Lahat ng Anak ng Diyos
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Buddhist temple ito,” sabi ni Inay. “Ito ang relihiyon ni Yéyé.”
“Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11).
Masaya si Iren sa pagbisita sa Taiwan. Dinala siya at ang bunsong kapatid niyang si Ila ng kanilang lolo, ang kanyang Yéyé, sa zoo at isinakay sila sa ferry papunta sa isang munting isla. Nagpunta sila sa magagandang hardin na puno ng mga punong mangga at orchids. At binisita nila ang isang bundok kung saan tinangkang nakawin ng mga unggoy ang kanilang pagkain! Ninerbiyos si Ila sa mga unggoy, pero sa tingin ni Iren ay kaakit-akit ang mga ito.
Gusto ni Yéyé na ituro kina Iren at Ila kung saan nanggaling ang pamilya nila. Isinama sila nito para ipakilala sa lahat ng kamag-anak nila at sa mga restawran para tikman ang mga bagong pagkain. Matagal nang nagsasanay si Iren na gumamit ng chopsticks. Talagang humuhusay siya.
Isang araw dinala ni Yéyé sina Iren, Ila at ang mga magulang nila sa isang espesyal na lugar. Isang malaking gusali iyon na may malaki at bukas na mga pintuan at makikintab na sahig na yari sa kahoy. Bago sila pumasok, naghubad ng sapatos si Iren at ang kanyang pamilya. “Ito ay isang lugar kung saan kailangan ninyong magpitagan,” sabi ni Inay. “Tulad sa simbahan natin.”
“Simbahan po ba ito?” tanong ni Iren. Hindi ito kamukha ng anumang simbahang nakita na niya. Ang makulay na bubong ng gusali ay kulut-kulot ang gilid. Tahimik na pumasok sa mga pintuan ang mga taong nakasuot ng bata na kulay matingkad na asul.
“Parang gan’on,” sabi ni Inay. “Buddhist temple ito. Pero hindi rito ikinakasal o ibinubuklod ang mga tao, na kagaya sa ating mga templo. Isang gusali ito ng simbahan para sa relihiyon ni Yéyé. Nagpupunta siya rito para matutuhan ang mga turo ni Buddha at tulungan ang mga tao.”
Dagdag pa ni Itay, “Naaalala ba ninyo ang lindol sa Taiwan na nakita natin sa balita noong isang buwan? Si Yéyé at ang iba pang mga boluntaryo sa templong ito ay tumulong lahat pagkatapos ng lindol.”
“Ano po ang ginawa nila?” tanong ni Ila.
“Dinalhan yata nila ng tubig na maiinom ang mga tao at inalis ang mga durog na bato,” sabi ni Itay. “Tinulungan din nila ang mga taong nawalan ng bahay na makahanap ng matutuluyan.”
“Aba,” sabi ng Iren. Nginitian niya si Yéyé. “Parang napalaking trabaho niyan!”
Nang pumasok sila sa templo, napansin ni Iren kung gaano katahimik at kapayapa roon. Tumingin siya sa paligid at nakita niya ang isang malaking estatwang kahoy. Tumigil sina Ila at Iren at tinitigan nila ito.
“Si Buddha po ba iyan?” tanong ni Ila.
Tumango si Inay.
May sinabi si Yéyé kay Itay sa salitang Chinese, pinagdikit nito ang kanyang mga kamay, at yumukod sa harapan ng estatwa ni Buddha nang tatlong beses.
“Tinuturuan tayo ni Yéyé kung paano siya nagpapakita ng paggalang kay Buddha,” sabi ni Itay, nang halos pabulong.
Nagsalubong ang mga kilay ni Iren. “Hindi po ba ’yan … ?” Sinubukan niyang alalahanin ang isang bagay na narinig niya noon. “Hindi po ba ’yan pagsamba sa mga diyus-diyosan?”
“Hindi naman talaga sinasamba ng mga Buddhist si Buddha,” sabi ni Itay. “Si Buddha ay isang dakilang guro, at binibisita nila ang estatwa nito para alalahanin ang kanyang itinuro.”
“Kapag yumukod ang mga tao rito, nagpapakita sila ng paggalang—parang pakikipagkamay,” bulong ni Inay. “Yumuyukod si Yéyé para magpakita ng paggalang kay Buddha at sa kanyang itinuro.”
Niyakap ni Inay sina Iren at Ila. “At alam n’yo ba?”
“Ano po?” tanong ni Ila.
“Lahat sila ay anak ng Diyos. Mahal Niya sila. Gustung-gusto Niya ang ginagawa nila para tulungan ang isa’t isa.”
Tiningnan ni Iren si Yéyé at ang lahat ng iba pang mga taong tahimik na nakaupo. Nag-init at gumanda ang pakiramdam niya at alam niyang totoo ang sinabi ng Inay. Nagdasal nang maikli si Iren sa Ama sa Langit: “Salamat po sa pagtulong Ninyo na makilala ko ang iba pa Ninyong mga anak.”