“Hindi Ako Nakasama sa Grupo ng mga Mananayaw,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2021, 10–11.
Hindi Ako Nakasama sa Grupo ng mga Mananayaw
Wala sa listahan ang pangalan ko. Nanlumo ako. Ngunit may itinuro sa akin ang Panginoon.
Mahilig akong sumayaw mula pa noong tatlong taong gulang ako. Kaya noong nasa middle school ako, tuwang-tuwa ako nang nagkaroon ng tryout para sa grupo ng mga mananayaw. Sigurado ako na sa talento at karanasan ko, madali akong masasama sa grupo.
Ilang araw matapos ang mga tryout, ipinost na ang mga pangalan ng grupo ng mga mananayaw. Nadismaya ako dahil wala sa listahan ang pangalan ko. Nanlumo ako. Umuwi ako at umiyak sa kama ko. Nagalit ako sa guro sa sayaw at nalungkot na hindi sapat ang kakayahan ko para makasama sa grupo. Tahimik na pumasok sa kuwarto ko ang aking inay at ipinayo na humingi ako ng lakas sa Ama sa Langit na makayanan ang tila “mabakong daan” na ito sa aking buhay. Atubili akong pumayag at sandaling nagdasal. Pagkatapos ng panalangin ay hindi pa rin gumaan ang pakiramdam ko, kaya patuloy akong nagmaktol at naging miserable. Hindi ako gaanong nakatulog nang gabing iyon.
Kinaumagahan, pinilit kong bumangon sa kama. Naaalala ko pa rin ang pagkadismaya ko, at ang gusto ko na lang ay bumalik sa higaan at magtalukbong. Ngunit bago ko nagawa iyon, naalala ko ang ipinangako ng bishop ko. Sinabi niya na kung babasahin ko ang aking mga banal na kasulatan araw-araw, kahit nang 15 minuto lang, ako ay pagpapalain. Kung kailangan ko ng pagpapala, ngayon na ito.
Habang nagbabasa ako, natuklasan ko ang talatang ito sa Doktrina at mga Tipan:
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag matakot, maaliw sa inyong mga puso; oo, magsaya kailanpaman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat;
“Matiyagang naghihintay sa Panginoon, sapagkat ang inyong mga panalangin ay nakarating sa tainga ng Panginoon ng Sabaoth, at natatala sa tatak na ito at testamento—ang Panginoon ay sumumpa at nag-utos na ang mga ito ay ipagkakaloob.
“Samakatwid, ibinigay niya ang pangakong ito sa inyo, nang may hindi mababagong tipan na ang mga yaon ay matutupad; at lahat ng bagay na kung saan kayo pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, at para sa kaluwalhatian ng aking pangalan, wika ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 98:1–3).
Natulala ako. Nakaupo ako na naka-padyama pa at magulo ang buhok mula sa pagkakatulog at natanto ko kung gaano ko labis na kailangan ang mga talatang ito sa banal na kasulatan. Lahat ng galit at kalungkutan ay pinawi ng tatlong talatang iyon. Nadama ko ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit at nalaman ko na alam Niya ang aking pinagdaraanan. Sa bagong pananaw na ito, nakita ko na ang hindi pagpili sa akin na makasama sa grupo ng mga mananayaw ay maliit na bako lang sa lansangan ng aking buhay. Lumuhod ako nang may pasasalamat at pinasalamatan ang Ama sa Langit.
Sa buong maghapon, napanatili ko ang Espiritu at nakita ko ang aking mga pagsubok bilang mga pagkakataong umunlad. Ang mga talatang ito ay mananatiling malapit sa puso ko. At aalalahanin ko ang pangako ng bishop ko tungkol sa mga pagpapalang dulot ng pagbaling sa mga banal na kasulatan. Lubos akong nagpapasalamat na maaari akong maging bahagi ng Simbahang ito at magkaroon ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Alam ko na ang plano ng Ama sa Langit para sa atin ay tunay na isang plano ng kaligayahan.