Kabanata 5
Ang Korum ng Labindalawang Apostol
Pambungad
Ang Simbahan ay nakatayo “sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta” (Mga Taga Efeso 2:20). Ang kabanatang ito ay nagbibigay ng mga pagkakataong matulungan ang mga estudyante na makita kung paano pinapatnubayan ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Simbahan sa pamamagitan ng inspiradong pamumuno at patotoo. Tungkol sa pamumunong ito, si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpatotoo:
“Bilang pinakamaliit sa mga sinang-ayunan ninyo na sumasaksi nang personal sa patnubay ng Simbahang ito mismo, sinasabi ko nang buong katapatan na kailanman, sa personal o propesyonal kong buhay, hinding-hindi pa ako naging bahagi noon ng anumang grupo na maraming nalalaman sa nangyayari sa lipunan, maraming alam sa mga problemang kinakaharap natin, na matamang pinag-aaralan ang nakaraan, handang tanggapin ang anumang bago, at pinag-iisipang mabuti, at nang may panalangin ang lahat ng iba pa” (Jeffrey R. Holland, “Mga Propetang Naritong Muli sa Lupa,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 105–6).
Sa pagtatapos ng lesson na ito, dapat maunawaan ng iyong mga estudyante na dahil sa mga sagradong susi ng awtoridad ng priesthood, naisusulong ng mga Apostol ang kaharian ng Diyos sa buong mundo.
Ilang Doktrina at mga Alituntunin
-
Ang mga Apostol ay mga natatanging saksi ni Jesucristo sa buong mundo.
-
Kumikilos ang mga apostol para isulong ang kaharian ng Diyos.
-
Ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagkakaisa sa kanilang mga desisyon.
Mga Ideya sa Pagtuturo
Paunang paghahanda: Sakaling hindi pamilyar ang iyong mga estudyante sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang website ng Simbahan na newsroom.lds.org ay may mga materyal na nagbibigay ng mahalagang tulong. Maida-download mo ang mga larawan, maikling talambuhay, o mas detalyadong mga artikulo tungkol sa talambuhay para matulungan ang mga estudyante na maging pamilyar sa ating kasalukuyang mga Apostol.
Ang mga Apostol ay mga Natatanging Saksi ni Jesucristo sa Buong Mundo
Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:23 at sa isa pa ang Mga Gawa 4:33. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang tungkulin ng Korum ng Labindalawang Apostol?
-
Ano ang patototohanan nila?
-
Saan ibibigay ng mga Apostol ang “natatanging” pagsaksing ito?
Basahin ang isinalaysay ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) sa bahaging 5.2 ng Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante. Tumigil sa bahagi ng sipi o quotation na may nakasaad na “Ano po ang isasagot namin?” Itanong sa mga estudyante:
-
Paano ninyo papayuhang sumagot ang mga missionary?
Pagkatapos sumagot ng ilang estudyante, basahin ang nalalabi sa sipi o quotation. Pagkatapos ay itanong:
-
Sa paanong paraan makikita sa sagot ni Pangulong Lee ang kanyang tungkulin na maging “natatanging saksi” ni Jesucristo?
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):
“Ito ay napakabigat na responsibilidad para sa [mga Apostol], ang malaman na si Jesucristo ang talagang tunay na Bugtong na Anak ng Diyos, ang Manunubos ng sanlibutan” (Joseph Fielding Smith, Seek Ye Earnestly [1970], 213).
Pagkatapos ay itanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Smith nang sabihin niyang “napakabigat na responsibilidad”?
Ibahagi sa iyong mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995) sa bahagi 5.2 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Ano ang pinatotohanan ni Pangulong Hunter?
-
Paano mapapalakas ang ating patotoo sa pakikinig sa patotoo ng isang Apostol?
Sabihin sa mga estudyante na pagtuunan ng pansin ang patotoo ng Apostol sa tuwing maririnig o mababasa nila ito. Hikayatin ang mga estudyante na palakasin ang kanilang patotoo tungkol sa mga katotohanan na pinatototohanan ng mga Apostol.
Kumikilos ang mga Apostol para Isulong ang Kaharian ng Diyos
Ibahagi sa mga estudyante ang una sa dalawang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa bahagi 5.5 ng manwal ng estudyante. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang depinisyon ng isang Apostol. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang sinabi ni Pangulong Hinckley na ibig sabihin ng salitang Apostol?
-
Ano ang ibinigay na “awtoridad at responsibilidad” sa mga Apostol?
Basahin ang Mateo 28:16–20 at Doktrina at mga Tipan 65:5–6 sa inyong klase at itanong:
-
Ano ang iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga Apostol sa mga talatang ito?
-
Kung ang mga Apostol ang magtatatag ng kaharian ng Diyos sa buong mundo, ano ang kaharian ng Diyos? (Ang kaharian ng Diyos ay ang Simbahan sa mundo ngayon. Ang mga Apostol ay tumutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos—ang Simbahan—sa mundo ngayon upang ang kaharian ng langit—ang Simbahan sa milenyo—ay dumating.)
Bilang paglalarawan kung paano maisasakatuparan ng mga buhay na Apostol ang iniutos na ito ng Diyos, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi ako naiiba sa mga Kapatid sa Labindalawa … kapag sinasabi ko sa inyo na makikita sa rekord na ako ay nagpunta sa Mexico at sa Gitna at Timog Amerika nang mahigit 75 beses, sa Europa nang mahigit 50 beses, sa Canada 25 beses, sa mga Isla ng Pasipiko 10 beses, sa Asia 10 beses, at Aprika 4 na beses; sa Tsina rin dalawang beses; sa Israel, Saudi Arabia, Bahrain, Dominican Republic, India, Pakistan, Egipto, Indonesia, at sa napakarami pang lugar sa mundo. Higit pa riyan ang nalakbay ng iba” (Boyd K. Packer, “Ang Labindalawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 86).
Pagkatapos ay itanong:
-
Sa palagay ninyo, anong mga kaalaman ang natatamo ng mga Apostol mula sa paglalakbay na iyon sa iba’t ibang lugar?
Hatiin sa dalawang grupo ang klase at ipabasa sa unang grupo ang Doktrina at mga Tipan 107:33–35, 58 at ipabasa sa pangalawang grupo ang Doktrina at mga Tipan 18:27–32. Ipatukoy sa mga estudyante ang mga salita at pariralang naglalarawan kung ano ang “isinugong” gawin ngayon ng mga Apostol. Sa pisara, isulat ang (o ipasulat sa isang estudyante) ang mga salita at parirala na matutukoy ng mga estudyante. (Maaaring kabilang sa ilang salita at parirala ang gaganap, itayo ang Simbahan, pamahalaan, buksan ang pintuan, ipangaral ang ebanghelyo, ordenan, isaayos, ipangaral sa bawat nilikha, magbinyag, at ipahayag ang ebanghelyo ayon sa Espiritu Santo.) Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang ilang paraan na ipinapangaral ng ating mga buhay na Apostol ang ebanghelyo at itinatayo ang Simbahan ngayon? (Nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya, bumibisita sa lokal na mga kumperensya, naglilibot sa mga mission, iniinterbyu ang mga lokal na lider ng Simbahan, nagsasagawa ng mga brodkast para sa pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno, at marami pang iba.)
Ipabasa sa isang estudyante ang pangalawa sa dalawang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa bahagi 5.5 ng manwal ng estudyante (tingnan ang huling talata ng bahaging iyon). Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Sa paanong paraan ninyo nakita o narinig ang tungkol sa paglilingkod ng mga Apostol sa paraan na inilarawan ni Pangulong Hinckley?
-
Ano ang naging impluwensya ng mga Apostol sa inyo bilang indibiduwal?
Ang Korum ng Labindalawang Apostol ay Nagkakaisa sa Kanilang mga Desisyon
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 107:27–31 at itanong:
-
Anong mga alituntunin ang sinabi ng Panginoon na dapat sundin sa mga desisyong ginagawa ng Labindalawa?
-
Anong pangako ang ibinigay sa talata 31 kung ang mga desisyon ay ginagawa ayon sa mga tagubilin na ibinigay sa talata 27 at 30? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pangakong iyon?
Ibahagi sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa katapusan ng bahagi 5.7 ng manwal ng estudyante (sa huling talata, simula sa “Ngunit wala akong napansing …”). Pagkatapos ay itanong:
-
Paano nadaragdagan ang inyong pananampalataya at tiwala sa mga desisyong iyon, batid na nagkakaisa ang mga Apostol sa mga desisyong iyon?
Ibahagi sa klase ang pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan sa bahagi 5.7 ng manwal ng estudyante. Hikayatin ang mga estudyante na pakinggan kung bakit nagkakaisa ang mga Kapatid. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Paano magsisilbing “pangkontrol” ang prosesong ito laban sa pansariling kagustuhan o pansariling hangarin?
-
Ano ang iminungkahi ni Pangulong Faust na kailangan para magkaisa sila?
Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa katungkulan at tungkulin ng Labindalawang Apostol. Hikayatin ang mga estudyante na lalo pang pagtuunan ng pansin ang patotoo ng Labindalawa at ang mga paksang pinipili nilang talakayin sa kanilang mga mensahe.