Seminary
2 Nephi 25: Iniligtas ni Jesucristo


“2 Nephi 25: Iniligtas ni Jesucristo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 25,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 25

Iniligtas ni Jesucristo

Jesucristo

May tao bang nakatulong o nakasagip sa iyo mula sa isang mahirap na sitwasyon? Ano ang nadama mo tungkol sa taong iyon matapos niyang tumulong? Matapos bigyang-diin ang kahalagahan ng mga turo ng propeta, nagpatotoo si Nephi na tanging si Jesucristo lamang ang may kapangyarihang iligtas ang lahat ng tao. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyong maunawaan kung paano ka inililigtas ng biyaya ni Jesucristo.

Pagtuturo ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Ang tunay na doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nasa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Kapag tinulungan mo ang mga estudyante na pag-aralan ang mga ito, mapapatotohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan sa kanilang puso’t isipan. Sila ay magiging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagsasabuhay ng tunay na doktrina at mga alituntunin.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumasok sa klase na handang magsalita tungkol sa isang mensahe tungkol kay Jesucristo na nakaapekto sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang tanging paraan upang maligtas tayo

Para masimulan ang lesson, magbahagi ng salaysay tungkol sa isang taong nasagip o naligtas. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang pagkakataon na nasagip o naligtas sila o ang isang taong kakilala nila.

ChurchofJesusChrist.org

5:36

Sa 2 Nephi 25, ipinaalala ni Nephi sa kanyang mga tao na ang mga propeta ay nagpatotoo na si Jesucristo ang Mesiyas, na ibig sabihin ay Ang Pinahiran o Tagapagligtas, ng lahat ng tao (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Itinala ni Nephi na bagama’t ikakalat ang mga Judio dahil sa kanilang kawalang-paniniwala, kung maniniwala sila kay Jesucristo, sila ay titipunin at “[ibabalik ng Panginoon] mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan” (2 Nephi 25:15–17).

Basahin ang 2 Nephi 25:18–20, at alamin ang itinuro ni Nephi tungkol sa kung paano maliligtas ang mga Judio (at lahat ng anak ng Diyos). Maaaring makatulong na malaman na sa mga banal na kasulatan ang salitang pangalan ay maaaring gamitin upang kumatawan sa kapangyarihan o awtoridad ng isang tao. Totoo ito lalo na sa pagtukoy sa Tagapagligtas.

  • Mula saan tayo inililigtas ni Jesucristo?

  • Ano kaya ang mangyayari kung wala tayong Tagapagligtas?

Iniligtas sa pamamagitan ng biyaya

Basahin ang 2 Nephi 25:23, at alamin kung paano tayo inililigtas ni Jesucristo.

Ang sumusunod na bahagi ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang biyaya.

Matatagpuan ang karagdagang impormasyon tungkol sa biyaya sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon.”

  • Ano ang ilang bagay na maaari mong itanong upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa mga turo ni Nephi sa talata 23?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong ng mga estudyante. Maaari silang magtanong ng tulad ng “Ano ang biyaya?” at “Ano ang ibig sabihin ng naligtas tayo sa kabila ng lahat ng ating magagawa?”

Gamitin ang sumusunod na materyal upang tulungan ang mga estudyante na sagutin ang kanilang mga tanong.

Ang biyaya ay ang banal na tulong o lakas na ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. …

Ang biyaya ay isang kaloob mula sa Ama sa Langit na ibinibigay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang salitang biyaya, ayon sa pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, ay karaniwang tumutukoy sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling na inihahandog sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ni Jesucristo. (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Biyaya,” topics.ChurchofJesusChrist.org)

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:

19:13
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Kung minsa’y naiisip ko kung nagkakamali tayo sa pag-unawa sa mga katagang “sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” Kailangan nating maunawaan na ang “sa kabila” ay hindi katumbas ng “dahil.”

Hindi tayo naliligtas “dahil” sa lahat ng ating magagawa. May nakagawa na ba sa atin ng lahat ng ating magagawa? Naghihintay ba ang Diyos hanggang sa maubos natin ang lahat ng pagsisikap bago Siya makialam sa ating buhay sa pamamagitan ng Kanyang nakapagliligtas na biyaya?

Maraming taong pinanghihinaan ng loob dahil palagi silang nagkukulang. Alam nila mismo na “ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa’t mahina ang laman” [Mateo 26:41]. Inilalakas nila ang kanilang tinig na kasama ni Nephi sa pagpapahayag na, “Ang aking kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa aking mga kasamaan” [2 Nephi 4:17].

Natitiyak ko na alam ni Nephi na ang biyaya ng Tagapagligtas ay nagtutulot at nagbibigay-kakayahan sa atin na iwasang magkasala [tingnan sa Alma 34:31]. Kaya nga nagsumigasig si Nephi na hikayatin ang kanyang mga anak at kapatid “na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos” [2 Nephi 25:23].

Kunsabagay, iyan ang ating magagawa! At iyan ang ating gawain sa mortalidad! …

Ngayon at magpakailanman ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat na bagbag ang puso at nagsisisi ang espiritu [tingnan sa 3 Nephi 9:19–20]. (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 110)

Maaari mong gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin. Maaaring madama mo na dapat kang magtanong ng mga follow-up na tanong o magbahagi ng isang pagkakataon na naranasan mo ang biyaya ng Tagapagligtas. Maaari ka ring magbahagi ng halimbawa kung paano nakatulong sa iyo o sa isang kakilala mo ang biyaya ng Tagapagligtas.

  • Paano mo ilalarawan ang iyong mga nadarama para sa Tagapagligtas, batid na ang Kanyang biyaya ay para sa iyo mismo?

  • Ano ang ilan sa mga paraan na matatamo mo ang biyaya ng Tagapagligtas?

  • Anong mga aspeto ng iyong buhay ang maaaring mag-iba kung mas nadarama mo ang biyaya ng Tagapagligtas? Sa anong mga paraan?

Pagnilayan sandali ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo na siyang tanging paraan upang maligtas ka. Anong mensahe o katotohanan ang pinakamahalaga sa iyo o naghikayat sa iyong papurihan si Jesucristo? Ano ang nahikayat kang gawin dahil sa natutuhan at nadama mo ngayon? Maaari mong isulat sa iyong study journal ang mga saloobing ito.

Magalak kay Cristo

Dahil alam ni Nephi ang biyaya at kapangyarihan ng Tagapagligtas na magligtas, sumulat siya upang tulungan ang iba na maniwala kay Cristo. Basahin ang 2 Nephi 25:26 at alamin kung ano ang magagawa natin upang matulungan ang iba na maniwala kay Jesucristo. Maaari mong markahan ang iba’t ibang pandiwa na ginamit sa talatang ito.

  • Anong mga salita sa talatang ito ang mahalaga para sa iyo?

  • Paano naimpluwensyahan ang buhay mo ng isang bagay na ibinahagi ng ibang tao tungkol kay Jesucristo?

  • Paano mapalalakas ang iyong ugnayan kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagbabahagi sa iba ng mga personal na nadarama mo tungkol sa Kanya?

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang talata 26, maaari mong pagpartner-partnerin o hatiin ang klase sa maliliit na grupo at anyayahan silang “[mangusap] tungkol kay Cristo” sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang mga saloobin at nadarama tungkol kay Jesucristo. Maaari ding tapusin ng mga estudyante ang klase sa pamamagitan ng pagkumpleto ng sumusunod na aktibidad:

Mag-isip ng isang tao sa buhay mo na maaaring matulungan kapag ipinaalala sa kanya ang pagmamahal at biyaya ng Tagapagligtas. Gumawa ng isang mensahe (tulad ng text, post sa social media, o personal na liham) na maaari mong ibahagi sa kanya.