“Mahirap sundin ang mga pamantayan kapag lahat ng kilala ko ay may seryosong relasyon na sa isang tao. Ano ang dapat kong gawin?” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2021, 9.
Mga Tanong at mga Sagot
“Mahirap sundin ang mga pamantayan kapag lahat ng kilala ko ay may seryosong relasyon na sa isang tao. Ano ang dapat kong gawin?”
Pagpapabuti ng Sarili
“Sikaping magkaroon ng walang-hanggang pananaw at mag-ukol ng oras na mas mapalalim ang ugnayan ninyo ng iyong pamilya at mga kaibigan. Ang mabubuting huwarang ito ay makahihikayat sa iba na lumapit sa iyo dahil makikita nila ang pinakamabuting bersyon mo—ang tunay na ikaw!”
Ellie S., 17, California, USA
Humingi ng Patnubay
“Kung sa pakiramdam mo ay parang hindi ka kabilang, hilingin sa Ama sa Langit na panatagin ka. Gagabayan at sasamahan ka ng Espiritu Santo. Maaari ka ring humingi ng payo sa iyong mga magulang at lider, dahil naranasan na rin nila iyan!”
Jaime G., 17, Nuevo Casas Grandes, Mexico
Magkaroon ng mga Bagong Kaibigan
“Ipinapaalala ko sa sarili ko na mahal ako ng Diyos. Pagkatapos ay sinasamantala ko ang pagkakataong makipag-ugnayan sa mga dati kong kaibigan, at gumagawa ako ng mga aktibidad para magkaroon ng mga bagong kaibigan. Magagamit mo ang panahong ito para pag-ibayuhin ang iyong tiwala sa sarili, mga talento, at patotoo, at magiging maayos ang lahat.”
Julia S., 12, Alberta, Canada
Payo ng mga Propeta
“Maaaring mahirap isipin ang kawalang-hanggan kapag tila mas mahalaga ang ‘ngayon.’ Alalahanin na mahigpit na ipinayo ng mga propeta at iba pang mga lider ng Simbahan na hindi dapat makipagrelasyon kapag tinedyer pa lang, kahit lampas na sa 16 na taong gulang. Ang mga seryosong pakikipagrelasyon sa murang edad ay maaaring humantong sa dalamhati at imoralidad. Maaari mo ring itanong sa Ama sa Langit kung ano ang pinakamainam na bagay na dapat mong gawin.”
Julia C., 17, Utah, USA
Makilahok
“Ang isang magandang paraan para madamang kabilang ka ay ang makilahok sa iba pang mga bagay. Sumubok ka ng bagong isport, mag-audition para sa school play, o sumali sa isang robotics club. Kung may ginagawa kang isang bagay na gustung-gusto mo, makikilala mo ang mga taong gusto mong makasama.”
Mayah S., 16, Beijing, China
Ikaw ang Pipili
“Kung ikaw ay 16 na, maaari mong piliin kung gusto mong makipagdeyt nang kayo lang dalawa ng kadeyt mo. Pero kapag iyan ang pinili mo, huwag mong isipin kung ano ang maaaring isipin sa iyo ng iba. Kung pakiramdam mo ay handa ka na, gawin mo na. Kung hindi ka pa handa, huwag mong gawin.”
Felipe M., 14, Rio de Janero, Brazil
Iba pang Mahahalagang Ugnayan
“Kahit maaaring wala ka pang ‘kasintahan,’ nariyan pa rin ang mga kaibigan at kapamilya mo na maaari mong makaugnayan. Pasalamatan mo ang gayong mga ugnayan. Upang mapalakas ang mga ito, maging katulad ni Cristo at maging mabuting halimbawa.”
Taylee L., 17, Utah, USA
Maghintay na Magkaroon ng Seryosong Relasyon
“Ayoko munang makipagrelasyon. Hindi ko makasama ang ilan sa mga kaibigan ko dahil ginugugol nila ang lahat ng oras nila sa kanilang mga kasintahan. Pakiramdam ko malaya akong makipagkilala sa mga tao nang hindi ko kailangang gumawa ng mahahalagang desisyon nang napakaaga.”
Gina C., 16, Nuevo Casas Grandes, Mexico
Huwag I-pressure ang Sarili
“Ganyan din ang nadama ko, pero nakatulong sa akin ang pagdarasal sa Panginoon, pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan, at pakikipag-usap sa aking mga magulang. Hindi natin kailangang ma-pressure, dahil tutulungan tayo ng Panginoon na malaman kung kailan ang tamang panahon. Masiyahan sa iyong buhay, at mag-ukol ng oras sa mga kaibigan at pamilya habang bata ka pa! Minsan lang mangyayari ang panahong ito ng buhay natin, kaya huwag kang ma-pressure na madaliin ito.”
Victoria G., 16, Nuevo Casas Grandes, Mexico