2017
Sina Cayo at Anthony: Paris, France
Setyembre 2017


Mga Larawan ng Pananampalataya

Sina Cayo at Anthony

Paris, France

anthony and cayo walking together

Sina Cayo Sopi at Anthony Linat ay magkaibigan na simula noong bata pa sila. Si Cayo, na isang miyembro ng Simbahan, ay noon pa umaasam na sumapi si Anthony.

Leslie Nilsson, retratista

Cayo:

Matagal ko nang nakilala si Anthony. Kalilipat lang namin noon sa lugar. Pumasok ako sa bagong paaralan at nagsimulang magkaroon ng mga kaibigan. Si Anthony ay isa sa kanila. Siguro anim o pitong taong gulang kami noon. Nakakatuwang isipin iyan, ngayong 26 anyos na ako.

Naglalaro kami noon ng Pog. Ito ay isang laro namin noon sa France—hindi ko alam kung nilalaro ito sa ibang lugar. Habang naglalaro kami, sinikap ni Anthony na i-swipe ang isa o dalawa sa aking mga pitsa ng laro. Walang anu-ano, bigla kaming nag-away. Kinailangan kaming awatin ng aming guro. Pagkatapos niyon, parang mas pinahalagahan namin ang isa’t isa. Nagsimula kaming gumawa ng mga bagay na magkasama—paglalaro ng video games, skateboarding, at pagbibisikleta. Unti-unti, dumarami ang oras na magkasama kami.

Gusto lagi ng nanay ko noon na palaging nagdarasal ang aming pamilya. Bahagi iyon ng pagsasanay namin sa tahanan. Gayundin sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Itinanim sa aming puso at isipan ang mga bagay na ito. Isang gabi natulog ako kina Anthony. Habang nagdarasal ako bago matulog, nakita ako ni Anthony at nagtanong kung ano ang ginagawa ko. Hindi ko maalala ang eksaktong sinabi ko; naaalala ko lang na naroon kami sa kanyang silid at nag-usap kami tungkol sa panalangin.

Nagpunta si Anthony nang ilang beses sa aming bahay, at nakita niya ang pagbabasa namin ng mga banal na kasulatan, pagbasbas bago kumain, at pagdarasal bilang pamilya. Nakita rin niya kaming nagkakantahan ng mga himno. Tinanong ko siya minsan o dalawang beses kung gusto niyang magsimba. Siguro nakita ko sa kanyang reaksyon na hindi siya masyadong natutuwa sa ideya ng pagsisimba. Sinabi ko sa sarili ko, “Sige, talagang ganoon siguro, nakakalungkot nga lang, pero mananatili kaming magkaibigan.”

Anthony:

Noong una medyo malayo ang loob ko sa Simbahan. Wala akong masyadong nauunawaan, at medyo takot akong kausapin si Cayo tungkol sa kung paano sama-samang nagtitipon ang kanyang pamilya para manalangin. Kaya noong una hindi ako sumasagot sa mga imbitasyon. Ngunit unti-unti, gumanda ang pakiramdam ko. Nadama ko na ang pamilya ni Cayo ay kaiba sa iba pang mga pamilya.

Cayo:

Kalaunan ay magkaiba na ang mga ginagawa namin. Hindi na kami nagkabalitaan sa paglipas ng mga taon, pero madalas kaming nagkakasalubong. Noong tinedyer na kami, muli kaming naging malapit na magkaibigan.

Anthony:

Nakita ko na kaiba si Cayo sa ibang mga kaibigan ko. Marami kaming kalokohan habang lumalaki kami, pero tinulungan ako ni Cayo na piliin ang mabuting landas.

Cayo:

Nagsimulang sumama si Anthony sa aming pamilya para magsimba. At naging natural na ang mga pangyayari, ang mga missionary ay nag-ukol sa amin ng maraming oras, at si Anthony ay naging pamilyar sa Simbahan. Alam niya kung ano ang panalangin, alam niya ang mga himno, alam niya ang lahat ng iyon—hindi lang siya miyembro.

Anthony:

Sa edad na 8 hanggang 18, pinag-isipan kong mabuti ang tungkol sa pagpapabinyag. Pero natagalan ako dahil marami akong kailangang baguhin sa buhay ko, bagama’t sinikap kong ipamuhay ang mabubuting alituntunin.

Sa edad na 18, nakilala ko ang mga missionary sa tahanan ni Cayo. Itinuro sa akin ng mga missionary ang mga lesson para maihanda ako para sa binyag. Tinulungan nila ako, at ang mensahe nila ay umantig sa puso ko. Sa panahong ito, ang aking ina at kapatid na babae ay ipinakilala sa mga missionary. Sila ay nabinyagan ilang buwan bago ako nabinyagan. Nabinyagan ako noong Marso 10, 2007.

Cayo:

Natagalan, mahigit 10 taon, ngunit sa huli ay nabinyagan siya.

Nakakatuwang makita kung paano kumikilos ang Panginoon. Pagkatapos niyon, nagmisyon ako sa France at nagsulatan kami. Ngayon ay magkakahiwalay kami dahil si Anthony ay naging isang gendarme [pulis] kailan lang, at aalis siya para magtrabaho sa loob ng dalawa hanggang limang taon sa Guyana, pero sigurado akong magkakabalitaan kami.

Anthony:

Simula nang sumapi ako sa Simbahan, ginagawa ko ang kailangan para manatili sa tuwid na landas at ibahagi ang ebanghelyo sa mga nasa paligid ko. Ito ay isang bagay na napakasimple, ngunit maaaring mahirap para sa iba na tanggapin at ipamuhay ang ebanghelyo. Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay tunay na kakaiba sa lahat.

Nahihirapan ang iba pang miyembro ng aking pamilya na makita kung bakit naghahanda ako, ang nanay ko, at ang kapatid kong babae para magsimba tuwing Linggo. Nakabihis ako suot ang aking amerikana at umaalis nang alas 8:30 para nasa simbahan na ako nang alas-9:00, at madalas hanggang alas-3:00 ng hapon ako doon dahil sa aking tungkulin. Nasisiyahan akong makaugnayan ang iba pang mga miyembro at malaman kung ano ang nangyayari sa kanilang buhay. Gusto kong nakikibahagi kasama ng mga miyembro; ito ay pambihira. Mahalagang napalilibutan tayo ng mga miyembro, na magkaisa, at madamang pinalalakas natin ang isa’t isa.

Cayo:

Naniniwala akong ginagawa ng Panginoon ang lahat para tayo ay tunay, tapat, at lubusang magbago. Ang pagiging Banal sa mga Huling Araw at isang alagad ni Cristo ay hindi lamang tungkol sa pagpapasiyang taglayin ang ilang pag-uugali; ito ay pagpapatunay ng malaking pagbabago sa ating sarili. Nakita ko ang pagbabagong iyon kay Anthony.

Anthony:

Nakapapanatag sa akin ang malaman na mayroon akong Ama sa Langit. Nakapapanatag din sa akin ang malaman na isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, upang mamatay para sa atin—para sa akin.

Ngunit, anuman ang kalagayan, alam kong totoo ito. Alam ko rin na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Naniniwala ako rito. Ang Simbahan ay totoo. Mayroon tayong totoong propeta, si Thomas S. Monson. Ang Labindalawang Apostol ay talagang tinawag ng Diyos.

Iyan ay isang bagay na hindi ko naunawaan noon, at palagay ko, kahit ngayon, hindi ko pa rin ito lubusang naiintindihan. Makapangyarihan ito at talagang isang kakaibang damdamin.

Cayo and Anthony walking through their neighborhood

Sina Cayo Sopi (kaliwa) at Anthony Linat (kanan) na naglalakad sa kanilang lugar sa labas ng Paris, France. Magkaibigan sila mula pa pagkabata.

Cayo and Anthony standing on the sidewalk

“Habang nagiging malapit kaming magkaibigan, nakikita ko na kakaiba si Cayo sa ibang mga kaibigan ko,” paggunita ni Anthony. Sa paglipas ng panahon, nakatulong ang halimbawa ni Cayo para maging mas interesado si Anthony sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Cayo and Anthony walking down the street

Balak nina Cayo at Anthony na patuloy na magbalitaan kapag lumipat na si Anthony sa Guyana.

Cayo and Anthony in front of a market

“Mula nang sumapi ako sa Simbahan,” sabi ni Anthony, “ginagawa ko na ang kailangan para manatili sa tuwid na landas at ibahagi ang ebanghelyo sa mga nasa paligid ko.” Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay “isang bagay na napakasimple,” sabi niya.

Cayo and Anthony walking alongside a waterway

Nagpapasalamat pa rin si Cayo sa pagkakataong maibahagi niya ang ebanghelyo sa kanyang kaibigan. “Naniniwala ako na ginagawa ng Panginoon ang lahat para tayo ay tunay, tapat, at lubusang magbago,” sabi ni Cayo. “Nakita ko ang pagbabagong iyon kay Anthony.”

Cayo and Anthony walking around their neighborhood

Sinasabi ni Anthony na ang pagkatuklas niya sa ebanghelyo ay isang pagpapala sa kanyang buhay. “Nakapapanatag sa akin ang malaman na mayroon akong Ama sa Langit,” sabi niya. “Nakapapanatag din sa akin ang malaman na isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo.”

Cayo and Anthony walking and talking

“Nakatutuwang makita kung paano kumikilos ang Panginoon,” sabi ni Cayo. Umabot ng mahigit 10 taon bago nabinyagan si Anthony, ngunit sa panahong iyon, si Anthony ay nagkaroon ng malakas na patotoo.