Course Study Journal
Mag-ingat ng course study journal kung saan regular mong isusulat ang natutuhan mo, kung paano mo ito ipinamumuhay, at paano nito pinatatag ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Tutulungan ka nitong mapag-isipan at makilala ang maraming pagpapalang natanggap mo mula sa Diyos. Ang journal ay maaaring pagmulan din ng inspirasyon at lakas. Kapag malapit nang matapos ang kurso, ikaw ay magrereport sa iyong titser na regular kang nag-iingat ng course study journal at kung paano napalakas ng iyong karanasan ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Isulat sa isang ligtas na lugar ang mahahalagang bagay na natututuhan mo mula sa Espiritu. Matutuklasan mo na sa pagsusulat mo ng mahahalagang impresyon, kadalasan ay mas marami pang darating na impresyon. At, ang kaalamang natatamo mo ay magagamit mo habambuhay” (Richard G. Scott, “To Acquire Knowledge and the Strength to Use It Wisely,” Ensign, Hunyo 2002, 32).
Nagsalita din si Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan tungkol sa kahalagahan ng pagtatala ng mga espirituwal na impresyon:
“Gabi na akong nakauwi [noon] mula sa isang tungkulin sa Simbahan. …
“… Paglapit ko sa pintuan, narinig ko sa aking isipan … Hindi para sa iyo ang mga ipinararanas ko sa iyo. Isulat mo ang mga ito.’
“… At nang gawin ko ito, naunawaan ko ang mensaheng narinig ko sa aking isipan. Dapat akong magsulat para mabasa ng aking mga anak, balang-araw, kung paano ko nakita ang kamay ng Diyos na nagpapala sa aming pamilya. …
“Ilang taon akong sumulat ng ilang linya araw-araw. … Bago ako sumulat, pinag-iisipan ko ang tanong na ito: ‘Nakita ko ba ang kamay ng Diyos na nakaunat para tulungan kami o ang aming mga anak o pamilya sa araw na ito?’ Habang patuloy ko itong ginagawa, may nagsimulang mangyari. …
“Higit pa sa pasasalamat ang aking nadama. Lumakas ang patotoo ko. Lalo kong natiyak na nakikinig at sumasagot ang ating Ama sa Langit sa mga dalangin. Lalo akong nagpasalamat sa paglambot at pagdalisay ng puso ng tao dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo. At lalo akong nagtiwala na ipaaalala ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay—maging ang mga bagay na hindi natin napansin o pinansin nang mangyari ang mga ito” (Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 66–67).
Para sa dagdag na impormasyon, tingnan din sa 1 Nephi 1:1–3; 6:3–6; Alma 37:8–9; 3 Nephi 23:6–13; Moises 6:5, 45-46.