Mga Banal na Kasulatan
Joseph Smith—Mateo 1


Joseph Smith—Mateo

Isang hango mula sa mga pagsasalin ng Biblia gaya ng pagkakahayag sa Propetang si Joseph Smith noong 1831: Mateo 23:39 at kabanata 24.

Kabanata 1

Ibinadya ni Jesus ang nalalapit na pagkawasak ng Jerusalem—Siya rin ay tumalakay sa ikalawang pagparito ng Anak ng Tao, at sa pagkalipol ng masasama.

1 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na hindi ninyo ako makikita mula ngayon at malalaman na ako ang siyang isinulat ng mga propeta, hanggang sasabihin ninyo: Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon, sa mga ulap ng langit, at lahat ng banal na anghel na kasama niya. Kapagdaka, naunawaan ng kanyang mga disipulo na siya ay muling paparito sa mundo, matapos na siya ay dakilain at putungan sa kanang kamay ng Diyos.

2 At si Jesus ay lumabas, at humayo sa templo; at ang kanyang mga disipulo ay nagsilapit sa kanya, upang marinig siya, sinasabing: Panginoon, ipakita ninyo sa amin ang hinggil sa mga gusali ng templo, gaya ng inyong sinabi—Ang mga ito ay babagsak, at maiiwan sa inyong mapanglaw.

3 At sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi nga ba ninyo nakikita ang lahat ng bagay na ito, at hindi ba ninyo nauunawaan ang mga ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang maiiwan dito, sa templong ito, na isang bato sa ibabaw ng ibang bato na hindi ibabagsak.

4 At sila ay iniwan ni Jesus, at nagtungo sa Bundok ng mga Olibo. At samantalang siya ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, ay nagsilapit sa kanya nang bukod ang mga disipulo, nagsasabing: Sabihin ninyo sa amin kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito na inyong sinabi hinggil sa pagkawasak ng templo, at ng mga Judio; at ano ang palatandaan ng inyong pagparito, at ng katapusan ng daigdig, o ang pagkalipol ng masasama, na siyang wakas ng daigdig?

5 At si Jesus ay sumagot, at sinabi sa kanila: Mangag-ingat kayo upang huwag kayong malinlang ninuman;

6 Sapagkat marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na magsasabi—Ako ang Cristo—at malilinlang ang marami;

7 Kung magkakagayon ay ibibigay nila kayo sa kapighatian, at papatayin kayo, at kayo ay kapopootan ng lahat ng bansa, dahil sa aking pangalan;

8 At kung magkagayon ay maraming matitisod, at magkakanulo sa isa’t isa, at kapopootan ang isa’t isa;

9 At maraming bulaang propeta ang magsisibangon, at lilinlangin ang marami;

10 At dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng marami ay manlalamig;

11 Subalit siya na mananatiling matatag at hindi madadaig, siya rin ay maliligtas.

12 Kapag inyong nakita, samakatwid ang karumal-dumal na pagkawasak, na sinabi ng propetang si Daniel, hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem, pagkatapos ikaw ay tatayo sa banal na lugar; siya na bumabasa, unawain niya.

13 Kung magkagayon sila na nasa Judea ay magsitakas patungo sa mga bundok;

14 Siya na nasa bubungan ay tumakas, at huwag nang bumalik pa upang maglabas ng anumang bagay mula sa loob ng kanyang bahay;

15 Ni siya na nasa bukid ay bumalik pa upang kumuha ng kanyang mga kasuotan;

16 At sa aba nila na nagdadalan-tao, at sa kanila na nagpapasuso sa mga araw na yaon;

17 Samakatwid, manalangin kayo sa Panginoon na huwag mangyari ang inyong pagtakas sa panahong taglamig, ni sa araw man ng Sabbath;

18 Sapagkat kung magkagayon, sa mga araw na yaon, ay magkakaroon ng malaking kapighatian sa mga Judio, at sa mga naninirahan sa Jerusalem, na hindi pa ipinadala sa Israel, ng Diyos, buhat pa sa simula ng kanilang kaharian hanggang sa panahong ito; hindi, at ni hindi kailanman ipadadalang muli sa Israel.

19 Ang lahat ng bagay na kanilang sinapit ay simula pa lamang ng mga kalungkutang sasapit sa kanila.

20 At maliban kung paiikliin ang mga araw na yaon, wala isa man sa kanilang laman ang makaliligtas; datapwat alang-alang sa mga hinirang, alinsunod sa tipan, ang mga araw na yaon ay paiikliin.

21 Masdan, sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo hinggil sa mga Judio; at muli, pagkatapos ng mga kapighatian sa mga araw na yaon na sasapit sa Jerusalem, kung may magsabi sa inyo na sinumang tao, Dinggin, narito si Cristo, o naroon, huwag ninyo siyang paniwalaan;

22 Sapagkat sa mga araw na yaon ay may magsisilitaw ring mga bulaang Cristo, at bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang palatandaan at kababalaghan, ano pa’t malilinlang nila kung maaari, pati ang mga nahirang, na mga hinirang alinsunod sa tipan.

23 Masdan, sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo alang-alang sa mga hinirang; at makaririnig din kayo ng mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan; tiyaking huwag kayong magulumihanan, sapagkat ang lahat ng aking sinabi sa inyo ay kinakailangang mangyari; datapwat hindi pa ang wakas.

24 Masdan, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo;

25 Kaya nga, kung sa inyo ay sasabihin nila: Masdan, siya ay nasa ilang; huwag kayong magsihayo: Masdan, siya ay nasa mga lihim na silid; huwag ninyong paniwalaan ito;

26 Sapagkat gaya ng liwanag ng umaga na nanggagaling sa silangan, at sumisikat maging sa kanluran, at bumabalot sa buong mundo, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng Tao.

27 At ngayon magsasalaysay ako sa inyo ng isang talinghaga. Masdan, saan man naroon ang bangkay, ay doon matitipon ang mga buwitre; kung kaya sa gayon din matitipon ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo.

28 At makaririnig sila ng mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan.

29 Masdan, nangungusap ako alang-alang sa aking mga hinirang; sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; magkakagutom, at magkakasalot, at lilindol sa iba’t ibang dako.

30 At muli, dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng mga tao ay manlalamig; datapwat siya na hindi padadaig, siya rin ay maliligtas.

31 At muli, ang Ebanghelyong ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig, bilang patotoo sa lahat ng bansa, at pagkatapos ay sasapit ang katapusan, o ang pagkalipol ng masasama;

32 At muli ang karumal-dumal na pagkawasak, na sinabi ng propetang si Daniel, ay matutupad.

33 At kara-karakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at ang mga bituin ay mangalalaglag mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa langit ay mayayanig.

34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito, na kung kanino ang mga bagay na ito ay ipakikita, ay hindi lilipas hanggang sa ang lahat ng sinabi ko sa inyo ay matupad.

35 Kahit na, sa mga araw na darating, na ang langit at lupa ay lilipas; gayon man, ang aking mga salita ay hindi lilipas, kundi lahat ay matutupad.

36 At, gaya ng aking nasabi na noon, pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig, pagkaraan ay lilitaw ang palatandaan ng Anak ng Tao sa langit, at pagkatapos ay magsisitaghoy ang lahat ng angkan sa lupa; at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit, na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian;

37 At sinuman ang magpapahalaga sa aking salita ay hindi malilinlang, sapagkat ang Anak ng Tao ay paparito, at isusugo niya ang kanyang mga anghel sa kanyang harapan na may matinding tunog ng isang pakakak, at kanilang titipunin ang labi ng kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.

38 Sa puno ng igos nga ay pag-aralan ninyo ngayon ang kanyang talinghaga—Kapag ang mga sanga nito ay nananariwa, at nagsisimulang umusbong ang mga dahon nito, malalaman ninyo na malapit na ang tag-araw;

39 Gayon din naman, aking mga hinirang, pagka nangakita nila ang lahat ng bagay na ito, malalaman nila na siya ay malapit na, maging nasa mga pintuan na nga;

40 Ngunit tungkol sa araw na yaon, at oras, walang sinuman ang nakaaalam; wala, kahit ang mga anghel ng Diyos sa langit, kundi ang Ama ko lamang.

41 Subalit gaya noong mga araw ni Noe, ito ay gayon din naman sa pagparito ng Anak ng Tao;

42 Sapagkat ito ay matutulad sa kanila, gaya noong mga araw bago ang baha; sapagkat hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka, sila ay nagsisikain at nagsisiinom, nangag-aasawa at pinapag-aasawa;

43 At hindi nila namamalayan hanggang sa dumating ang baha, at sila ay tinangay na lahat; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng Tao.

44 Sa panahong iyon ay matutupad yaong nasusulat, na sa mga huling araw, dalawa ang nasa bukid, ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan;

45 Dalawa ang nagsisigiling sa gilingan, ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan;

46 At kung ano ang aking sinabi sa isa, ay sinasabi ko sa lahat ng tao; magbantay nga kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw darating ang inyong Panginoon.

47 Datapwat ito ay talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya ay magbabantay at hindi niya pababayaang matibag ang kanyang bahay, kundi naging handa sana siya.

48 Kaya nga kayo ay magsipaghanda rin, sapagkat sa oras na hindi ninyo inaakala, ang Anak ng Tao ay paparito.

49 Sino nga ba, ang tagapagsilbing tapat at matalino, na ginawang tagapamahala ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan, upang sila ay bigyan ng pagkain sa takdang kapanahunan?

50 Pinagpala yaong tagapagsilbi na kung dumating ang kanyang panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa; at katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa kanya ay ipamamahala ang lahat niyang ari-arian.

51 Datapwat kung ang masamang tagapagsilbing yaon ay magsabi sa kanyang puso: Magtatagal ang aking panginoon sa kanyang pagparito,

52 At magsimulang bugbugin ang kanyang mga kapwa tagapagsilbi, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasing,

53 Ang panginoon ng tagapagsilbing yaon ay darating sa araw na hindi niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman,

54 At siya ay ihihiwalay, at itatakda sa kanya ang kanyang bahagi kasama ng mga mapagbalat-kayo; doon magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

55 At sa gayon darating ang katapusan ng masasama, ayon sa propesiya ni Moises, nagsasabing: Sila ay ihihiwalay sa mga tao; subalit ang katapusan ng mundo ay hindi pa, kundi nalalapit na.