Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Ang Aklat ni Mormon: Tunay na Isang Himala
Mula sa “It Was a Miracle!” Ensign, Nob. 1977, 11–13.
Mula sa una hanggang sa huling pahina, ang Aklat ni Mormon ay isang paghahayag, isang inspiradong pagsasalin, ang gawa ng Diyos at hindi ng sinumang tao.
Ako … ay nagpapatotoo sa banal na pagtawag kay Propetang Joseph Smith at … ipinapahayag ko ang aking pananampalataya sa himala ng pagsasalin at paglalathala sa Aklat ni Mormon. …
Noong ika-22 ng Setyembre 1823, malapit sa Palmyra, New York, isang anghel ng Diyos ang naghayag ng kinalalagyan nito sa [isang labimpitong]-taong-gulang na batang nagngangalang Joseph Smith. …
… Isipin natin sandali ang aktuwal na pagsasalin ng talaang ito. Sabi ni Joseph Smith ginawa niya ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. … Dahil mangmang noong panahong iyon sa buhay niya, hindi niya kakayaning gawin iyon sa ibang paraan. …
… [Kung gayon] paano masasabi ng mga kritiko na napakatalino ni Joseph Smith, noong kabataan niya, kaya maaari o kaya niyang sadyain na kumuha ng mga talata mula sa Biblia at mahusay na palabasin na bahagi ito ng manuskrito ng Aklat ni Mormon?
Sinabi ng kanyang ina na sa panahong iyon ng buhay niya ay ni hindi pa niya nababasa nang buo ang Biblia. Kung gayo’y paano niya buong ingat na mapipili ang mga talata at magagawa itong Aklat ni Mormon nang napakaangkop at napakahusay?
Dahil hindi pa niya nababasa nang buo ang Biblia noong kabataan niya, wala siyang sapat na kaalaman para ma-edit iyon kahit sanay siya sa pagsulat o pag-edit, mga kasanayang parehong hindi niya taglay noong bata pa siya.
[Subalit] ang Aklat ni Mormon ay pangliteratura at isang obra-maestra sa relihiyon, at higit pa sa mga pinakamimithing pag-asa o kakayahan ng sinumang batang magsasaka. …
Basahin, halimbawa, ang ilan sa magagandang Sermon ng Tagapagligtas sa aklat na iyon. Pansinin na binanggit ng Panginoon ang sinabi ng mga propeta sa Biblia. Sasabihin ba natin na ang mangmang na si Joseph Smith ay may katapangan o kakayahan na muling isulat ang mga sermon ng Tagapagligtas at magsingit doon ng mga talata [sa Biblia], iniisip na pagandahin ang sinabi ni Jesus?
… Hindi pinakialaman ni [Joseph Smith] … ang gawa ni Mormon, ang mga sermon ni Jesus, ang kagila-gilalas na pagtatanggol ni Abinadi, o ang mga isinulat nina Malakias o Isaias. Siya ay isang tagapagsalin lamang, hindi isang editor o kompositor; ni hindi siya isang magnanakaw na nangongopya ng ginawa ng ibang tao. …
Mula sa una hanggang sa huling pahina, ang Aklat ni Mormon ay isang paghahayag, isang inspiradong pagsasalin, ang gawa ng Diyos at hindi ng sinumang tao. Mula sa una hanggang sa huling pahina ito ay totoo.