Institute
Kabanata 3: Paghalili sa Panguluhan


Kabanata 3

Paghalili sa Panguluhan

Pambungad

Ang Pangulo ng Simbahan ay inorden noon pa man sa premortal na buhay at tinatawag sa buhay na ito matapos ang mahaba at tapat na paglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Siya ay itinatalaga upang gamitin ang mga susi ng kaharian ng langit sa lupa at pormal na sinasang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan.

Tulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan kung gaano kahalaga ang paghahayag mula sa Panginoon sa Kanyang propeta sa proseso ng pagtawag ng mga Apostol. Sa pagpapatibay ng Espiritu sa banal na orden ng paghalili, magpatotoo at anyayahan ang iyong mga estudyante na magpatotoo tungkol sa awtoridad at kasimplihan ng proseso ng paghalili.

Dahil may ilang sipi o quotation na iminungkahi sa kabanatang ito, maaari kang gumawa ng handout para sa iyong mga estudyante na kasama ang lahat ng mga sipi o quotation na plano mong gamitin. Maaari mo ring pag-aralan ang kasaysayan ng paghalili sa Panguluhan ng Simbahan mula pa noong panahon ni Joseph Smith. Ang kasaysayang ito ay nakabuod sa kabanata 3 ng Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante sa bahaging 3.1, 3.2, at 3.3.

kapita-pitagang kapulungan

Ang kapita-pitagang kapulungan sa pagbubukas ng sesyon ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1972. Sa pulong na ito, sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang bagong Unang Panguluhan na binubuo nina Harold B. Lee (Pangulo), Marion G. Romney (Unang Tagapayo), at N. Eldon Tanner (Pangalawang Tagapayo).

Ilang Doktrina at mga Alituntunin

  • Itinatag ng Panginoon ang paraan ng paghalili sa Panguluhan ng Simbahan.

  • Ang Korum ng Labindalawang Apostol ang nangungulo sa Simbahan sa pagpanaw ng Pangulo.

  • Ang seniority o tagal ng panunungkulan sa Korum ng Labindalawang Apostol ang batayan kung sino ang mamumuno.

  • Sinasang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang bagong tawag na Pangulo ng Simbahan.

Mga Ideya sa Pagtuturo

Itinatag ng Panginoon ang Paraan ng Paghalili sa Panguluhan ng Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung paano pinipili ang mga lider o pangulo sa iba’t ibang organisasyon. Halimbawa:

  • Paano pinipili ang pangulo ng isang kumpanya?

  • Paano pinipili ang bagong lider sa isang demokratikong pamahalaan?

  • Paano pinipili ang bagong lider sa isang monarkiyang pamahalaan?

  • Paano nagiging Pangulo ng Simbahan ang isang tao? Paano naiiba ang prosesong ito sa paraan ng pagpili ng mga lider sa ibang mga organisasyon?

Ipaalam sa mga estudyante na ang Panginoon mismo ang nagpapasiya kung sino ang mamumuno sa Simbahan. Sa tagubilin ng Diyos, ang pinaka-senior na Apostol (ang pinakamatagal nang Apostol) ang nagiging namumunong mataas na saserdote ng Simbahan. Ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring lubusang manampalataya na siya ang taong nais ng Panginoon at inilalagay sa posisyon na maging Pangulo ng Simbahan (tingnan sa item 3 sa bahagi 3.4 ng manwal ng estudyante). Dahil dito, ang paraan ng paghalili sa Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kakaiba.

Basahin ang pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa bahagi 3.5 ng manwal ng estudyante. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano inaalis ng huwaran o paraan sa paghalili sa Pangulo ng Simbahan ang mga pagkakamali, kaguluhan, ambisyon, at makasariling mga hangarin?

  • Paano pinatatatag ang inyong pananampalataya at patotoo ng kaalaman ninyo na ang bagong Pangulo ng Simbahan ay tinawag ng Diyos sa kanyang tungkulin, sa halip na alinsunod sa mga sistema ng mundo?

Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Jeremias 1:5; Abraham 3:22–23; Doktrina at mga Tipan 138:53–56; Alma 13:1–9. Sabihin sa bawat grupo na pag-aralan ang isa sa unang tatlong scripture reference pati na rin ang Alma 13:1–9. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44):

Propetang Joseph Smith

“Bawat lalaki na may tungkuling maglingkod sa mga tao sa daigdig ay inordenan sa mismong layuning iyon sa Malaking Kapulungan sa langit bago nilikha ang daigdig na ito. Sa palagay ko ay inordenan ako sa mismong katungkulang ito sa Malaking Kapulungang iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 598).

Ipahanap sa mga grupo ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong habang pinag-aaralan nila ang kanilang mga scripture passage at ang sipi o quotation:

  • Kailan pinili ng Panginoon ang mga tao na magiging mga Pangulo, propeta, at lider ng Simbahan?

  • Paano namukod-tangi ang mga propeta sa premortal na daigdig?

  • Maliban sa mga propeta, sino pa ang ibang inordenan noon pa sa premortal na buhay?

  • Paano naaapektuhan ng kaalamang ito ang pagtitiwala ninyo sa taong pinipili ng Panginoon na maging propeta?

Pumili ng tagapagsalita mula sa bawat grupo. Sabihin sa tagapagsalita na ibahagi sa klase ang mga sagot ng kanyang grupo sa mga tanong at ang iba pang mga ideya nila.

Ang Korum ng Labindalawang Apostol ang Nangungulo sa Simbahan sa Pagpanaw ng Pangulo

Isulat ang equation na 3 = 12 sa pisara. Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:23–24 at ipaliwanag kung paano naging tama ang equation na ito. (Sa aspetong ang Korum ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay pantay sa awtoridad.)

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Sa aking palagay kailangang tanggapin na hindi maaaring kapantay ng apostol sa awtoridad ang Panguluhan kapag ang Unang Panguluhan ay naorganisa nang buo at wasto. Hindi maaaring magkaroon ng dalawang pinuno—o tatlong pinuno—na magkapantay ang awtoridad nang magkasabay, sapagka’t ito ay maaaring humantong sa pagkalito. Kaya ang mga apostol ay pantay-pantay, tulad ng ipinahayag, sa aspetong may kapangyarihan silang pamahalaan ang mga gawain ng Simbahan kapag walang Panguluhan dahil sa pagpanaw ng Pangulo” (Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:255).

  • Ayon kay Pangulong Smith, kailan “magkapantay sa awtoridad at kapangyarihan” ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Unang Panguluhan?

  • Bakit angkop ang pariralang “kapantay ngunit nasa ilalim ng pamumuno” sa paglalarawan ng ugnayan ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng Unang Panguluhan?

Para mailarawan na ang Korum ng Labindalawang Apostol ang nagkakaisang pamunuan ng Simbahan at ang Simbahan ay hindi mawawalan kailanman ng mga pinunong tinawag ng Diyos, ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa bahagi 3.7 ng manwal ng estudyante.

Basahin ang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa bahagi 3.6 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay itanong:

  • Kailan natatanggap ng Pangulo ng Simbahan ang mga susi ng kanyang katungkulan?

  • Ano ang pagkakaiba sa paraan ng paghawak ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ng lahat ng susi ng priesthood at sa paraan ng paghawak ng Pangulo ng Simbahan ng mga susi ring iyon?

  • Kailan nabibigyan ng karapatan ang senior na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na gamitin ang mga susi ng priesthood na ipinagkaloob sa kanya?

Ipaliwanag sa mga estudyante na pagkamatay ni Propetang Joseph Smith, si Pangulong Brigham Young ang namuno sa Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol nang mahigit tatlong taon bago muling inorganisa ang Unang Panguluhan noong Disyembre 1847. Itanong:

  • Sa anong karapatan pinamunuan ni Pangulong Brigham Young ang Simbahan matapos ang pagpaslang kay Propetang Joseph?

Ipaunawa sa iyong mga estudyante na may karapatan ang senior na Apostol na magpasiya kung kailan ioorganisa ang Korum ng Unang Panguluhan at ang senior na Apostol ang maaaring mangulo sa buong Simbahan bilang Pangulo ng Labindalawa hanggang sa madama niya na kailangan nang iorganisa ang Unang Panguluhan. Pagkatapos ay sasang-ayunan ng iba pang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang desisyon.

Ang Seniority o Tagal ng Panunungkulan sa Korum ng Labindalawang Apostol ang Batayan Kung Sino ang Mamumuno

Paunang paghahanda: Bago magklase, maaari mong ilista sa pisara o sa isang handout ang mga pangalan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol nang hindi magkakasunod, o maaari mong idispley sa pisara ang kanilang mga letrato (kung mayroon) nang hindi magkakasunod. Gamitin ang pinakabagong isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona bilang reperensya.

Rebyuhin ang alituntunin na kapag pumanaw ang Pangulo ng Simbahan, nabubuwag ang Korum ng Unang Panguluhan at ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay bumabalik sa kanilang puwesto batay sa seniority sa Korum ng Labindalawang Apostol. Itanong:

  • Ano ang seniority ng kasalukuyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan bilang apostol?

Ipakita sa mga estudyante ang listahan ng mga pangalan, o ipakita ang mga letrato, ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol nang hindi magkakasunod. Sabihin sa klase na ayusin ang mga pangalan o letrato sa tamang pagkakasunud-sunod ng seniority. Pagkaraan ng ilang sandali, tulungan silang makumpleto nang wasto ang aktibidad.

Hikayatin ang mga estudyante na isaulo ang mga pangalan ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol nang magkakasunod ayon sa kanilang seniority.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay laging magkakasunod ayon sa seniority. Noong unang itatag ang Korum ng Labindalawang Apostol sa dispensasyong ito, ang seniority ay nakabatay sa edad (tingnan sa History of the Church, 2:219–20). Simula noon, ang seniority ay ibinatay ayon sa petsa ng ordinasyon ng bawat miyembro sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang seniority na ito ay hindi lamang batayan sa paghalili sa Panguluhan kundi batayan din ito ng pamumuno sa korum. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Russell M. Nelson

“Iginagalang ang seniority sa inordenan na mga Apostol—kahit sa pagpasok o paglabas sa isang silid. …

“Ang paggalang na iyon ng isang junior na Apostol sa isang senior na Apostol ay nakatala sa Bagong Tipan. Nang magpunta sina Simon Pedro at Juan ang Pinakamamahal para alamin ang balita na may kumuha sa katawan ng kanilang Panginoon na ipinako sa krus mula sa libingan, si Juan, na mas bata at mas mabilis, ang unang nakarating, subalit hindi siya pumasok. Nagbigay-galang siya sa senior na Apostol, na siyang naunang pumasok sa libingan. (Tingnan sa Juan 20:2–6.)” (Russell M. Nelson, “Honoring the Priesthood,” Ensign, Mayo 1993, 40).

Paunawa: Kung may oras pa, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong N. Eldon Tanner (1898–1982) ng Unang Panguluhan sa bahagi 3.8 ng manwal ng estudyante. Inilalarawan nito ang itinugon at ginawa ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan at ni Pangulong Spencer W. Kimball, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa balita na pumanaw na si Pangulong Harold B. Lee, na siyang Pangulo ng Simbahan noon.

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ipinapaliwanag ang kagandahan ng halimbawa ng senior leadership o pamumuno ayon sa tagal ng panunungkulan:

Pangulong Boyd K. Packer

“Inisip na ba ninyo kung bakit itinatag ng Panginoon ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol nang sa gayon ang pinakamataas na pamunuan ng Simbahan ay laging matatanda? Pinahahalagahan ng huwarang ito ang karunungan at karanasan kaysa sa kabataan at pisikal na [lakas]” (Boyd K. Packer, “Ang mga Ginintuang Taon,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 84).

Itanong sa mga estudyante:

  • Sa palagay ninyo bakit mas mahalaga ang karunungan at karanasan sa pamunuan ng Simbahan kaysa sa kabataan at pisikal na lakas?

Sinasang-ayunan ng mga Miyembro ng Simbahan ang Bagong Tawag na Pangulo ng Simbahan

Paunawa: Kung hindi nauunawaan ng iyong mga estudyante ang ibig sabihin ng “kapita-pitagang kapulungan,” patingnan sa kanila ang impormasyon sa bahagi 3.9 ng manwal ng estudyante.

Ipaliwanag sa iyong mga estudyante na isa sa mga pinakasagradong miting sa Simbahan ay ang kapita-pitagang kapulungan, kung saan sinasang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang bagong tawag na Pangulo ng Simbahan. Ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ay hinihikayat na makibahagi, nang personal o sa pamamagitan ng radyo, telebisyon, satellite, o internet. Ang mga korum at organisasyon ng Simbahan ay may kani-kaniyang pagpapasiya at bumoboto para sang-ayunan ang Pangulo ng Simbahan.

Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Elder David B. Haight (1906–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa bahagi 3.9 ng manwal ng estudyante. Ipinaliliwanag ng pahayag na ito ang protokol ng kapita-pitagang kapulungan.

Itanong sa mga estudyante:

  • Sa palagay ninyo, bakit sinusunod ng Simbahan ang gayong pormal na paraan sa pagsang-ayon sa bagong tawag na Pangulo ng Simbahan?

  • Anong mga pribilehiyo ang ibinibigay sa mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pormal na paghaharap sa bagong Pangulo ng Simbahan?

  • Ano ang mga responsibilidad ng mga miyembro ng Simbahan matapos nilang sang-ayunan ang bagong Pangulo?

Itanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanila na nagkaroon na ng pagkakataong dumalo sa isang kapita-pitagang kapulungan at nakibahagi sa pagsang-ayon sa bagong propeta. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nadama nila habang dumadalo at nakikibahagi sa sagradong pulong na ito.

Ipaalala sa iyong mga estudyante na sa bawat kumperensya ng Simbahan, ang mga miyembro ay inaanyayahang sang-ayunan ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol. Ang ibig sabihin ng pagsang-ayon sa mga lider ng Simbahan ay “mangakong itaguyod sila na mga naglilingkod sa pangkalahatan at lokal na [katungkulan sa] Simbahan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagtataguyod sa mga Pinuno ng Simbahan,” scriptures.lds.org; tingnan din sa Mga Hebreo 13:17; 3 Nephi 12:1; D at T 1:38; 112:20).

Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:22; pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa talatang ito, paano dapat sang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang Unang Panguluhan?

  • Ano ang ibig sabihin ng sang-ayunan natin ang Pangulo ng Simbahan nang may pagtitiwala?

Hikayatin ang mga estudyante na sang-ayunan ang Pangulo ng Simbahan sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kanyang mga turo at pananampalataya sa kanyang pamumuno, pagdarasal para sa kanyang kapakanan, at pagsunod sa kanyang payo.

Magpatotoo na malaking pagpapala ang matatamo sa pagsang-ayon at pagtanggap ng payo mula sa taong pinili ng Panginoon na maging Pangulo ng Kanyang Simbahan.