Kabanata 1
Kailangan Natin ang mga Buhay na Propeta
Pambungad
Nabubuhay tayo sa panahon na napakaraming oportunidad, mga pagsubok, at tukso. Kahit malaki ang naitutulong ng mga salita ng mga nagdaang propeta, kailangan natin ang patuloy na patnubay ng Panginoon na akma sa mga kalagayan o pangyayari sa ating panahon. Itinuro ni Pangulong John Taylor (1808–87):
“Nangangailangan tayo ng buhay na puno—buhay na bukal—buhay na katalinuhan, na nagmumula sa buhay na priesthood sa langit, mula sa buhay na priesthood sa mundo. … Nangailangan ang mga ito ng bagong paghahayag, na angkop sa partikular na kalagayan ng simbahan o ng indibiduwal sa panahong iyon.
“Hindi ipinahayag kay Adan na tagubilinan si Noe na gumawa ng arko; o ipinahayag kay Noe na sabihin kay Lot na lisanin ang Sodom; o nagsalita ang isa sa kanila tungkol sa paglisan ng mga anak ng Israel mula sa Egipto. Ang mga ito ay nakatanggap ng paghahayag para sa kanilang sarili. … At gayon din tayo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2002], 189–90).
Ang layunin ng kabanatang ito ay tulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan na kailangan nila ang mga buhay na propeta at ang mga pagpapalang natatanggap natin sa pagsunod sa kanilang payo.
Ilang Doktrina at mga Alituntunin
-
Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa mga buhay na propeta ngayon tulad ng ginawa Niya noon.
-
Ang Simbahan ng Panginoon ay nakasalig sa pundasyon ng mga propeta at apostol.
-
Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.
-
Tinutulungan tayo ng mga propeta na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.
-
Ang kaligtasan ay nagmumula sa pagkakaroon ng kaalaman at pagsunod sa mga turo ng mga buhay na propeta.
Mga Ideya sa Pagtuturo
Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang Kalooban sa mga Buhay na Propeta Ngayon Tulad ng Ginawa Niya Noon
Ibahagi sa iyong klase ang pahayag ni Pangulong Hugh B. Brown (1883–1975) ng Unang Panguluhan tungkol sa pangangailangan sa mga buhay na propeta mula sa bahagi 1.1 ng Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante.
Ipabasa sa buong klase ang Amos 3:7 at itanong:
-
Paano pinagtitibay ng Amos 3:7 ang itinuro ni Pangulong Brown?
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya: 1 Nephi 2:1–3; Exodo 3:3–4, 15–18. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang isa sa mga reperensya at tukuyin kung ano ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga tao at sino ang nakatanggap ng paghahayag. Maikling talakayin ang nalaman nila.
Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong John Taylor (1808–87) sa bahagi 2.4 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay talakayin ang ibinigay na mga dahilan ni Pangulong Taylor kung bakit kailangan ang mga buhay na propeta.
Para bigyang-diin na inihahayag ng Panginoon sa mga buhay na propeta ang payo at tagubilin na kailangan natin sa ating panahon, isulat ang salitang pornograpiya sa pisara. Ibahagi sa mga estudyante na ang unang pagkakataon na ginamit ang salitang pornograpiya sa pangkalahatang kumperensya ay noong Oktubre 1959. Nang sumunod na 10 taon, mula 1959 hanggang 1969, binanggit ito nang 8 beses sa kumperensya. Gayunman, sa loob ng 10 taon mula 1999 hanggang 2009 binanggit ito o pinag-usapan nang 81 ulit sa pangkalahatang kumperensya. Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Sa palagay ninyo. bakit nagkaroon ng malaking pagbabago sa bilang ng pagbanggit ng mga Kapatid sa pornograpiya? (Maging maingat upang hindi ito mauwi sa detalyadong talakayan tungkol sa pornograpiya; isang halimbawa lang ito na kailangan ang mga buhay na propeta dahil sa pagbabago ng kalagayan.)
-
Ano ang iba pang mga halimbawa ng mahahalagang katotohanan o payo na natanggap sa ating panahon sa pamamagitan ng mga buhay na propeta na maaaring hindi masyadong nabigyang-diin ng mga propeta noon? (Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara para matalakay kalaunan sa lesson. Maaaring kabilang sa mga sagot ang family home evening o mga babala laban sa pagkalulong sa droga, aborsyon, at homoseksuwalidad.)
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Dumating [kay Pangulong Thomas S. Monson] ang paghahayag at inspirasyon sa harapan ko. … Isa akong saksi” (Henry B. Eyring, “Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 24).
Itanong:
-
Bakit mahalagang malaman na patuloy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang isipan at kalooban sa pamamagitan ng mga buhay na propeta?
Patotohanan na kailangan ang mga buhay na propeta sa mundo ngayon at patuloy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang isipan at kalooban sa pamamagitan ng Kanyang mga piling propeta.
Ang Simbahan ng Panginoon ay Nakasalig sa Pundasyon ng mga Propeta at Apostol
Idrowing ang kasamang diagram sa pisara at itanong ito sa mga estudyante:
-
Batid ang kahalagahan ng matibay na pundasyon, anong kaibhan ang nagagawa ng uri ng materyal na ginagamit sa pagtatayo ng pundasyon?
Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 7:24–27.
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Halos dalawang dekada na ang nakararaan noong itatayo pa lang ang templo sa Mexico City, naharap ang mga arkitekto sa isang malaking hamon. Dahil ang Mexico City ay nasa lupaing nasa ibabaw ng daluyan ng tubig, ang pundasyon ng ilan sa mga gusali nito ay nagagalaw at tumatagilid sa paglipas ng panahon. Ang pagtatayo ng templo roon ay nangailangan ng espesyal na pundasyon. Dalawang daan at dalawampu’t isang malalaki at pinatibay na haliging semento [bawat haligi ay 18 pulgada ang diametro] ang ibinaon nang mahigit 100 talampakan na lalim sa lupa. … Sa hindi nakikita ngunit tiyak na pundasyong ito, ang templo ngayon ay nakatayong matibay at tuwid.
“Ang matibay na pundasyon ay kailangan para sa alinmang gusali, institusyon, o indibiduwal para tumagal ito. Dahil diyan, isipin natin ang pundasyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagkatapos ay tingnan natin kung paano sinusuportahan ng matibay na pundasyon ng Simbahan ang pundasyon ng ating pananampalataya bilang mga miyembro ng Simbahan” (Russell M. Nelson, “How Firm Our Foundation,” Ensign, Mayo 2002, 75).
Basahin nang malakas ang Mga Taga Efeso 2:19–21 sa klase at gamitin ang mga sumusunod na tanong upang tulungan ang mga estudyante na ikumpara ang pundasyon ng Mexico City Temple sa pundasyon ng Simbahan na binubuo ng mga propeta at apostol:
-
Sa paanong paraan ang pundasyon ng mga propeta at apostol ay tulad ng malalaking haliging ginamit para maging matibay ang Mexico City Temple?
-
Ano ang magagawa ng isang tao upang matiyak na siya ay nagtatayo ng matibay na pundasyon?
Ipaliwanag na nagbigay si Apostol Pablo ng ilang dahilan kung bakit kailangan ang pundasyon ng mga propeta at apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:11–14. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga dahilan kung bakit ibinigay ng Panginoon ang mga propeta at apostol bilang ating pundasyon. Talakayin ang mga nalaman ng mga estudyante.
Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol mula sa bahagi 1.4 ng manwal ng estudyante. Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Ayon kay Elder Holland, bakit napakahalaga ngayon ng pundasyon na mga propeta at apostol?
-
Ano ang isang halimbawa ng turo ng isa sa mga propeta at apostol mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya na nakatulong para palakasin ang inyong saligan o pundasyon ng pananampalataya?
-
Paano makatutulong ang pagsunod sa turong iyon o sa iba pang mga turo na naaalala ninyo mula sa kumperensya para hindi kayo “napapahapay dito’t doon … ng lahat na hangin ng aral” (Mga Taga Efeso 4:14) sa mundo ngayon?
Ang mga Miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag
Ipakita ang larawan ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan.
Ipaalala sa mga estudyante na sa mga kumperensya ng ating ward at stake, at sa pangkalahatang kumperensya ay itinataas natin ang ating kanang kamay upang patunayan na sinasang-ayunan natin ang mga General Authority. Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Ano ang ginagamit na salita kapag sinasang-ayunan natin ang Pangulo ng Simbahan? (Propeta, tagakita, at tagapaghayag.)
-
May iba pa ba tayong sinasang-ayunan sa gayon ding pananalita?
-
Ano ang kapakinabangan ng pagkakaroon ng mahigit sa isang tao na may ganyang awtoridad?
Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) sa bahagi 1.5 ng manwal ng estudyante. Itanong:
-
Kapag namatay ang propeta, sino ang may awtoridad na maglingkod bilang kasunod na Pangulo ng Simbahan?
Isulat ang salitang propeta sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang nakasulat sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa salitang propeta. Pagkatapos ay sabihing makipagtulungan sila sa isa pang tao sa klase para makabuo ng maikling depinisyon ng salita. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga depinisyon.
Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang bahagi 1.6 ng manwal ng estudyante at basahin ang impormasyon sa ilalim ng subheading na “Propeta” (bahagi 1.6.1). Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang anumang partikular na salita o parirala na nagpapaliwanag pa kung ano ang propeta at ano ang mga ginagawa niya.
Hatiin ang klase sa dalawang grupo, at sabihin na hayaan nilang nakabukas ang kanilang manwal sa bahagi 1.6. Sabihin sa isang grupo na rebyuhin ang impormasyon sa ilalim ng subheading na “Tagakita” (bahagi 1.6.2) at iparebyu sa isa pang grupo ang impormasyon sa ilalim ng subheading na “Tagapaghayag” (bahagi 1.6.3).
Pagkatapos bigyan ng sapat na oras para marebyu at mapag-aralan ito, sabihin sa bawat grupo na pumili ng isang tagapagsalita. Sabihin sa tagapagsalita na ito na ituro sa klase kung paanong naiiba ang tagakita o tagapaghayag sa isang propeta. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang damdamin at patotoo tungkol sa dahilan kung bakit mahalaga ngayon ang mga tagakita at tagapaghayag. Kung may mga estudyanteng personal nang nakita ang isang Apostol (propeta, tagakita at tagapaghayag) o dumalo sa isang pulong kung saan nagsalita mismo ang isang Apostol, hikayatin silang ikuwento ang karanasan at nadama nila.
Tinutulungan Tayo ng mga Propeta na Magkaroon ng Pananampalataya kay Jesucristo
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:17 sa iyong klase at itanong:
-
Ano ang dahilan na binanggit ng Panginoon sa pagtawag kay Propetang Joseph Smith?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:21 sa iyong klase at itanong:
-
Anong karagdagang dahilan ang binanggit ng Panginoon kung bakit kailangan si Joseph Smith sa mga huling araw?
-
Paano naragdagan ng inyong kaalaman tungkol sa buhay at mga turo ni Joseph Smith ang inyong pananampalataya?
-
Paano naragdagan ng inyong kaalaman tungkol sa buhay at mga turo ng iba pang mga propeta ng Simbahan ang inyong pananampalataya?
Ang Kaligtasan ay Nagmumula sa Pagkakaroon ng Kaalaman at Pagsunod sa mga Turo ng mga Buhay na Propeta
Magdala ng lalagyan ng likidong panlinis (o anumang bagay na may babala sa label) at basahin sa klase ang babala na nasa label. Itanong:
-
Ano ang maaaring mangyari kung walang nakalagay na babala sa lalagyan o kung hindi pinakinggan ng tao ang babala na nasa label?
-
Anong mga pagkakatulad ang nakikita ninyo sa label na nasa boteng may kemikal na panlinis at sa mga turo ng propeta?
Ipaliwanag na maaaring magamit ng ilang tao ang likidong panlinis sa maling paraan at mapahamak sila dahil hindi nila alam ang tungkol sa babala, samantalang ang iba na nakaaalam tungkol sa babala ngunit hindi ginamit ang kaalamang iyon ay daranas ng gayon ding kapahamakan.
-
Paano maiaangkop sa ating mga propeta ngayon ang nabanggit na sitwasyon ng maling paggamit ng likidong panlinis?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:2–4. Sabihin sa iyong mga estudyante na tukuyin kung paano tayo bibigyan ng Panginoon ng babala sa mga huling araw. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Sino ang “mga disipulo” ng Panginoon sa ating panahon?
-
Paano maikukumpara ang babalang ito sa babala na nasa likidong panlinis?
Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) sa bahagi 1.10 ng manwal ng estudyante. Itanong:
-
Ayon kay Pangulong Lee, ano ang susi upang maging ligtas sa kabila ng mga hamon ng buhay?
-
Ano ang magagawa natin upang matiyak na nakikita natin ang mga “babala sa label” na ibinigay ng mga Apostol sa mga huling araw ukol sa mga hamon ng buhay ngayon?
Basahin sa iyong mga estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Dahil mabait ang Panginoon, tumatawag Siya ng mga tagapaglingkod para balaan ang mga tao tungkol sa panganib. Ang tungkuling iyan na magbabala ay lalo pang pinaigting at binigyang-halaga ng katotohanan na ang pinakamahahalagang babala ay tungkol sa mga panganib na hindi pa iniisip ng mga tao na totoo” (Henry B. Eyring, “A Voice of Warning,” Ensign, Nob. 1998, 32).
Itanong sa mga estudyante:
-
Paano nahihiwatigan ng mga propeta ang mga panganib na hindi nahihiwatigan ng iba? (Kung hindi babanggitin ng mga estudyante, maaaring ito ang angkop na pagkakataon para magpatotoo tungkol sa tungkulin ng mga tagakita—nakikita nila ang mga bagay sa pamamagitan ng paghahayag na hindi nakikita ng iba.)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag naririnig natin ang payo ng Panginoon na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat positibo at kaagad tayong tumugon at sumunod. Makikita sa kasaysayan na mayroong kaligtasan, kapayapaan, kaunlaran, at kaligayahan sa pagsunod sa payo ng propeta” (M. Russell Ballard, “His Word Ye Shall Receive,” Ensign, Mayo 2001, 65).
Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Ano ang mga dahilan ng ilang tao sa pagbalewala sa mga babala na natatanggap natin mula sa mga Kapatid?
-
Anong kaibhan ang magagawa ng pagsunod sa mga babala at payo ng mga propeta at apostol sa paraang inilarawan ni Elder Ballard?
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang listahan sa pisara na ginawa kanina ng klase tungkol sa mahahalagang katotohanang inihayag ng ating mga buhay na propeta. Ang mga Kapatid ay nag-uukol ng maraming oras, pagsisikap, at pera para maidaos ang pangkalahatang kumperensya; ang kanilang layunin ay matulungan tayo ng mga mensahe, panalangin, at musika upang mas mapagbuti pa ang ating buhay. Itanong sa klase:
-
Ano ang dapat gawin ng mga Kapatid para matiyak na mangyayari ito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang paghahandang mabuti, pagiging inspirado tungkol sa paksang tatalakayin, at pagsasalita sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu Santo.)
-
Ano ang responsibilidad ko sa prosesong ito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pakikinig, pagdarasal para sa mga Kapatid na nagsasalita, pagdarasal na madaling tumanggap, pagtatala, hindi pagkaabala sa panahon ng kumperensya, at pagiging naaayon sa Espiritu Santo.)
Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante para pag-isipan ang kanilang isasagot at gumawa ng ilang mithiin.
Pagpartnerin ang mga estudyante. Ipaaral sa bawat magkapartner ang Doktrina at mga Tipan 21:4–6 at pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong bago magklase):
Basahin sa iyong klase ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Ang paghahanap sa landas tungo sa kaligtasan sa payo ng mga propeta ay makabuluhan sa mga taong may malakas na pananampalataya. Kapag nagsasalita ang propeta, maaaring isipin ng mga taong kaunti lang ang pananampalataya na ang naririnig nila ay isang matalinong tao lamang na nagbibigay ng magandang payo. …
“… Ngunit ang pagpiling huwag pakinggan ang payo ng propeta ay nagpapabago sa landas na tinatahak natin. Ito ay nagiging mas mapanganib. Ang hindi pagsunod sa payo ng propeta ay nagpapahina sa kakayahan nating sundin ang inspiradong payo sa hinaharap” (Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25).
Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Bakit nagiging “mas mapanganib” ang “landas na tinatahak natin” kapag sinusuway natin ang payo ng propeta?
-
Ano ang ilang halimbawa ng payo ng propeta na ibinigay sa inyong panahon na nauukol sa mga problema sa makabagong panahon? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kabilang sa mga sagot ang pornograpiya, pagsusugal, diborsyo, pagpapatawad sa iba, kapalaluan, pagbabasa ng Aklat ni Mormon, o iba pang payo.)
Bigyan ng papel ang bawat estudyante. Sabihin sa kanila na pumili ng isa sa mga sagot na nakalista sa pisara at sumulat ng isang talatang naglalarawan kung paanong ang pagsunod sa payong ito ay magdudulot ng espirituwal na kaligtasan at “itataboy ang mga kapangyarihan ng kadiliman” (D at T 21:6) sa kanilang buhay. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang isinulat. Para sa mga estudyante na magbabahagi ng kanilang sagot, sunod na itanong sa kanila ang mga sumusunod:
-
Kailan ninyo nadama ang katotohanan ng turong ito sa inyong buhay?
-
Paano ninyo ituturo at patototohanan ang alituntuning ito sa isang kapamilya o kaibigan?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag nalaman natin ang kahalagahan ng mga buhay na propeta sa ating buhay, kailangang tiyakin natin na kikilos tayo upang ipamuhay ang kanilang mga turo. Ang Panginoon ay nagsugo ng mga propeta para tulungan tayong manatiling ligtas sa espirituwal.