2011
Pangkalahatang Kumperensya—Hindi Ordinaryong Pagpapala
Setyembre 2011


Mensahe ng Unang Panguluhan

Pangkalahatang Kumperensya—Hindi Ordinaryong Pagpapala

Larawan
President Dieter F. Uchtdorf

Isang mabuting miyembro ng Simbahan ang nakipag-usap sa isang kapitbahay na hindi natin kasapi. Nang magawi sa pangkalahatang kumperensya ang usapan, nagtanong ang kapitbahay, “Sabi ninyo mayroon kayong mga propeta at apostol? At dalawang beses sa isang taon nila inihahayag ang salita ng Diyos sa isang pandaigdigang kumperensya?”

“Tumpak,” tiwalang sagot ng miyembro.

Pinag-isipan iyon sandali ng kapitbahay. Tila interesado siya talaga at pagkatapos ay nagtanong, “Ano ang sabi nila sa huling pangkalahatang kumperensya?”

Sa puntong ito ang butihing miyembro ng Simbahan na sabik na ibahagi ang ebanghelyo noong una ay nahiya. Kahit anong pilit niya, wala siyang maalalang mga detalye ng kahit isang mensahe.

Medyo ikinagulat ito ng kanyang kaibigan at sinabing, “Ibig mong sabihin nagsasalita ang Diyos sa tao sa ating panahon at hindi mo matandaan ang Kanyang sinabi?”

Nanliit ang lalaki sa pag-uusap na ito. Sumumpa siya na mas tatandaan niya ang mga sinabi ng mga lingkod ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya.

Alam nating lahat kung gaano kahirap tandaan ang bawat mensahe ng pangkalahatang kumperensya, at tiwala ako na hindi tayo kailangang mahiya kung hindi natin matandaan ang lahat. Gayunpaman, may mga mensahe sa bawat pangkalahatang kumperensya na ibinigay bilang isang kaloob at biyaya ng langit para sa partikular nating mga sitwasyon sa buhay.

Sa paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya, magmumungkahi ako ng tatlong mahahalagang konseptong maaaring makatulong sa atin upang higit na matanggap, matandaan, at maipamuhay ang mga sinabi ng mga lingkod ng Panginoon.

1. Ang mga miyembro ng Simbahan ay may karapatang tumanggap ng personal na paghahayag habang pinakikinggan at pinag-aaralan nila ang mga inspiradong salitang binigkas sa pangkalahatang kumperensya.

Habang naghahanda kayo para sa pangkalahatang kumperensya, inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang mga tanong na kailangan ninyong masagot. Halimbawa, maaari ninyong hangarin ang patnubay at gabay ng Panginoon hinggil sa mga hamong kinakaharap ninyo.

Ang mga sagot sa inyong mga partikular na panalangin ay maaaring tuwirang magmula sa isang partikular na mensahe o mga kataga. May mga pagkakataon naman na maaaring dumating ang sagot sa tila walang kaugnayang salita, mga kataga, o awitin. Ang pusong puspos ng pasasalamat para sa mga pagpapala ng buhay at ang marubdob na hangaring pakinggan at sundin ang mga payo ang maghahanda ng daan para sa personal na paghahayag.

2. Huwag balewalain ang isang mensahe dahil lang sa narinig na ninyo ito.

Ang mga propeta ay noon pa nagtuturo sa pamamagitan ng pag-uulit; isang tuntunin ito ng pagkatuto. Maririnig ninyong paulit-ulit ang mga tema at doktrina sa pangkalahatang kumperensya. Titiyakin ko sa inyo: hindi ito dahil sa wala na silang masabi o maisip. Patuloy tayong nakakarinig ng mga mensahe tungkol sa pare-parehong paksa dahil itinuturo at ikinikintal ng Panginoon sa ating puso’t isipan ang mga pangunahing alituntunin na talagang walang hanggan ang kahalagahan na dapat unawain at gawin bago tayo makagawa ng iba pang mga bagay. Ang isang matalinong tagapagtayo ay naglalatag muna ng pundasyon bago maglagay ng mga dingding at bubong.

3. Ang mga salitang binigkas sa pangkalahatang kumperensya ay dapat maging isang kompas na magtuturo sa atin ng daan sa darating na mga buwan.

Kung pakikinggan at susundin natin ang mga pahiwatig ng Espiritu, magsisilbi itong Liahona, na gagabay sa atin sa lugar na hindi pamilyar sa atin, sa mapanganib na mga lambak at kabundukan sa dako pa roon (tingnan sa 1 Nephi 16).

Sa simula pa lang ng daigdig, nagbangon ng mga propeta ang Diyos na nangungusap ng kalooban ng langit sa mga tao sa kanilang panahon. Responsibilidad nating pakinggan at ipamuhay ang mga mensaheng ibinibigay sa atin ng Panginoon.

Hindi pinabayaan at hindi pababayaan ng ating maawain at mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Ngayon, tulad noong mga panahong nakaraan, naghirang Siya ng mga apostol at propeta. Patuloy Niyang inihahayag ang Kanyang salita sa kanila.

Kaylaking pribilehiyong marinig ang mga mensahe ng Diyos para sa bawat isa sa atin sa pangkalahatang kumperensya! Maghanda tayong mabuti para sa malaking pagpapalang ito ng banal na patnubay na hatid ng Kanyang mga piling lingkod.

Sapagkat hindi ito ordinaryong pagpapala.

Kanan: larawang kuha ni Les Nilsson

Print