Seminary
Mga Aktibidad para sa I-assess ang Iyong Pagkatuto para sa mga Lesson sa Paghahanda para sa Buhay


“Mga Aktibidad para sa I-assess ang Iyong Pagkatuto para sa mga Lesson sa Paghahanda para sa Buhay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Mga Aktibidad para sa I-assess ang Iyong Pagkatuto,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Appendix

Mga Aktibidad para sa I-assess ang Iyong Pagkatuto para sa mga Lesson sa Paghahanda para sa Buhay

Pagkatapos mong ituro ang isa sa mga kategorya ng mga lesson sa Paghahanda para sa Buhay, maaari mong tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pagkatuto at pag-unlad sa pamamagitan ng pagsasama ng isang aktibidad para sa assessment mula sa kategoryang iyon sa darating na lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto. Maaaring iakma ang mga aktibidad na ito upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan

Ipamuhay ang mga turo ng mga lider ng Simbahan

Sa buong kurso, nagkaroon ng maraming pagkakataon ang mga estudyante na pag-aralan at ipamuhay ang mga turo mula sa mga lider ng Simbahan. Para sa aktibidad na ito, maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang mga partikular na mensaheng pinag-aralan sa klase. Kung maaari, anyayahan silang pumili ng isa sa mga mensaheng pinag-aralan nila at rebyuhin ito at ang anumang tala na maaaring naisulat nila. Hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nakatulong sa kanila ang mga turo mula sa mensahe na magsikap na maging mga disipulo ni Jesucristo.

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante para sa sumusunod na gawain. Maaari silang magsalitan sa pag-interbyu sa isa’t isa. Pagkatapos, maaari mong anyayahan ang isa o mahigit pang magkakapartner na mga estudyante na gawin ang kanilang mga interbyu sa harap ng klase.

Isipin kunwari na iniinterbyu ka para sa isang artikulo na ilalathala sa magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan tungkol sa pag-aaral ng mga turo mula sa mga lider ng Simbahan. Itatanong sa iyo ng mag-iinterbyu ang mga sumusunod:

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa pag-aaral ng mga turo mula sa mga lider ng Simbahan?

  • Sa mga mensahe at artikulo na pinag-aralan mo sa seminary, alin ang pinakamahalaga sa iyo at bakit?

  • Anong mga partikular na turo ng mga lider ng Simbahan ang ipinamuhay mo kamakailan?

Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili

Tumanggap ng lakas mula sa Panginoon na gumawa ng mga inspiradong pagpili

Ang aktibidad na ito ay tutulong sa mga estudyante na ma-assess ang natutuhan nila sa mga lesson na nauugnay sa kategoryang may pamagat na “Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili.” Maaaring makatulong na rebyuhin ang ilan sa nilalaman ng mga lesson na ito kasama ng mga estudyante.

Ang isang paraan upang matulungan ang mga estudyante na ma-assess ang natutuhan at nadama nila sa mga lesson na ito ay ang pag-anyaya sa kanila na magsulat ng mga liham para sa kanilang sarili. Ang sumusunod na pahiwatig ay maaaring gamitin o iangkop.

Ipagpalagay ang magiging buhay mo isang taon mula ngayon. Isipin kung ano ang inaasahan mong makamit sa panahong iyon at ang anumang hamon ang inaasahan mo. Magsulat ng liham ng panghihikayat para sa iyong sarili sa hinaharap. Maaari ding makatulong sa iyo ang ilan sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan at nadama mo tungkol sa pagtanggap mula sa Panginoon ng lakas na gumawa ng mga inspiradong pagpili?

  • Mayroon ka bang itinakdang anumang mithiin na gusto mong patuloy na pagsikapan?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa kung paano ka matutulungan ng Panginoon na epektibong gumawa ng mga inspiradong pagpili?

Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance

Magkaroon ng pag-asa sa sariling kakayahan o self-reliance sa paraan ng Panginoon

Maaari mong sabihin sa isang estudyante na magdrowing sa pisara ng isang stick figure ng tinedyer. Sabihin sa klase na bigyan ng pangalan ang tinedyer na ito at gumawa ng ilang detalye tungkol sa kanyang pagkatao at sitwasyon ng pamilya.

Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na gumawa ng makatotohanang sitwasyon kung saan may mga kinakaharap na hamon sa buhay ang tinedyer na iyon.

Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano makatutulong sa tinedyer ang pag-asa sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo na harapin ang mga hamon?

  • Ano ang magagawa ng tinedyer na ito upang maging self-reliant sa kanyang sitwasyon?

    Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga katotohanan tungkol sa self-reliance na natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan.

    Kabilang sa ilang passage na maaaring pinag-aralan ng mga estudyante sa lesson na “Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance sa Paraan ng Panginoon” ang:

    Ipakita ang mga sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga ito at isulat ang kanilang mga naiisip sa kanilang study journal.

  • Anong mga kasanayan at pag-uugali ang iyong natutuhan na makatutulong sa iyo na maging mas self-reliant sa iba’t ibang aspeto ng iyong buhay (tulad ng edukasyon, kalusugan, trabaho, o espirituwal na lakas)?

  • Sa anong mga paraan ka nagiging mas self-reliant?

  • Paano mo aanyayahan ang Diyos na tulungan kang patuloy na maging self-reliant?

Pisikal at Emosyonal na Kalusugan

Ipamuhay ang mga alituntunin at kasanayan upang maging mas malusog sa pisikal at emosyonal na aspeto

Maaari kang magdrowing ng isang simpleng roller coaster o isang daan na may mga burol at lambak.

  • Bakit maaaring ihambing ng ilang tao ang kanilang buhay sa isang roller coaster o daan na may mga burol at lambak?

  • Ano ang ilang “tagumpay” at “pagkabigo” na maaaring madama natin sa ating buhay?

    Ipaalala sa mga estudyante na sa kursong ito, pinag-aralan nila ang iba’t ibang lesson na makatutulong sa kanila na bumaling sa Panginoon upang mas mapatatag ang damdamin sa lahat ng panahon ng buhay.

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maglista ng ilan sa mga alituntunin o kasanayan na natutuhan nila upang mas mapatatag ang damdamin. Kung posible, maaari nilang banggitin ang mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na nagtuturo ng mga ganitong alituntunin at kasanayan. Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang mga paraan upang mapabuti ang paraan ng pag-iisip at pagharap sa stress, pagkabalisa, kalungkutan, depresyon, at pagiging perpeksyonista. Maaari din nilang pag-usapan ang pagpapabuti ng kanilang pisikal na kalusugan.

    Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal:

  • Ano ang natutuhan mo na makabuluhan o kapaki-pakinabang sa iyo?

  • Anong mga kasanayan ang ginamit mo upang bumaling sa Panginoon upang mas mapatatag ang iyong damdamin?

  • Anong mga tagumpay at pagpapala mula sa Panginoon ang naranasan mo? Anong mga hamon ang kinakaharap mo pa rin?

  • Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na gawin mo para patuloy na “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip” (Doktrina at mga Tipan 6:36) upang mas mapatatag ang damdamin?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot at karanasan, kung hindi masyadong personal ang mga ito. Maghanap ng mga paraan upang purihin ang mga estudyante sa kanilang mga pagsisikap at patotohanan na tutulungan at pagpapalain sila ng Panginoon sa Kanyang sariling panahon at paraan. Ipaalala sa mga estudyante na kung nakararanas sila ng mabibigat na hamon dahil sa stress, pagkabalisa, depresyon, o iba pang isyu sa kalusugan ng isip o emosyon, dapat silang makipag-usap sa isang pinagkakatiwalaang nakatatanda o propesyonal sa kalusugan ng pag-iisip. Ang paghingi ng tulong sa iba kapag nahihirapan tayo ay hindi tanda ng kahinaan o kawalan ng pananampalataya.

Paghahanda para sa Edukasyon at Trabaho sa Hinaharap

Unawain ang kahalagahan ng panghabambuhay na temporal at espirituwal na edukasyon

Ibahagi ang sumusunod na sitwasyon o isang sitwasyong katulad nito upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ipaliwanag ang kanilang natutuhan tungkol sa kahalagahan ng edukasyon.

Binanggit sa iyo ng kaibigan mong si Naomi na ayaw niyang mag-aral habang naglalakad kayo pauwi mula sa paaralan. Pakiwari niya ay masyado itong mahirap at kadalasan ay tila walang saysay. Wala siyang hangarin na mag-aral mabuti sa paaralan o magpatuloy ng kanyang pag-aaral kapag nagtapos siya ng high school.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong tumugon sa alalahaning ito. Ang isang paraan kung paano mo ito magagawa ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sumusunod na tagubilin. Maaaring gawin ng mga estudyante ang mga tagubilin nang mag-isa o sa maliit na grupo.

Gumawa ng sagot kay Naomi na makatutulong sa kanya na maunawaan ang kahalagahan ng edukasyon. Maaari ninyong isama sa inyong sagot ang ilan o ang lahat ng sumusunod:

  1. Isang banal na kasulatan o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan

  2. Isang paliwanag kung bakit nais ng Ama sa Langit na palaging hangarin ng Kanyang mga anak ang temporal at espirituwal na edukasyon

  3. Mga personal na karanasan o patotoo

Kapag nasagot na ng mga estudyante, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang mga ito sa iba.

Gumawa ng plano para sa edukasyon at trabaho sa hinaharap

Nagkaroon ng mga pagkakataon ang mga estudyante na gumawa ng mga plano na nauugnay sa kanilang pag-aaral sa hinaharap pati na rin sa mga pagkakataon sa trabaho sa hinaharap at iba pang tungkulin na gagampanan nila sa pagtanda. Sabihin sa kanila na rebyuhin ang mga planong ginawa nila.

Maaari mo silang bigyan ng pagkakataon na gumawa ng anumang pagbabago na sa palagay nila ay kinakailangan. Maaari din nilang isipin kung paano naiimpluwensyahan ng mga planong ito ang kanilang mga kasalukuyang pagpili. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa isang kapartner.

  • Ano ang mga plano mo para sa pag-aaral mo sa hinaharap?

  • Ano ang mga plano mo para makapaghanda sa mga pagkakataon na makapagtrabaho sa hinaharap o iba pang responsibilidad na haharapin mo sa iyong pagtanda?

  • Paano mo isasali ang Panginoon sa iyong mga plano?

Pagtatagumpay sa Paaralan

Gamitin ang mga kasanayan upang magtagumpay sa paaralan

Para matulungan ang mga estudyante na maalala ang ilan sa mga katotohanan at kasanayan na natutuhan nila na makatutulong sa kanila na maging mas matagumpay sa paaralan, maaari kang magdrowing ng stick figure na kumakatawan sa isang estudyante. Ipaliwanag na ang estudyanteng ito ay nahihirapang maging mahusay sa paaralan.

  • Ano ang ilan sa mga katotohanan at kasanayan na napag-aralan mo ang maaaring makatulong sa isang taong nahihirapan sa paaralan?

Kung kinakailangan, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila na natutuhan nila tungkol sa pagsasali sa Panginoon sa kanilang pag-aaral, pagkakaroon ng katapatan at integridad sa kanilang pag-aaral, paghahanda para sa mga pagsusulit at mahihirap na proyekto, at pagtingin sa mga hamon nang may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad. Rebyuhin ang mga konsepto at banal na kasulatan mula sa mga lesson na iyon kung kinakailangan. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila tungkol sa kung paano isinali ni Propetang Joseph Smith ang Panginoon sa kanyang pagkatuto (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–18) o kung paano tiningnan ni Nephi ang kanyang mga hamon nang may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad (tingnan sa 1 Nephi 16:18–23, 30–32).

Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nila naipamuhay ang mga konseptong ito. Maaari kang magpakita ng mga tanong na tulad ng mga sumusunod at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

  • Ano ang ilan sa mga katotohanan o kasanayan ang ginamit mo para maging mas matagumpay ka sa paaralan?

  • Anong kaibhan ang nagawa ng mga bagay na ito?

  • Paano mo napansing nagbago ang iyong ugnayan sa Panginoon o sa iyong pagtanggap sa Kanyang tulong habang ginagawa mo ang mga bagay na ito?

Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante upang isulat ang kanilang mga sagot, sabihin sa ilang boluntaryo na ibahagi sa klase ang kanilang mga naisip at karanasan. Hikayatin silang makinig nang mabuti sa kanilang mga kaklase at pag-isipang subukan ang ilan sa mga kasanayan na nagdulot ng tagumpay sa mga kaklase.

Paghahanda ng Missionary

Makadama ng mas matinding hangaring ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba

Sa lesson na “Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya,” maaaring nagpakita ka ng larawan ng isang hayop na nakatago. Maaari mong ipakitang muli ang larawan at ipaalala sa mga estudyante ang sumusunod na pahayag na ginamit sa lesson na iyon.

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Quentin L. Cook

Ang mahalagang bahagi ng pagsisikap na ito sa gawaing misyonero ay para sa mga indibiduwal na miyembro na maging gumagabay na liwanag saanman tayo nakatira. Hindi tayo maaaring magtago. (Quentin L. Cook, “Ligtas na Natipon sa Kanyang Tahanan,” Liahona, Mayo 2023, 23)

  • Ano kaya ang mangyayari sa isang tao kapag siya ay naging halimbawa ng gumagabay na liwanag bilang missionary para kay Jesucristo? Ano kaya ang mangyayari kapag nagtago ka bilang missionary Niya?

Maaaring naisulat ng mga estudyante ang nadarama nila tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa lesson 199 na “Pagbabahagi ng Ebanghelyo Dahil sa Pagmamahal na Tulad ng kay Cristo.” Maaari mo silang anyayahan na balikan ang isinulat nila. O maaari mo silang anyayahan na isulat ang kanilang mga naiisip at nadarama sa kasalukuyan tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Habang nagninilay at nagsusulat sila, maaari mong imungkahi na pag-aralan nilang muli ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na scripture passage mula sa lesson 201 na “Pagpili na Magmisyon,” upang maalala ang ilan sa mga pangako ng Panginoon sa mga nagbabahagi ng ebanghelyo.

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi ang kanilang isinulat at kung ano ang nakaimpluwensya sa kanila na hangaring maglingkod bilang missionary para sa Panginoon.

Paghahanda para sa Templo

Makadama ng mas matinding hangaring makipagtipan sa Diyos sa templo

Maaari mong gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aktibidad upang matulungan ang mga estudyante na i-assess ang kanilang hangaring makipagtipan sa Diyos sa templo. Maaaring magsulat ang mga estudyante sa kanilang journal o magtalakayan sa maliliit na grupo.

  1. Magpakita ng larawan ng templo at ibahagi kung paano ipinapaalala sa iyo ng templo si Jesucristo. Kung kinakailangan, makakahanap ka ng larawan sa media gallery sa temples.ChurchofJesusChrist.org. Ibahagi ang iyong mga naiisip at nadarama tungkol sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Ama sa Langit sa Kanyang templo.

  2. Sa isa sa mga lesson sa paghahanda para sa templo, natutuhan mo ang kahalagahan ng pagsamba sa templo sa buong buhay mo. Maaaring nakapagsulat ka ng isang liham sa iyong sarili sa hinaharap tungkol sa kahalagahan ng pagsamba sa Panginoon sa Kanyang templo. Mayroon ka bang anumang natutuhan o nadama kamakailan na nakaimpluwensya sa hangarin mong gumawa at tumupad ng mga tipan sa Ama sa Langit sa templo? Kung mayroon, magdagdag sa liham o magsulat ng bagong tala para sa iyong sarili.

  3. Pagnilayan ang natutuhan mo tungkol sa pakikipagtipan sa Panginoon sa templo, kabilang ang batas ng paglalaan. Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang ginawa mo para mas maipamuhay ang mga alituntunin ng batas ng paglalaan ng Panginoon?

  • Paano ito nakatulong sa iyo na maghandang makipagtipan sa Panginoon sa templo upang ipamuhay ang batas na ito?