Kabanata 2
Ang Buhay na Propeta: Ang Pangulo ng Simbahan
Pambungad
Ang mga susing ginagamit ng Pangulo ng Simbahan sa kanyang tungkulin bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag ang dahilan kaya wala siyang katulad sa lupa. Ang inspiradong payo ng propeta ay mananatiling nakaayon sa mga walang-hanggang katotohanan at nakatuon sa mga pangangailangan at kalagayan sa kanyang panahon. Ang pagsunod sa kanyang payo ay may epekto sa kawalang-hanggan. Tulungan ang iyong mga estudyante na malaman na kapag may kumpiyansa at nagtitiwala sila sa payo ng buhay na propeta, sila ay papatnubayan sa mga landas ng kaligtasan. Habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Naniniwala ako na ang kapayapaan at pag-unlad at kasaganaan ng mga taong ito ay nakasalalay sa pagsunod sa kalooban ng Panginoon ayon sa malinaw na pagkakahayag [ng Pangulo ng Simbahan] sa kaloobang iyan. Kung hindi natin susundin ang kanyang payo, hindi natin tinatanggap ang kanyang sagradong tungkulin. Kung susunod tayo sa kanyang payo, tayo ay pagpapalain” (Gordon B. Hinckley, “We Thank Thee, O God, for a Prophet,” Ensign, Ene. 1974, 125).
Ilang Doktrina at mga Alituntunin
-
Ang Pangulo ng Simbahan ang nagtataglay at namamahala sa paggamit ng lahat ng susi ng priesthood.
-
Ang mga turo at tagubilin ng buhay na propeta ay mangingibabaw kaysa sa sinabi ng mga naunang propeta.
-
Hindi kailanman pahihintulutan ng Panginoon na iligaw ng buhay na propeta ang Simbahan.
Mga Ideya sa Pagtuturo
Ang Pangulo ng Simbahan ang Nagtataglay at Namamahala sa Paggamit ng Lahat ng Susi ng Priesthood
Ipabuklat sa isang estudyante ang bahagi 2.1 ng Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante, at ipabasa sa kanya ang unang apat na talata (hanggang sa “ginagamit namin ang mga ito araw-araw”) ng pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Pagkatapos ay pag-aralan ang Mateo 16:15–19; 18:18 kasama ang iyong mga estudyante. Itanong:
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ibibigay Niya kay Pedro?
-
Ano ang magagawa ni Pedro gamit ang mga susing ito?
-
Sino pa ang nakatanggap ng mga susing ito? (Tingnan sa Mateo 18:18; pansinin na nakasaad sa Mateo 18:1 na sinabi ni Jesus ang mga salitang ito sa Kanyang Labindalawang Apostol.)
-
Sino ang mga binigyan ng mga susi ring ito sa ngayon?
Sabihin sa isang estudyante na tapusin ang pagbabasa ng kuwento ni Pangulong Packer na nasa bahagi 2.1 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang ibig sabihin ng katagang mga susi ng priesthood?
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang mga susi ng priesthood ang karapatan at kapangyarihan ng panguluhan. Ang mga ito ang kapangyarihan sa pangangasiwa, pamamahala, at pamumuno. Ang mga nagtataglay nito ay binibigyan ng karapatang pamahalaan ang pamamaraan ng paggamit ng iba ng kanilang priesthood” (Bruce R. McConkie, A New Witness for the Articles of Faith [1985], 309).
Sabihin sa mga estudyante na ibuod, sa kanilang sariling mga salita, ang depinisyon ni Elder McConkie sa mga susi ng priesthood.
Basahin ang sumusunod na mga banal na kasulatan sa iyong klase at sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga susi ng priesthood na tinukoy sa bawat talata:
Itanong sa klase:
-
Paano naaapektuhan ng mga susing ito ang bawat miyembro ng Simbahan? (Lahat ng mga ordenansa ng ebanghelyo ay pinamamahalaan at isinasagawa ng mga taong may hawak ng mga susing iyon.)
-
Paano ginagamit ng Pangulo ng Simbahan ang mga susing ito para pamahalaan ang gawain ng Panginoon sa lupa? (Binubuksan ang mga bansa sa ebanghelyo, nagbibigay pahintulot sa pribilheyong mabuklod, nagtatayo ng mga templo, ipinaliliwanag ang mga hiwaga ng ebanghelyo.)
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pagkakaiba ng susi at ng awtoridad sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sumusunod na halimbawa:
Ang priest ay may awtoridad ng priesthood na magbinyag (tingnan sa D at T 20:46), ngunit ang kanyang bishop—na may hawak ng mga susi para mamuno sa ward (tingnan sa D at T 107:13–15)—ay kailangan munang magbigay ng pahintulot na magsagawa ng binyag at sabihin sa priest kung kailan, paano, saan, at sino ang bibinyagan.
Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ng Simbahan ang may hawak ng mga susi ng kapangyarihang magbuklod ng priesthood. Tinatawag nila at isine-set apart ang iba pang mga karapat-dapat na maytaglay ng priesthood, at binibigyan sila ng awtoridad na magbuklod para magsagawa ng mga pagbubuklod sa templo.
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Kapag inordenan ang isang tao sa pagkaapostol at itinalaga bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa, ibibigay sa kanya ang mga susi ng priesthood ng Diyos. Bawat isa sa labinlimang buhay na kalalakihang inorden ay may hawak ng mga susing ito. Gayunman, tanging ang Pangulo ng Simbahan ang may karapatang gamitin ang mga ito sa kabuuan nito. Maaari niyang italaga ang paggamit ng ilan sa mga ito sa isa o mahigit pa sa kanyang mga Kapatid. Bawat isa ay may mga susi ngunit magagamit lamang ito ayon sa antas na ipinagkaloob sa kanya ng propeta ng Panginoon” (Gordon B. Hinckley, “The Church Is on Course,” Ensign, Nob. 1992, 54).
Itanong sa mga estudyante:
-
Paano pinamamahalaan ng Pangulo ng Simbahan ang paggamit ng mga susi ng priesthood ng Korum ng Labindalawang Apostol?
-
Bakit kailangang hawak ng mga Apostol ang mga susing hawak din ng Pangulo ng Simbahan?
Magpatotoo na bawat isa sa mga Pangulo ng Simbahan ay may hawak ng lahat ng susi ng priesthood. Dahil sa mga susing ito, makakamtan ng lahat ang mga pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo.
Ang mga Turo at Tagubilin ng Buhay na Propeta ay Mangingibabaw Kaysa sa Sinabi ng mga Naunang Propeta
Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng mga halimbawa ng mga gawain sa Simbahan na nagbago o nagsimula sa paglipas ng mga taon. Kung walang maisip ang mga estudyante, maaari mong imungkahi ang ilan sa mga sumusunod:
-
Iskedyul sa pulong sa araw ng Linggo (isang tatlong-oras na magkakasunod na pulong o three-hour block sa halip na magkakahiwalay na miting sa umaga at gabi)
-
Ang pondo ng ikapu ang pinagkukunan ng karamihan sa mga pangangailangan sa badyet ng ward (dati-rati ang mga ward ay kailangang magtipon ng sarili nilang pera para sa kanilang badyet)
-
Standard na mga talakayan ng missionary (ilang beses na binago sa nakalipas na 30 taon, ang pinakahuli ay sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004])
-
Mas maliliit na templo (natutugunan ng mas maliliit na templo ang mga pangangailangan sa mas maliliit na lugar)
-
Perpetual Education Fund (ibinalita noong Abril 2001)
-
Mga Korum ng Pitumpu (may pagkakataon noon na bawat stake ay may korum ng mga pitumpu; pagkatapos ay nagkaroon na lang ng isang korum sa pangkalahatan; ngayon ay marami tayong korum)
Itanong sa mga estudyante:
-
Sa paanong paraan maaantala ang Simbahan kung ginawa natin ang lahat kagaya noong naunang mga henerasyon?
-
Paano nakatulong ang mga pagbabagong ito sa paglago ng Simbahan sa buong mundo?
Ipaliwanag na bukod sa pamamahala sa mga gawain at patakaran sa Simbahan, nililinaw at pinalalawak din ng mga propeta ang ating pag-unawa sa doktrina ng Simbahan. Isulat sa kalahating panig ng pisara ang mga sumusunod na tanong:
Hatiin ang klase sa dalawang grupo at ipabasa sa unang grupo ang pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa bahagi 2.3 ng manwal ng estudyante. Ipahanap sa kanila ang mga sagot sa mga tanong na nasa isang panig ng pisara habang nagbabasa sila.
Sa kalahati naman ng pisara, isulat ang mga sumusunod na tanong:
Ipabasa naman sa isa pang grupo ang pangalawa at pangatlong “pangunahing tuntunin” mula sa mensahe ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na nasa “Enrichment Material” sa dulo ng kabanata 2 ng manwal ng estudyante. (Ang mga ito ay bahagi ng isang mensahe na pinamagatang “Fourteen Fundamentals in Following the Prophet.”) Ipahanap sa kanila ang mga sagot sa mga tanong na nasa isang panig ng pisara habang nagbabasa sila.
Matapos ang sapat na oras na mabasa at mapag-isipang mabuti ng mga estudyante ang materyal at masagot nila ang mga tanong, hikayatin silang ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot at ideya. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa buhay na propeta at sa mga pagpapalang natamo nila sa pagsunod sa payo ng propeta.
Hindi Kailanman Pahihintulutan ng Panginoon na Iligaw ng Buhay na Propeta ang Simbahan
Ipabasa sa isang estudyante ang Mga Bilang 12:6–8 at sa isa pang estudyante ang Exodo 33:11 sa klase. Talakayin kung ano ang nagbibigay-kakayahan sa propeta para malaman kung paano mamuno sa atin.
Hatiin ang iyong klase sa maliliit na grupo. Ipabasa sa bawat grupo ang mga pahayag na nasa bahagi 2.5 ng manwal ng estudyante. Ipatalakay sa mga grupo ang mga sumusunod na tanong habang nag-aaral sila (maaari mong isulat ang mga tanong sa pisara o gawin itong handout at ibigay sa kanila):
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang ilan sa mga tinalakay nila sa kanilang mga grupo.