Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Tagapagligtas: Ang Perpektong Manggagamot
Bilang isang doktor, may isang pasyente na minsang pumunta sa akin matapos makita sa isang karaniwang blood test na wala sa normal ang kanyang dugo. Sa pagitan ng mga araw ng kanyang pagsusuri at aming pagkikita, sumangguni siya sa internet sa maaaring ibig sabihin ng mga resulta nito. Nang magkita kami, siya ay balisa at nag-aalala. Sinikap kong ipaliwanag ang mga resulta, pero nababahala pa rin siya.
“Huwag kang mag-alala na baka may mangyaring hindi maganda,” ang sabi ko sa kanya. “Iyon ang trabaho ko! Kaya nga ako narito. Pinag-aralan kong mabuti kung ano ang gagawin tungkol dito. Magkasama nating haharapin ito, at kung susundin mo ang aking mga tagubilin, malalaman mo kung paano muling gumaling. Magtiwala ka sa akin at hayaan mong pasanin ko ang mga medikal na alalahanin. Pagkatapos, maitutuon mo ang lahat ng iyong lakas sa pagpapagaling.”
Nakatulong ito upang mapanatag siya at mawala ang kanyang mga pangamba. Nagplano kami na gumawa ng iba pang mga pagsusuri, at nangako ako na magkasama kaming susulong.
Makalipas ang ilang buwan, nakaranas ako ng gusot sa sarili kong buhay. Napuno ako ng mga problema sa trabaho, ng aking pagbubuntis, at nalalapit na paglipat. Natagpuan ko ang sarili kong pinanghihinaan ng loob, balisa, at natatakot.
Ipinagdasal ko nang taimtim ang tungkol sa aking mga problema, kasalanan, at kabiguan. Habang nagdarasal ako, nagpatotoo ang Espiritu sa kahalagahan ng Tagapagligtas sa buhay ko. Tila ba sinabi Niya sa akin:
“Huwag kang mag-alala sa lahat ng bagay na maaaring mangyari. Iyon ang trabaho ko! Kaya nga ako narito. Nagdanas ako ng lahat ng hirap upang malaman kung ano ang gagawin tungkol dito. Sumampalataya ka sa akin, at magkasama nating haharapin ito. Kung susundin mo ang aking mga tagubilin, muli kang gagaling. Magtiwala ka sa akin at hayaan mong pasanin ko ang mga espirituwal na alalahaning ito. Pagkatapos, maitutuon mo ang lahat ng iyong pagsisikap na paghusayin nang husto ang iyong sarili.”
Nang mapagtanto ko ito, ang aking pag-aalala, pagkukulang, at kabiguan ay nawala. Tinanggal ng pananampalataya ko sa Kanya ang hindi magagandang damdamin na humahadlang sa aking pag-unlad. Kaya kong ituon ang atensiyon sa mga bagay na nasasakop ng kakayahan ko. Kaya kong ipamuhay ang ebanghelyo at bumaling sa Tagapagligtas sa mga hamon na pinagdaraanan ko.
Sa parehong paraan ng pag-akay ng isang doktor sa pagpapagaling ng ating katawan, ang Tagapagligtas, na siyang perpektong Doktor, ang mag-aalis ng bigat ng kahihiyan, pag-aalala, pagkukulang, at maging ng damdamin ng kabiguan at pagkabalisa at magpapakita sa atin ng landas upang muling espirituwal na gumaling. Iyon ang trabaho Niya, at isinasagawa Niya ito nang perpekto.