“Ang Diyos ang Makikipaglaban sa Inyong mga Digmaan—sa Kanyang Paraan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2021, 15–17.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Diyos ang Makikipaglaban sa Inyong mga Digmaan—sa Kanyang Paraan
Natutuhan ng mga naunang Banal ang isa o dalawang bagay tungkol sa mga paraan ng Diyos.
Dahil sa galit ng mahigit 300 mandurumog na sumumpang lilipulin sila kinaumagahan, ang grupo ng mga Banal na bumuo ng Kampo ng Sion ay umaasa at nagdarasal para sa isang himala.
Sa ilalim ng pamumuno ni Joseph Smith, ang Kampo ng Sion ay ilang linggo nang naglalakbay mula Ohio patungong Missouri. Umaasa ang mga miyembrong ito ng Simbahan na matulungan ang mga Banal na itinaboy palabas ng Jackson County, Missouri, USA, upang mabawi ang kanilang mga lupain. Subalit nakaranas sila ng mga pagbabanta at oposisyon sa buong paglalakbay nila. At ngayon, isa pang pangkat ng mga mandurumog ang nagbabanta sa kanila.
Ang himala na ipinagdasal ng mga Banal ng Kampo ng Sion ay kaagad na dumating. Dumating ito sa anyo ng madilim na mga ulap na nagkumpulan sa malayo. Isang malakas na bagyo ang kabi-kabilang rumagasa na may kasamang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Hinarangan ng bagyo ang daraanan ng mga mandurumog.
“Tila bang ang kautusang gumanti ay nanggaling na mula sa Diyos ng mga [digmaan] upang ipagtanggol ang Kanyang mga tagapaglingkod mula sa pangwawasak ng kanilang mga kaaway,” paliwanag sa kasaysayan ni Joseph Smith. “Ang ulan ay bumagsak sa kanila, at hindi sa amin, at hindi kami napinsala maliban sa pagkabuwal ng ilan sa aming tolda at kaunting pagkabasa, samantalang ang aming mga kaaway ay nabutasan ng mga sombrero at napinsala sa iba pang paraan, nasiraan ng mga riple, at nagtakbuhan ang kanilang mga kabayo.”1
Ang nakapipinsalang ulang may yelo ay isang bahagi lamang ng bagyo. Bumuhos ang ulan nang napakalakas kaya ang Ilog Fishing, ang ilog na naghihiwalay sa dalawang grupo, ay tumaas sa halos 40 talampakan (12 metro) ang lalim. Hanggang bukung-bukong lang ang lalim nito noong umaga.
Ipinangako ng Panginoon sa mga miyembro ng Kampo ng Sion, “Ako ang makikipaglaban sa inyong mga digmaan” (Doktrina at mga Tipan 105:14). Kapag nangyari iyan, tiyak na kung anong panig ang mananalo.
Mga Himala sa Makabagong Panahon
Kung minsan kapag nakakabasa kayo ng mga salaysay na katulad nito, maaaring magtaka kayo kung bakit hindi nangyayari ang gayong kagila-gilalas na himala sa inyo sa inyong mga paghihirap.
Si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbahagi kamakailan ng ilang ideya na makatutulong. Sabi niya: “Mangyaring unawain na Siya na hindi umiidlip ni natutulog man ay nagmamalasakit sa kaligayahan at kadakilaan sa huli ng Kanyang mga anak higit pa sa anumang bagay na kailangang gawin ng isang banal na nilalang. Siya ay maluwalhating katauhan ng dalisay na pag-ibig, at Maawaing Ama ang Kanyang pangalan.
“Kung totoo nga iyan,’ maaaring sabihin ninyo, ‘hindi ba dapat hatiin na lang ng Kanyang pag-ibig at awa ang ating mga personal na Dagat na Pula upang makalakad tayo sa tuyong lupa?’”
Sa madaling salita, kung nakipaglaban ang Diyos sa gayong mga digmaan para sa Kanyang mga anak noon, bakit hindi ito gawin ngayon? Bakit hindi tanggalin ang lahat ng sakit? Bakit hindi wakasan ang digmaan at gutom at pagdurusa sa buong mundo?
O bakit hindi man lang pigilan ang mapang-aping taong iyon na ayaw kayong tantanan? O tulungan ang inyong pamilya na mas magkasundo?
Itinuro pa ni Elder Holland: “Ang sagot sa gayong mga tanong ay ‘Oo, kayang gumawa ng Diyos ng mga himala agad-agad, ngunit kalaunan ay matututuhan natin na Siya lang, at wala nang iba, ang makapamamahala sa mga panahon at sandali sa ating mortal na paglalakbay.’ Magkakaiba ang pamamahala Niya sa mga pangyayari sa buhay ng bawat isa sa atin.”2
Kapag sinusunod ninyo ang mga kautusan ng Diyos, may karapatan kayo sa tulong ng Diyos. Ngunit walang sinuman sa atin ang makapipili kung paano o kailan darating ang tulong na iyon.
Mga Di-inaasahang Pagpapala
Pag-usapan pa natin ang Kampo ng Sion. Ang himala sa Ilog Fishing ay talagang kamangha-mangha. At hindi lamang iyon ang himalang nakita ng mga miyembro ng Kampo ng Sion noong sila ay naglalakbay. Ngunit sa mababasa ninyo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at matututuhan sa seminary sa buwang ito, hindi nangyari ang mga bagay-bagay sa paraang ipinlano ng mga Banal.
Inakala nila na ang buong layunin ng Kampo ng Sion ay tumulong sa pagbawi ng mga lupain sa Jackson County na ninakaw mula sa mga Banal ng mga galit na mandurumog.
Nabawi ba ng mga Banal ang kanilang mga lupain? Hindi.
Nagdusa ba ang mga Banal sa halos 900-milya (1,448-kilometro) na paglalakbay patungong Missouri? Oo. Kung minsan napakatitinding pagdudrusa. Ang pinakamalala pa rito, mabilis na lumaganap ang kolera sa kampo at kumitil ng buhay ng 13 katao.
Kung ang mga pangyayari lang na iyan ang titingnan, tila nabigo ang lahat ng pinagsikapan. Ngunit hindi ganyan ang nakita ng maraming naglakbay kasama ng kampo. Ganito ang sinabi ni Brigham Young tungkol sa karanasang iyon: “Nabayaran ako nang maayos—nabayaran nang may malaking tubo—oo … ang aking sisidlan ay umaapaw sa kaalaman na natanggap ko sa paglalakbay kasama ang Propeta [na si Joseph Smith].”3
Maraming iba pang miyembro ng Kampo ng Sion ang nagsalita rin tungkol sa mga aral na natutuhan nila at ang kahalagahan ng paglalakbay. Sinabi mismo ni Propetang Joseph Smith: “Mga kapatid, ang ilan sa inyo ay galit sa akin, dahil hindi kayo nakipaglaban sa Missouri; ngunit hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, hindi nais ng Diyos na makipaglaban kayo. Hindi Niya maitatayo ang Kanyang kaharian … maliban na lamang kung kinuha niya ang [kanyang mga lider] mula sa grupo ng kalalakihang inialay ang kanilang mga buhay, at gumawa ng sakripisyong kasing-dakila ng ginawa ni Abraham.”4
Maaaring hindi nila nabawi ang kanilang mga lupain sa kabila ng kanilang katapatan. Ngunit sila ay saganang pinagpala sa iba pang mga paraan. Iyan ay isang huwaran na maaaring mapansin din ninyo sa inyong buhay. At ang pagtulong ng Diyos para tayo ay maging uri ng mga tao na nais Niyang kahinatnan natin sa pamamagitan ng ating mga pagsubok ay kadalasang mas malaking himala kaysa pagliligtas Niya sa atin mula sa ating mga pagsubok.
Ang Tiyak na Tagumpay ng Diyos
Habang pinag-aaralan ninyo ang buhay ng mga naunang Banal, matutukoy ninyo nang paulit-ulit ang impluwensya ng Diyos. Mababasa ninyo ang tungkol sa malalaking pagpapala. Makakakita rin kayo ng mga panahon ng matinding paghihirap. Ngunit para sa mga nagtitiwala sa Diyos hanggang wakas, ang kanilang walang hanggang gantimpala ay tiyak.
Kapag sinunod ninyo ang Diyos at nagtiwala sa Kanya, Siya ang makikipaglaban sa inyong mga digmaan at magbibigay ng mga himalang kailangan ninyo! Ang mga himalang ito ay darating sa Kanyang sariling paraan at panahon, ngunit tiyak ang kahihinatnan nito. Anumang pagsubok ay malulutas sa huli—sa buhay na ito o sa kabilang-buhay. Mahalaga rin, kapag sumunod kayo sa Kanya, hindi ninyo kailangang lumakad nang mag-isa. “Kaya nga’t, maging matapat; at masdan, at narito, ako ay mapapasainyo maging hanggang sa wakas” (Doktrina at mga Tipan 105:41).