Ang Aklat na Nagligtas ng Aking Buhay
Ako at ang aking pamilya ay sumapi sa Simbahan noong 12 taong gulang ako. Noon, wala akong ideya kung gaano kahalaga ang kaloob na iyon. Ni hindi ko alam kung totoo ang Simbahan, pero nagustuhan ng aking ama at ina ang mensaheng dala ng mga missionary. Nagustuhan ko rin ang mga missionary pero hindi ko gaanong naintindihan ang sinasabi nila. Kalaunan, inanyayahan nila kaming magpabinyag, at nagpasiya ang pamilya ko na sasapi kami bilang isang pamilya, o hindi na lang. Pumayag ako at nabinyagan nang hindi tunay na nagbalik-loob o na-convert.
Dumalo ako sa simbahan at seminary, pero nawala kalaunan ang pamilya ko. May mga naging kaibigan ako sa simbahan at dumalo ako sa seminary at Mutwal upang makasama sila. Wala akong pakialam tungkol sa ebanghelyo o sa mga turo at sa isip-isip ko ang lahat sa simbahan ay walang kabuhay-buhay. Nagulo ang buhay ko nang magsimula akong masangkot sa mga aktibidad na tulad ng pang-uumit sa tindahan at bandalismo. Naging mapang-abuso ang ama ko, at naisip kong magpakamatay.
Gayunman, ang pagpapakamatay ay hindi kailanman naging opsiyon. Hindi ko magagawa iyon sa aking ina, na labis kong mahal. Kaya’t naiwan akong naghahanap ng kasagutan. Nagmasid-masid ako at nakita ang mga kaibigan ko sa simbahan. Ang isang bagay na taglay nila na wala ako ay ang patotoo. Kaya sa edad na 16, apat na taon matapos akong binyagan, umupo ako upang basahin ang Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon.
Mahirap, at inabot ako ng halos dalawang taon. Habang binabasa ko ang 3 Nephi tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, kung saan binasbasan Niya ang kanilang mga anak at nagsibaba ang mga anghel sa langit at pinalibutan sila, sa pakiwari ko ay naroon ako, nakatayo kasama ng mga Nephita at nakita ng sarili kong mga mata ang mahimalang pangyayaring iyon. Ang Espiritu Santo ay nagpatotoo sa dakilang sandaling iyon.
Hindi ko na nagawang magbasa pa, dahil sa nahilam sa luha ang aking mga mata. Nang mahimasmasan ako, ipinagpatuloy ko ang pagbasa. Ilang linggo pa ang lumipas, at natapos kong basahin ang aklat, lumuhod, at nagdasal ako upang malaman kung ito ay totoo. Pero wala akong natanggap na sagot.
Lumipas ang mga araw na parati akong nakaluhod at sumasamo na malaman kung ang aklat ay totoo, kung totoo ang Simbahan, pero wala pa rin akong natanggap na sagot. Nawawalan ng pag-asa, ilang linggo matapos akong magbasa, lumuhod akong muli at nagtanong, “Ama sa Langit, totoo po ba ang Aklat ni Mormon?” Ang sagot na natanggap ko ay hindi ko inaasahan: “Sinabi ko na sa iyo. Alam mo ito.”
Natamo ko ang aking patotoo ilang linggo na ang nakalipas, noong mabasa ko ang tungkol kay Cristo na binabasbasan ang mga bata. Alam ko na ang Simbahang ito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang kaharian ng Diyos sa lupa, na ipinanumbalik ng isang propeta at pinamumunuan ng isang propeta, tulad noong unang panahon.
Hindi kalabisang sabihin na iniligtas ng Aklat ni Mormon ang buhay ko, pero mas tamang sabihin na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ang nagligtas sa akin at patuloy ako nitong binabago at pinalalakas ako araw-araw. Ito ang pinakamahalaga kong pag-aari.