Library
Kabanata 7: Pag-aaral ng mga Mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya


Kabanata 7

Pag-aaral ng mga Mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya

Pambungad

Ang mga kabanata 1–6 ay nagbigay ng kaalaman sa doktrina ukol sa tungkulin ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag. Tinatalakay sa kabanata 7 ang pagtuturo mula sa isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona. Tulad ng nakasaad sa pambungad ng kursong ito, hindi nilayon na gamitin ng titser ang buong semestre para ituro ang unang anim na kabanata. Sa halip, layunin ng kursong ito na magamit ang karamihan sa oras ng klase sa pagtalakay at pag-aaral ng pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Maaaring gugulin ng titser ang oras ng klase sa pag-aaral ng buong mensahe o mga bahagi ng ilang mensahe.

Ang pangunahing mithiin ng kursong ito ay tulungan ang mga estudyante na matuto mula sa mga salita ng mga buhay na propeta. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga tagapagturo ng relihiyon na kailangan nilang tulungan ang mga estudyante na maging self-reliant sa espirituwal:

“Lahat tayo ay pamilyar sa kasabihan na ang pagbibigay ng isda sa isang tao ay makapapawi ng gutom para sa isang kainan. Ang pagtuturo sa isang tao na mangisda, sa isang banda, ay makapagbibigay sa kanya ng pagkain habambuhay. Bilang mga [nagtuturo] ng ebanghelyo, kayo at ako ay wala sa kalakalan na mamigay ng isda; sa halip, ang ating gawain ay tulungan ang mga tao na matutong mangisda at magkaroon ng espirituwal na pag-asa sa sariling kakayahan. …

“Napansin ko ang isang karaniwang [katangian ng] mga guro na nagkaroon ng malaking impluwensya sa buhay ko. Tinulungan nila akong [maghangad na] matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Tumanggi sila na bigyan ako ng madadaling kasagutan sa mahihirap na tanong. Sa katunayan, hindi nila ako binigyan ng anumang kasagutan. Sa halip, itinuturo nila ang daan at tinulungan ako na gawin ang mga hakbang para makita ko ang aking mga kasagutan. Totoo na hindi ko madalas nagugustuhan ang pamamaraang ito, pero batay sa karanasan natulungan ako na maunawaan na ang kasagutang ibinigay ng ibang tao ay karaniwang hindi matatandaan sa matagal na panahon. Ngunit ang kasagutan na natuklasan natin o nakamtan sa tulong ng pananampalataya, ay karaniwang naaalaala sa buong buhay. Ang mahahalagang aral na natutuhan sa buhay ay nakakamtan ng sarili—hindi itinuro” (David A. Bednar, “Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 23).

Paalala: Ang mga estudyante ay dapat hikayatin at kailangang magdala ng sariling kopya ng pinakahuling isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona sa tuwing magkaklase kayo.

Paunang paghahanda: Kasama sa katapusan ng lesson na ito ang dalawang kopya ng mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa” mula sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2009 (tingnan sa Ensign o Liahona, Mayo 2009, 59–62)—ang una ay para sa mga titser at ang pangalawa ay para sa mga estudyante. Gumawa ng kopya ng mensahe at ibigay ito sa bawat isa sa iyong mga estudyante.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan na Magagamit sa Pag-aaral ng mga Mensahe sa Kumperensya

Itanong sa iyong mga estudyante:

  • Ano ang pagkakaiba ng pag-aaral at pagsasaliksik sa pagbabasa?

Ipakita sa iyong mga estudyante ang isang textbook na gamit sa paaralan at itanong:

  • Anong mga estratehiya ang ginagamit ninyo para mas maunawaang mabuti at matandaan ang mga nakasulat sa mga textbook na gamit ninyo sa paaralan? (Ilista ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara, tulad ng pagsasaulo, pagbasang muli, pagmamarka ng mahahalagang detalye, at pagtatala.)

Paalala: Hindi kailangang mag-ukol ng maraming oras para ipaliwanag ng mga estudyante ang mga estratehiyang ito. Sapat na ang maiikli at simpleng sagot.

Ipakita ang isang kopya ng pinakahuling isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona at itanong:

  • Bukod sa mga nakasulat na mensahe sa kumperensya, ano ang iba pang bahagi ng magasin na makatutulong sa inyo para mas mapagbuti ninyo ang inyong pag-aaral? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang “Mga Nilalaman” at “Indeks ng mga Paksa” sa unang mga pahina ng magasin at “Nagsalita Sila sa Atin” at “Indeks ng mga Kuwento sa Kumperensya” sa huling mga pahina ng magasin.)

Ipaliwanag sa iyong klase na ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay maaaring pag-aralan gamit ang maraming kasanayan na ginagamit din sa pag-aaral ng mga textbook sa paaralan at, higit sa lahat, ang mga kasanayan na ginagamit sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Itanong:

  • Ano ang ilang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na ginamit ninyo upang mas maunawaan ang mga banal na kasulatan? (Idagdag ang sagot ng mga estudyante sa listahan sa pisara; maaaring kabilang dito ang panalangin, pagninilay, pagbabasa nang malakas, at cross-referencing.)

Sa pagsagot ng mga estudyante, hikayatin silang ipaliwanag nang maikli kung paano nakatulong sa kanila ang kasanayang iyon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan para maunawaan ang kahulugan ng mga banal na kasulatan.

Larawan
isang babae na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ipabuklat sa mga estudyante ang bahagi 7.2 ng Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante. Hatiin sa mga estudyante ang listahan na binubuo ng 17 kasanayan sa pag-aaral na inilarawan sa bahaging ito. Sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng dalawa o tatlong minuto para pag-aralan ang naka-assign sa kanila na mga kasanayan sa pag-aaral. Pagkaraan ng ilang minuto, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag sa klase ang mga kasanayang iyon sa pag-aaral. Habang nagpapaliwanag ang mga estudyante, idagdag sa pisara ang anumang kasanayan sa pag-aaral na hindi nabanggit.

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng mensaheng “Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa” ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan (na nasa katapusan ng kabanatang ito). Hatiin ang iyong klase sa apat na grupo. Sabihin sa bawat grupo na basahin at alamin ang isa sa mga sumusunod:

  • Mga cross-reference sa mga banal na kasulatan

  • Mga panghihikayat o paanyaya

  • Mga hindi malilimutang parirala

  • Mga pag-uulit

Paalala: Isang hindi minarkahang kopya ng mensahe ni Pangulong Uchtdorf ang inilaan para ipamigay sa mga estudyante, gayundin ang isa pang kopya para sa titser kasama ang mga halimbawa ng apat na item na ito na naka-highlight (ang mga kopya ng mensahe ay matatagpuan sa katapusan ng kabanatang ito—ang kopya ng titser ang nauuna). Ang kopya ng titser ay nagpapakita ng ilan lamang sa mga item na inilarawan sa itaas. Sa pag-aaral nila ng mensahe, ang mga estudyante ay maaaring makahanap ng iba pang mga halimbawa na wala sa kopya ng titser.

Matapos bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para pag-aralan ang mensahe, sabihin sa bawat grupo na ireport ang kanilang mga natuklasan o nalaman at ipaliwanag kung paano nakatulong sa kanila ang paggamit ng kasanayang iyon sa pag-aaral para mas malinaw na maunawaan ang mensahe ni Pangulong Uchtdorf.

Hikayatin ang mga estudyante sa nalalabing bahagi ng kurso na gamitin ang mga kasanayan sa pag-aaral na inilarawan sa kabanata 7 ng kanilang mga manwal para mas mapagbuti nila ang kanilang pag-aaral sa isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona. Ang mga kasanayang ito ay epektibo ring magagamit para pag-aralan ang mga mensaheng ibinibigay ng mga Kapatid sa iba pang mga pagkakataon bukod sa pangkalahatang kumperensya o para pag-aralan ang iba pang mga artikulo na isinulat nila para sa mga magasin ng Simbahan. Ibahagi sa iyong mga estudyante kung paano ka nakinabang sa paggamit ng ilan sa mga kasanayang ito sa iyong pag-aaral ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

Mga Paraan para Maituro ang mga Mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya

Tiyakin na alam agad ng mga estudyante kung ano ang mensaheng tatalakayin sa klase. Maaari kang magbigay ng outline sa klase na may listahan ng mga mensaheng tatalakayin sa bawat oras ng klase. Tiyakin na bawat estudyante ay may kopya ng mensahe, at hikayatin silang basahin at pag-aralan ang mga mensahe bago magklase. Ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na mas lubos na makibahagi sa talakayan sa klase.

Tulad sa alinmang kurso, ang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ay nakakatulong para mapanatili ang interes ng isang estudyante at mapaunlad ang kaalaman niya sa ebanghelyo. Narito ang ilang mungkahi sa pagtuturo ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya:

  • Ipapanood ang ilang bahagi ng pangkalahatang kumperensya. Habang pinanonood ang video recording ng isang mensahe, sabihin sa mga estudyante na sundan ito sa pamamagitan ng pagbabasa nang tahimik sa nakasulat na kopya ng mensahe. Sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga bahaging nakaagaw ng kanilang pansin. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kapag gusto nilang i-pause ang video at talakayin ang bahaging ito ng mensahe. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na hanapin ang isang partikular na detalye o ang sagot sa tanong. Kung walang makuhang video clip, maaaring basahin sa klase ang mga mensahe sa kumperensya.

  • Magpareport sa mga estudyante. Ang mga estudyante ay maaaring mag-sign up (o atasan) nang maaga na pangunahan ang talakayan sa isang partikular na mensahe. Maaari ding ipaturo sa mga estudyante ang ilang impormasyon tungkol sa buhay ng mga Kapatid.

  • Magbahagi ng mga personal na kuwento. Ipapanood ang mga video clip tungkol sa mga Kapatid na nagbabahagi ng mga personal na karanasan. Kapag walang makuhang mga video clip, ang mga karanasang ito ay maaaring basahin sa klase.

  • Gamitin ang group work sa klase. Sabihin sa mga estudyante na pag-usapan, nang may kapartner o sa maliliit na grupo, ang ilang aspeto ng isang mensahe o mga tanong na nauugnay rito. Sabihin sa mga grupo na ibahagi ang kanilang napag-usapan sa buong klase.

  • Gamitin ang assignment na “hanapin ang” para pag-aralan ang mga mensahe sa tahanan. Kapag pinag-aralan ng mga estudyante ang mga mensahe sa kumperensya sa tahanan nila, ipahanap sa kanila ang mahahalagang doktrina at alituntunin, mga suportang scripture passage, at mahahalagang parirala o pangungusap. Maaari mong ipasulat sa kanila ang buod ng mga ideyang nalaman nila sa sarili nilang salita.

  • Sabihin sa mga estudyante na patuloy silang gumamit ng study journal. Hikayatin ang mga estudyante na itala ang mga espirituwal na impresyon bago magsimula ang klase, o maglaan ng oras para dito sa katapusan ng klase.

  • Pasulatin ang mga estudyante ng buod ng mga paksa. Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng maiikling komposisyon na kinapapalooban ng mga turo ng maraming tagapagsalita tungkol sa iisang paksa.

  • Talakayin ang tugon ng mga Kapatid sa kasalukuyang mga pangyayari. Sabihin sa mga estudyante na isipin at talakayin kung paano tumutugon ang mga Kapatid sa mga nagaganap sa mundo ngayon sa pamamagitan ng kanilang mga turo sa pangkalahatang kumperensya.

  • Basahin ang mga mensahe sa klase. Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang mga mensahe nang tahimik, malakas, nang may partner, o sa maliliit na grupo. Paminsan-minsan, maaari mo ring basahin ang bahagi ng isang mensahe sa iyong klase kung nais mong bigyang-diin ang isang aral o doktrina o alituntunin.

  • Magbahagi ng mga kuwento. Basahing muli ang mga kuwento na ibinahagi sa pangkalahatang kumperensya mula sa “Indeks ng mga Kuwento sa Kumperensya” na nasa huling mga pahina ng bawat isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi nila kung bakit ang partikular na kuwentong iyon ay makabuluhan sa kanila. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga doktrina at alituntunin na nasa likod ng kuwento at i-cross-reference ang bawat isa sa kanilang banal na kasulatan.

Talambuhay ng mga Apostol

Ipinayo ni Apostol Pablo na, “Ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang mga nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo” (I Mga Taga Tesalonica 5:12). Matutulungan ninyong lumakas ang patotoo ng mga estudyante tungkol sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa pagbabahagi ng maikling impormasyon tungkol sa buhay nila. Makikita ninyo ang impormasyon tungkol sa buhay nila sa newsroom.lds.org at sa mga almanac ng Simbahan. Ang mga retrato ng mga General Authority, na mabibili sa distribution center, ay may kasamang impormasyon tungkol sa buhay nila sa likod nito.

Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa (Kopya ng Titser)

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ensign o Liahona, Mayo 2009, 59–62; idinagdag ang italics.

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Mahal kong mga kapatid, ilang buwan ko nang alam ang mensaheng nais kong ibigay ngayon. Noon, naghanap ako ng kuwentong maglalarawan sa gusto kong sabihin. Naghanap ako ng kuwento tungkol sa pagsasaka. Naghanap ako ng kuwento tungkol sa mga hayop. Bilang paggalang kay Elder Scott, naghanap ako ng kuwento sa nuclear engineering, at bilang paggalang kay Pangulong Monson, sa pag-aalaga ng mga kalapati.

Sa huli, isang kuwento ang paulit-ulit kong naiisip—isang kuwentong matagal nang nakakintal sa isipan ko. Hindi tungkol sa pagsasaka, mga hayop, nuclear engineering, o mga kalapati. Ito iyong maaring nahulaan na ninyo—tungkol sa pagpapalipad. Ang tawag ko dito ay “Ang Kuwento ng Bombilya.”

Ang Kuwento ng Bombilya, o Paglimot sa Bagay na Pinakamahalaga

Isang madilim na gabi ng Disyembre, 36 na taon na ang nakalilipas, isang Lockheed 1011 jumbo jet ang bumagsak sa Florida Everglades, na nag-iwan ng mahigit 100 kataong patay. Ang malubhang sakunang ito ang isa sa pinakagrabeng pagbagsak ng eroplano sa kasaysayan ng Estados Unidos.

Ang nakakapagtaka sa sakunang ito ay lahat ng mahahalagang bahagi at sistema sa eroplano ay umaandar nang maayos—madali sanang nakalapag nang ligtas ang eroplano sa Miami, mga 20 milya lamang ang layo.

Nang malapit nang lumapag, napansin ng mga tauhan ang isang berdeng ilaw na hindi sumindi—ilaw na nagsasabi kung bumukas o hindi ang landing gear sa harapan. Hindi itinuloy ng mga piloto ang paglapag, at paikot na pinalipad ang eroplano sa madilim na Everglades, at ibinaling ang kanilang atensyon sa pag-iimbestiga sa problema.

Masyado silang naging abala sa paghahanap kung kaya’t di nila napansin na unti-unti nang bumababa ang eroplano at palapit nang palapit sa madilim na putikan sa ibaba. Nang may makapansin sa nangyayari, huli na ang lahat para maiwasan ang sakuna.

Pagkatapos ng aksidente, sinikap ng mga imbestigador na alamin ang dahilan. Ang landing gear ay nakababa nang wasto. Nasa kondisyon ang makina ng eroplano. Lahat ay umaandar nang maayos—lahat maliban sa isang bagay: isang pundidong bombilya. Ang munting bombilyang iyon—na mga 20 cents ang halaga—ang pinagmulan ng magkakarugtong na pangyayari na nauwi sa malagim na kamatayan ng mahigit 100 katao.

Siyempre, hindi ang pundidong bombilya ang sanhi ng aksidente; nangyari ito dahil ang mga crew ay nagtuon ng pansin sa isang bagay na tila mahalaga nang sandaling iyon at nalimutan ang bagay na pinakamahalaga.

Bigyang Pansin ang mga Bagay na Pinakamahalaga

Ang ugaling magtuon ng pansin sa di mahalaga at pabayaan ang pinakamahahalagang bagay ay nangyayari hindi lamang sa mga piloto kundi sa lahat. [Hindi malilimutang parirala] Lahat tayo ay nasa panganib. Ang drayber na nakatuon sa kalsada ay may mas malaking posibilidad na makarating nang ligtas sa patutunguhan kaysa sa drayber na abala sa pagte-text gamit ang kanyang cellphone.

Alam natin kung ano ang pinakamahalaga sa buhay—ang Liwanag ni Cristo ang nagtuturo nito sa lahat. Tayo bilang matatapat na mga Banal sa Huling Araw ay may Espiritu Santo na “kasama tuwina”1 upang ituro sa atin ang mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan. Nakikinita ko na ang sinumang mayhawak ng priesthood na nakikinig sa akin ngayon, kung pagsasalitain sa paksang “ano ang pinakamahalaga,” ay magagawa ito nang napakahusay. Ang kahinaan natin ay ang kabiguang iayon ang ating mga kilos sa ating konsiyensya. [Hindi malilimutang parirala]

Tumigil sandali at suriin kung saan nakatuon ang inyong puso at isipan. Nakatuon ba kayo sa mga bagay na pinakamahalaga? Ang paraan ng paggugol ninyo ng oras ay maaaring batayan nito. Saan natutuon ang isip ninyo kapag tapos na ang mahigpitang mga deadline? Nakatuon ba ang isip at puso ninyo sa mga bagay na panandalian at mahalaga lamang sa sandaling iyon, o sa mga bagay na pinakamahalaga? [Paanyaya]

May kimkim ba kayong sama-ng-loob? Ano ba ang mga dahilan na pinanghahawakan ninyo at hindi kayo ang uri ng asawa, ama, anak, at mayhawak ng priesthood na alam ninyong kayo ay nararapat na maging? Ano ang mga bagay na humahadlang sa inyong mga tungkulin o hadlang sa pagganap ninyo sa katungkulan nang mas masigasig?

Iwasang Magambala

Kung minsan ang mga bagay na nakaaabala sa atin ay hindi masama; madalas maganda ang pakiramdam natin dito.

Pero maaaring sumobra din ang pagtutuon sa mabubuting bagay. [Hindi malilimutang parirala] Ang isang halimbawa ay makikita sa isang ama o lolo na nag-uukol ng maraming oras sa pagsasaliksik ng kanyang mga ninuno o paglikha ng blog samantalang pinababayaan o iniiwasang maglaan ng makabuluhang oras para sa sarili niyang mga anak at apo. Isa pang halimbawa ay maaaring ang hardinero na maghapong nagbubunot ng mga damo habang binabalewala ang espirituwal na mga damong nagbabantang sumakal sa kanyang kaluluwa.

Kahit ang ilang programa ng Simbahan ay maaaring makasagabal kung sosobrahan natin ito at mangingibabaw sa ating panahon at atensyon kapalit ng mga bagay na pinakamahalaga. Kailangang balanse ang buhay natin. [Hindi malilimutang parirala]

Kapag tunay na mahal natin ang Ama sa Langit at ang Kanyang mga anak, ipakikita natin ang pagmamahal na iyon sa ating mga kilos. Pinapatawad natin ang bawat isa at hinahangad na gumawa ng mabuti, dahil ang “ating datihang [pagkatao] ay kalakip ni [Cristo] na napako sa krus.2 [Cross-reference] Ating “dinadalaw ang mga ulila at mga babaeng bao sa kanilang kapighatian,” at pinagiingatang “walang bahid dungis ang ating mga sarili sa sanglibutan.”3 [Cross‑reference]

Mahal kong mga kapatid sa priesthood, nabubuhay tayo sa mga huling araw. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik sa mundo. Ang mga susi ng priesthood ng Diyos ay muling ibinigay sa tao. Nabubuhay tayo sa panahon ng pag-asam at paghahanda, pinagkatiwalaan ng Diyos na ihahanda ang ating sarili, ating pamilya, ating mundo para sa paparating na bukang-liwayway—ang araw na ang Anak ng Diyos ay “bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios”4 at pasisimulan ang Kanyang paghahari sa milenyo.

Ipinagkatiwala sa atin ang banal na priesthood at binigyan ng pananagutan, kapangyarihan, at karapatang kumilos bilang mga kinatawan ng ating Hari sa Langit.

Ito ang mga bagay na pinakamahalaga. Ito ang mga bagay na may walang hanggang halaga na kailangan nating pagtuunan ng pansin.

Hindi natin dapat hayaan ang ating mga sarili na magambala sa ating sagradong tungkulin. Hindi dapat mawala ang ating pansin sa mga bagay na pinakamahalaga. [Hindi malilimutang parirala]

Nehemias

Si Nehemias ng Lumang Tipan ay isang dakilang halimbawa ng patuloy na pagtutuon at katapatan sa mahalagang gawain. Si Nehemias ay isang Israelita na itinapon sa Babilonia at naglingkod bilang tagahawak ng saro ng hari. Isang araw tinanong ng hari si Nehemias kung bakit tila nakapalungkot niya. Sagot ni Nehemias, “Bakit ang aking mukha ay hindi malulungkot, kung ang bayan, ang dako ng [mga libingan] sa aking mga magulang ay giniba, at ang mga pintuang-bayan niyaon ay nasupukan ng apoy?”5 [Cross-reference]

Nang marinig ito ng hari, lumambot ang kanyang puso, at binigyan niya si Nehemias ng karapatang magbalik sa Jerusalem at muling itayo ang lungsod. Gayunman, hindi naging masaya ang lahat sa planong ito. Sa katunayan, ang ilang mga pinuno na nakatira malapit sa Jerusalem ay naghinagpis na mabuti “sapagka’t may naparoong isang lalake upang hanapin ang ikagagaling ng mga anak ni Israel.”6 Ang kalalakihang ito ay “nagalit na mainam, at tinuya ang mga Judio.”7 [Cross-reference]

Dahil walang takot, hindi hinayaan ni Nehemias na gambalain siya ng kalaban. Sa halip, tinipon at inayos niya ang kanyang mga kagamitan at tauhan at sinimulang itayo muli ang lunsod, “sapagkat ang bayan ay nagkaroon ng kaloobang gumawa.”8 [Cross-reference]

Subalit nang magsimulang tumaas ang mga pader ng lungsod, lalong tumindi ang oposisyon. Ang mga kaaway ni Nehemias ay nagbanta, nagsabwatan, at nanlibak. Totoo ang kanilang mga banta, at lubha silang nakakatakot kaya sabi ni Nehemias, “Sinidlan nila kami ng takot.”9 [Cross-reference] Sa kabila ng panganib at banta ng paglusob, nagpatuloy ang paggawa. Mahirap ang panahong iyon, kaya’t bawat manggagawa ay “may kaniyang tabak na nakasabit sa kaniyang tagiliran, at gayon gumagawa.”10 [Cross-reference]

Sa pagpapatuloy ng gawain, ang mga kalaban ni Nehemias ay lalong naging desperado. Apat na beses nila siyang sinabihang umalis ng lungsod at makipagkita sa kanila at kunwari ay lulutasin ang kaguluhan, ngunit alam ni Nehemias na balak nilang gawan siya ng masama. Sa tuwing sasabihan nila siya, iisa lang ang sagot niya: “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.”11 [cross-reference]

Napakagandang sagot! Sa malinaw at di nagbabagong layunin ng puso’t isipan, sa matinding determinasyon, ang mga pader ng Jerusalem ay nakamamanghang naitayong muli sa loob lamang ng 52 araw.12

[Hindi hinayaan ni] Nehemias na mahadlangan siya ng mga panggagambala sa paggawa ng ipinagagawa sa kanya ng Panginoon. [Cross-reference]

Hindi Tayo Bababa

Ako ay nahikayat at nabigyang-inspirasyon ng maraming matatapat na mayhawak ng priesthood sa araw na ito na iisa ang puso at isipan. Tulad ni Nehemias, mahal ninyo ang Panginoon at hangad na gampanang mabuti ang priesthood na inyong taglay. Mahal kayo ng Panginoon at alam Niya ang kadalisayan ng inyong mga puso at determinasyon. Pinagpapala Niya kayo sa inyong katapatan, ginagabayan ang inyong landas, at ginagamit ang inyong mga kaloob at talento sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.

Gayunman, hindi lahat ay tulad ni Nehemias. Maaari pa nating pagbutihin ang ating sarili.

Iniisip ko, mahal kong mga kapatid sa priesthood, kung ano ang ating magagawa kung lahat tayo, tulad ng mga tao ni Nehemias, “ay may kaloobang gumawa.” Ano kaya ang magagawa kung “iiwan na natin ang mga bagay ng pagkabata”13 at ibubuhos ang ating sarili, puso at kaluluwa, sa pagiging marapat na maytaglay ng priesthood, at tapat na mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo. [Paanyaya]

Isipin sandali kung ano ang mangyayari sa ating sariling buhay, sa ating propesyon, sa ating pamilya, sa ating mga ward at branch. Isipin kung paano uunlad ang kaharian ng Diyos sa buong mundo. Isipin kung paano magbabago ang mundo para sa kabutihan kung bawat lalaking maytaglay ng priesthood ng Diyos ay magbibigkis ng kanyang balakang at mamumuhay ayon sa kanyang tunay na potensiyal, tunay na magbabalik-loob, magiging tunay at tapat na lalaki ng priesthood, handang itayo ang kaharian ng Diyos. [Paanyaya]

Madali ang magambala—matuon sa isang pundidong bombilya o sa kawalang-galang ng di mababait na tao, anuman ang motibo nila. Ngunit isipin ang kapangyarihang tataglayin natin bilang mga indibiduwal at bilang grupo ng priesthood kung, bilang tugon sa bawat tukso na mawalan ng pokus o babaan ang ating mga pamantayan—ang mga pamantayan ng Diyos—ang sagot natin ay, “May ginagawa akong dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.” [Pag-uulit]

Ang panahon natin ay puno ng matitinding hamon at maraming oportunidad. Hangad ng Panginoon ang mga tulad ni Nehemias—matatapat na kalalakihan na tumutupad sa sumpa at tipan ng priesthood. Hanap Niya ay magigiting na kaluluwang masigasig na kikilos upang itayo ang kaharian ng Diyos—mga tao na, kapag naharap sa oposisyon at tukso, ay sasabihin sa kanilang mga puso, “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.” [Pag-uulit]

Kapag naharap sa pagsubok at kahirapan, ang sagot nila ay, “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.” [Pag-uulit]

Kapag naharap sa panunuya at pagsansala, sasabihin nilang “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.” [Pag-uulit]

Hanap ng ating Ama sa Langit ang mga taong hindi hahayaang humadlang ang mga bagay na di gaanong mahalaga sa kanilang walang hanggang mithiin. Hanap Niya ang mga taong hindi papayagan ang kadalian o mga patibong ng kalaban na humadlang sa kanila sa paggawa ng ipinagagawa Niya sa kanila. Hanap Niya ang mga taong ang kilos ay ayon sa kanilang sinasabi—ang matatapat na nagsasabing, “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.” [Pag-uulit]

Isang Dakilang Gawaing Isasagawa

Taimtim akong nagpapatotoo na ang Diyos ay buhay at nagmamalasakit sa bawat isa sa atin. Iuunat Niya ang Kanyang kamay at tutulungan ang mga maninindigan at tataglayin ang priesthood nang may paggalang, dahil sa mga huling araw na ito Siya ay may dakilang gawain na ipagagawa sa atin.

Ang ebanghelyong ito ay hindi mula sa tao. Ang doktrina ng Simbahan ay hindi napakagandang hula lamang ng isang tao tungkol sa sinaunang banal na kasulatan. Ito ang katotohanan ng langit na inihayag mismo ng Diyos. Pinatototohanan ko na nakita ni Joseph Smith ang sinasabi niyang nakita niya. Talagang tumingala siya sa kalangitan at nakipag-usap sa Diyos Ama at sa Anak, at sa mga anghel.

Nagpapatotoo ako na ang Ama sa Langit ay nakikipag-usap sa mga dumudulog sa Kanya sa espiritu at sa katotohanan. Nasaksihan ng mga mata ko at nagagalak akong magpatotoo na ngayon, ang Diyos ay nakikipag-usap sa Kanyang propeta, tagakita, at tagapaghayag na si Thomas S. Monson.

Mga kapatid, tulad ni Nehemias, may gagawin tayong dakilang gawain. Narito tayo sa kasalukuyan na tinatanaw ang ating hinaharap. Taimtim kong dalangin na sa kabila ng mga tukso, hindi natin kailanman ibababa ang ating mga pamantayan; na sa kabila ng mga panggagambala, hindi mawawala ang ating tuon sa mga bagay na pinakamahalaga; na mananatili tayong matatag at sama-sama, nagkakaisa, habang buong giting nating taglay ang bandila ng Panginoong Jesucristo.

Dalangin ko na maging marapat tayo sa banal na priesthood ng Makapangyarihang Diyos at, sa isang tao, iangat ang ating ulo at sa matatag na tinig ay ipahayag sa mundo, “Kami’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi kami makababa.” [Repetition] Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 121:46.

  2. Mga Taga Roma 6:6.

  3. Joseph Smith Translation, James 1:27.

  4. I Mga Taga Tesalonica 4:16.

  5. Nehemias 2:3.

  6. Nehemias 2:10.

  7. Nehemias 4:1.

  8. Nehemias 4:6.

  9. Nehemias 6:9.

  10. Nehemias 4:18.

  11. Nehemias 6:3.

  12. Tingnan sa Nehemias 6:15.

  13. I Mga Taga Corinto 13:11.

Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa (Kopya ng Estudyante)

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ensign o Liahona, Mayo 2009, 59–62.

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Mahal kong mga kapatid, ilang buwan ko nang alam ang mensaheng nais kong ibigay ngayon. Noon, naghanap ako ng kuwentong maglalarawan sa gusto kong sabihin. Naghanap ako ng kuwento tungkol sa pagsasaka. Naghanap ako ng kuwento tungkol sa mga hayop. Bilang paggalang kay Elder Scott, naghanap ako ng kuwento sa nuclear engineering, at bilang paggalang kay Pangulong Monson, sa pag-aalaga ng mga kalapati.

Sa huli, isang kuwento ang paulit-ulit kong naiisip—isang kuwentong matagal nang nakakintal sa isipan ko. Hindi tungkol sa pagsasaka, mga hayop, nuclear engineering, o mga kalapati. Ito iyong maaring nahulaan na ninyo—tungkol sa pagpapalipad. Ang tawag ko dito ay “Ang Kuwento ng Bombilya.”

Ang Kuwento ng Bombilya, o Paglimot sa Bagay na Pinakamahalaga

Isang madilim na gabi ng Disyembre, 36 na taon na ang nakalilipas, isang Lockheed 1011 jumbo jet ang bumagsak sa Florida Everglades, na nag-iwan ng mahigit 100 kataong patay. Ang malubhang sakunang ito ang isa sa pinakagrabeng pagbagsak ng eroplano sa kasaysayan ng Estados Unidos.

Ang nakakapagtaka sa sakunang ito ay lahat ng mahahalagang bahagi at sistema sa eroplano ay umaandar nang maayos—madali sanang nakalapag nang ligtas ang eroplano sa Miami, mga 20 milya lamang ang layo.

Nang malapit nang lumapag, napansin ng mga tauhan ang isang berdeng ilaw na hindi sumindi—ilaw na nagsasabi kung bumukas o hindi ang landing gear sa harapan. Hindi itinuloy ng mga piloto ang paglapag, at paikot na pinalipad ang eroplano sa madilim na Everglades, at ibinaling ang kanilang atensyon sa pag-iimbestiga sa problema.

Masyado silang naging abala sa paghahanap kung kaya’t di nila napansin na unti-unti nang bumababa ang eroplano at palapit nang palapit sa madilim na putikan sa ibaba. Nang may makapansin sa nangyayari, huli na ang lahat para maiwasan ang sakuna.

Pagkatapos ng aksidente, sinikap ng mga imbestigador na alamin ang dahilan. Ang landing gear ay nakababa nang wasto. Nasa kondisyon ang makina ng eroplano. Lahat ay umaandar nang maayos—lahat maliban sa isang bagay: isang pundidong bombilya. Ang munting bombilyang iyon—na mga 20 cents ang halaga—ang pinagmulan ng magkakarugtong na pangyayari na nauwi sa malagim na kamatayan ng mahigit 100 katao.

Siyempre, hindi ang pundidong bombilya ang sanhi ng aksidente; nangyari ito dahil ang mga crew ay nagtuon ng pansin sa isang bagay na tila mahalaga nang sandaling iyon at nalimutan ang bagay na pinakamahalaga.

Bigyang Pansin ang mga Bagay na Pinakamahalaga

Ang ugaling magtuon ng pansin sa di mahalaga at pabayaan ang pinakamahahalagang bagay ay nangyayari hindi lamang sa mga piloto kundi sa lahat. Lahat tayo ay nasa panganib. Ang drayber na nakatuon sa kalsada ay may mas malaking posibilidad na makarating nang ligtas sa patutunguhan kaysa sa drayber na abala sa pagte-text gamit ang kanyang cellphone.

Alam natin kung ano ang pinakamahalaga sa buhay—ang Liwanag ni Cristo ang nagtuturo nito sa lahat. Tayo bilang matatapat na mga Banal sa Huling Araw ay may Espiritu Santo na “kasama tuwina”1 upang ituro sa atin ang mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan. Nakikinita ko na ang sinumang mayhawak ng priesthood na nakikinig sa akin ngayon, kung pagsasalitain sa paksang “ano ang pinakamahalaga,” ay magagawa ito nang napakahusay. Ang kahinaan natin ay ang kabiguang iayon ang ating mga kilos sa ating konsiyensya.

Tumigil sandali at suriin kung saan nakatuon ang inyong puso at isipan. Nakatuon ba kayo sa mga bagay na pinakamahalaga? Ang paraan ng paggugol ninyo ng oras ay maaaring batayan nito. Saan natutuon ang isip ninyo kapag tapos na ang mahigpitang mga deadline? Nakatuon ba ang isip at puso ninyo sa mga bagay na panandalian at mahalaga lamang sa sandaling iyon, o sa mga bagay na pinakamahalaga?

May kimkim ba kayong sama-ng-loob? Ano ba ang mga dahilan na pinanghahawakan ninyo at hindi kayo ang uri ng asawa, ama, anak, at mayhawak ng priesthood na alam ninyong kayo ay nararapat na maging? Ano ang mga bagay na humahadlang sa inyong mga tungkulin o hadlang sa pagganap ninyo sa katungkulan nang mas masigasig?

Iwasang Magambala

Kung minsan ang mga bagay na nakaaabala sa atin ay hindi masama; madalas maganda ang pakiramdam natin dito.

Pero maaaring sumobra din ang pagtutuon sa mabubuting bagay. Ang isang halimbawa ay makikita sa isang ama o lolo na nag-uukol ng maraming oras sa pagsasaliksik ng kanyang mga ninuno o paglikha ng blog samantalang pinababayaan o iniiwasang maglaan ng makabuluhang oras para sa sarili niyang mga anak at apo. Isa pang halimbawa ay maaaring ang hardinero na maghapong nagbubunot ng mga damo habang binabalewala ang espirituwal na mga damong nagbabantang sumakal sa kanyang kaluluwa.

Kahit ang ilang programa ng Simbahan ay maaaring makasagabal kung sosobrahan natin ito at mangingibabaw sa ating panahon at atensyon kapalit ng mga bagay na pinakamahalaga. Kailangang balanse ang buhay natin.

Kapag tunay na mahal natin ang Ama sa Langit at ang Kanyang mga anak, ipakikita natin ang pagmamahal na iyon sa ating mga kilos. Pinapatawad natin ang bawat isa at hinahangad na gumawa ng mabuti, dahil ang “ating datihang [pagkatao] ay kalakip ni [Cristo] na napako sa krus.”2 Ating “dinadalaw ang mga ulila at mga babaeng bao sa kanilang kapighatian,” at pinagiingatang “walang bahid dungis ang ating mga sarili sa sanglibutan.”3

Mahal kong mga kapatid sa priesthood, nabubuhay tayo sa mga huling araw. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik sa mundo. Ang mga susi ng priesthood ng Diyos ay muling ibinigay sa tao. Nabubuhay tayo sa panahon ng pag-asam at paghahanda, pinagkatiwalaan ng Diyos na ihahanda ang ating sarili, ating pamilya, ating mundo para sa paparating na bukang-liwayway—ang araw na ang Anak ng Diyos ay “bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios”4 at pasisimulan ang Kanyang paghahari sa milenyo.

Ipinagkatiwala sa atin ang banal na priesthood at binigyan ng pananagutan, kapangyarihan, at karapatang kumilos bilang mga kinatawan ng ating Hari sa Langit.

Ito ang mga bagay na pinakamahalaga. Ito ang mga bagay na may walang hanggang halaga na kailangan nating pagtuunan ng pansin.

Hindi natin dapat hayaan ang ating mga sarili na magambala sa ating sagradong tungkulin. Hindi dapat mawala ang ating pansin sa mga bagay na pinakamahalaga.

Nehemias

Si Nehemias ng Lumang Tipan ay isang dakilang halimbawa ng patuloy na pagtutuon at katapatan sa mahalagang gawain. Si Nehemias ay isang Israelita na itinapon sa Babilonia at naglingkod bilang tagahawak ng saro ng hari. Isang araw tinanong ng hari si Nehemias kung bakit tila nakapalungkot niya. Sagot ni Nehemias, “Bakit ang aking mukha ay hindi malulungkot, kung ang bayan, ang dako ng [mga libingan] sa aking mga magulang ay giniba, at ang mga pintuang-bayan niyaon ay nasupukan ng apoy?”5

Nang marinig ito ng hari, lumambot ang kanyang puso, at binigyan niya si Nehemias ng karapatang magbalik sa Jerusalem at muling itayo ang lungsod. Gayunman, hindi naging masaya ang lahat sa planong ito. Sa katunayan, ang ilang mga pinuno na nakatira malapit sa Jerusalem ay naghinagpis na mabuti “sapagka’t may naparoong isang lalake upang hanapin ang ikagagaling ng mga anak ni Israel.”6 Ang kalalakihang ito ay “nagalit na mainam, at tinuya ang mga Judio.”7

Dahil walang takot, hindi hinayaan ni Nehemias na gambalain siya ng kalaban. Sa halip, tinipon at inayos niya ang kanyang mga kagamitan at tauhan at sinimulang itayo muli ang lunsod, “sapagka’t ang bayan ay nagkaroon ng kaloobang gumawa.”8

Subalit nang magsimulang tumaas ang mga pader ng lungsod, lalong tumindi ang oposisyon. Ang mga kaaway ni Nehemias ay nagbanta, nagsabwatan, at nanlibak. Totoo ang kanilang mga banta, at lubha silang nakakatakot kaya sabi ni Nehemias, “Sinidlan nila kami ng takot.”9 Sa kabila ng panganib at banta ng paglusob, nagpatuloy ang paggawa. Mahirap ang panahong iyon, kaya’t bawat manggagawa ay “may kaniyang tabak na nakasabit sa kaniyang tagiliran, at gayon gumagawa.”10

Sa pagpapatuloy ng gawain, ang mga kalaban ni Nehemias ay lalong naging desperado. Apat na beses nila siyang sinabihang umalis ng lungsod at makipagkita sa kanila at kunwari ay lulutasin ang kaguluhan, ngunit alam ni Nehemias na balak nilang gawan siya ng masama. Sa tuwing sasabihan nila siya, iisa lang ang sagot niya: “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.”11

Napakagandang sagot! Sa malinaw at di nagbabagong layunin ng puso’t isipan, sa matinding determinasyon, ang mga pader ng Jerusalem ay nakamamanghang naitayong muli sa loob lamang ng 52 araw.12

[Hindi hinayaan ni] Nehemias na mahadlangan siya ng mga panggagambala sa paggawa ng ipinagagawa sa kanya ng Panginoon.

Hindi Tayo Bababa

Ako ay nahikayat at nabigyang-inspirasyon ng maraming matatapat na mayhawak ng priesthood sa araw na ito na iisa ang puso at isipan. Tulad ni Nehemias, mahal ninyo ang Panginoon at hangad na gampanang mabuti ang priesthood na inyong taglay. Mahal kayo ng Panginoon at alam Niya ang kadalisayan ng inyong mga puso at determinasyon. Pinagpapala Niya kayo sa inyong katapatan, ginagabayan ang inyong landas, at ginagamit ang inyong mga kaloob at talento sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.

Gayunman, hindi lahat ay tulad ni Nehemias. Maaari pa nating pagbutihin ang ating sarili.

Iniisip ko, mahal kong mga kapatid sa priesthood, kung ano ang ating magagawa kung lahat tayo, tulad ng mga tao ni Nehemias, “ay may kaloobang gumawa.” Ano kaya ang magagawa kung “iiwan na natin ang mga bagay ng pagkabata”13 at ibubuhos ang ating sarili, puso at kaluluwa, sa pagiging marapat na maytaglay ng priesthood, at tapat na mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo.

Isipin sandali kung ano ang mangyayari sa ating sariling buhay, sa ating propesyon, sa ating pamilya, sa ating mga ward at branch. Isipin kung paano uunlad ang kaharian ng Diyos sa buong mundo. Isipin kung paano magbabago ang mundo para sa kabutihan kung bawat lalaking maytaglay ng priesthood ng Diyos ay magbibigkis ng kanyang balakang at mamumuhay ayon sa kanyang tunay na potensiyal, tunay na magbabalik-loob, magiging tunay at tapat na lalaki ng priesthood, handang itayo ang kaharian ng Diyos.

Madali ang magambala—matuon sa isang pundidong bombilya o sa kawalang-galang ng di mababait na tao, anuman ang motibo nila. Ngunit isipin ang kapangyarihang tataglayin natin bilang mga indibiduwal at bilang grupo ng priesthood kung, bilang tugon sa bawat tukso na mawalan ng pokus o babaan ang ating mga pamantayan—ang mga pamantayan ng Diyos—ang sagot natin ay, “May ginagawa akong dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.”

Ang panahon natin ay puno ng matitinding hamon at maraming oportunidad. Hangad ng Panginoon ang mga tulad ni Nehemias—matatapat na kalalakihan na tumutupad sa sumpa at tipan ng priesthood. Hanap Niya ay magigiting na kaluluwang masigasig na kikilos upang itayo ang kaharian ng Diyos—mga tao na, kapag naharap sa oposisyon at tukso, ay sasabihin sa kanilang mga puso, “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.”

Kapag naharap sa pagsubok at kahirapan, ang sagot nila ay, “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.”

Kapag naharap sa panunuya at pagsansala, sasabihin nilang “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.”

Hanap ng ating Ama sa Langit ang mga taong hindi hahayaang humadlang ang mga bagay na di gaanong mahalaga sa kanilang walang hanggang mithiin. Hanap Niya ang mga taong hindi papayagan ang kadalian o mga patibong ng kalaban na humadlang sa kanila sa paggawa ng ipinagagawa Niya sa kanila. Hanap Niya ang mga taong ang kilos ay ayon sa kanilang sinasabi—ang matatapat na nagsasabing, “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa.”

Isang Dakilang Gawaing Isasagawa

Taimtim akong nagpapatotoo na ang Diyos ay buhay at nagmamalasakit sa bawat isa sa atin. Iuunat Niya ang Kanyang kamay at tutulungan ang mga maninindigan at tataglayin ang priesthood nang may paggalang, dahil sa mga huling araw na ito Siya ay may dakilang gawain na ipagagawa sa atin.

Ang ebanghelyong ito ay hindi mula sa tao. Ang doktrina ng Simbahan ay hindi napakagandang hula lamang ng isang tao tungkol sa sinaunang banal na kasulatan. Ito ang katotohanan ng langit na inihayag mismo ng Diyos. Pinatototohanan ko na nakita ni Joseph Smith ang sinasabi niyang nakita niya. Talagang tumingala siya sa kalangitan at nakipag-usap sa Diyos Ama at sa Anak, at sa mga anghel.

Nagpapatotoo ako na ang Ama sa Langit ay nakikipag-usap sa mga dumudulog sa Kanya sa espiritu at sa katotohanan. Nasaksihan ng mga mata ko at nagagalak akong magpatotoo na ngayon, ang Diyos ay nakikipag-usap sa Kanyang propeta, tagakita, at tagapaghayag na si Thomas S. Monson.

Mga kapatid, tulad ni Nehemias, may gagawin tayong dakilang gawain. Narito tayo sa kasalukuyan na tinatanaw ang ating hinaharap. Taimtim kong dalangin na sa kabila ng mga tukso, hindi natin kailanman ibababa ang ating mga pamantayan; na sa kabila ng mga panggagambala, hindi mawawala ang ating tuon sa mga bagay na pinakamahalaga; na mananatili tayong matatag at sama-sama, nagkakaisa, habang buong giting nating taglay ang bandila ng Panginoong Jesucristo.

Dalangin ko na maging marapat tayo sa banal na priesthood ng Makapangyarihang Diyos at, sa isang tao, iangat ang ating ulo at sa matatag na tinig ay ipahayag sa mundo, “Kami’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi kami makababa.” Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 121:46.

  2. Mga Taga Roma 6:6.

  3. Joseph Smith Translation, James 1:27.

  4. I Mga Taga Tesalonica 4:16.

  5. Nehemias 2:3.

  6. Nehemias 2:10.

  7. Nehemias 4:1.

  8. Nehemias 4:6.

  9. Nehemias 6:9.

  10. Nehemias 4:18.

  11. Nehemias 6:3.

  12. Tingnan sa Nehemias 6:15.

  13. I Mga Taga Corinto 13:11.

Print