2017
Pag-eksperimento sa Musika
Setyembre 2017


Pag-eeksperimento sa Musika

Ang may akda ay naninirahan sa Utah, USA.

Kung gusto kong mapalalim ang aking patotoo at espirituwal na umunlad, kailangang itigil ko ang pagdadahilan sa pag-uugali ko.

woman experimenting with music

Lagi kong iniisip noon na isa ako sa mapapalad na eksepsyon sa ilang pamantayan ng ebanghelyo. Kaya ginawa ko kung ano ang gusto ko, nagpapasiya kung aling pamantayan ang mahalaga at kung alin ang hindi. Ang isa sa mga pamantayang inakala kong opsyonal ay ang pakikinig sa walang galang at bulgar na musika (tingnan sa Para sa Lakas ng Kabataan [2011], 22). Hindi ko inisip na magdudulot ng kaibhan ang musikang pinakikinggan ko sa mga ikinikilos ko at nadarama tungkol sa ebanghelyo. Malakas pa rin ang aking patotoo kay Jesucristo, at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko upang maglingkod sa kapwa at dumalo sa mga pulong ng Simbahan. Sinabi ko sa sarili ko na nakalulungkot na hindi namuhay nang may kalinisang puri ang mga musikerong ito, pero OK sa aking makinig sa kanilang musika—tutal, hindi naman ito humahadlang upang ipamuhay ko ang ebanghelyo.

Habang naghahanda akong magmisyon, hindi ako nag-isip nang dalawang ulit kung paano napipigilan ng pinakikinggan kong musika ang aking espirituwal na pag-unlad.

Gayunman, ilang oras matapos kong buksan ang aking tawag sa misyon, sumaisip ko ang banal na kasulatan sa Alma 32:27 na: “Subalit masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.”

At naisip ko pagkatapos ang salitang iyon: pagsubok o pag-eksperimento. Kung gusto kong matanggap ang mga pagpapalang pinalalampas ko, kailangan kong mag-eksperimento. Kaya nga nang sumunod na tatlong linggo, iniwasan kong makinig sa nakapipinsalang musika. Mahirap noong una, at maraming ulit akong nagpabalik-balik. Pero makalipas ang ilang araw, ang payapang damdaming nagsimula kong madama sa araw-araw ay sapat na upang magpatuloy ako. Bukod pa dito, bilang estudyante sa kolehiyo, mas gumaling ako sa mga klase ko. Mas madali akong makapagpokus, at naging mas sensitibo sa Espiritu sa panahong higit kong kailangan sa buhay ang patnubay ng langit.

Natuklasan kong kahit ang mga hangarin ko ay nagbago rin. Hinangad kong matanggap ang lahat ng pagpapalang naghihintay na ibigay sa akin ng Ama sa Langit. Ang karanasan ko sa pagbabago ng kinagawiang pakikinig ng musika ay nakatulong sa akin na maunawaan na walang opsiyonal na pamantayan at bawat utos na ibinigay sa atin ay idinisenyo upang mapalalim ang ating relasyon sa ating Ama sa Langit, at gawin tayong mas katulad Niya. Ang iwasang sundin ang ayaw nating gawin ay magkakait lamang sa atin ng mga pagpapalang ipinangako Niya.

Ang pagsunod sa mga pamantayan ng ebanghelyo at kautusan ang nagbubukod sa atin bilang tunay na mga disipulo ni Cristo. Kapag humahakbang tayo mula sa paggawa ng mabuti tungo sa mas mabuti, tunay na pinasasaya natin ang ating Ama sa Langit. Hindi tayo maaaring nasa bandang gitna lamang sa ebanghelyong ito. Tayo ay sumusulong lamang o umaatras, at ang ideyang “Maayus-ayos naman ang ginagawa ko sa ngayon” ang tiyak na magpapaatras sa atin sa huli. Subalit kung tayo ay aasa kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala upang mas maging mabuti nang kaunti bawat araw, mamumuhay tayong panatag sa Kanyang kapayapaan at malalaman na nahuhubog tayo sa uri ng tao na alam Niyang kaya nating marating.