2017
Paano Aanyayahan ang Espiritu Santo
Setyembre 2017


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano Aanyayahan ang Espiritu Santo

Mula sa debosyonal sa Brigham Young University–Idaho na ibinigay noong Enero 25, 2005.

young man looking at computer screen

Isa sa mga paraan na alam kong nadarama ko ang impluwensya ng Espiritu Santo ay kapag magaan ang pakiramdam ko at masaya ako. Kapag ang Espiritu Santo ay tila malayo sa akin, mabigat ang pakiramdam ko at hindi ako masaya. Nadama ko ang paghina at pagdaloy ng liwanag at kaligayahan sa buhay ko at ganoon din naman kayo.

Nais kong madama ang liwanag na iyon at nais kong maging masaya. Hindi ko kailangang maghintay ng mga problema at pagsubok para hingin ang tulong ng Espiritu Santo. Kaya kong piliing tandaan kung paano ba ang makasama Siya, at kapag naaalala ko ito, nais kong muling madama ang pagpapalang iyon nang buong puso ko.

Kung nais nating makasama ang Espiritu Santo at ang kapayapaan ng isipan at kasiyahan na dulot nito, alam natin kung ano ang gagawin. Tayo ay sasamo sa Diyos para dito nang may pananampalataya. Kailangan ang pagdarasal na may pananampalataya upang makasama ang Espiritu Santo. May pananampalataya na buhay ang Diyos Ama, ang lumikha ng lahat ng bagay, at nais mapasaatin ang Espiritu Santo at nais maipadala sa atin ang Mang-aaliw. Kailangan ng pananampalatayang iyon na si Jesus ang Cristo at na Siya ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan at kinalag ang mga gapos ng kamatayan. Sa pamamagitan ng pananampalatayang iyon tayo ay lumalapit sa ating Ama nang may paggalang at tiwala na sasagot Siya. Sa pamamagitan ng pananampalatayang iyon tinatapos natin ang pagdarasal sa pangalan ni Jesucristo bilang tunay Niyang mga disipulo, nagtitiwala na ang lubos nating pagsisisi, ating pagbibinyag sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, at ating tapat na paglilingkod sa Kanyang layon ay gagawin tayong dalisay at karapat-dapat sa pagpapalang hangad natin, ang makasama ang Espiritu Santo.