2021
Mga Pagpili
Setyembre 2021


“Mga Pagpili,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2021, 12–14.

Mga Pagpili

mga lobo

Larawan mula sa Getty Images

Maraming taon na ang nakararaan, ibinahagi ng isa sa ating mga General Authority ang mapaghamong kuwentong ito:

Isang matalinong Cherokee, isa sa mga katutubong lipi sa Estados Unidos, ang nagkuwento sa kanyang apo ng isang talinghaga tungkol sa buhay. “May naglalaban sa kalooban ko. Matinding labanan ito, at ito ay sa pagitan ng dalawang lobo,” sabi ng lolo. “Ang isa ay masama: puno ng galit at inggit, awa sa sarili at kalungkutan, kasakiman at kasinungalingan. Ang isa ay mabuti: puno ng kabaitan at habag, pagpapakumbaba at katotohanan, pagmamahal at kagalakan. Nagaganap din ang labanang ito sa kalooban ng bawat isa sa atin.”

“Alin pong lobo ang mananalo?” tanong ng apo.

“Ang lobong pakakainin mo,” ang matalinong sagot ng lolo.1

Ang talinghagang ito ng dalawang lobo ay nagpapahayag ng walang-hanggang katotohanan. Isinilang ang mga anak ng Diyos upang pumili sa pagitan ng mabuti at masama. Ang oposisyon ay nagtutulot sa atin na gumawa ng makabuluhan at mabubuting pagpili. Itinuturo ng Aklat ni Mormon ang katotohanang ito sa mga banal na kasulatan: “Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay.”2

Ang plano ng ating Ama sa Langit ay nagbigay ng dalawang kaloob na tutulong sa mga pagpiling ito: (1) Ibinigay Niya sa atin ang Espiritu Santo upang gabayan tayo sa ating mga pagpili, at (2) Binigyan Niya tayo ng isang Tagapagligtas na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay maaalis ng ating pagsisisi ang epekto ng masasamang pagpili—nang pakainin ng mga ito ang masamang lobo.

Jesucristo

I. Pagsisisi at Pagkilala

Sa pakikipag-usap ko sa mga kabataan, isa sa mga paksang pinakamadalas na itinatanong nila ay tungkol sa pagsisisi. “Paano mo malalaman kung sapat na ang iyong pagsisisi?” “Paano mo malalaman kung talagang napatawad ka?” Ang sagot sa mga tanong na ito ay dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang miyembro ng Panguluhang Diyos na naghahatid ng mga mensahe mula sa langit.

Ang kaloob na pagsisisi ay tinawag na “ang mabuting balita ng ebanghelyo.”3 Tinutulutan tayo nitong burahin ang epekto ng masasamang pagpili na nagpakain sa masamang lobo at nagpahina sa kakayahan nating makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Kabilang sa pagsisisi ang pagtanggap na nakagawa tayo ng mali, pagtalikod sa kamaliang iyon, at pagpapasiyang ibaling ang ating puso sa Diyos at sumunod sa Kanyang mga kautusan. Kapag nagsisisi tayo, nananawagan tayo sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na nagpapaibayo sa ating pagpapahalaga at pagmamahal sa Kanya bilang ating Tagapagligtas.

Ang pangangailangang magsisi ay hindi limitado sa mabibigat na kasalanan na kailangang ipagtapat sa bishop. Kailangang magsisi araw-araw. Karamihan sa pagsisisi ay kinapapalooban ng pagtanggap sa sarili na nakagawa tayo ng mali, determinasyong magbago, at pagsisikap na itama ito sa mga taong nagawan natin ng mali. Batay sa talinghaga ng dalawang lobo, ang pagsisisi ay kinapapalooban ng pagtigil sa pagpapakain sa masamang lobo ng kahit kaunting pagkain, tulad ng mga sandaling pinipili nating magalit o mainggit. Kailangan din nating magsisi (magbago) kapag pinili nating sayangin ang panahong bigay ng Diyos sa ilan sa maraming aktibidad na walang potensyal na magpapabuti sa atin.

II. Tukuyin ang Mahalagang Kaibhan

Ang napakagandang resulta ng pagsisisi ay ang pagiging karapat-dapat nating muli na tumanggap ng mga impresyon mula sa Espiritu Santo, na tumutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pagpili at pinupuspos tayo ng kagalakan. Itinatanong din ng maraming kabataan: “Paano ko malalaman kung ang pahiwatig o sagot na natatanggap ko ay tunay na mula sa Panginoon at hindi lamang ang gusto ko?”

Upang malaman kung ang pahiwatig ay isang mensahe mula sa Espiritu Santo o personal na hangarin lamang, kailangan nating ipamuhay ang tatlong katotohanan.

  1. Sa ordenansa ng sacrament, ang pangako na “sa tuwina ay [mapasasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” ay kasunod ng pangako nating tataglayin natin ang Kanyang pangalan, at lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan.4 Kapag hindi natin tinutupad ang mga pangakong ito, madali tayong malilito sa pinagmumulan ng mga pahiwatig na nadarama natin.

  2. Ang mga pahiwatig mula sa Panginoon ay karaniwang natatanggap sa tahimik na mga sandali o sa gitna ng pagsamba, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, o panalangin o habang gumaganap sa ating mga tungkulin, hindi sa makasariling paghahangad o sa mga sandaling napapaligiran ng mga makamundong aktibidad.

  3. Sa huli, kailangan nating maging lubos na sensitibo sa tagubiling baguhin ang landas na tinatahak na natin. Ang impresyong magbago ng landas ay maaaring mas mapaniniwalaan kaysa sa impresyon na hangarin ang isang bagay na gusto na nating gawin.

III. Ang Tama ay Tama pa Rin

Mahal kong mga kaibigang kabataan, nagkakaedad kayo sa mundong ibang-iba sa naranasan ng inyong mga magulang at lolo’t lola. Dahil diyan ay napakahalagang maalala ninyo na ang mga pinahahalagahan at kautusan noon ay kailangan pa ring ipamuhay at sundin ngayon. Tayo ay mga anak ng Diyos, at ang Kanyang mga kautusan ay nananatiling mahalaga, naglalakbay man tayo sakay ng mga bagon o spaceship, at nakikipag-usap man tayo sa pamamagitan ng tinig o pagte-text.

Ang tama ay tama pa rin, at ang mali ay mali pa rin, anuman ang sabihin o gawin ng mga iniidolo sa pelikula, ng mga kilalang tao sa telebisyon, o mga sikat sa sports. Ang mga pamantayan sa mga banal na kasulatan, ang mga turo ng mga buhay na propeta, at ang mga pinahahalagahan sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan ang pinakamainam pa rin ninyong patnubay para sa mga personal na pagpili sa kadalisayan ng puri, pisikal na kalusugan, katapatan, pananamit at kaanyuan, at lahat ng iba pang paksa nito. Sundin nang tapat ang mga ito, at pagpapalain kayo. “Ang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan ang dapat na maging inyong pamantayan,” ang turo sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson. “Ito ang pamantayan na inaasahan ng Panginoon na paninindigan ng lahat ng Kanyang kabataan.”5

Sa kanyang nakaaantig na pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, nangako ang ating propeta:

“Ipinapangako ko sa inyo na kung taos-puso at matiyaga ninyong gagawin ang espirituwal na gawaing kailangan upang malinang ang mahalaga at espirituwal na abilidad ng pakikinig sa bulong ng Espiritu, mapapasainyo ang lahat ng gabay na kailangan ninyo sa buhay. Ibibigay ng Panginoon ang mga sagot sa inyong mga tanong sa Kanyang sariling paraan at panahon.”6

Inilalakip ko ang aking pangako sa kanyang pangako, bilang aking patotoo kay Jesucristo, na dahil sa Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala ay naging posible ang lahat ng ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.