2017
Mga Propeta na Gagabay sa Atin
Setyembre 2017


Mensahe ng Unang Panguluhan

Mga Propeta na Gagabay sa Atin

family watching general conference on a tablet

Ilang taon na ang nakararaan, nakaupo ako noon sa loob ng silid ng Salt Lake Temple kung saan nagpupulong ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol minsan sa isang linggo. Tiningnan ko ang dingding na nakaharap sa Unang Panguluhan, at nakita ko doon ang larawan ng bawat isa na mga Pangulo ng Simbahan.

Habang tinitingnan ko ang mga iyon, na mga nauna sa akin—mula kay Propetang Joseph Smith (1805–44) hanggang kay Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008)—naisip ko, “Napakalaki ng pasasalamat ko sa patnubay ng bawat isa.”

Sila ay magigiting na kalalakihan na hindi kailanman nag-alinlangan, hindi kailanman natinag, at hindi kailanman nabigo. Sila ay mga tao ng Diyos. Habang iniisip ko ang mga propeta sa makabagong panahon na nakilala at minahal ko, naaalala ko ang buhay nila, ang mga katangian nila, at ang mga inspiradong turo nila.

Si Pangulong Heber J. Grant (1856–1945) ang Pangulo ng Simbahan noong ipanganak ako. Habang pinag-iisipan ko ang kanyang buhay at mga turo, naniniwala ako na ang isang katangian na ipinakita ni Pangulong Grant ay ang pagiging masigasig—masigasig sa mga bagay na mabuti at marangal.

Si Pangulong George Albert Smith (1870–1951) ang Pangulo ng Simbahan noong panahong naglilingkod ako bilang bishop ng aming ward sa Salt Lake City. Napansin niya na may malaking tug-of-war o hatakan na nangyayari sa pagitan ng Panginoon at ng kaaway. “Kung mananatili kayo sa panig ng Panginoon,” pagtuturo niya, “kayo ay sasailalim sa kanyang impluwensya at hindi ninyo hahangaring gumawa ng mali.”1

Tinawag akong maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa noong 1963 ni Pangulong David O. McKay (1873–1970). Itinuro niya ang pagsasaalang-alang sa iba sa paraan ng kanyang pamumuhay. “Ang pagiging tunay na Kristiyano,” sabi niya, “ay pag-ibig na kumikilos.”2

Si Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), isa sa mga pinakamalikhaing manunulat ng Simbahan, ay may panuntunang gumagabay sa kanyang kahusayan sa ebanghelyo sa kanyang buhay. Wala siyang tigil sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pamilyar sa mga turo at doktrina na matatagpuan sa loob ng mga pahina nito kumpara sa iba pang nakilala ko.

Si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ay naglingkod bilang stake president ko noong bata pa ako. Isang paboritong sipi niya ang “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag.”3 Hinikayat niya ang mga Banal na iayon ang kanilang sarili, at tumugon, sa mga bulong ng Espiritu Santo.

Naniniwala ako na ang isang alituntuning gumagabay sa buhay ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ay dedikasyon. Lubusan at walang pasubali niyang inilaan ang kanyang sarili sa Panginoon. Matapat din niyang ipinamuhay ang ebanghelyo.

Noong si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang naging Pangulo ng Simbahan, tinawag niya akong maglingkod bilang kanyang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Pag-ibig ang kanyang panuntunan, na makikita sa kanyang paboritong sipi, na binigkas ng Tagapagligtas: “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.”4

Si Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) ay isang taong laging tumitingin sa pinakamabuting katangian ng iba. Palagi siyang magalang; palagi siyang mapagpakumbaba. Pribilehiyo ko na maglingkod bilang kanyang Pangalawang Tagapayo.

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa atin na gawin ang lahat ng ating makakaya. Nagbigay siya ng malakas na patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Tinuruan niya tayo nang may pagmamahal. Ang paglilingkod bilang kanyang Unang Tagapayo ay isang karangalan at pagpapala sa akin.

Ang Tagapagligtas ay nagsusugo ng mga propeta dahil mahal Niya tayo. Sa pangkalahatang kumperensya ngayong Oktubre, ang mga General Authority ng Simbahan ay magkakaroon muli ng pribilehiyong ibahagi ang Kanyang salita. Itinuturing namin ang responsibilidad na ito nang buong taimtim at pagpapakumbaba.

Napakapalad natin na naipinanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo sa mundo at nakasalig ang Simbahan sa bato ng paghahayag. Ang patuloy na paghahayag ang pinaka-daluyan ng buhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Nawa’y maghanda tayong tumanggap ng personal na paghahayag na makukuha nang sagana sa panahon ng pangkalahatang kumperensya. Nawa’y mapuspos ang ating mga puso ng matinding determinasyon habang nakataas ang ating mga kamay para sang-ayunan ang mga buhay na propeta at apostol. Nawa’y maliwanagan, mapasigla, mapanatag, at mapalakas tayo habang nakikinig tayo sa kanilang mga mensahe. At nawa’y maging handa tayong mangakong muli sa Panginoong Jesucristo—sa Kanyang ebanghelyo at sa Kanyang gawain—at mamuhay nang may panibagong determinasyon na sundin ang Kanyang mga kautusan at isagawa ang Kanyang kalooban.