Jesus Christ and the Everlasting Gospel (Religion 250)
Mga Tanong
-
Ano ang matututuhan ko mula sa Tagapagligtas tungkol sa pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit?
Dapat kasama sa sagot mo ang:
-
Mga turo o halimbawa mula sa walang hanggang ministeryo ng Tagapagligtas na nagpapakita ng Kanyang pagsunod sa Ama sa Langit.
-
Ang kaugnayan ng pagiging masunurin ni Jesus sa Ama sa Langit sa iyong pagiging disipulo.
-
Bakit mahalaga sa iyo ang halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas at paano ka Niya matutulungan na gawin ang mga hakbang na kailangan mo upang mapatatag ang iyong pagkadisipulo.
-
Paano nakatutulong sa iyo ang halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas sa pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit.
-
-
Bakit kailangan ko ang Tagapagligtas?
Dapat kasama sa sagot mo ang:
-
Mga pangunahing hadlang na kailangan nating lampasan dahil sa ating nahulog na kalagayan.
-
Paano tumutulong ang iba-ibang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa Kanyang walang hanggang ministeryo sa mga anak ng Ama sa Langit na malampasan ang mga balakid na ito.
-
Ano ang kailangan nating gawin para matanggap at anyayahan ang tulong ng Tagapagligtas.
-
Isang paraan o higit pa na nadama mo ang banal na tulong ng Tagapagligtas sa iyong buhay sa pagdaig sa mga hamon at balakid.
-
-
Ano ang natutuhan ko sa kursong ito tungkol kay Jesucristo at sa walang hanggang ebanghelyo na nagpala sa buhay ko?
Maaari mong gawing batayan o ikonekta ang mga ideya mula sa iyong naunang mga sagot o magsulat tungkol sa isang bagong paksa.
-
Sa isa o dalawang pangungusap, banggitin ang doktrina na natutuhan mo.
-
Ipaliwanag ang doktrinang ito gamit ang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o mga salita ng mga propeta.
-
Ibahagi kung paano napagpala ng mga turo, halimbawa, o Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang iyong buhay.
-
Isulat ang iyong patotoo sa natutuhan mo tungkol kay Jesucristo at sa walang hanggang ebanghelyo.
-
Mahahalagang Punto ng Doktrina
Ang sumusunod na impormasyon ay tinipon gamit ang mahahalagang punto na nasa mga lesson para sa kursong ito. Ang mga numero na nasa mga panaklong na kasunod ng mga sipi o quotation ay nagsasaad ng lesson number sa Jesus Christ and the Everlasting Gospel Teacher Manual (2015) kung saan matatagpuan ang pahayag. Ikumpara ang iyong sagot sa impormasyon na nasa ibaba. Kung mayroong mahalagang punto ng doktrina mula sa rebyu na ito na hindi mo isinama sa iyong sagot, isiping baguhin ang iyong sagot bago ito isumite. Hindi mo kailangang kopyahin ang bawat salita ng impormasyong ito sa iyong sagot; tiyakin lamang na nauunawaan mo ang mga doktrinang ito at naipapahayag mo ang pang-unawang ito. Dahil ang ika-3 tanong ay nangangailangan ng mas personal na sagot, walang mga pangunahing punto para sa tanong na iyon.
-
Ano ang matututuhan ko mula sa Tagapagligtas tungkol sa pagsunod sa kalooban ng Ama?
Mga turo o halimbawa mula sa ministeryo ng Tagapagligtas na nagpapakita ng Kanyang pagsunod sa Ama sa Langit:
-
“Pinili si Jehova mula pa sa simula. Ang isang dahilan kung bakit pinili si Jehova ay dahil hinangad Niyang gawin ang kalooban ng Ama at ibigay ang lahat ng kaluwalhatian sa Ama” (2).
-
“Bagaman [si Jesucristo] ay walang kasalanan, bininyagan siya upang gawin ang buong katuwiran” (8; “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2).
-
“Kinailangan sa plano ng kaligtasan na maging lubos na masunurin si Jesus upang maisagawa ang Pagbabayad-sala” (9).
-
“Wala akong ginagawa sa aking sarili; kundi … ayon sa itinuro sa akin ng Ama … ; sapagka’t ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod” (Juan 8:28–29).
Ang kaugnayan ng pagkamasunurin ni Jesus sa Ama sa pagiging disipulo mo:
-
“Tulad ng Tagapagligtas, isinasakatuparan natin ang kabutihan kapag nagpapailalim tayo sa mga ordenansa at tipan ng walang hanggang ebanghelyo” (8).
-
“Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay nangangailangan ng pagsunod at sakripisyo. … Kailangan sa pagkadisipulo ang ating patuloy na kahandaang talikuran ang lahat at sundin si Jesucristo” (10).
-
“Maaari tayong magkaroon ng lakas na daigin ang tukso at maging masunurin sa pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo na paghahangad na gawin ang kalooban ng Ama sa halip na ang kalooban natin” (9).
-
-
Bakit kailangan ko ang Tagapagligtas?
Ang mga pangunahing hadlang na kailangan nating lampasan dahil sa ating nahulog na kalagayan:
-
“Dinaranas nating lahat ang espirituwal na kamatayan, dahil nawalay tayo sa piling ng Diyos, at tayong lahat ay sumasailalim sa temporal na kamatayan, na siyang kamatayan ng pisikal na katawan (tingnan sa Alma 42:6–9; D at T 29:41–42)” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 112).
-
“Sa ating nahulog na kalagayan, sumasailalim tayo sa kalaban at tukso. Kapag nagpapatangay tayo sa tukso, inilalayo natin ang ating sarili sa Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23)” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo,112).
Paano tumutulong ang iba’t ibang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa Kanyang walang hanggang ministeryo sa mga anak ng Ama sa Langit na malampasan ang mga balakid na ito:
-
“Nilikha ni Jehova ang mundo upang maglaan ng lugar kung saan maaaring mamuhay at umunlad ang mga anak ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan” (4).
-
“Bilang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman, naisagawa ni Jesucristo ang Nagbabayad-salang sakripisyo, kung saan kinailangan Niyang tiisin ang higit sa kayang tiisin ng isang taong mortal, at nang sa gayon ay magampanan ang Kanyang papel sa plano ng Ama” (7).
-
“Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makatatanggap tayo ng kapanatagan at lakas sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang mapagtiisan ang ‘mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso’ (Alma 7:11)” (16).
-
“Dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ng isinilang sa mortalidad ay mabubuhay na mag-uli” at ibabalik sa piling ng Diyos upang hatulan (19).
-
“Habang nasa daigdig ng mga espiritu, inorganisa ni Jesus ang gawain ng kaligtasan para sa mga patay” (18).
-
“Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama” (24).
-
“Hahatulan tayo ng Tagapagligtas batay sa ating mga salita, kaisipan, at mga hangarin ng ating puso” (26).
Ang kailangan nating gawin para matanggap at maanyayahan ang tulong ng Tagapagligtas:
-
“Madaraig natin si Satanas sa pamamagitan ng pag-asa kay Jesucristo, na nagsagawa ng Pagbabayad-sala, at sa pagbabahagi at pagiging tapat sa ating patotoo” (3).
-
“Sa pagpiling gawing sentro ng ating buhay ang Tagapagligtas habang narito tayo sa lupa, magkakamit tayo ng mas malalaking pagpapala sa kawalang-hanggan” (2).
-
“Kung mapanalangin tayong makikibahagi ng sakramento at may pagsisisi sa ating espiritu, makatatanggap tayo ng kapatawaran ng mga kasalanan, tulad noong nabinyagan tayo” (15).
-
“Sa pagtanggap natin kay Jesucristo at sa paggawa at pagtupad ng mga tipan na susundin ang mga kautusan ng Diyos, tayo ay nagiging mga anak na lalaki at anak na babae ni Cristo” (24).
-