2017
Ang Aking Adiksiyon; ang Tulong ng Tagapagligtas
Setyembre 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Aking Adiksiyon; ang Tulong ng Tagapagligtas

depressed man

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Ilang taon na ang nakararaan, kaming mag-asawa ay muntik nang magdiborsyo dahil sa aking problema sa alak. Kahit ang pagluha ng aming mga anak na babae ay hindi nagpabago sa akin. Nang pumunta ang mga missionary sa aming tahanan, hindi nagtagal ay nagpabinyag ang aking asawa at mga anak, pero hindi ko tinanggap ang mga bagay ng Diyos.

Ang adiksiyon ko sa alak ang nagpapatakbo sa aking buhay. Nagpupunta ako sa mga bar pagkatapos ng trabaho at madalas na hindi nakakapasok dahil sa kalasingan. Kapag nakainom ako, nagiging pisikal na agresibo ako. Madalas akong masubo sa mga pagtatalo at pakikipag-away sa iba.

Kapag papasok na ako sa trabaho, mag-iiyakan ang mga anak ko at magsisisama sa akin upang mapigilan ako sa pag-inom. Nangako ako sa kanila na hindi na ako iinom, pero hindi ko kailanman tinupad ang aking mga pangako. Gusto ko lamang magpatuloy sa pag-inom.

Kalaunan, napagtanto kong kailangan ko ng tulong. Sa tulong ng mga missionary, sinikap kong paglabanan ang aking adiksyon. Pansamantala, hindi ko mapigil ang pag-inom nang higit pa sa isang linggo.

Pagkatapos isang araw nagbahagi ang mga missionary ng isang talata mula sa Aklat ni Mormon na nagpabago sa buhay ko: “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

Kailangan ko ang tulong ng Tagapagligtas. Kung wala Siya, hindi ko kailanman mapaglalabanan ang aking adiksyon. Nalaman kong kung mas sasandig ako sa Kanya, mas makakayanan ko ang hindi uminom. Matapos ang ilang pagbisita ng mga missionary, tinanggap ko ang paanyaya nilang magpabinyag.

Simula noon ay nagbago na ang buhay ko. Mahigit walong taon na ang lumipas, at hindi ko na tinikman pa ang kahit isang patak ng alak. Ako ngayon ay malaya, at utang ko itong lahat sa Panginoon.