PJS, Genesis 9:10–15 (ihambing sa Genesis 9:3–9)
(Ang tao ay mananagot sa pagpaslang at gayon din sa pag-aaksaya sa buhay ng mga hayop.)
10 Ngunit, ang dugo ng lahat ng lamang ibinigay ko sa inyo upang makain, ay ibububo sa lupa, na bumawi sa buhay niyon, at ang dugo ay hindi ninyo kakainin.
11 At tunay na hindi magbububo ng dugo, tanging sa pagkain lamang, upang iligtas ang inyong mga buhay; at ang dugo ng bawat hayop ay hihingan ko ng sulit sa inyong mga kamay.
12 At sinuman ang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kanyang dugo; sapagkat hindi magbububo ng dugo ng tao ang tao.
13 Sapagkat isang kautusan ang aking ibinibigay, na pangalagaan ng bawat tao ang buhay ng tao, sapagkat sa sarili kong larawan nilalang ko ang tao.
14 At isang kautusan ang aking ibinibigay sa inyo, Kayo ay magpalaanakin at magpakarami; magsilago kayo nang sagana sa lupa, at magsidami riyan.
15 At sinabi ng Diyos kay Noe, at sa mga anak niya na kanyang kasama, nagsasabing, At Ako, dinggin, pagtitibayin ko ang aking tipan sa inyo, na aking ginawa sa inyong amang si Enoc, hinggil sa inyong binhi na susunod sa inyo.
PJS, Genesis 9:21–25 (ihambing sa Genesis 9:16–17)
(Inilagay ang bahaghari sa langit bilang paalaala sa tipan ng Diyos kina Enoc at Noe. Sa mga huling araw, ang buong kapulungan ng simbahan ng Panganay [ang Sion ng Panginoon noong mga araw ni Enoc; tingnan sa Moises 7] ay sasama sa mabubuti sa lupa.)
21 At ang bahaghari ay pasasaalapaap; at aking mamasdan ito, upang aking maalaala ang walang hanggang tipan, na aking ginawa sa inyong amang si Enoc; na, kapag sumunod ang tao sa lahat ng aking mga kautusan, ang Sion ay muling magbabalik sa lupa, ang lunsod ni Enoc na kinuha ko sa aking sarili.
22 At ito ang aking walang hanggang tipan, na kapag niyakap ng inyong angkan ang katotohanan, at tumanaw sa kaitaasan, doon durungaw ang Sion, at ang buong kalangitan ay mayayanig sa tuwa, at ang lupa ay manginginig sa galak;
23 At ang buong kapulungan ng simbahan ng panganay ay mananaog mula sa langit, at aangkinin ang lupa, at magkakaroon ng lugar hanggang sa dumating ang katapusan. At ito ang aking walang hanggang tipan, na aking ginawa sa inyong amang si Enoc.
24 At ang bahaghari ay pasasaalapaap, at aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo, na inilagda ko sa akin at sa inyo, sa bawat kinapal na may buhay sa lahat ng laman na nasa lupa.
25 At sinabi ng Diyos kay Noe, Ito ang tanda ng tipang pinagtibay ko sa akin at sa iyo; para sa lahat ng laman na nasa lupa.