Mekanismo ng Paglipad
Maraming maituturo sa inyo ang isang eroplano tungkol sa pagsunod, paghahayag, at espirituwal na patnubay.
Dalawang Puwersa
Nang nagtrabaho ako bilang isang mekaniko ng eroplano, nalaman ko na, upang makalipad, ang isang eroplano ay nangangailangan ng dalawang puwersa:
-
Malakas na tulak, o momentum na pasulong, at sapat na bilis upang lumikha ng pag-angat. Dinadaig ng malakas na tulak ang kaladkad, na pumipigil sa paggalaw.
-
Pag-angat, na nililikha ng pagkakaiba ng presyon ng hanging dumaraan sa ibabaw ng pakpak at ng hanging dumaraan sa ilalim ng pakpak (tinaguriang Bernoulli’s principle). Dinadaig ng pag-angat ang gravity, kung hindi ay hahatakin ang eroplano pababa sa lupa.
Pagtutuwid ng Landas
Siyempre pa, marami pang ibang bagay na nangyayari kapag lumilipad ang isang eroplano. Pero karamihan sa mga ito ay kinapapalooban ng dalawang karagdagang sistema.
-
Mga gamit na pang-nabigasyon na tumutulong sa piloto na panatilihing nasa tamang landas ang eroplano. Kabilang dito ang mga gamit panukat at mga dial sa cockpit, pati na rin ang umiilaw na senyas ng radar at tinig-ugnayan sa flight tower.
-
Ang mga kontrol sa pagpapalipad na nagpapadali sa pagbabago ng direksyon. Kabilang dito ang timon (mga pagaspas sa buntot ng eroplano), mga aileron at trim tab (maliliit na pagaspas sa mga pakpak), malalaking pagaspas at spoiler, slat, at stabilizer. Nagagawa nitong paikutin, paakyatin, pasisirin, patagilirin at marahang ibalik sa lupa ang eroplano kapag oras na para lumapag.
Kaayusan sa Lupa
Ang mga piloto ay nakadepende sa mga tripulante sa lupa. Inihahanda ng mga tripulante ang eroplano sa paglipad, ginagabayan ang eroplano sa runway, nag-i-inspeksyon bago at pagkatapos ng paglipad, at nagsasagawa o nagrerekomenda ng kinakailangang pagkumpuni. Ang mga tripulante ang responsable sa pangangalaga at kaligtasan ng eroplano.
Ano ang Kaugnayan Nito sa Inyo
Gumawa ng ilang simpleng paghahambing, at makikita ninyo ang ilang nagbibigay-inspirasyong pagkakatulad ng mga alituntunin ng paglipad at ang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Espirituwal na Pag-angat
Ang pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ang bumubuo ng momentum. Ito ay nagbibigay ng malakas na espirituwal na pagtulak na lumilikha ng espirituwal na pag-angat. Patuloy tayo nitong pinasusulong. Dahil dito magagawa nating mangibabaw sa mundo, kung saan natin makikita nang malinaw kung paano makabalik sa ating Ama sa Langit.
Pagtutuwid ng Landas
Matapos kayong mabinyagan, natanggap ninyo ang Espiritu Santo, ang pinakamahusay sa lahat ng espirituwal na kasangkapang pang-nabigasyon. Sa inyong patuloy na pagsunod, ang marahan at banayad na tinig ay magbibigay ng palagiang pahiwatig tungkol sa mga dapat gawin, saan patutungo, at paano kikilos. Kung makikinig kayong mabuti, kayo ay gagabayan niya.
Pero nakasalalay sa inyo ang paggamit ng mga pamamaraang ipinagkaloob ng Panginoon upang itama ang inyong landas. Kabilang dito ang mga checkpoint—parati ba kayong nagdarasal, nagsasaliksik ng mga banal na kasulatan, dumadalo sa mga pulong, naghahanda para sa at pagpunta sa templo? At kabilang dito ang pagsisisi, na nagbibigay-daan upang makagawa kayo ng malalaki at maliliit na pagbabago sa espirituwal na pag-uugali, taas, at direksyon.
Espirituwal na Sertipikasyon
Tulad ng isang piloto, kailangan ninyong umasa sa inyong espirituwal na mga tripulante sa lupa. Kabilang sa inyong mga tripulante ang inyong mga magulang, mga lider ng Young Men o Young Women, ang inyong bishop at kanyang mga tagapayo, home teacher, seminary teacher, at mabubuting kaibigan. Isipin ang mga pakikipanayam o interbyu sa kanila bilang mga pag-i-inspeksyon bago at pagkatapos lumipad. Tulad din ng eroplano na regular na sinusuri, may pagkakataon kayong patunayan ang inyong kahandaang lumipad sa mga regular na interbyu. Makatutulong ang inyong mga espirituwal na tripulante sa lupa na suriin ang inyong mga kakayahan, ihanda ang inyong plano sa paglipad, at pagpayuhan kayo tungkol sa mga espirituwal na bilis ng hangin at potensiyal na sungit ng panahon. May mga aktibidad, tulad ng pagpunta sa templo, ang mangangailangan ng pagpapatunay na handa na kayong lumipad. Ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay tulad ng pakikinig mula sa isang flight controller na nakakakita sa lahat ng eroplano nang sabay-sabay at nagtuturo tungkol sa nabigasyon na may malawak na implikasyon. Makatutulong sa inyo ang pagsunod sa payong ibinigay para makaiwas sa posibleng panganib.
Handa nang Lumipad
Sa isang espirituwal na pakahulugan, nakatakda tayong lumipad. Tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, at gusto Niyang maabot natin ang tugatog ng pagiging espirituwal. Bilang Kanyang mga anak, dapat nating abutin ang langit dahil sa Kanyang tulong, lagi tayong malayang makakalipad sa mga bagong tugatog.