“Setyembre 22–28: ‘Ang Orden ng Anak ng Diyos’: Doktrina at mga Tipan 106–108,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 106–108,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Setyembre 22–28: “Ang Orden ng Anak ng Diyos”
Doktrina at mga Tipan 106–108
Sa unang tingin, ang Doktrina at mga Tipan 107 ay tila tungkol lamang sa pag-oorganisa ng mga katungkulan sa priesthood ayon sa istruktura ng pamunuan para sa Simbahan ng Panginoon. Nang ilathala na ang paghahayag na ito, humigit ang dami ng mga miyembro ng Simbahan kaysa sa kakayahan ng ilang leader na nakatalaga. Kaya ang pagbalangkas ng mga tungkulin at responsibilidad ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, Pitumpu, mga bishop, at mga quorum presidency ay talagang kinailangan at nakatulong. Pero mayroong higit pa sa banal na tagubilin sa bahagi 107 kaysa kung paano lang dapat iorganisa ang pamunuan ng Simbahan. Dito, tinuturuan tayo ng Panginoon tungkol sa Kanyang kapangyarihan at awtoridad, “ang Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos” (talata 3). Ang layunin ng priesthood ay para buksan ang “lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan” upang “mabuksan ang langit sa kanila” na lahat ng anak ng Diyos at “ikalugod ang pakikipag-usap at pagharap ng Diyos Ama, at ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan” (mga talata 18–19). Sa pagtuturo sa atin tungkol sa Kanyang priesthood, nagtuturo sa atin ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sarili at kung paano tayo maaaring lumapit sa Kanya.
Tingnan sa “Restoring the Ancient Order,” sa Revelations in Context, 208–12.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Doktrina at mga Tipan 106; 108
Sinusuportahan ako ng Panginoon kapag tinatawag Niya akong maglingkod.
Sa Doktrina at mga Tipan 106 at 108, nagbigay ng payo at mga pangako ang Panginoon sa dalawang miyembrong tinawag na maglingkod sa Kanyang Simbahan. Habang pinag-aaralan mo ang Kanyang payo, maaari mong isipin ang sarili mong mga oportunidad na maglingkod sa Panginoon—marahil ang isang ministering assignment, isang calling sa Simbahan, mga responsibilidad sa inyong pamilya, o mga espirituwal na pahiwatig na gumawa ng kabutihan.
Ano sa palagay mo ang mensahe ng Panginoon sa iyo sa mga paghahayag na ito? Alin sa mga parirala ang tila mahalaga lalo na sa iyo? Narito ang ilan na pag-iisipan:
-
Kailan ka nabigyan ng Panginoon ng “biyaya [o banal na tulong] at katiyakan” para makapaglingkod sa Kanya? (Doktrina at mga Tipan 106:8).
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng patatagin ang iba “sa lahat ng iyong mga ginagawa”? (Doktrina at mga Tipan 108:7).
Nang tumanggap si Elder Carl B. Cook ng isang mahirap na tungkulin sa Simbahan, humugot siya ng lakas mula sa karanasan ng isang ninuno. Basahin ang tungkol dito sa kanyang mensaheng “Maglingkod” (Liahona, Nob. 2016, 110–12). Isiping sumulat ng isang liham para hikayatin ang iyong mga inapo—o ang sarili mo sa hinaharap—na tumanggap ng mga oportunidad na paglingkuran ang Panginoon. Isama sa iyong liham ang mga katotohanang natutuhan mo mula sa mensahe ni Elder Cook, sa Doktrina at mga Tipan 106 at 108, at sa sarili mong mga karanasan.
Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Lumakad Kang Kasama Ko,” Liahona, Mayo 2017, 82–85; Mga Paksa at Tanong, “Serving in Church Callings [Paglilingkod sa mga Calling sa Simbahan],” Gospel Library; “Warren Cowdery” at “’Wrought Upon’ to Seek a Revelation,” sa Revelations in Context, 219–23, 224–28.
Doktrina at mga Tipan 107:1–4, 18–20
Ang priesthood ay “alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos”
Sinimulan ng Panginoon ang Kanyang “paghahayag tungkol sa pagkasaserdote” (Doktrina at mga Tipan 107, section heading) sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin ng orihinal na pangalan ng Melchizedek Priesthood (tingnan sa mga talata 1–4). Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman iyan? Paano nakaimpluwensya ang pangalang ito sa paraan ng pag-iisip mo tungkol sa priesthood?
Isaisip ang mga ideyang ito habang nagbabasa ka tungkol sa priesthood, lalo na sa mga talata 18–20. Ano ang ibig sabihin ng “mabuksan ang langit”? Ano ang ibig sabihin ng “ikalugod ang pakikipag-usap at pagharap ng Diyos Ama, at ni Jesus”? Paano ginagawa ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood ng Tagapagligtas ang lahat ng ito para sa iyo?
Tingnan din sa Alma 13:2, 16; Doktrina at mga Tipan 84:19–27.
Ang mga lingkod ng Panginoon ay “pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng Simbahan.”
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pagtibayin ang mga lingkod ng Panginoon sa pamamagitan ng iyong pagtitiwala? sa pamamagitan ng iyong pananampalataya? sa pamamagitan ng iyong panalangin?
Tingnan din sa “Ang Aming Propeta’y Basbasan Nawa,” Mga Himno, blg. 18.
Doktrina at mga Tipan 107:23–24, 33–35, 38, 91–92
Ang mga Propeta at mga Apostol ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
Ibinahagi ni Joseph Smith ang bahagi 107 noong 1835 sa bagong tawag na Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa section heading). Ano ang itinuro sa kanila ng Panginoon tungkol sa kanilang calling sa mga talata 23–24, 33–35, 38? Paano napalakas ng pagtuturo at ministeryo ng Kanyang mga buhay na Apostol ang iyong patotoo kay Jesucristo?
Sa mga talata 91–92, nagturo ang Panginoon tungkol sa Kanyang senior na Apostol, ang Pangulo ng Simbahan. Paano siya “katulad ni Moises”? (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Moises,” Gospel Library).
Tingnan din sa David A. Bednar, “Napiling Magpatotoo sa Aking Pangalan,” Liahona, Nob. 2015, 128–31.
Doktrina at mga Tipan 107:27–31, 85–89
Isinasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga council.
Pansinin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga council sa Doktrina at mga Tipan 107:27–31, 85–89. Paano nagiging epektibo ang isang council? Paano mo magagamit ang mga alituntuning ito sa iyong calling sa Simbahan, sa inyong tahanan, o sa iba mo pang mga responsibilidad?
Tingnan din sa M. Russell Ballard, “Mga Family Council,” Liahona, Mayo 2016, 63–65; Pangkalahatang Hanbuk, 4.3–4.4, Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Doktrina at mga Tipan 107:18–20
Pinagpapala ako ni Jesucristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang priesthood.
-
Habang sama-sama ninyong binabasa ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 107:18–19, bigyang-diin ang parirala na “lahat ng pagpapalang espirituwal.” Marahil ay maaari ninyong ilista ng iyong mga anak ang mga pagpapalang nagmumula sa priesthood. Maaari kang gumawa ng isang laro nito—tingnan kung sino ang makakagawa ng pinakamahabang listahan. Maaari ding magdrowing o maghanap ng mga larawan ang iyong mga anak para kumatawan sa mga pagpapalang ito (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Pagkatapos ay maaari mong talakayin kung paano nakakatulong ang mga ordenansa ng priesthood (tulad ng binyag o sakramento) para matanggap natin ang mga pagpapala ng Diyos.
Doktrina at mga Tipan 107:21–26, 33–35, 91–92
Ang mga piniling lingkod ng Panginoon ang namumuno sa Kanyang Simbahan.
-
Bawat isyu ng kumperensya ng Liahona ay kinabibilangan ng isang pahina ng mga larawan ng mga General Authority. Isiping tingnan ninyo ng iyong mga anak ang mga larawang ito habang binabasa mo ang kanilang mga responsibilidad sa Doktrina at mga Tipan 107:21–26, 33–35, 91–92. Maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak kung bakit kayo nagpapasalamat na ibinigay sa kanila ng Panginoon ang mga responsibilidad na ito.
-
Maaaring malaman ng iyong mga anak ang iba pa tungkol sa mga lingkod ng Panginoon sa “General Church Leadership” sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari sigurong alamin ng bawat isa sa iyong mga anak ang tungkol sa isa sa mga lider na ito at turuan ang isa’t isa tungkol sa kanya. Ibahagi sa isa’t isa kung paano ninyo nalaman na ang mga lider na ito ay mga tunay na lingkod ni Jesucristo.
-
Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 107:22, maaari kayong maghalinhinan ng iyong mga anak sa paghawak ng isang larawan ng Unang Panguluhan at magbahagi ng mga paraan na masusuportahan ninyo sila bilang mga lingkod ng Panginoon.
Maaari akong maging maingat sa pagtupad sa aking mga tipan.
-
Para makapagsimula ng isang pag-uusap tungkol sa talatang ito, maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na gumawa ng isang bagay na nangangailangan ng maingat na atensyon, tulad ng pagpupuno sa isang baso nang hindi tumatapon. Ano ang mangyayari kapag hindi tayo maingat? Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 108:3 para alamin kung ano ang nais ng Panginoon na gawin natin nang maingat. Anong “mga panata” (mga pangako o tipan) ang ginagawa natin sa Diyos? Paano tayo maaaring maging mas maingat sa pagtupad sa mga ito? Maaari kang magbahagi ng mga bahagi ng mensahe ni Sister Becky Craven na “Maingat Laban sa Kaswal” (Liahona, Mayo 2019, 9–11) na sa palagay mo ay maaaring maghikayat sa iyong mga anak na tuparin ang kanilang mga tipan. Maaari din ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa pagtupad sa mga tipan, tulad ng “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85).