“Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery: Mga Ideya sa Pagrerebyu ng mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Appendix
Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery
Mga Ideya sa Pagrerebyu ng mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman
Sa bawat lesson sa Pagsasanay sa Doctrinal Mastery, makatutulong na bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Makatutulong ito sa kanila na mas makapaghandang gamitin ang mga alituntuning ito sa mga sitwasyon sa klase at sa tunay na buhay.
Ang sumusunod ay ilang halimbawa ng mga paraan kung paano mo matutulungan ang iyong mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman:
Bigkasin ang mga alituntunin nang walang kopya. Itanong sa mga estudyante kung mauulit nila ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman nang walang kopya. Maaaring isulat ng mga estudyante nang mag-isa ang mga alituntunin sa kanilang study journal, o maaaring bigkasin nang malakas ng iba’t ibang miyembro ng klase ang mga alituntunin. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari silang sumangguni sa talata 4 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document (2023). Maaari ka ring magbigay ng mga clue, tulad ng aktibidad kung saan pupunan ang patlang o pagbibigay ng unang titik ng bawat salita sa iba’t ibang alituntunin.
Itugma ang mga pangungusap sa wastong alituntunin. Ilista sa pisara ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Pagkatapos ay basahin o ipakita ang iba’t ibang pangungusap o parirala mula sa talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung sa alin sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman pinakanauugnay ang pangungusap.
Ipaliwanag ang kahulugan. Sabihin sa iba’t ibang estudyante na ipaliwanag ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa sarili nilang mga salita. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa magkakaibang estudyante tungkol sa iba’t ibang alituntunin, o maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupong may tigtatatlong miyembro at magtalaga ng isa sa mga alituntunin sa bawat estudyante. Kung kinakailangan, maaari nilang rebyuhin ang mga alituntuning ito sa talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document bago hilingin sa kanila na magpaliwanag.
Ibuod sa 10 salita o mas kaunti pa. Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng buod para sa bawat alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa 10 salita o mas kaunti pa. Sabihin sa iba’t ibang estudyante na ibahagi ang kanilang mga buod at ipaliwanag kung bakit nila pinili ang mga salitang iyon.
Gumawa ng larawan o icon. Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng simbolo, larawan, o icon para sa bawat isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Dapat maipakita sa gawa nila ang itinuturo ng mga alituntunin. Kapag natapos na ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ipakita sa iba ang kanilang gawa at ipaliwanag kung bakit isinama nila ang mga iyon.
Magrebyu habang tinatalakay ang sitwasyon. Matapos magbahagi ng makatotohanang sitwasyon, sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document. Maaaring maghanap at magbahagi ang mga estudyante ng mga turo mula sa mga talatang ito na makatutulong sa tao sa sitwasyon: (1) kumilos nang may pananampalataya, (2) suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw, at (3) hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.
Magbahagi ng mga karanasan. Maaaring hilingin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila sa paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Maaari nilang ipaliwanag kung paano nakatulong sa kanila ang mga alituntuning iyon sa kanilang sariling mga tanong o sitwasyon o kung paano nila nagamit ang mga alituntunin upang tulungan ang iba.
Pumili ng isang parirala. Atasan ang bawat estudyante na magtuon sa isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Bigyan sila ng oras upang pumili ng isang parirala mula sa bawat talata sa bahaging itinalaga sa kanila na sa palagay nila ay pinakamalapit na kumakatawan sa itinuturo sa talatang iyon. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na lumibot sa silid at maghanap ng isang taong may alituntuning katulad ng sa kanila at paghambingin ang mga pariralang pinili nila. Pagkatapos ay maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga kaklase na binigyan ng dalawa pang alituntunin at ibahagi ang mga pariralang pinili nila.
Mga Ideya sa Pagrerebyu ng mga Doctrinal Mastery Passage
Maglaan ng araw sa buong taon upang regular na marebyu ang mga doctrinal mastery passage na pinag-aaralan ng mga estudyante. Makatutulong ito upang madagdagan ang kakayahan ng mga estudyante ninyo na maalala ang mga scripture reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan. Makatutulong din ito sa kanila na mas maunawaan, maipaliwanag, at maipamuhay ang doktrinang itinuturo sa mga doctrinal mastery passage. Matatagpuan ang isang listahan ng mga doctrinal mastery passage at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan sa Doctrinal Mastery Core Document.
May ilang aktibidad sa ibaba na maaaring gamitin o iakma upang matulungan ang iyong mga estudyante na marebyu ang mga doctrinal mastery passage sa iba’t ibang paraan.
Isaulo
Mga memory card. Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng mga memory card na may nakasulat na scripture reference sa isang bahagi ng piraso ng papel at may nakasulat na mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa kabilang bahagi. Maaaring gumawa ang mga estudyante ng mga card para sa maraming doctrinal mastery passage sa iisang papel at pagkatapos ay maaari nilang gupitin ang mga memory card. Pagkatapos ay maaari silang magsanay na magsaulo ng mga reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan nang mag-isa o nang may kapartner. Ang mga pagrerebyu na ito gamit ang mga memory card ay maaaring gawin nang pana-panahon sa buong taon.
Doctrinal Mastery app. Gamitin ang mga aktibidad sa pagsasaulo sa Doctrinal Mastery app. Kung posible, maaari mong ikonekta ang iyong mobile device sa projector o telebisyon para ipakita ang nilalaman ng app upang magawa ng mga estudyante ang mga aktibidad sa pagsasaulo bilang klase. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyanteng may mobile device na gamitin ang app upang maglaan ng oras sa paggawa ng mga aktibidad sa pagsasaulo habang nasa klase o kapag wala sa klase.
Pagbigkas ng klase. Pagkatapos mong magsabi ng isang scripture reference, maaaring ulitin ng klase nang sabay-sabay ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Maaari ka ring magsabi ng mahalagang parirala ng banal na kasulatan at anyayahan ang klase na ulitin nang sabay-sabay ang kaukulang scripture reference.
Mga nauugnay na larawan. Maghanap ng mga larawan o drowing na nauugnay sa mga turo ng mga doctrinal mastery passage. Ipakita sa mga estudyante ang mga larawang ito habang nagsasanay silang magsaulo ng mga scripture reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan. Maaari ding anyayahan ang mga estudyante na maghanap o gumawa ng sarili nilang mga larawan na tutulong sa kanila na maisaulo ang mga passage. Kung pare-pareho ang mga larawang gagamitin ng buong klase kapag isinasaulo ang mga ibinigay na passage, maaari mong ipakita paminsan-minsan ang mga larawang iyon sa mga sesyon ng klase sa hinaharap upang malaman kung maaalala pa ng mga estudyante ang mga parirala at reference.
Ayusin ang pagkakasunud-sunod. Magpakita ng mga salita mula sa scripture reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang wala sa tamang ayos at anyayahan ang mga estudyante na ayusin ang pagkakasunod-sunod ng mga ito.
Mga unang titik. Ipakita lamang ang unang titik ng bawat salita para sa scripture reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan at anyayahan ang mga estudyante na subukang bigkasin nang tama ang reference at mahalagang parirala. Magbura nang magbura ng mas maraming unang titik habang humuhusay ang kakayahan ng mga estudyante na bigkasin ang reference at mahalagang parirala.
Punan ang patlang. Ipakita ang scripture reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang mayroong ilang nawawalang salita. Sabihin sa mga estudyante na bigkasin ang reference at mahalagang parirala habang pinupunan ang mga patlang. Magbura nang magbura ng mas maraming salita habang humuhusay ang kakayahan ng mga estudyante na bigkasin ang reference at mahalagang parirala.
Pagtutugma. Magpakita ng maraming scripture reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan sa dalawang column. Sa unang column, ilista ang mga scripture reference sa wastong pagkakasunud-sunod. Sa ikalawang column, ilista ang mahahalagang parirala ng banal na kasulatan nang hindi sunud-sunod. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na itugma ang mga wastong scripture reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan.
Unawain at ipaliwanag
Mga cross-reference. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng maraming cross-reference na may kaugnayan sa isang doctrinal mastery passage. Pagkatapos ay maituturo nila sa kanilang mga kaklase ang natutuhan nila, kabilang kung paano nauugnay sa doctrinal mastery passage ang mga karagdagang banal na kasulatan na pinag-aralan nila. Maaari mong imungkahi na ang ilan sa mga cross-reference na mahahanap nila ay magmumula sa mga doctrinal mastery passage sa ibang aklat ng banal na kasulatan.
Iugnay kay Jesucristo. Magtalaga sa mga estudyante ng doctrinal mastery passage na pag-aaralan, at sabihin sa kanila na isipin ang iba’t ibang paraan na nauugnay ang passage na iyon kay Jesucristo. Maaari nilang isipin at talakayin ang nagagawang tulong sa kanila ng passage na itinalaga sa kanila upang higit na maunawaan ang tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang doktrina, o sa plano ng kaligtasan. Maaari din silang maghanap ng mga halimbawa kung paano itinuturo o ipinapakita ng Tagapagligtas ang katotohanang matatagpuan sa passage.
Mga simpleng paliwanag. Sabihin sa mga estudyante na maghandang ipaliwanag ang doktrinang itinuro sa iba’t ibang doctrinal mastery passage sa isang tao na hindi pamilyar sa mga turo na iyon. Maaari nilang isipin kunwari na ipinapaliwanag nila ang mga turong ito sa isang bata o sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan. Sabihin sa kanila na isulat ang kanilang paliwanag sa kanilang study journal at pagkatapos ay ibahagi ito sa isang kaklase.
Taludtod sa Taludtod. Ipakita sa mga estudyante ang mga halimbawa ng ilan sa mga pahina ng Taludtod sa Taludtod mula sa magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan kung saan sinusuri ang mahahalagang salita o parirala mula sa mga scripture passage. Ang isang halimbawa ng naturang pahina ay ang “Taludtod sa Taludtod: Isang Bantay” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2022, 32). Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng sarili nilang bersiyon ng pahina ng Taludtod sa Taludtod. Sabihin sa kanila na pumili ng ilang mahahalagang salita mula sa isang doctrinal mastery passage at isama ang mga kaugnay na banal na kasulatan, pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, at mga kahulugan na tumutulong sa pagpapalalim ng pag-unawa tungkol sa mahahalagang salitang iyon.
Magtanong. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang doctrinal mastery passage na nais nilang mas maunawaan pa. Ipabasa sa kanila ang passage at magpalista ng dalawa o tatlong tanong nila tungkol sa passage na iyon. Ang mga tanong na ito ay maaaring may kaugnayan sa mga salita o parirala na nais nilang mas maunawaan pa o sa dahilan kung bakit mahalagang maunawaan ang passage. Kapag nailista na ng mga estudyante ang kanilang mga tanong, anyayahan silang gumamit ng resources tulad ng Gospel Library app, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o iba pang tool sa pag-aaral upang mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang natutuhan.
Visual na representasyon. Ang mga estudyante ay maaaring gumawa ng drowing, collage, meme, word art, word cloud, o ibang visual na representasyon na tutulong na ipakita ang itinuturo sa isang doctrinal mastery passage. Pagkatapos ay maaaring ipakita ng mga estudyante ang kanilang gawa sa iba at ipaliwanag kung paano ito nauugnay sa doctrinal mastery passage na pinagtuunan nila.
Ipamuhay
Mga Sitwasyon. Magbahagi ng iba’t ibang sitwasyon na may kaugnayan sa mga kaganapan, hamon, o espirituwal na tanong na maaaring mayroon ang mga tinedyer. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isa o mahigit pang doctrinal mastery passage na sa palagay nila ay maaaring naaangkop sa sitwasyon at ipaliwanag kung paano makatutulong ang mga passage na ito.
Magbahagi ng mga karanasan. Maaaring pumili ang mga estudyante ng isa sa mga doctrinal mastery passage na naipamuhay nila kamakailan o nais nilang mas ganap na maipamuhay. Maaaring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakaapekto sa kanila ang mga turo na ito.
Pag-aralan ang mga passage nang iniisip ang mga personal na sitwasyon. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang sitwasyon, tanong, o desisyong kinakaharap nila ngayon. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga doctrinal mastery passage na makatutulong sa kanilang mga sitwasyon at ibahagi ang sa palagay nila ay makatutulong.
Tulungan ang isang tinedyer. Sabihin sa mga estudyante na magdrowing ng stick figure ng isang tinedyer at isulat ang kanyang pangalan, edad, at sitwasyon ng pamilya at anumang tanong, problema, o hamon na nararanasan niya sa kasalukuyan. Pagkatapos ay matutukoy ng mga estudyante ang mga doctrinal mastery passage na sa palagay nila ay makatutulong sa tinedyer na ito. Maaari nilang ipaliwanag ang doktrina sa kanilang napiling passage at magbigay ng mga mungkahi para sa mga posibleng pagkilos na magagawa ng tinedyer na ito.
Maghanda ng debosyonal o mensahe. Bigyan ng mga pagkakataon ang mga estudyante na gumamit ng mga doctrinal mastery passage upang maghanda ng debosyonal o maikling mensahe. Maaari mong iiskedyul ang bawat estudyante na magbahagi ng kanilang debosyonal o mensahe sa simula ng klase sa buong semestre. Tulungan sila na maghandang magbuod ng konteksto at magpaliwanag ng mga katotohanang itinuturo sa mga passage. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng makakabuluhang karanasan sa pamumuhay o halimbawa ng pamumuhay ayon sa mga katotohanan mula sa mga passage na pinili nila at magpatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa mga passage.