2021
Paggawa ng mga Bagay na Lubos na Magpapabuti sa Iyo
Setyembre 2021


“Paggawa ng mga Bagay na Lubos na Magpapabuti sa Iyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2021, 6–7.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Paggawa ng mga Bagay na Lubos na Magpapabuti sa Iyo

Limang paraan para magkaroon ng masaya at maligayang buhay.

Doktrina at mga Tipan 95:13–14

X-Ray ng dalagita, temple blueprint

Mga paglalarawan ni Juliet Percival

Nang iutos ng Panginoon kay Joseph Smith na itayo ang Kirtland Temple, hindi Niya pinabayaang mag-isang isipin nito kung paano ito gagawin. Naghayag Siya ng isang plano para matagumpay itong maisasagawa.

“Ang bahay ay itatayo hindi alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan,” pahayag ng Panginoon. “Itayo ito alinsunod sa pamamaraang aking ipakikita” (Doktrina at mga Tipan 95:13–14). Pagkatapos ay nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin kung paano itatayo ang templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 95:15–17).

Mabuti na lang, hindi lamang ang paraan ng pagtatayo ng mga templo ang ipinakita sa atin ng Panginoon. Nagbigay rin Siya sa atin ng mga tagubilin na tutulong sa atin na maging pinakamabuting tao na kaya nating maging. Kapag sinunod natin ang mga ito, itatayo natin ang ating buhay “hindi alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan” kundi ayon sa paraang nilayon ng Panginoon.

Narito ang limang paraan para magkaroon ng masaya at maligayang buhay na nakasentro kay Jesucristo.

Magtayo ng Tunay na Saligan

Sinumang arkitekto o tagapagtayo ay magsasabi sa iyo na ang matibay na pundasyon ay mahalaga sa anumang gusali. Itinuro ni Helaman na ang pinakamatibay na pundasyon para sa ating buhay ay “[ang] bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos” (Helaman 5:12). Magagawa nating saligan si Cristo sa pamamagitan ng paglapit sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga turo. Ano sa palagay mo ang ginagawa mo para magawang saligan ng iyong buhay si Cristo?

Paglingkuran ang Iba

mga paa

Ang isa pang magandang paraan para maitatag ang ating buhay, ayon kay Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nangyayari “habang naglilingkod tayo sa Panginoon at sa mga nasa paligid natin.”1 Kapag naglilingkod ka sa iba, ginagawa mo ang ginawa ni Jesus at natututo kang maging higit na katulad Niya. At hindi mo lamang pagpapalain ang buhay ng mga taong pinaglilingkuran mo, kundi pagpapalain ka rin.

Regular na Magdasal at Mag-aral ng mga Banal na Kasulatan

mga kamay na nagpapahiwatig ng pagdarasal

Ang isa pang paraan para magkaroon ng masayang buhay ay bumuo ng ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang isang magandang paraan para magawa iyan ay sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Sinabi ni Pangulong Uchtdorf: “Upang mapatibay ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, kailangan natin ng mahalagang sandaling makaugnay Siya nang mag-isa. Ang tahimik na pagtutuon sa pagdarasal nang mag-isa at pag-aaral ng mga banal na kasulatan… ay ilan sa magagandang pamuhanan ng ating oras at pagsisikap na mapalapit sa ating Ama sa Langit.”2

Ang panalangin ay oportunidad na makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit. Kilala Niya tayo, mahal Niya tayo, at nais Niyang makarinig mula sa atin! Kapag taimtim tayong nananalangin, nagpapasalamat, at humihiling ng mga bagay na kailangan natin, Siya ay nakikinig at laging sumasagot sa Kanyang sariling paraan at panahon.

Pagdating sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, walang partikular na tamang paraan para magawa ito. Ang mahalaga ay ginawa mo ito! Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang araw-araw na masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos ay mahalaga para sa espirituwal na kaligtasan.”3 Ang pag-uukol ng oras bawat araw sa mga banal na kasulatan ay walang pag-aalinlangang makatutulong sa iyo na magkaroon ng buhay na puno ng pananampalataya at lakas.

Palibutan ang Iyong Sarili ng mga Taong Naghihikayat sa Iyo na Gumawa ng Mabuti

batang lalaki na nakaunat ang mga bisig

Nais ng Ama sa Langit na kumonekta at makipag-ugnayan tayo sa iba—lalo na sa pamilya at mga kaibigan. Madalas tayong naiimpluwensyahan ng mga taong pinag-uukulan natin ng oras. Mga miyembro man sila ng Simbahan o hindi, dapat mong palibutan ang iyong sarili ng mga taong tumutulong sa iyo na ipamuhay ang ebanghelyo, sundin ang mga pamantayan ng Panginoon, at maging mas mabuting tao. Matutulungan mo rin ang mga nasa paligid mo na gawin din iyon. Sino sa iyong mga kaibigan ang tumutulong sa iyo na maitayo ang iyong saligan sa kabutihan?

Magalak sa Pagtatayo ng Iyong Saligan

Maraming iba pang paraan na espirituwal mong mapatatatag ang iyong buhay at magkakaroon ng kagalakan, kabilang na ang pagsisimba at pagtanggap ng sakramento, paggawa at pagtupad ng mga tipan, at pagsunod sa payo ng mga buhay na propeta.

Mahalagang tandaan na lahat ng bagay na ito ay nangangailangan ng pagsisikap at panahon. Palaging may pagtatayo at pagkatutong dapat gawin, ngunit hindi mo kailangang gawin ito nang mag-isa. Tutulungan ka ng Panginoon araw-araw habang sinisikap mong gawin ang lahat ng makakaya mo na magkaroon ng buhay na maipagmamalaki mo at Niya at magdudulot sa iyo ng kagalakan.