Pagdaig sa Panganib ng Pag-aalinlangan
Kahit na ang malalaking puno ay maaaring mamatay sa hindi nakikitang amag. Katulad din ito ng pananampalataya—kung hahayaan nating umusbong ang pag-aalinlangan, mabubulok nito ang mga espirituwal na ugat hanggang sa bumagsak tayo.
Noong nagministeryo ang Tagapagligtas sa mundo, Siya ay sinubok ni Satanas.
“At nang siya ay nag-ayuno ng apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakas ay nagutom siya.
“At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa kanya, Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay” (Mateo 4:2–3; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Tinukso ng kaaway ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng paglalagay ng pag-aalinlangan sa Kanyang kabanalan. Ginamit niya ang kondisyunal na katagang “Kung ikaw ang Anak ng Diyos.”
Ngunit gamit ang lakas na nagmumula sa kaalaman sa mga banal na kasulatan, tinanggihan ng Panginoon ang tukso. “Nasusulat,” sabi Niya, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4).
Ang pag-uusap na ito sa pagitan nina Jesucristo at Satanas ang nagbibigay sa atin nang malinaw na ideya kung paano tayo tinutukso ng kaaway upang maglagay ng mapanirang mga pag-aalinlangan sa ating mga puso‘t isipan.
Isang Nakatagong Pagsalakay
Sa lugar kung saan ako lumaki sa Sonora, Mexico ay may malalaking puno na tinatawag na Indian laurel. Ito ay halos 100 talampakan (30 m) ang taas, may malalaking katawan at mayayabong na sanga at dahon. Kamakailan lamang, marami sa mga punong ito ang inatake ng sakit na Texas root rot. Kapag umaatake ang amag na ito, hindi makikita ang mga epekto nito nang ilang taon. Gayunman, unti-unting binubulok ng amag na ito ang mga ugat ng magagandang punong iyon at nagsimulang mamatay ang mga ito. Nagkukulay dilaw ang mga dahon nito at nalalagas. Pagkatapos, natutuyot ang katawan at mga sanga nito, at kailangang putulin ang mga puno.
Tulad ng amag na sumusuot sa mga punong ito, maaaring pasukin ng pag-aalinlangan ang ating mga isipan. Kung hahayaan natin itong lumaki, sa paglipas ng panahon makaaapekto ito sa ating mga ugat at mabubulok ang saligan ng ating pananampalataya hanggang sa tayo rin ay putulin.
Maaaring pagsimulan ng pag-aalinlangan ang mga nakasasakit na tanong ng mga itinuturing na kaibigan. Makalilikha ng pag-aalinlangan ang mga Internet site sa pamamagitan ng paglalahad ng mga impormasyong wala sa konteksto. Pero lalong tumitindi ang mga pag-aalinlangan kapag sa sarili natin, na nararamdamang tayo’y pinabayaan o puno ng alalahanin ay kinukwestyon ang ating mga pasanin. Ang mga pagdaing ng likas na tao na tulad ng “Bakit ako, Panginoon?” o “Kung ako’y Inyong tagapaglingkod, bakit Ninyo hinahayaang … ,” ay maaaring ibulong sa ating mga tainga ng ama ng kasinungalingan. Napakasama ng kanyang layunin: ang pahinain ang ating katiyakan na tayo ay mga anak ng Diyos.
Upang labanan ang ganitong pag-aalinlangan, dapat nating tandaan ang perpektong plano ng ating Ama. Sa halip na pagtuunan ang mga negatibong tanong, dapat tayong humingi ng lakas, tulad ng ginawa ni Joseph Smith: “Alalahanin ang inyong mga nagdurusang banal, O aming Diyos; at ang inyong mga tagapaglingkod ay magsasaya sa inyong pangalan magpakailanman” (D at T 121:6). Dapat din tayong magtiwala na ililigtas tayo ng Panginoon (tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 10:13).
Nilooban nang may Nakatutok na Baril
Naaalala ko ang isang personal na karanasan na nagturo sa akin kung paano palitan ng pag-asa ang pag-aalinlangan. Naglilingkod ako noon bilang stake president. Maliliit pa ang mga anak ko. Kaming mag-asawa ay may negosyo ng paggawa ng tortilla, at mahaba ang oras na ginugugol namin sa pagtatrabaho.
Isa sa mga gabing iyon, nang kailangan naming mag-asawang gumawa ng mga tortilla mula hatinggabi hanggang alas-3:00 n.u., tatlong kabataang lalaki ang pumasok sa aming tindahan. Lahat silang tatlo ay sabog sa droga. Dalawa sa kanila ay nakasuot ng mga ski mask at mahahabang kapote. Nakatago sa mga kapote ang kanilang mga sandata. Pinagbantaan nila kami, pinapasok kami sa loob ng tindahan, at isinara ang pinto. Isa ang nagbantay sa labas, na paulit-ulit na sumisigaw, “Patayin n’yo sila! Patayin n’yo sila!”
Itinutok ng isa sa mga kabataang lalaki ang dulo ng kanyang baril sa aking sintido at pinilit akong dumapa. Itinutok naman ng isa ang dulo ng kanyang baril sa dibdib ng aking asawa. Ipinagdasal ko na nawa’y huwag maulila ang aking mga anak, at pinangalagaan kami ng Panginoon. Sa huli, ikinulong kami sa banyo ng mga manloloob at nagsialis, sakay ng aking trak.
Nakawala kami at humingi ng tulong. Dumating ang mga pulis at gayundin ang kapatid ko. Sa madaling panahon ay iniuwi namin kaagad ang aking asawa. Pagkatapos ay hinanap naming magkapatid ang trak, ngunit nabigo kami. Lungkot na lungkot akong umuwi ng bahay ng alas 5:00 n.u.
Nasaan ang Aking Pamilya?
Ang ikinagulat ko, wala roon ang aking asawa at mga anak. Sinabi sa akin ng isang kapitbahay na sumakit ang tiyan ng aking apat-na-taong gulang na anak, at siya ay isinugod nila sa ospital. Nalalamang mangangailangan talaga kami ng pera para sa kanyang pagpapagamot, pakiramdam ko ay wala akong mapagpipilian kundi bumalik sa tindahan namin ng tortilla at punan ang mga order para sa araw na iyon. Dahil kaming mag-asawa lamang ang tanging manggagawa rito, mag-isa lamang ako, nagmamadali nang sobra, nagmamasa, inilalagay ang masa sa hulmahan, iniaakma ang sukat nito, pabalik-balik na humahangos upang maluto ang mga tortilla at maghihintay sa mga mamimili.
Sa ngayon ay ganap nang alas 8:00 n.u. Nagsimula kong malalim na pag-isipan ang mga pangyayari nang nagdaang gabi. Sumagi ang tanong sa isip ko, “Kung ikaw ang stake president, bakit nangyayari ang lahat ng ito sa iyo?”
Lahat Maliban sa mga Tortilla
Isinantabi ko ang hindi magandang naiisip at nagdasal na bigyan ako ng lakas. Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig sa aking likuran: “President.” Ang bishop ko pala at isang brother sa ward, na mga home teacher ko.
Sinabi ng bishop, “Hindi kami marunong gumawa ng mga tortilla, kaya hindi ka namin matutulungan dito. Pero huwag mong alalahanin ang tungkol sa iyong trak, ang asawa mo, ang iyong anak na may sakit, o iba mo pang mga anak. Manatili kayo rito at tutulungan namin kayo sa iba pa.” Napuno ng luha ng pasasalamat ang mga mata ko.
Inasikaso nila ang lahat maliban sa mga tortilla. Nang hapong iyon nang umuwi ako, natagpuan ko ang aking bahay na malinis at maayos, plantsado ang aking mga isusuot, at may pagkaing naghihintay sa akin. Walang tao sa bahay, pero alam ko na nanggaling doon ang Relief Society. Natagpuan ng pulis ang trak ko, at may isang tao sa ward na nagbayad para mailabas ito.
Agad kong pinuntahan ang asawa ko at anak. Nanggaling doon ang bishop at binigyan ng basbas ang aking anak. May apendisitis siya, pero maayos na ang lahat.
Habang nag-uusap kaming mag-asawa, tumatak sa aming isipan na hindi ginamit ng bishop ang fast offerings o iba pang bagay mula sa bishop storehouse upang tulungan kami. Sa halip, ginamit niya ang mga mapagkukunan at awa ng mga miyembro ng aming ward.
Pagkaraan ng ilang araw, habang nagpapagaling ang aking anak at tinutulungan ako ng asawa ko sa tindahan ng tortilla, tatlong babae ang dumating. Sila ang mga ina ng mga batang magnanakaw at nagsiparoon upang humingi ng paumanhin. Ipinaliwanag nila na nahuli ng pulis ang kanilang mga anak. Kalaunan, halos hila-hila ng mga inang ito ang kanilang mga anak papasok ng tindahan upang humingi ng tawad, at pinatawad namin sila.
Hindi Sila Nag-alinlangan
Isa pang halimbawa sa kasaysayan ng aking pamilya ang nagpapaalala sa akin na huwag mag-alinlangan. Noong 1913 sa Mexico, ipinangaral ni Elder Ernest Young at kanyang mga kasama ang ebanghelyo sa aking lola-sa-talampakan na si Maria de Jesus de Monroy, isang balo; kanyang tatlong anak na babae, sina Natalia, Jovita at Guadalupe; at nag-iisa niyang anak na lalaki, si Rafael—ang aking lolo-sa-tuhod. Nabinyagan sila noong ika-10 ng Hunyo. Makaraan ang dalawang buwan, umalis ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa bansa dahil sa Mexican Revolution.
Noong Agosto 29, 1913, na araw ng pag-alis ni Pangulong Rey L. Pratt at ng lahat ng Amerikanong missionary, si Rafael Monroy, 34 taong gulang na dalawang buwan nang nabinyagan sa simbahan, ang nagpunta sa mission home upang ipahayag ang kanyang ikinababahala. “Ano ang mangyayari sa amin?” tanong niya. “Walang organisadong branch sa San Marcos, at walang may hawak sa amin ng pagkasaserdote.” Nang mapakinggan ang ikinababahala ni Rafael, pinaupo siya ni Pangulong Pratt. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo ni Rafael, iginawad sa kanya ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, inorden siya bilang elder at itinalaga siya bilang pangulo ng branch sa San Marcos.
Nauunawaan ni Rafael na ang kanyang tipan sa binyag ay sagrado at walang hanggan, at nauunawaan din niya na kailangan niyang ibahagi ang ebanghelyo. Sa loob ng 23 buwan siya at ang kanyang tagapayo, si Vicente Morales, ay nagtulong sa pagbabalik-loob at pagpapabinyag ng mahigit na 50 katao. Nangaral sila sa dose-dosena pa.
Pagkatapos, noong Hulyo 17, 1915, umabot ang rebolusyon sa San Marcos. Inakusahan ng mga rebolusyonaryong kawal sina Rafael at Vicente na kaanib at sumusuporta sa kalabang hukbo, nagtatago ng mga armas at kasapi sa isang kakaibang relihiyon. Ikinulong sila, pinahirapan sila, at ibinitin sila hanggang sa mawalan sila ng malay. Pagkatapos, binigyan sila ng mga kawal ng huling pagkakataon upang iligtas ang kanilang buhay. Sila ay maliligtas kung tatalikuran nila ang kanilang relihiyon. Sagot ni Rafael, “Hindi ko po ito magagawa, dahil sa alam kong totoo ang natanggap ko.”
Sina Rafael at Vicente ay hindi nag-alinlangan. Kumilos sila ayon sa kanilang kaalaman at patotoo. Sa pagtatapos ng araw na iyon, sila ay pinatay ng Hukbong Liberasyon ng Timog, inialay ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang paniniwala.1
Totoo Pa Rin Ngayon
Huwag tayong mag-alinlangan na totoo ang gawaing ito. Sa tuwing tayo ay sinusubok na mag-alinlangan, pag-isipan nating mabuti ang ating mga espirituwal na karanasan. Makatutulong ito na burahin ang mga pag-aalinlangan. Totoo ito lalung-lalo na para sa mga nagsiuwi mula sa paglilingkod bilang mga full-time missionary at pagkatapos ay hinayaang umusbong ang pag-aalinlangan, para sa matatagal nang miyembro na pagod na sa pagtitiis, at para sa mga bagong binyag na masayang-masaya sa una pero hindi inalagaan ang kanilang pananampalataya.
Kung ganito ang kalagayan ninyo, gusto kong sabihin: Kung totoo ang ebanghelyo noong ipinadala ninyo ang inyong aplikasyon sa misyon (at totoo ito!), kung totoo ito noong pumasok kayo sa templo (at totoo ito!), kung totoo ito noong kayo’y nagbalik-loob at nagpabinyag o noong kayo ay nagpabalik-loob at nagbinyag ng iba (at totoo ito!), kung totoo ito noong kayo‘y ibuklod sa templo (at totoo ito!), kung ganoon ito ay totoo pa rin ngayon!
Ipinakita ng halimbawa ni Jesus na makatatanggap tayo ng lakas mula sa mga banal na kasulatan. Ipinakita ni Joseph Smith na makapagdudulot ng kapanatagan ang paghiling sa panalangin. Ipinakita ng mga taong nagbigay ng kanilang buhay, nang walang pag-aalinlangan, na kahit nahaharap sa kamatayan, na tayo ay may pag-asa.
Hindi tayo dapat magpadaig sa kawalan ng pag-asa, dahil ang mga pagsubok at tukso ay pansamantala lamang. Lahat tayo ay makakukuha ng pag-asa sa pahayag ng Tagapagligtas: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (D at T 6:36).