Seminary
2 Nephi 2:1–16: “Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa Tao na Siya ay Kumilos para sa Kanyang Sarili”


“2 Nephi 2:1–16: ‘Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa Tao na Siya ay Kumilos para sa Kanyang Sarili,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 2:1–16: ‘Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa Tao na Siya ay Kumilos para sa Kanyang Sarili,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 2:1–16

“Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa Tao na Siya ay Kumilos para sa Kanyang Sarili”

Nagtuturo si Lehi kay Jacob

Isipin kunwari na wala kang anumang pagpili na gagawin. Ang kalayaang pumili, o ang kakayahang pumili, ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa atin. Naranasan na ng anak ni Lehi na si Jacob ang maraming pagsubok sa murang edad, kaya itinuro sa kanya ni Lehi ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at kalayaang pumili. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang ginagampanan ng kalayaang pumili sa plano ng Ama sa Langit.

Pagtatanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng pagsusuri ng sarili. Ang mga tanong na nag-aanyaya sa mga estudyante na pagnilayan ang mga banal na kasulatan, ang kanilang damdamin sa Tagapagligtas, ang Kanyang mga turo, o ang pagsasabuhay ng mga alituntunin ay makapaghihikayat ng pagninilay, na magagamit ng Espiritu sa pagtuturo. Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na makapag-isip at makapagsulat nang mabuti.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na tukuyin at ilista ang mahahalagang pagpiling gagawin nila mula ngayon hanggang sa susunod na lesson. Sabihin sa kanila na pumasok sa klase na handang ibahagi kung bakit mahalaga ang pagpili sa ating mortal na buhay at sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mahahalagang pagpili

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang kanilang paghahanda sa klase upang gawin ang sumusunod na aktibidad sa kanilang study journal.

Sa susunod na dalawang minuto, isulat ang ilan sa mahahalagang pagpiling ginawa mo sa nakaraang ilang araw.

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang pagpili sa ating mortal na buhay at sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?

Isipin ang natutuhan mo mula sa mga pagpiling ipinagmamalaki mo, gayundin sa mga pinagsisisihan mo. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung ano ang maaaring makatulong sa iyo para mas maunawaan at magamit ang kakayahan mong pumili. Kung may mga tanong ka tungkol sa kalayaang pumili, ipagdasal din at hanapin ang mga sagot habang nag-aaral ka.

Mahahalagang aspeto ng kalayaang pumili

Ang anak ni Lehi na si Jacob ay isinilang sa ilang matapos lisanin ng kanilang pamilya ang Jerusalem. Bago pumanaw si Lehi, itinuro niya kay Jacob ang mahahalagang katotohanan tungkol sa kalayaang pumili.

Basahin ang 2 Nephi 2:1–4 upang malaman kung paano sinimulan ni Lehi ang kanyang mensahe kay Jacob. Makatutulong na malaman na ang ibig sabihin ng salitang “ilaan” ay italaga o gawing banal (tingnan sa “Paglalaan, Batas ng Paglalaan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [scriptures.ChurchofJesusChrist.org]).

  • Bakit maaaring makabuluhan para sa isang taong nakaranas ng maraming pagsubok na maunawaan ang kahalagahan ng kakayahang pumili?

  • Anong mga katotohanan mula sa mga talatang ito ang pinakamahalaga sa iyo? Bakit?

icon, isulat

Ipakita ang sumusunod na impormasyon o ibigay ito bilang handout. Maaari mong i-assign sa iba’t ibang estudyante o grupo ang isa sa tatlong opsiyon. Bilang alternatibo, maaari mo ring hatiin ang mga estudyante sa mga grupo at sabihin sa kanila na pag-aralan ang lahat ng makakaya nila sa loob ng itinakdang oras.

Ang Ating Kapangyarihang Pumili

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher (2024)—“2 Nephi 2:1–16”

Opsiyon A: Ano ang itinuturo sa atin ng kakayahan nating pumili tungkol sa Diyos?

Basahin ang 2 Nephi 2:14, 16 at alamin ang itinuro ni Lehi tungkol sa Diyos at sa ating kalayaang pumili.

  • Ano ang natutuhan mo?

  • Bakit mahalagang maunawaan na binibigyan tayo ng Diyos ng kakayahang kumilos para sa ating sarili?

  • Ano ang nararamdaman mo sa pagtitiwala sa iyo ng Ama sa Langit na ikaw mismo ang pipili para sa iyong sarili?

Mag-isip ng isang halimbawa kung saan ginamit mo ang kalayaang pumili sa paraang nalugod sa iyo ang Ama sa Langit.

  • Sa iyong palagay, bakit nalugod ang Diyos sa iyong pinili?

Maaaring makatulong din na pag-isipan ang anumang pagpiling ginawa mo na maaaring hindi ikinalugod ng Diyos at ang natutuhan mo mula sa mga iyon.

Opsiyon B: Ano ang ibinigay sa atin ng Diyos upang tulungan tayong pumili nang matalino?

Basahin ang 2 Nephi 2:5, 13 at Moroni 7:16 at hanapin ang mga sumusunod na katotohanan. Pansinin na ang “batas” ay tumutukoy sa mga kautusan ng Diyos.

  • Kailangan nating malaman ang mabuti sa masama upang lubos na magamit ang ating kalayaang pumili.

  • Kailangang mayroon tayong batas upang magkaroon ng kalayaang pumili.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa katotohanan na binibigyan Nila ang lahat ng tao ng sapat na kaalaman tungkol sa mabuti at masama upang mapili nila kung nais nila na maging mabuti o masama?

  • Ano ang mangyayari kung walang batas o mga kautusan?

Opsiyon C: Bakit nakadarama tayo ng oposisyon sa ating mabubuting pagpili?

Basahin ang 2 Nephi 2:11, 16, at alamin ang mga karagdagang katotohanan na itinuro ni Lehi tungkol sa kalayaang pumili.

  • Ano ang nalaman mo?

  • Sa plano ng Ama sa Langit, sa iyong palagay, bakit mahalagang aspeto ng kalayaang pumili ang oposisyon?

  • Sa anong mga paraan tayo nahihimok na pumili ng tama at mali?

Upang matulungan ka na mas maunawaan ang katotohanang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang mga anak ng Diyos sa premortal na buhay ay hindi maaaring maging katulad niya … maliban kung nagkaroon sila ng … karanasan sa lugar kung saan naroon kapwa ang mabuti at masama. …

… Gusto nating magkaroon ng pagkakataong … harapin ang mabuti at masama at maging sapat na malakas para piliin ang mabuti. (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 200, 204)

Mag-isip ng mga paraan na natututo kang pumili ng mabuti, kahit tinutukso ka ng masama. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang mga naisip mo. Maaari mo ring pag-isipan ang mga paraan na maaari kang humingi ng tulong sa anumang desisyong gusto mong baguhin.

Ang pangangailangan natin sa Tagapagligtas

Walang sinuman maliban sa Tagapagligtas ang perpektong nakagamit ng kalayaang pumili sa mortalidad. Lahat tayo ay nagkakasala, at kung walang tulong tayong lahat ay “[mala]layo … at magiging kaaba-aba magpakailanman” (2 Nephi 2:5).

Maaari mong gamitin ang impormasyon mula sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang itinuro sa 2 Nephi 2:6–8.

Habang iniisip ito, basahin ang 2 Nephi 2:6–8 upang makita kung ano ang ginawa ni Jesucristo para sa ating lahat.

  • Paano pinili ng Tagapagligtas na tulungan ka?

Ang isang alituntunin na pinatotohanan ni Lehi ay na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tinutubos tayo ng Tagapagligtas mula sa ating mga kasalanan.

  • Paano nakakaimpluwensya sa nadarama mo kay Jesucristo ang pag-unawa dito tungkol sa Kanya?

  • Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa pagpili?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sumusunod nang hindi ibinabahagi nang malakas ang kanilang mga sagot, dahil maaaring masyadong personal ang mga ito.

Mag-isip ng isang pagkakataon kung saan, sa tulong ni Jesucristo, pinagsisihan mo ang isang kasalanan. Paano nakaapekto sa iyo ang pagsisisi?

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibuod at ibahagi ang nauunawaan nila tungkol sa kalayaang pumili bago tapusin ang lesson na ito. Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan upang magawa mo ito.

Isipin kunwari na tinuturuan ng mga missionary sa inyong lugar ang isang kabataan at narinig niya ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit sa unang pagkakataon. Inanyayahan ka ng mga missionary na sumama sa susunod na appointment sa pagtuturo sa kabataang ito. Hiniling nila sa iyo na maghanda ka ng mga ideya mula sa 2 Nephi 2 tungkol sa kahalagahan ng kalayaang pumili sa plano ng Ama sa Langit. Gumawa at magsumite ng maikling outline ng ituturo mo. Isama ang mga sumusunod:

  1. Kahit dalawang talata lang mula sa 2 Nephi 2:1–16, 26 at ang mga kaugnay na katotohanan ng mga ito, kasama ang maikling paliwanag kung bakit makabuluhan o mahalaga ang mga ito

  2. Ang impluwensya ng sakripisyo ni Jesucristo sa ating mga pagpili

  3. Ang magagawang kaibhan ng mga katotohanang ito sa ating buhay

    Pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante at sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga outline sa isa’t isa. Kung may oras pa, maaari mong ipasadula ang mga outline at anyayahan ang mga estudyante na turuan ang isa’t isa.

Kapag natapos mo na ang iyong outline, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang pinag-iisipan mo ang mga paraan kung paano mo maaalala ang mga katotohanang ito at kung paano mapagpapala ng pag-alaala sa mga ito ang iyong buhay. Halimbawa, maaari kang maglagay ng screensaver sa iyong telepono, maglagay ng maikling sulat sa iyong salamin, o gumawa ng iba pang bagay para palagi mong makita at maalala ang mga katotohanang ito.