain dito, ng pangalawang pagkakataon, ng pagbabago sa ating pagkatao kung kinakailangan.

Dalangin ko na malaman ninyo na si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” at na walang sinumang magkakaroon ng tunay na kaligayahan maliban sa pamamagitan Niya. Dalangin ko na balang-araw, sa ibang panahon, sa ibang lugar ay matanggap ninyo ang bawat mabuting hangarin ng inyong puso habang ipinamumuhay ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo, na namumuhay “ayon sa pamamaraan” na hahantong sa mga pagpapalang iyon.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 5:134.

  2. Tingnan sa Aristotle, The Nicomachean Ethics, isinalin ni H. Rackham (1982), 31.

  3. Henry David Thoreau, Thoreau on Nature: Sage Words on Finding Harmony with the Natural World (2015), 72; ang siping ito ay iniuugnay din kay Nathaniel Hawthorne at sa di-kilalang may akda.

  4. James E. Faust, “Our Search for Happiness,” Liahona, Okt. 2000, 2.

  5. David O. McKay, sa Conference Report, Okt. 1919, 180; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. Ang siping ito ay sinasabing mula kay Abraham Lincoln ayon kay Dr. Frank Crane sa Syracuse Herald, Ene. 1, 1914 (quoteinvestigator.com/category/frank-crane).

  7. Elizabeth Gilbert, Eat, Pray, Love: One Woman’s Search for Everything Across Italy, India and Indonesia (2006), 260.

  8. Mother Teresa, sa Susan Conroy, Mother Teresa’s Lessons of Love and Secrets of Sanctity (2003), 64.

  9. Lynn G. Robbins, “Agency and Anger,” Ensign, Mayo 1998, 80.