“Paghahangad sa Sion at sa mga Pagpapala ng Panginoon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2021, 2–5.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paghahangad sa Sion at sa mga Pagpapala ng Panginoon
Ang pagtatayo ng Sion ay isang malaking responsibilidad, ngunit naghahatid din ito ng malalaking gantimpala.
Ang una at dakilang katotohanan sa langit ay mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Nais Niya ang pinakamabuti para sa atin—na lagi Niyang hangad, at laging hahangarin. Nais Niya tayong maging maligaya; hindi pansamantalang maligaya, kundi maligaya nang lubos at walang hanggan katulad Niya. Nais Niya tayong umunlad at abutin ang ating banal na potensyal bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos.
Alam ko na hindi ito palaging madali. Marami sa inyo ang nakararanas ng mga paghihirap at personal na pagsubok na kung minsan ay napakatindi. Marahil ay tiningnan ninyo ang sarili ninyong mga sitwasyon, ang ilan sa mga kalagayan sa inyong pamilya, o ang mga problema sa mga bansa sa buong mundo, at nagtanong, “Paano ko makakayanan ang sunud-sunod at napakabigat na mga problemang ito?” Isang sagot ang maaaring ikagulat ninyo: Hangaring itayo ang Sion.
Nasaan ang Sion?
Sa buong kasaysayan palagiang tinatawag ng Diyos ang Kanyang mga tao upang itatag ang Sion. Iyan ay karaniwang isang lugar kung saan ang mga tao ng Diyos ay maaaring maging malaya mula sa mga impluwensya ng mundo at mamuhay nang may pagkakaisa. Ngunit sa huling dakilang dispensasyong ito, ang Sion ay hindi limitado sa isang heograpikong lugar. Sa ating panahon, ang Sion ay maaaring saanmang lugar na may matatagpuang isang tapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Inilarawan ng Panginoon ang mga taong ito ng Sion bilang “may isang puso at isang isipan” (Moises 7:18) at “dalisay na puso” (Doktrina at mga Tipan 97:21). Sa madaling salita, hindi na natin iniisip ang Sion bilang lugar kung saan tayo maninirahan kundi kung paano tayo mamumuhay.
Maraming magagandang pagpapala ang nakalaan para sa inyo kapag ginawa ninyo ang lahat para maitayo ang Sion, maging uri ng tao na kailangan ng Tagapagligtas na kahinatnan ninyo, at tumulong sa paghahanda ng daan para sa Kanyang pagbabalik sa mundo. Ang gayong pagsisikap ay nangangailangan ng paggawa at malaking pananampalataya, ngunit magdudulot din ito ng walang-hanggang kaligayahan at kagalakan. Sana’y maituring ninyo ito na kaantig-antig at kapana-panabik gaya ng nadarama ko! Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, wala—wala talaga—wala nang ibang mas mahalaga pa.1 At kailangang makibahagi tayo! Tayo ang mga kawal na nagtatanggol sa katotohanan. Hindi tayo nagdadala ng mga bala; ang dala-dala natin ay katotohanang nagpapagaling! Tinawag tayo upang tumulong na pagalingin ang mundo at maghanda ng mga kongregasyon ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo na mapupuntahan ng Tagapagligtas.
Mahalin ang Diyos at ang Kapwa-tao
Makakamit natin ang ganitong uri ng pamilya o komunidad o bansa sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na magmahal. At kapag mas minamahal natin ang Diyos, mas mamahalin natin ang ating kapwa at makakakita ng mga paraan na mapagpapala natin sila. May mga kapitbahay na tutulungan, mga maralitang kakalingain, at kabutihang gagawin saanman.
Inilarawan minsan ng Panginoon ang responsibilidad at pagpapalang ito sa ganitong paraan:
“Dahil dito, maging matapat; … tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.
“At kung ikaw ay matapat hanggang sa huli ikaw ay magkakaroon ng putong ng kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan sa mga mansiyong aking inihanda sa bahay ng aking Ama” (Doktrina at mga Tipan 81:5–6).
Manindigan para sa Katotohanan
Kapag tinatawag tayo ng Diyos na itayo ang Sion, tinatawag Niya tayo na manindigan para sa Kanyang mga turo at manatiling matatag sa ating pananampalataya. Hindi ito laging magiging madali o komportableng gawin, ngunit kailangan nating gawin ito—nang may habag, pagpapakumbaba, pag-unawa, at walang-maliw na pag-ibig sa kapwa-tao. Sa pagsisikap nating itatag ang Sion, tiyak na makakasalamuha tayo ng mga tao na maaaring hindi naaangkop ang anyo o pananamit o pagkilos. Kapag nakakilala tayo ng gayong mga tao, dapat tayong mag-ingat na tumugon nang matwid, hindi nagmamagaling. Sa gayong mga sitwasyon ang pinakamainam na magagawa natin ay kumilos nang wasto at magpakita ng “hindi pakunwaring pag-ibig” para sa kanila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41).
Gusto kong matamasa ng iba ang mga pagpapalang mayroon ako, ngunit kung minsan iniisip ko kung paano ibahagi ang mga ito sa paraang hindi makasasakit o hindi sila mamamali ng pag-unawa. Ang banal na kasulatang ito ay nakatulong sa akin sa lahat ng aking mga tungkulin sa Simbahan at personal na mga responsibilidad bilang disipulo ni Cristo:
“Samakatwid, katotohanang sinasabi ko sa inyo, itaas ang inyong mga tinig sa mga taong ito; sabihin ninyo ang mga bagay na ilalagay ko sa inyong mga puso, at hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao;
“Sapagkat ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang inyong sasabihin.
“Subalit isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na kayo ay magpahayag ng anumang bagay na inyong ipahahayag sa pangalan ko, sa kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan, sa lahat ng bagay.
“At ibinibigay ko sa inyo ang pangakong ito, na yayamang ginagawa ninyo ito ang Espiritu Santo ay ibubuhos sa pagpapatotoo sa lahat ng bagay anuman ang inyong sasabihin” (Doktrina at mga Tipan 100:5–8).
Isang Pagpapalang Patuloy na Sumulong
Mahal kong mga kaibigang kabataan, magkakaroon ng mahihirap na araw sa hinaharap, ngunit sa huli ay magiging kamangha-mangha ang inyong buhay kapag ibinigay ninyo ang inyong puso sa Diyos, minahal ang Panginoong Jesucristo, at ginawa ang lahat ng makakaya ninyo para ipamuhay ang ebanghelyo. Kung kayo ay tapat, ang Sion ay mangyayari saanman kayo naroon. Binabasbasan ko kayo na malugod itong tanggapin. Napakarami ng inilalaan ng Panginoon para sa inyo!