Pagtanggap sa Hamon ng Isang Propeta
Lumipat ang pamilya ko sa Amerika mula sa Pilipinas noong ako ay 11 taong gulang. Noong una, nahihirapan akong makibagay. Pero nang matuto akong magsalita ng Ingles, mabilis akong nakaayon sa popular na kultura. Gustung-gusto kong makinig sa pop music, sinusubok ang iba’t ibang ayos ng buhok, at nagsusuot ng usong damit. Wala akong patotoo noon. Sa halip, may pagka-rebelde ako.
Nagbago ang buhay ko nang magpasiya akong tanggapin ang hamon ng propeta na seryosong basahin at pag-aralan ang Aklat ni Mormon. Binasa ko ang aklat mula sa simula hanggang sa wakas. Mabuti at maganda ang naging pakiramdam ko, pero hindi pa rin ako sigurado kung ito ay totoo.
Ninenerbiyos man, sinubok ko ang pangako ni Moroni sa Moroni 10:4–5. Inasahan kong may mga anghel na lilitaw, pero walang nangyaring ganoon. Naisip ko, “Ito lang ba iyon?”
Sa kabila ng aking pagkabigo, patuloy kong pinag-aralan ang aklat. Isang gabi, nanaginip ako tungkol sa Aklat ni Mormon. Paggising ko, nadama ko ang pag-aalab sa aking puso, kapayapaan ng isipan, at katiyakan. Naisip ko, “Ito na iyon. Ito ang sagot sa akin.”
Pagkatapos ng karanasang iyon, tumaas ang tiwala ko sa sarili. Gumanda ang grado ko sa paaralan, sumali sa mas marami pang mga aktibidad sa paaralan, at, higit sa lahat, naging napakaaktibo sa Simbahan. Patuloy kong pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon at ipinamumuhay ang mga turo nito. Ang mga naranasan ko habang binabasa ang Aklat ni Mormon ang naging mga angkla ko sa aking buhay.