2017
Panonood sa Paglisan ng Aming Sanggol sa Buhay na Ito
Setyembre 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Panonood sa Paglisan ng Aming Sanggol sa Buhay na Ito

baby holding mothers hand

Paglalarawan ni Allen Garns

Matapos ang unang ultrasound, sinabi sa amin ng doktor na posibleng may Down syndrome ang aming bagong isisilang na anak. Hindi namin inaasahang mag-asawa na marinig ito, at agad na nagbago ang aking pananaw sa hinaharap.

Sa buong panahon ng aking pagbubuntis, napakarami kong naging katanungan at alalahanin tungkol sa maaaring mangyari. Gayunpaman, pinaghandaan naming mabuti ang pagsilang ng aming sanggol. Nang dumating sa wakas ang araw na iyon, nadama ko sa aking puso na isang maganda at espesyal na nilalang ang malapit nang isilang.

Pinangalanan naming Santiago ang aming sanggol, at kasisilang pa lamang niya nang malaman namin na hindi lamang siya may Down syndrome kundi nagkaroon din ng ilang malalang komplikasyon na nakaapekto sa kanyang puso, atay, at baga. Kaagad, ikinabit sa kanya ng mga doktor at nars ang artificial respirator at heart–lung machine. Sa paglipas ng mga araw sa ospital, kaming mag-asawa ay nagsimulang mag-usap kung paano namin palalakihin si Santiago kasama ng kanyang mga kapatid. Noon namin nalaman kung gaano namin kailangan ang ating Ama sa Langit.

Bumuti ang lagay ng aming munting si “Santi” na sapat para alisin ang artificial respirator. Nang magsimula siyang humingang mag-isa, tila ba sinasabi niyang, “Inay, lalakas ako at gagawin ang aking makakaya.” Pinisil niya ang aming mga daliri sa kanyang maliit na kamay. Malakas siya, ngunit mahina ang kanyang puso. Huminto sa pagtibok ang kanyang puso, at di nagtagal, bumalik siya sa kanyang Ama sa Langit.

Hindi ko akalaing makararanas ako nang ganito. Ang sabik na maghintay sa pagsilang ng iyong anak, gumawa ng maraming plano para sa kanya, at pagkatapos ay panoorin siyang lisanin ang buhay na ito ay isa sa mga pinakamasasakit na pangyayari na maaaring pagdaanan ng isang ama at ina.

Nagpunta kaming mag-asawa sa templo pagkatapos ng libing ni Santiago. Pagpasok namin, napanatag kami. Alam ko na balang-araw makikilala ko ang aking sanggol at masisiyahan sa kanya bilang kanyang ina. Nagpapasalamat ako sa mga templo at sa mga walang hanggang pamilya. Nakasalalay ngayon sa amin kung paano kami mamumuhay upang makapiling muli ang aming munting si Santiago.