Pambungad
Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang mga buhay na propeta ang namamahala sa simbahang ito ngayon. Ang pinakamalaking seguridad ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagmumula sa pagkatutong pakinggan at sundin ang mga salita at kautusan na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng mga buhay na propeta. Umaasa ako na mauunawaan ng mundo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng buhay na propeta sa lupa ngayon” (Robert D. Hales, “Hear the Prophet’s Voice and Obey,” Ensign, Mayo 1995, 17).
Bilang titser para sa kursong ito, may pagkakataon kang tulungan ang iyong mga estudyante na makita ang pagpapala na mabuhay sa panahong ito na narito sa lupa ang mga buhay na propeta. Matutulungan mo sila na malaman na ang Ama sa Langit ay nangungusap ngayon tulad ng ginawa Niya noon sa lahat ng dispensasyon. Kapag ang mga buhay na propeta ay nagsasalita nang may awtoridad sa mga miyembro ng Simbahan, sinasabi nila ang “kaisipan ng Panginoon, … tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan” (D at T 68:4).
Pag-aralan nang may panalangin ang mga banal na kasulatan at ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Hangarin ang Espiritu Santo sa pagpili mo ng mga aktibidad sa pag-aaral na makatutulong sa mga estudyante na umunlad sa espirituwal. Tulungan ang mga estudyante na matuklasan, maunawaan, at maipamuhay ang mga katotohanan na inilahad sa mga kumperensya ng Simbahan.
Ang manwal na ito ay makatutulong sa iyong paghahanda dahil nagbibigay ito ng panimulang impormasyon sa mga kabanata, tinutukoy ang mga banal na kasulatan at mga alituntunin ng ebanghelyo, at nagmumungkahi ng mga paraan upang matulungan mo ang mga estudyante na maunawaan ang doktrina at maipamuhay nila ito.
Paano Nabuo ang Manwal na Ito
Ang Religion 333 ay nilayong ituro sa isang semestre. Ang manwal na ito ay naglalaman ng pitong kabanata:
-
Kailangan Natin ang mga Buhay na Propeta
-
Ang Buhay na Propeta: Ang Pangulo ng Simbahan
-
Paghalili sa Panguluhan
-
Ang Korum ng Unang Panguluhan
-
Ang Korum ng Labindalawang Apostol
-
Pangkalahatang Kumperensya
-
Pag-aaral ng mga Mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya
Kabilang sa unang anim na kabanata ang nilalaman at mga ideya na magagamit mo bilang resource o sanggunian habang itinuturo mo ang mga saligang doktrina para sa klaseng ito. Bilang titser maaari mong ituro ang mga lesson na ito sa unang anim na class period ng semestre o kaya ay ituro ang mga ito sa hindi sunud-sunod na araw sa buong semestre. Ang Kabanata 7 ay naglalaan ng mga ideya para sa iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ng mga salita ng mga General Authority mula sa pinakahuling isyu ng kumperensya ng magasing Ensign o Liahona. Dapat ituro sa natitirang mga class period ang mga mensahe mula sa kumperensya.
Ang mga lesson sa manwal na ito ay ituturo sa loob ng 50 minuto. Kung dalawang beses sa isang linggo ang klase ninyo, ang bawat lesson ay dapat ituro ng mga 50 minuto. Kung minsan lang sa isang linggo ang klase ninyo, ang bawat lesson ay dapat ituro ng mga 90 minuto. Para sa 90-minutong klase maaari mong ituro ang isa sa mga lesson mula sa manwal na ito gayundin ang materyal o mensahe mula sa Ensign o Liahona. Kailangan mong iakma ang materyal ng kurso sa bawat pagtuturo mo. Sa isang karaniwang semestre, ang pagtuturo mula sa Ensign o Liahona ay gugugol ng mga 75 porsiyento ng oras ng klase.
Bawat kabanata sa manwal na ito ay may tatlong bahagi:
-
Pambungad
-
Ilang Doktrina at mga Alituntunin
-
Mga Ideya sa Pagtuturo
Pambungad
Tampok sa bahaging “Pambungad” ang mga pangkalahatang tema na nakapaloob sa kabanata at tutulungan ka nito na makita kaagad at malaman ang kabuuang paksa.
Ilang Doktrina at mga Alituntunin
Ang bahaging tinatawag na “Ilang Doktrina at mga Alituntunin” ay naglalaman ng listahan ng mga pangunahing doktrina at alituntunin na may kaugnayan sa paksa ng lesson. Bukod sa mga doktrina at alituntuning tinukoy sa manwal, maaaring makakita ka ng iba pang mahahalagang katotohanan sa mga banal na kasulatan o sa mga isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona na sa palagay mo ay tutugon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Karapatan mo ito bilang titser. Gayunman, maaari mong i-survey o tingnan ang iba pang mga kabanata sa manwal bago ituro ang mga karagdagang alituntunin. Kung ang isang alituntunin o doktrina ay hindi tinalakay sa ituturong lesson, ito ay maaaring naroon sa iba pang kabanata na mas lubos na sumusuporta sa paksa.
Mga Ideya sa Pagtuturo
Ang bahaging “Mga Ideya sa Pagtuturo” ay nagbibigay ng mga partikular na ideya sa pagtuturo para sa bawat item na tinukoy sa ilalim ng “Ilang Doktrina at mga Alituntunin.” Ang bahaging ito ay maaaring maglaman din ng mga mungkahi sa pagtuturo ng mahahalagang ideya na hindi nakalista sa ilalim ng “Ilang Doktrina at mga Alituntunin.” Ang “Mga Ideya sa Pagtuturo” ay makatutulong sa iyo na maghanda ng lesson at mga aktibidad sa pag-aaral. Iakma ang mga mungkahi sa lesson para umangkop sa klase, sa mga pangangailangan ng estudyante, at sa oras.
Iba Pang mga Tulong sa Pagtuturo
Komentaryo sa manwal ng estudyante. Ang Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante (Religion 333) ay naglalaman ng mahalagang komentaryo ng mga General Authority at Pangkalahatang Pinuno ng Simbahan. Imumungkahi sa iyo ng ilang ideya sa pagtuturo sa manwal ng titser na gamitin mo ang komentaryo na matatagpuan sa manwal ng estudyante. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang materyal o sangguniang ito sa loob at sa labas ng klase. Bukod pa rito, ang bawat kabanata sa manwal ng estudyante ay nagtatapos sa bahaging “Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan” at “Mga Iminungkahing Assignment.” Ang mga tanong na nasa ilalim ng “Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan” at ang mga aktibidad sa “Mga Iminungkahing Assignment” ay tumutulong sa mga estudyante na pag-isipan pang mabuti ang mga karagdagang babasahin. Marami sa mga tanong at aktibidad na ito ang maaari ding iangkop sa mga ideya sa pagtuturo na gagamitin sa klase.
Mga salita ng mga buhay na propeta, mga General Authority, at Pangkalahatang Pinuno ng Simbahan. Habang pinag-aaralan mo ang kasalukuyang mga mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya at ang mga artikulo sa mga magasin ng Simbahan, maghanap ng karagdagang materyal na maaaring idagdag sa mga lesson sa manwal na ito.
Website ng Seminaries and Institute of Religion. Ang Seminaries and Institutes of Religion ay may website din, institute.lds.org, na may maraming resources o sanggunian na makatutulong sa iyo.
Paano Gamitin ang Manwal na Ito
Gamiting mabuti ang mga mensahe ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya bilang suplemento sa manwal na ito habang naghahanda ka ng mga lesson at naglalahad ng impormasyon sa klase. Ang mga mensahe ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na matatagpuan sa mga magasin ng Simbahan, mga mensaheng ibinigay sa iba pang pagkakataon, o mga opisyal na komunikasyon na paminsan-minsang ipinalalabas ng mga Kapatid ay maaari ding gamitin.
Ang manwal ay magagamit sa ilang paraan, kabilang ang sumusunod:
-
Maaari mong piliing sunding mabuti ang mga mungkahi sa pagtuturo tulad ng nakasaad.
-
Maaari mong gamitin ang manwal na ito bilang gabay sa pag-aaral upang matukoy ang mga alituntunin at tema na nais mong matalakay sa iyong lesson.
Magpasiya Kung Ano ang Ituturo Mo
Pumili ng mga doktrina, alituntunin, pangyayari, at aplikasyon na pinakamahalagang malaman at gawin ng iyong mga estudyante. Karamihan sa ituturo mo ay magmumula sa manwal na ito at sa manwal ng estudyante; gayunman, tiyaking gamitin ang mga banal na kasulatan para maragdagan ang mga alituntunin mula sa mga manwal. Hayaang gabayan ka ng mga panghihikayat ng Espiritu Santo at ng pangangailangan ng iyong mga estudyante sa pagpapasiya kung ano ang ituturo. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung ano ang ituturo, tingnan sa Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion [2012], bahagi 4.3.3.)
Hindi ka obligadong ituro ang lahat ng mga iminungkahing doktrina at alituntunin sa bawat kabanata, at malamang na makita mo na kulang ang iyong oras para gawin ito. Ipinayo ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tandaan, ang pinakaunang priyoridad ninyo ay hindi para ituro ang lahat ng materyal kung hindi naman ito mauunawaan [ng mga estudyante]. Gawin ang lahat ng makakaya ninyo nang may pag-unawa at sapat na kaalaman” (Richard G. Scott, “To Understand and Live Truth” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 4, 2005], 2).
Magpasiya Kung Paano Ka Magtuturo
Alalahanin ang mga responsibilidad ng estudyante habang pumipili ka ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ng lesson. Sa pagsasalita sa mga tagapagturo ng relihiyon, sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961) na, “Hindi mo kailangang palihim na pumunta sa likod ng kabataang ito na marami nang espirituwal na karanasan at ibulong ang relihiyon sa kanyang mga tainga” (“The Charted Course of the Church in Education” [mensahe sa mga lider sa seminary and institute of religion, Ago. 8, 1938], 6). Maaasahan mo ang kahustuhan ng isipan ng mga estudyante sa mga bagay na espirituwal at gagawin nila nang mabuti ang kanilang mga responsibilidad. Kapag naghahanda ka ng iyong lesson, tulungan ang iyong mga estudyante na maging responsable sa kanilang pag-aaral. Ang mga sumusunod na mungkahi ay maaaring makatulong:
-
Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga bahagi sa manwal ng estudyante o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at ang mga kaukulang banal na kasulatan na ipinababasa sa kanila bago simulan ang bawat lesson.
-
Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magtanong at sagutin ang mga tanong. Ang magagandang tanong ay mahalaga sa pagtulong sa mga estudyante na maging responsable sa kanilang pag-aaral. Maaari mong sabihin paminsan-minsan sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga tanong bago magpunta sa klase. Tulungan ang mga estudyante na makita na ang kanilang mga tanong sa klase ay maaaring maging mas mahalaga sa proseso ng pag-aaral kaysa sa mga tanong ng titser. Habang pinag-aaralan nila ang mga turo ng mga buhay na propeta, hikayatin ang mga estudyante na tukuyin ang mga alituntunin, ipaliwanag ang mga kahulugan, magbahagi ng mga ideya, at magpatotoo sa mga katotohanang nalaman nila. Ihanda ang klase para madama ng mga estudyante ang Espiritu ng Panginoon at magkaroon ng pribilehiyo at responsibilidad na makinig at magsalita upang patatagin ang isa’t isa (tingnan sa D at T 88:122).
-
Maghanap ng mga pagkakataon na magamit ang mahahalagang scripture passage bilang pangalawa at pangatlong patunay na totoo ang mga alituntuning itinuturo mo mula sa kurikulum. Bigyan ng oras ang mga estudyante na matukoy ang mga talata ng banal na kasulatan na nagdaragdag ng ideya o patotoo sa mga alituntuning itinuro.
-
Iwasang palaging gamitin ang pagle-lecture sa pagtuturo. Sa halip, hayaang tuklasin ng mga estudyante ang mga katotohanan sa pamamagitan ng paggabay sa kanila patungo sa mga katotohanang nalaman mo at ng ibang tao. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na tinutulungan ng mahuhusay na titser ang mga estudyante na mahanap ang mga sagot para sa kanilang sarili:
“Napansin ko ang isang karaniwang [katangian ng] mga guro na nagkaroon ng malaking impluwensya sa buhay ko. Tinulungan nila akong [maghangad na] matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Tumanggi sila na bigyan ako ng madadaling kasagutan sa mahihirap na tanong. Sa katunayan, hindi nila ako binigyan ng anumang kasagutan. Sa halip, itinuturo nila ang daan at tinulungan ako na gawin ang mga hakbang para makita ko ang aking mga kasagutan. Totoo na hindi ko madalas nagugustuhan ang pamamaraang ito, pero batay sa karanasan natulungan ako na maunawaan na ang kasagutang ibinigay ng ibang tao ay karaniwang hindi matatandaan sa matagal na panahon. Ngunit ang kasagutan na natuklasan natin o nakamtan sa tulong ng pananampalataya, ay karaniwang naaalala sa buong buhay” (David A. Bednar, “Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 23).
Sa halip na ituro ang impormasyon sa pamamagitan ng lecture lamang, maghanap ng mga pamamaraan sa pagtuturo na tutulong sa mga estudyante na maging mas aktibo sa pag-aaral at talakayan sa klase. (Para sa karagdagang impormasyon kung paano magturo, tingnan sa Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion [2012], bahagi 4.3.4.)
-
Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang payo ng mga propeta. Tulungan silang maging mga disipulo ni Jesucristo at hindi lamang mga iskolar ng ebanghelyo. Ipinayo pa sa atin ni Elder David A. Bednar na tulungan natin ang mga estudyante na matuto nang “higit pa sa kung ano ang nauunawaan ng isipan at pagtanda at pagsasaulo ng impormasyon” upang matulungan sila na “hubarin ang likas na tao (tingnan sa Mosias 3:19), baguhin ang [kanilang] puso (tingnan sa Mosias 5:2)” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” 20).
Pag-aangkop ng Manwal sa mga Taong may Kapansanan
Kapag nagtuturo ng mga estudyanteng may mga kapansanan, iakma ang mga lesson upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Halimbawa, kailangan sa maraming lesson na magbasa ang mga estudyante nang malakas o tahimik at isulat ang mga sagot sa papel. Para maiakma sa mga estudyante na hindi makapagbasa, maaari kang magbasa nang malakas, pabasahin ang mga kapwa estudyante, o gumamit ng mga prerecorded material para maisalaysay ang mga banal na kasulatan (tulad ng audiotape, CD, o mp3). Kapag nakasaad sa mga lesson na isulat ang mga sagot, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na sabihin na lang ang kanilang mga sagot.
Para sa mga karagdagang ideya at resources, magpunta sa disabilities.lds.org at sa bahaging Seminaries and Institutes of Religion Policy Manual sa “Adapting Classes and Programs for Students with Disabilities.”