Library
Kabanata 4: Ang Korum ng Unang Panguluhan


Kabanata 4

Ang Korum ng Unang Panguluhan

Pambungad

Ang Unang Panguluhan ang may hawak ng “mga susi ng kaharian” at ito ang pinakamataas na namumunong kapulungan sa Simbahan (D at T 81:2; tingnan din sa buod o section summary ng D at T 81; 107:80–81). Ipinaaalam ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa Unang Panguluhan. Bilang namumunong korum ng Simbahan, ang Unang Panguluhan ang pinakamataas na awtoridad sa lupa sa doktrina ng Simbahan. Ganito ang ipinangako ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) sa mga taong sumusunod sa payo ng Unang Panguluhan:

“Palagay ko may isang bagay na dapat napakalinaw na nauunawaan natin sa ating isipan. Hindi kailanman ililigaw ng Pangulo ng Simbahan, ni ng Unang Panguluhan … ang mga Banal o papayuhan ang sanlibutan nang salungat sa isipan at kalooban ng Panginoon. …

“Pinatototohanan ko na kung igagalang natin ang Unang Panguluhan at susundin natin ang kanilang payo at utos, walang kapangyarihan sa lupa ang makahahadlang o makapagpapabago sa ating tinatahak bilang simbahan, at bilang mga indibiduwal magkakaroon tayo ng kapayapaan sa buhay na ito at magiging mga tagapagmana ng walang-hanggang kaluwalhatian sa daigdig na darating” (Joseph Fielding Smith, “Eternal Keys and the Right to Preside,” Ensign, Hulyo 1972, 88).

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod sa Unang Panguluhan. Rebyuhin ang mga pangakong ibinigay sa mga sumusunod. Bilang bunga ng lesson na ito, dapat makadama ang mga estudyante ng mas matinding hangaring sang-ayunan at makiisa sa Unang Panguluhan. Dapat madama nila na sabihin, tulad ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Salamat po Diyos para sa panguluhan. Tulad ng mga tuktok ng [bundok], walang ibang nakahihigit sa kanila kundi ang kalangitan” (“The Spirit Beareth Record,” Ensign, Hunyo 1971, 87).

Larawan
Unang Panguluhan, 1894

Ang Unang Panguluhan noong 1894: George Q. Cannon, Unang Tagapayo (kaliwa); Wilford Woodruff, Pangulo (gitna); at Joseph F. Smith, Pangalawang Tagapayo (kanan).

Ilang Doktrina at mga Alituntunin

  • Inihayag ng Panginoon ang mga tagubilin tungkol sa Unang Panguluhan kay Propetang Joseph Smith.

  • Ang Unang Panguluhan ang may hawak ng mga susi ng kaharian, na kinabibilangan ng awtoridad na pamahalaan ang gawain ng Panginoon sa lupa.

  • Kapag ang Pangulo ng Simbahan ay sinang-ayunan ng kanyang mga tagapayo at ng mga miyembro ng Simbahan, ang buong Simbahan ay pinagpapala.

Mga Ideya sa Pagtuturo

Inihayag ng Panginoon ang mga Tagubilin Tungkol sa Unang Panguluhan kay Propetang Joseph Smith

Ilista sa pisara ang mga sumusunod na pangyayari, at hilingin sa mga estudyante na pagsunud-sunurin ang mga ito:

Pag-organisa ng Simbahan

Unang Pangitain ni Joseph Smith

Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood

Panunumbalik ng Aaronic Priesthood

Sagot: (1) Unang Pangitain ni Joseph Smith; (2) panunumbalik ng Aaronic Priesthood; (3) panunumbalik ng Melchizedek Priesthood; (4) pag-organisa ng Simbahan.

Itanong sa mga estudyante:

  • Bakit sa palagay ninyo ganito ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring ito? Bakit hindi nangyari ang mga ito sa ibang pagkakasunud-sunod?

Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:20–21. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano nakakatulong ang banal na kasulatang ito sa pagpapaliwanag ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa Panunumbalik? (pansinin lalo na ang huling bahagi ng talata 21).

Ipaliwanag na inihayag din ng Panginoon ang organisasyon ng pamamahala sa Simbahan nang taludtod sa taludtod, kabilang na ang mga tagubilin tungkol sa Korum ng Unang Panguluhan. Nang unang itatag ang Simbahan, wala pang Unang Panguluhan gaya ng mayroon tayo ngayon.

Ipabasa sa mga estudyante ang tsart sa bahagi 4.2 ng Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong titulo ang ginamit sa katungkulan ni Joseph Smith nang unang itatag ang Simbahan noong Abril 6, 1830?

  • Gaano katagal naorganisa ang Unang Panguluhan matapos maitatag ang Simbahan?

  • Sa palagay ninyo, bakit hindi pa buo ang organisasyon ng pamunuan ng Simbahan noong unang itatag ang Simbahan?

Magpatotoo na mula noong panahon ni Propetang Joseph Smith hanggang sa ngayon, tinatagubilinan ng Panginoon ang Kanyang mga propeta tungkol sa kung paano mag-organisa at mamuno sa Kanyang Simbahan, naghahayag ng kaalaman kapag kailangan ito, nang taludtod sa taludtod (tingnan sa D at T 128:21). Nang dumating ang tamang panahon, inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang tungkol sa pag-oorganisa ng Unang Panguluhan.

Ang Unang Panguluhan ang May Hawak ng mga Susi ng Kaharian, na Kinabibilangan ng Awtoridad na Pamahalaan ang Gawain ng Panginoon sa Lupa

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Doktrina at mga Tipan 90. Ipaliwanag na nakasaad sa section heading na “ang paghahayag na ito ay isang pagpapatuloy na hakbang sa pagtatatag ng Unang Panguluhan.” Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 90:9. Ipaliwanag na ang katagang “iyong pangangasiwa” ay tumutukoy sa Pangulo ng Simbahan at ang katagang “kanilang pangangasiwa” ay tumutukoy sa mga tagapayo sa Unang Panguluhan. Itanong:

  • Sa talatang ito, ano ang pagkakaiba ng tungkulin ng Pangulo at ng tungkulin ng kanyang mga tagapayo? (Ang Pangulo ang tumatanggap ng salita; ang mga tagapayo ang tumutulong upang maiparating ang salita sa mga dulo ng mundo.)

Isulat sa pisara: Ang Pangulo ang namamahala. (Maaari mong ipaliwanag na ang tungkulin ng Pangulo na tumanggap ng mga paghahayag para sa buong Simbahan ay binanggit din sa D at T 90:4.)

Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 90:6. Pagkatapos ay itanong:

  • Sino ang binanggit ng Panginoon na magiging mga tagapayo kay Propetang Joseph Smith? (Sidney Rigdon at Frederick G. Williams.)

  • Ayon sa talatang ito, sa paanong paraan kapantay ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ngunit nasa ilalim ng pamamahala ng Pangulo? (Sa paghawak ng mga susi.)

Isulat sa pisara: Ang mga tagapayo ay kapantay sa paghawak ng mga susi.

Ipabasa sa isang estudyante ang komentaryo ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa bahagi 4.4 ng manwal ng estudyante.

Sa pagtukoy sa dalawang alituntunin na isinulat mo sa pisara, ipaliwanag na kailangang maunawaan ang dalawang katotohanang ito upang maunawaan kung paano kumikilos ang Unang Panguluhan sa pamumuno sa Simbahan.

Bilang halimbawa, ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 102:9–11. Pagkatapos ay itanong:

  • Kung hindi magagampanan ng Pangulo ng Simbahan ang kanyang tungkulin dahil sa karamdaman o iba pang mga sitwasyon, ano ang paraang inilaan ng Panginoon para magpatuloy ang Kanyang gawain?

Paalala: Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang una sa dalawang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa bahagi 4.7 ng manwal ng estudyante.

Isulat sa pisara ang sumusunod na listahan ng mga banal na kasulatan at sabihin sa mga grupo ng mga estudyante na basahin ang mga ito, at alamin ang mga tungkulin ng Unang Panguluhan. Bigyan ng oras ang mga estudyante na magsaliksik, at pagkatapos ay ipareport sa bawat grupo ang kanilang natuklasan at pagawin sila ng listahan ng mga tungkulin ng Unang Panguluhan sa pisara.

Mga Banal na Kasulatan

Mga Tungkulin ng Unang Panguluhan

D at T 68:14–15

D at T 90:16

D at T 107:8–9

D at T 107:33

D at T 107:78–81

D at T 120 section heading at talata 1

D at T 124:126

Maaaring ganito ang hitsura ng ginawa ninyong listahan:

Mga Banal na Kasulatan

Mga Tungkulin ng Unang Panguluhan

D at T 68:14–15

Magtalaga ng mga bishop

D at T 90:16

Mamuno, isaayos ang lahat ng gawain ng Simbahan

D at T 107:8–9

Gumanap sa lahat ng katungkulan sa Simbahan

D at T 107:33

Pamahalaan ang gawain ng Korum ng Labindalawang Apostol

D at T 107:78–81

Pagpasiyahan ang mahihirap na sitwasyon, ayusin ang mga pagtatalo sa mga bagay na espirituwal

D at T 120 section heading at talata 1

Gumawa ng mga desisyon tungkol sa paggasta (paggamit) ng mga ikapu

D at T 124:126

Tumatanggap ng mga orakulo (paghahayag) para sa buong Simbahan

Sabihin sa bawat grupo na basahin ang isa sa mga sumusunod na sipi o quotation mula sa kabanata 4 ng manwal ng estudyante, at alamin ang mga karagdagang tungkulin ng Unang Panguluhan. (Sabihin sa mga estudyante na idagdag ang mga nalaman nila sa listahan sa pisara.)

  1. Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan (tingnan sa bahagi 4.9 ng manwal ng estudyante).

  2. Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) (tingnan ang pangalawa sa dalawang pahayag ni Pangulong Smith sa bahagi 4.5 ng manwal ng estudyante).

Itanong sa mga estudyante:

  • Paano naapektuhan ng mga tungkulin ng Unang Panguluhan ang inyong buhay?

Kapag ang Pangulo ng Simbahan ay Sinang-ayunan ng Kanyang mga Tagapayo at ng mga Miyembro ng Simbahan, ang Buong Simbahan ay Pinagpapala

Rebyuhin ang listahan ng mga tungkulin ng Unang Panguluhan na nasa pisara at ang mga tungkulin ng Pangulo ng Simbahan na pinag-aralan ninyo sa kabanata 2.

Ipabasa sa isang estudyante ang Exodo 17:8–13. Ituro na sina Aaron at Hur ay katulad ng mga tagapayo sa Unang Panguluhan. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa huli, ano ang nangyari sa Israel dahil sa tinulungan nina Aaron at Hur si Moises sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang mga kamay?

  • Ano ang dapat natutuhan ng Israel noong araw na iyon habang minamasdan nila ang pagtindi ng digmaan at nakita si Moises sa ibabaw ng burol?

  • Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa talang ito na angkop sa atin ngayon?

Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Elder William R. Walker ng Pitumpu sa bahagi 4.6 ng manwal ng estudyante. Itanong:

  • Paano nakakatulong ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan sa pagpasan sa pasaning dinadala ng propeta ngayon?

Paalala: Maaari mo ring ibahagi ang pahayag ni Pangulong N. Eldon Tanner (1898–1982) ng Unang Panguluhan sa bahagi 4.8 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay itanong:

  • Sino pa, bukod sa kanyang mga tagapayo, ang tumutulong sa propeta sa pagpasan sa pasaning iyon?

Ipabasa sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) sa bahagi 4.11 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang magagawa natin ngayon bilang mga miyembro ng Simbahan para matulungan at masuportahan ang Unang Panguluhan?

  • Sa palagay ninyo, sa paanong paraan nakakatulong “ang pagtitiwala, pananampalataya at [mga] panalangin” (D at T 107:22) ng mga miyembro ng Simbahan sa pagpasan ng pasanin ng propeta at ng kanyang mga tagapayo?

Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:4–6, at alamin ang mangyayari sa atin kapag sinasang-ayunan natin ang propeta at ang kanyang mga tagapayo. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang dumarating sa mga miyembro ng Simbahan kapag sinasang-ayunan natin ang propeta at ang kanyang mga tagapayo?

  • Paano ito katulad ng nangyari sa mga Israelita nang itaas nina Aaron at Hur ang mga kamay ni Moises?

  • Kailan ninyo nadama na pinalakas, pinrotektahan, o pinagpala kayo ng pagsang-ayon sa Pangulo ng Simbahan at sa kanyang mga tagapayo?

Ipabasa sa isang estudyante ang mga pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) sa bahagi 4.12 ng manwal ng estudyante. Itanong:

  • Sa paanong paraan naging pagpapala sa inyong buhay ang tagubilin na ibinigay ng mga miyembro ng Unang Panguluhan?

Maaari mong ituon ang pansin ng mga estudyante sa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan, na inihanda ng Unang Panguluhan para sa mga kabataan ng Simbahan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano sila napagpala sa pamumuhay ng mga pamantayan ng Simbahan.

Ipabasa sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) sa bahagi 4.13 ng manwal ng estudyante. Pagkatapos ay patotohanan ito at ang iba pang mga pagpapalang ipinangako sa mga taong sumusunod sa Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na sang-ayunan at sundin ang Unang Panguluhan sa buong buhay nila.

Print