2017
Ang Pasiya ni Jane
Setyembre 2017


Ang Pasiya ni Jane

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

Connecticut, 1842

Janes choice

“Ang Panginoon ay aking pastol …” Dinig ang musika sa buong paligid ni Jane Elizabeth Manning, ngunit hindi siya makapokus sa mga titik nito. Nakatingin siya sa kanyang mga kamay, at malalim ang iniisip.

Sumapi siya sa simbahang Presbyterian noong isang taon. Ngunit dama pa rin niya na parang may kulang. “Higit pa rito ang hanap ko,” naisip niya. Pero ano kaya iyon?

Pagkatapos ng pulong ng simbahan, dahan-dahang lumabas si Jane kasabay ng buong kongregasyon. Nagsisimulang magkulay-pula at ginintuan ang mga dahon. Nababanaag ang sikat ng araw sa kalapit na Norwalk River.

“Dumating ang isang manlalakbay na missionary sa bayan,” sabi ng isang lalaki. “Mormon siya, at nakikipag-usap daw muli ang Diyos sa mga propeta.”

Tumigil si Jane para makinig. Ito kaya ang hinahanap niya?

“Mga propeta?” pangungutya ng isa pang lalaki. “Gaya ng sa Biblia? Sino ang makikinig sa gayong mensahe?”

“Ako!” bulalas ni Jane. Lumingon ang ilang tao para titigan siya, pati na ang pastor. Nadama ni Jane na nag-init ang kanyang mga pisngi.

Sumimangot ang pastor. “Palagay ko hindi ka dapat makinig sa kanya. Kalokohan lang iyan. Naiintindihan mo ba?” Nang hindi siya umimik, tumango ang pastor at nakipag-usap sa iba. Minasdan ni Jane ang pag-alis nito at saka siya nagmamadaling umuwi.

Hindi siya nakatira sa bahay ng kanyang Mamma at mga kapatid. Sa bukid ng mga Fitch siya nakatira. Nanirahan siya roon bilang katulong noong anim na taong gulang pa lang siya. Araw-araw siyang nagtatrabaho nang husto, sa pagtulong kay Mrs. Fitch sa paglalaba, pamamalantsa, at pagluluto. Karaniwa’y gumigising siya bago sumikat ang araw. Nagparingas siya ng apoy, nagmasa ng tinapay, at naghalo ng mantikilya. Tuwing kaya niya, binibisita niya ang kanyang sariling pamilya.

Makaraan ang ilang araw, iniisip pa rin ni Jane ang missionary habang isinasampay niya ang mga damit ni Mr. Fitch para matuyo. Pumagaspas ang mga damit sa malakas na ihip ng hangin.

Sinabihan siya ng pastor na huwag pumunta, pero … kailangan siyang pumunta. Kailangan niyang makita kung matutulungan siya ng Mormon na ito na mahanap ang katotohanang hinahanap niya. Nang matapos siyang magsampay ng mga damit, desidido na siya. Pupunta siya sa pulong, anuman ang sabihin ng iba.

Pagsapit ng Linggo, gumising nang madaling-araw si Jane, isinuot ang pinakamagara niyang damit, at mag-isang naglakad papunta sa bulwagan ng pulong. Tahimik siyang naupo sa kahoy na bangko na nasa likod ng bulwagan. Napangiti si Jane nang makita niya kung gaano karami ang mga taong naroon. Mukhang hindi lang siya ang naghahanap ng higit pa!

Tumahimik sa silid nang tumayo si Elder Wandell. Mabilis na lumipas ang sumunod na oras nang magsalita siya tungkol sa Aklat ni Mormon at sa isang propetang nagngangalang Joseph. Maaari raw binyagan ang mga tao sa pamamagitan ng paglulubog, na tulad ni Cristo. At binanggit niya ang mga Banal na nagtitipon sa isang malayong lungsod na tinatawag na Nauvoo. Sa pagtatapos ng pulong, halos hindi makahinga si Jane sa sobrang saya niya.

Nang gabing iyon, binisita ni Jane ang kanyang pamilya.

“At ano ang pakiramdam mo sa mensahe ng missionary?” tanong ng kanyang ina nang ipaliwanag ni Jane kung paano niya ginugol ang kanyang Linggo.

“Kumbinsido po ako talaga na inilahad niya ang tunay na ebanghelyo,” sabi ni Jane. “Kailangan ko itong tanggapin. Bibinyagan ako sa susunod na Linggo.”

“Bibinyagan? Sasapi ka sa ibang simbahan?” tanong ng kapatid niyang si Isaac, habang humihila ng upuan.

“Oo! Ito ang matagal ko nang hinahanap. Totoo ito.”

Halata ni Isaac na seryoso siya. “Ano ang susunod na mangyayari?” mahinang tanong nito. “Ano ang gagawin mo matapos kang binyagan?”

“Sasama ako sa mga Banal,” sabi ni Jane. “Pupunta ako sa Nauvoo.”

Itutuloy …