“Setyembre 1–7: ‘Para sa Kaligtasan ng Sion’: Doktrina at mga Tipan 94–97,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 94–97,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Setyembre 1–7: “Para sa Kaligtasan ng Sion”
Doktrina at mga Tipan 94–97
Noong unang panahon, inutusan ng Panginoon si Moises na magtayo ng isang tabernakulo “ayon sa huwarang ipinakita sa [kanya] sa bundok” (Mga Hebreo 8:5; tingnan din sa Exodo 25:8–9). Ang tabernakulo ang magiging sentro sa kampo ng Israel sa ilang (tingnan sa Mga Bilang 2:1–2).
Noong 1833, inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na magtayo ng mga templo “hindi alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan” kundi “alinsunod sa pamamaraang aking ipakikita” (Doktrina at mga Tipan 95:13–14; tingnan din sa 97:10). Tulad ng tabernakulo sa ilang, ang templo ay nilayon upang maging mahalagang bahagi ng Kirtland (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 94:1).
Ngayon, ang mga templo ay matatagpuan sa iba’t ibang panig ng mundo. Kahit wala ang mga ito sa sentro ng ating mga lungsod, itinuturo tayo nito kay Cristo, na siyang dapat maging sentro ng ating buhay. Bagama’t may pagkakaiba sa hitsura ang bawat templo, nalalaman natin sa loob ng mga ito ang iisang banal na huwaran—isang plano ng langit na ibalik tayong muli sa kinaroroonan ng Diyos. Ikinokonekta tayo ng mga sagradong ordenansa at tipan kay Cristo at pinatatatag ang ating pamilya “hindi alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan” kundi ayon sa huwarang ipinapakita sa atin ng Diyos.
Tingnan sa Mga Banal, 1:194–95; “A House for Our God,” sa Revelations in Context, 165–73.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Doktrina at mga Tipan 94; 97:10–17
Maaari akong “ganap na [ilaan] sa Panginoon.”
Sa Doktrina at mga Tipan 94, nagbigay ng mga tagubilin ang Panginoon tungkol sa pagtatayo ng mga gusaling pang-administratibo sa Kirtland—isang opisina at isang palimbagan. Ano ang hinahangaan mo sa sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga gusaling ito sa Doktrina at mga Tipan 94:2–12? Paano ito maikukumpara sa sinasabi Niya tungkol sa templo sa 97:10–17?
Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “ganap na [ilaan] sa Panginoon”?
Pinarurusahan ng Panginoon ang mga minamahal Niya.
Nang matanggap ang paghahayag sa bahagi 95, mga limang buwan na ang lumipas mula nang utusan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng isang bahay ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:117–19)—at hindi pa sila nakapagsimula. Pansinin kung paano sila itinuwid ng Panginoon sa paghahayag na ito. Maaari ka pa ngang gumawa ng isang listahan ng mga alituntuning nakita mo para sa pagbibigay ng inspiradong pagtutuwid. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon mula sa pagtutuwid Niya sa Kanyang mga Banal?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:43–44; D. Todd Christofferson, “Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Liahona, Mayo 2011, 97–100.
Doktrina at mga Tipan 95:8, 11–17; 97:10–17
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
Pagkatapos pagsabihan sa hindi pagtatayo ng bahay ng Panginoon sa Kirtland, pumili ang mga pinuno ng Simbahan ng isang lugar sa taniman ng trigo kung saan sila magtatayo. Agad tumakbo si Hyrum Smith, ang kapatid ng Propeta, para kumuha ng karit upang simulang linisin ang bukid. “Naghahanda tayong magtayo ng isang bahay para sa Panginoon,” wika niya, “at nagpasiya akong mauna sa gawain” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 318). Sa palagay mo, bakit sabik na sabik si Hyrum na itayo ang templo? Pagnilayan ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 95:8, 11–17; 97:10–17.
Sa ating panahon, “pinabibilis [ng Panginoon] ang pagtatayo natin ng mga templo” (Russell M. Nelson, “Magtuon sa Templo,” Liahona, Nob. 2022, 121). Kung may nagtanong sa iyo kung bakit nagtatayo ang Simbahan ni Jesucristo ng napakaraming templo, ano ang sasabihin mo? Hanapin ang mga posibleng sagot sa:
-
Mga mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na nagbabalita ng mga bagong templo (tulad ng “Ngayon ang Panahon,” Liahona, Mayo 2022, 126).
-
“Why Latter-day Saints Build Temples” (temples.ChurchofJesusChrist.org).
-
Ang video na “Temples” (Gospel Library).
Maaari mong ikumpara ang mga pagsisikap ng mga Banal na itayo ang Kirtland Temple sa mga pagsisikap mong maghanda para sa mga makabuluhang karanasan kasama ng Panginoon sa templo. Paano mo maipapakita ang gayon ding pagmamadaling nadama ni Hyrum Smith sa pagtatayo ng banal na bahay ng Panginoon? Halimbawa, ano ang magagawa mo na magiging katulad ng paglilinis ng bukid, tulad ng ginawa ni Hyrum? Ano sa pakiramdam mo ang mga sakripisyong nais ng Panginoon na gawin mo? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:12).
Tingnan din sa “Holy Temples on Mount Zion,” Hymns, blg. 289; Mga Paksa at Tanong, “Mga Templo,” Gospel Library.
“Sila ay tinatanggap ko.”
Isipin ang isang pagkakataon na ikaw ay tinanggap—o hindi tinanggap—sa isang grupo o team. Paano ito natutulad o naiiba sa itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 97:8–9 tungkol sa ibig sabihin ng tanggapin ng Panginoon? Ano sa palagay mo ang sinisikap ituro sa iyo ng Panginoon sa metapora sa talata 9?
Tingnan din sa Erich W. Kopischke, “Pagiging Katanggap-tanggap sa Panginoon,” Liahona, Mayo 2013, 104–6.
Doktrina at mga Tipan 97:18–28
Ang Sion ay “ang may dalisay na puso.”
Sa mga Banal noong 1830s, ang Sion ay isang lugar. Sa paghahayag sa bahagi 97, pinalawak ng Panginoon ang kahulugan para ilarawan ang mga tao—“ang may dalisay na puso” (talata 21). Habang binabasa mo ang mga talata 18–28, maaari mong palitan ang kahulugang ito kapag binasa mo ang salitang Sion. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng may dalisay na puso?
Tingnan din sa Moises 7:18.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Doktrina at mga Tipan 95:8; 97:10–17
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
-
Para sa kaunting background tungkol sa mga bahagi 95 at 97, maaari mong ibahagi sa iyong mga anak ang “The Kirtland Temple” sa Doctrine and Covenants Stories for Young Readers (Gospel Library; tingnan din sa Mga Banal, 1:242–244). Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na magkunwaring tumutulong sila sa pagtatayo ng Kirtland Temple (nagpuputol ng kahoy, nagpupukpok ng mga pako, nagpipintura ng mga pader, at iba pa). Maaari ka ring magpakita sa kanila ng isang larawan ng Kirtland Temple, tulad ng mga nasa outline na ito, habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 95:8 para ituro sa iyong mga anak kung bakit nais ng Panginoon na magtayo tayo ng mga templo.
-
Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 97:15–16, maaari ninyong ibahagi ng iyong mga anak sa isa’t isa kung bakit espesyal sa inyo ang templo. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin para tulungan ang iyong mga anak na makadama ng pagpipitagan para sa bahay ng Panginoon, tulad ng “Templo’y Ibig Makita,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Bakit sagrado ang templo?
Doktrina at mga Tipan 97:1–2, 8–9, 21
Ang Sion ay “ang may dalisay na puso.”
-
Para maipaunawa sa iyong mga anak ang maaaring ibig sabihin ng salitang dalisay sa Doktrina at mga Tipan 97:21, maaari kayong sama-samang tumingin sa isang baso ng malinis na tubig at magdagdag ng isang bagay sa tubig na nagpaparumi rito (tulad ng lupa o paminta). Bakit mahalaga na maging dalisay ang tubig? Pagkatapos ay maaaring basahin ng iyong mga anak ang talata 21 at ilagay ang kanilang daliri sa salitang dalisay. Ano ang ibig sabihin ng maging dalisay ang ating puso? Ang mga talata 1–2 at 8–9 ay maaaring magbigay ng ilang ideya. Paano tumutulong ang Tagapagligtas na gawing dalisay ang ating puso?
Pinagpapala ng Panginoon ang mga taong tumutupad ng mga tipan sa Kanya.
-
Alam ba ng iyong mga anak kung anong mga tipan ang ginagawa natin sa Panginoon kapag tayo ay nabinyagan o nasa templo? Isiping rebyuhin ang mga tipang iyon sa kanila sa pagbasa sa Mosias 18:9–10, 13 o Pangkalahatang Hanbuk, 27.2. Ibahagi sa isa’t isa kung paano ninyo pinagsisikapang “tuparin ang [inyong] mga tipan sa pamamagitan ng [pagsasakripisyo]” (Doktrina at mga Tipan 97:8).
-
Maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na idrowing ang mga inilalarawan sa Doktrina at mga Tipan 97:9. Habang ibinabahagi nila ang kanilang drowing, pag-usapan kung paano ka napagpala ng Panginoon sa pagtupad sa iyong mga tipan. Paano katulad ng pagiging isang “mabungang punungkahoy na itinanim … sa tabi ng isang dalisay na sapa” ang mga pagpapalang iyon?