Library
Kabanata 6: Pangkalahatang Kumperensya


Kabanata 6

Pangkalahatang Kumperensya

Pambungad

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga layunin ng pangkalahatang kumperensya:

“Ang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan ay paghahayag sa buong mundo na si Jesus ang Cristo, na Siya at ang Kanyang Ama, ang Diyos at Ama nating lahat, ay nagpakita sa batang propetang si Joseph Smith bilang katuparan ng sinaunang pangakong iyon na muling ipanunumbalik ng nabuhay na mag-uling Jesus ng Nazaret ang Kanyang Simbahan sa lupa. … [Ang mga kumperensyang ito ay nagpapahayag] sa bawat bansa, lahi, wika, at tao na nangako ang mapagmahal na Mesiyas na ang ‘kaniyang kaawaan ay magpakailan man’ [Mga Awit 136:1; I Mga Cronica 16:34]” (Jeffrey R. Holland, “Mga Propetang Naritong Muli sa Lupa,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 106).

Ang pangkalahatang kumperensya ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng Simbahan na mapakinggan ang mga sinang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at matuto sa kanila. Tulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya at pagsunod sa mga salita ng mga buhay na propeta. Bukod pa rito, tulungan silang maunawaan na kailangang regular na pag-aralan ang mga isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona. Madaragdagan ang hangarin ng mga estudyante na sundin ang mga salita ng mga makabagong propeta kapag nauunawaan nila ang mga pagpapalang dumarating dahil sa pagsunod sa mga babala at payo ng propeta. Hikayatin ang mga estudyante na alamin din ang mga turo ng mga buhay na propeta na nasa iba pang mga lathalain ng Simbahan o ibinigay sa iba pang mga pagkakataon bukod sa pangkalahatang kumperensya.

Larawan
pangkalahatang kumperensya

Ang assembly hall ng Conference Center sa isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya.

Ilang Doktrina at mga Alituntunin

  • Ang pangkalahatang kumperensya ay nagbibigay ng mga pagkakataon para sa espirituwal na pagpapanibago.

  • Tayo ay nangangako na susundin at susuportahan ang mga sinasang-ayunan natin sa pangkalahatang kumperensya.

  • Ang ating paghahanda ay nakakaapekto sa natututuhan natin mula sa pangkalahatang kumperensya.

  • Ang pagsunod sa mga turo ng pangkalahatang kumperensya ay magpapabuti ng ating buhay.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Pangkalahatang Kumperensya ay Nagbibigay ng mga Pagkakataon para sa Espirituwal na Pagpapanibago

Bago magklase, isulat sa pisara ang apat na “Mga Doktrina at Alituntunin” na nakalista sa itaas. Itanong:

  • Anong mga salita sa mga pahayag na ito ang nagsasaad ng ating responsibilidad?

  • Bakit nagkakaroon ng higit na espirituwal na lakas ang ilang tao mula sa mga kaganapan ng pangkalahatang kumperensya kaysa sa iba?

  • Ano ang magagawa ninyo para makinabang nang husto mula sa pangkalahatang kumperensya?

Isulat sa pisara: Ang kumperensya ay panahon ng …

Itanong sa mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang pariralang ito. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995) sa bahagi 6.2 ng Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano kinumpleto ni Pangulong Hunter ang pariralang nakasulat sa pisara. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano ninyo naranasan ang katuparan ng pahayag ni Pangulong Hunter?

Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:8–9; 124:144 at sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilan sa mga layunin ng pangkalahatang kumperensya?

  • Ano ang ibig sabihin ng salitang patibayin?

Ibahagi ang sumusunod na depinisyon ng patibayin, na ibinigay ni Elder Robert L. Backman ng Pitumpu:

Larawan
Elder Robert L. Backman

“Ang ibig sabihin ng patibayin ay patatagin, palakasin ang pananampalataya, pabutihin ang moralidad. Kapag iniisip ninyo ito, ito ang paraan ng pagtatayo ng Panginoon ng kanyang kaharian. Isipin na lang ninyo ang ibig sabihin ng madama ang pakikipagkapatiran ni Jesucristo sa ating mga pagtitipon. ‘Dahil dito, maging matapat; tumayo sa katungkulang aking itinalaga sa iyo; tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.’ (D at T 81:5.)” (Robert L. Backman, sa “Giving Spiritual Nourishment to the Less Active: A Panel Discussion,” Ensign, Abr. 1987, 16).

Pagkatapos ay itanong:

  • Paano “nakapagpapatibay” na karanasan para sa inyo ang pangkalahatang kumperensya?

Magpatotoo na ang pangkalahatang kumperensya, kung pagtutuunan natin ito nang wastong pansin at saloobin, ay magpapanibago sa ating espiritu at tutulungan tayo nitong magpakabuti at maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Tayo ay Nangangako na Susundin at Susuportahan ang mga Sinasang-ayunan Natin sa Pangkalahatang Kumperensya

Hatiin sa dalawang grupo ang klase at ipabasa sa unang grupo ang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa bahagi 6.5 ng manwal ng estudyante. Ipabasa naman sa pangalawang grupo ang pahayag ni Elder David B. Haight (1906–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa bahagi 6.5 ng manwal ng estudyante. Kapag natapos sila, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ibig sabihin kapag nagtataas tayo ng ating kamay para sang-ayunan ang ating mga lider?

  • Ano ang magagawa natin para maipakita na sinusuportahan natin ang ating mga lider?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at bigyan ang bawat magkapartner ng isang papel. Ipabasa sa kanila ang mga sumusunod na banal na kasulatan. Sabihin sa magkakapartner na sumulat ng maikling pahayag na nagpapaliwanag sa doktrinang itinuturo sa bawat isa sa mga banal na kasulatan na ito:

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang ilan sa isinulat nila.

Hatiin sa dalawang grupo ang klase at ipabasa sa unang grupo ang pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan mula sa bahagi 6.5 ng manwal ng estudyante. Sabihin sa mga estudyante na maghandang talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang dapat nating gawin matapos nating itaas ang ating mga kamay sa boto ng pagsang-ayon sa pangkalahatang kumperensya?

  • Ano ang magiging epekto ng ginawa natin sa ating mga lider?

  • Ano ang magiging epekto sa atin ng ginawa natin?

Ipabasa sa pangalawang grupo ang pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) mula sa bahagi 6.5 ng manwal ng estudyante. Sabihin sa mga estudyante na maghandang talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang naramdaman ni Joseph F. Smith tungkol kay Brigham Young?

  • Ano ang naging epekto kay Pangulong Smith ng pagsunod sa pagtawag ng propeta?

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang nalaman nila sa unang grupo.

Hikayatin ang mga estudyante na ikuwento ang mga pagpapalang natanggap nila o ng kanilang pamilya sa pagsunod at pagsuporta sa mga tagapaglingkod ng Panginoon. Ipahayag ang iyong damdamin tungkol sa pagsunod sa mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Ang Ating Paghahanda ay Nakakaapekto sa Natututuhan Natin mula sa Pangkalahatang Kumperensya

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang paraan nila ng paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya ay maaaring depende sa kung paano nila natatanggap o napapakinggan ang mga mensahe. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kahit magkakaiba ang sitwasyon ng pagtanggap at pakikinig sa pangkalahatang kumperensya, ang paraan kung paano nila unahin at paghandaan ang pangkalahatang kumperensya ang talagang nagpapasiya kung ano ang matututuhan nila mula rito. Itanong:

  • Ano ang ilang araw-araw, linggu-linggo, at buwanang priyoridad sa inyong buhay na binibigyan ninyo ng panahon upang mapaghandaan?

  • Ano ang nakahihikayat sa inyo na mas unahing paghandaan ang isang partikular na kaganapan kaysa sa ibang kaganapan? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Ibahagi sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa bahagi 6.6 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante:

  • Sa inyong palagay, bakit ang kaalamang matatamo natin mula sa kumperensya ay mas nakasalalay sa ating paghahanda kaysa sa paghahanda ng mga tagapagsalita?

Ipabuklat sa mga estudyante ang bahagi 6.6 ng manwal ng estudyante at basahin ang karanasan na isinalaysay ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Paano kaya natin matututuhang mahalin ang mga salita ng mga propeta at apostol tulad ng ginawa ni Elder Johnson?

  • Ano ang sinasabi ni Elder Johnson na dapat pagpasiyahan natin?

  • Kapag ang pangkalahatang kumperensya ay priyoridad na sa ating buhay, ano ang mga gagawin natin na makatutulong sa atin para mapaghandaan ang payo na ibinigay roon?

Itanong sa mga estudyante kung ano ang nalaman nila na makatutulong sa paghahanda ng kanilang sarili para sa pangkalahatang kumperensya. Kapag naibigay na ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, maaari mong ipabasa sa klase ang apat na ideya sa paghahanda na nasa bahagi 6.6 ng manwal ng estudyante.

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang listahan na nasa manwal ng estudyante ay hindi talaga kinumpleto; nagbibigay lamang ito ng mga ideya at mungkahi. Matapos basahin ng mga estudyante ang listahan, sabihin sa kanila na magbahagi ng mga pagkakataon kung saan sinunod nila ang isang mungkahi at nakaranas ng malaking pag-unlad sa sarili. Anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa mga epektibong gawain na nakita nila.

Magpatotoo sa iyong mga estudyante na kapag priyoridad natin sa buhay ang pangkalahatang kumperensya, nadaragdagan ang hangarin nating maghanda para dito. Bukod dito, hikayatin ang mga estudyante na ibahagi sa kanilang pamilya at mga kaibigan ang kanilang iniisip at mga ideya kung paano maghahanda sa pagtanggap ng salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod.

Ang Pagsunod sa mga Turo ng Pangkalahatang Kumperensya ay Magpapabuti ng Ating Buhay

Ikuwento ang sumusunod na salaysay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Si Pangulong Boyd K. Packer … ay may isang palaging itinatanong kapag may inilalahad kami o nagtuturo kami sa isa’t isa sa Labindalawa. Tumitingala siya na parang nagsasabing, ‘Tapos ka na ba?’ At sinasabi niya sa nagsalita … , ‘Ano ngayon ang gagawin natin?’

“‘Ano ngayon ang gagawin natin?’ Palagay ko iyan ang sinasagot ng Tagapagligtas sa araw-araw bilang isang hindi maihihiwalay na bahagi ng Kanyang pagtuturo at pangangaral. … Ang mga sermon at panghihikayat na ito ay walang saysay kung hindi magbabago ang buhay ng Kanyang mga disipulo” (Jeffrey R. Holland, “Ano Ngayon ang Gagawin Natin?” [CES Conference on the New Testament, Ago. 8, 2000], 4–5).

Itanong ang mga sumusunod:

  • Sa inyong palagay, bakit nagtanong si Pangulong Packer ng, “Ano Ngayon ang Gagawin Natin?”

  • Sa anong paraan mababago ang ating buhay dahil sa nararanasan natin sa pangkalahatang kumperensya?

Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:8–10. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Ayon sa talata 8, ano kaya ang mga mithiin ng mga lider ng Simbahan kapag naghahanda sila na magsalita sa mga Banal sa pangkalahatang kumperensya?

  • Ayon sa talata 9, paano tayo dapat tumugon bilang mga miyembro ng Simbahan sa mga mensaheng naririnig natin mula sa ating mga lider sa pangkalahatang kumperensya?

  • Ayon sa talata 10, ano ang mga resulta ng pagsunod o hindi pagsunod sa mga naririnig natin sa pangkalahatang kumperensya?

Ipabasa sa mga estudyante ang dalawang pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa bahagi 6.8 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Gaanong pagpapahalaga ang ibinigay ni Pangulong Kimball sa isyu ng kumperensya na nasa magasing Ensign?

  • Ano ang sinabi ni Pangulong Kimball na dapat nating gawin sa mga isyu ng kumperensya na nasa magasing Ensign?

  • Ano ang naisip ninyo nang marinig ninyo ang mga pahayag na ito ni Pangulong Kimball?

  • Ano ang nadama ninyo na dapat ninyong gawin dahil sa pahayag na ito?

Sabihin sa dalawang estudyante na buklatin ang bahagi 6.8 ng manwal ng estudyante. Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa sa isa pang estudyante ang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008). Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilang paraan na magagabayan ng pangkalahatang kumperensya ang ating “ginagawa at sinasabi”?

  • Anong “pagsubok” ang inilarawan ni Pangulong Hinckley para malaman kung matagumpay ang pangkalahatang kumperensya?

  • Paano natin masusukat ang magandang pagbabago sa ating buhay ayon kay Pangulong Hinckley? (Ipasulat sa isang estudyante ang mga sagot sa tanong na ito sa pisara.)

  • Anong mga partikular na payo ang ibinigay ni Pangulong Hinckley na tutulong sa atin na masunod ang mga turo na natutuhan natin sa pangkalahatang kumperensya?

  • Ano sa palagay ninyo ang mga pakinabang ng mga pamilya sa paggamit ng mga isyu ng kumperensya sa Ensign o Liahona sa kanilang mga family home evening at sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan bilang pamilya?

Kapag pinag-aralan nila ang mga mensahe sa kumperensya, hikayatin ang mga estudyante na tukuyin at itala ang mga pagpapalang natatanggap nila. Bukod pa rito, maaari mong hikayatin ang iyong mga estudyante na isulat sa notebook, journal, o sa kanilang mga banal na kasulatan ang nakita nilang espirituwal na pag-unlad sa kanilang buhay nang sundin nila ang mga turo ng mga buhay na propeta.

Tapusin ang lesson sa pagpapaliwanag na ang natitirang bahagi ng kursong ito ay tutulong sa mga estudyante na mas maunawaang mabuti ang pinakahuling payo na ibinigay ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Bukod dito, ipapakita nito kung paano nila lubos na ipamumuhay ang mga alituntuning itinuro sa pangkalahatang kumperensya at paano ibabahagi ang mga ito sa iba. Ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa kahalagahan ng pangkalahatang kumperensya at magpatotoo na ang kumperensya ay panahon kung kailan ang mga salita at kalooban ng Panginoon ay ipinababatid sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod na propeta.