2 Corinto 8–9
Pangangalaga sa Mahihirap
Lubos na nagmamalasakit si Jesucristo sa lahat ng anak ng Ama sa Langit at inaanyayahan Niya tayong makiisa sa Kanya sa pagtulong sa mahihirap at nangangailangan. Inanyayahan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng kanilang yaman upang pangalagaan ang mahihirap. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong matularan ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagbabahagi sa mga nangangailangan ng anumang mayroon ka.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang malaking hamon sa buhay
Nagsalita si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa isang malaking hamon sa buhay. Mag-isip ng ilang hamon na angkop sa patlang sa sumusunod na pahayag.
Sa kasaysayan ng mundo, ang ____________ ay isa na sa pinakamabigat at pinakalaganap na mga hamon sa sangkatatuhan. Ang malinaw na resulta nito ay karaniwang pisikal, ngunit ang espirituwal at emosyonal na kapinsalaang dulot nito ay maaaring lalo pang makapanlupaypay.
(Jeffrey R. Holland, “Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Liahona, Nob. 2014, 40)
Ang hamong tinukoy ni Elder Holland ay “karukhaan,” na kalagayan ng pagkakaroon ng kaunti o walang pera, kagamitan, o suporta. Ang katagang karukhaan ay maaari ding tumukoy sa kakulangan ng mga kinakailangan natin sa maraming aspeto ng ating mga buhay, kabilang ang pisikal, emosyonal, panlipunan, o espirituwal.
-
Ano ang ilang hamong kinakaharap ng mga taong mas kaunti ang pag-aari kaysa sa iba pang tao?
-
Paano nakakaapekto ang mga hamong ito sa aspetong emosyonal, espirituwal, at pati na rin sa pisikal ng isang tao?
Habang nag-aaral kayo ngayon, isipin ang mga saloobin at damdamin na maaaring ipadama sa inyo ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo tungkol sa kung paano Niya kayo magagamit upang matulungan ang iba pang nangangailangan.
Tulad ng nakatala sa 2 Corinto 8:1–8 , inanyayahan ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Corinto na tularan ang halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan sa Macedonia na bukas-palad na nagbigay upang pangalagaan ang mahihirap. Pagkatapos ay isinulat niya ang maraming mahahalagang turo tungkol sa pangangalaga sa mahihirap sa paraan ng Tagapagligtas.
Ang halimbawa ni Jesucristo
Ibinahagi ni Pablo ang halimbawa ng Tagapagligtas upang hikayatin tayong magbigay para sa mga pangangailangan ng iba dahil sa taos-pusong pagmamahal.
Basahin ang 2 Corinto 8:9 , at alamin ang hindi makasariling halimbawa ni Jesucristo sa pangangalaga sa atin.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo nang isinulat niyang naging dukha si Jesus upang tayo ay maging mayaman?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa sulat ni Pablo ay kapag naunawaan natin ang lahat ng ginawa ng Tagapagligtas para sa atin, mas handa tayong magbigay sa iba.
Ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga nangangailangan ay itinuro sa buong banal na kasulatan, pati sa Aklat ni Mormon. Basahin ang mga sumusunod na turo ni Pablo, pati na ang mga kaugnay na talata sa Aklat ni Mormon, at alamin ang itinuturo ng mga scripture passage na ito tungkol sa pangangalaga sa iba. Maaari ninyong iugnay ang mga scripture passage.
-
Pagnanais na magbigay: 2 Corinto 8:12 ; Mosias 4:24
-
Gaano karami ang ibibigay: 2 Corinto 9:6 ; Alma 1:30
-
Pag-uugali sa pagbibigay: 2 Corinto 9:7 ; Moroni 7:6–8
-
Pasasalamat sa Diyos: 2 Corinto 9:11–15 ; Mosias 4:19–21
-
Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na gawin natin ngayon upang maipamuhay ang itinuturo ng bawat isa sa mga scripture passage na ito?
Ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo mababago ng pagiging bukas-palad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Bawat isa sa atin ay nakatanggap ng mga kaloob na hindi natin kayang ibigay sa ating sarili, mga kaloob mula sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, kabilang na ang pagtubos sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Natanggap natin ang buhay sa mundong ito, at tatanggap tayo ng pisikal na buhay sa kabilang buhay, at ng walang-hanggang kaligtasan at kadakilaan—kung pipiliin natin—lahat dahil sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Tuwing ginagamit, pinakikinabangan, o iniisip pa natin ang mga kaloob na ito, dapat nating isaalang-alang ang sakripisyo, pagiging bukas-palad, at pagkahabag ng mga nagbigay nito. Ang pagpipitagan para sa mga nagbigay ay hindi lamang tayo ginagawang mapagpasalamat. Ang pagbubulay tungkol sa Kanilang mga kaloob ay maaari at dapat tayong baguhin.
(Dale G. Renlund, “Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 42)
-
Paano tayo mababago ng pagninilay tungkol sa pagiging bukas-palad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
Pangangalaga sa mahihirap sa ating panahon
Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang dalawa sa maraming paraan kung paano ginagamit ng Tagapagligtas ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan upang pangalagaan ang mahihirap sa buong mundo sa ating panahon. Basahin ang sumusunod na pahayag o maaari mong panoorin ang “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan” (time code na 6:15 hanggang 8:51), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.
Nagbigay ang Latter-day Saint Charities ng mahigit dalawang bilyong dolyar na tulong para sa mga nangangailangan sa buong mundo. Ang tulong na ito ay ibinigay sa mga tumatanggap anuman ang kanilang Simbahang kinabibilangan, nasyonalidad, lahi, sekswal na oryentasyon, kasarian, o politikal na opinyon.
Hindi lang iyan. Para tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na nahihirapan, gustung-gusto at ipinamumuhay natin ang sinaunang batas ng pag-aayuno [tingnan sa Isaias 58:3–12 ]. Nagugutom tayo para tulungan ang mga nagugutom. Isang araw bawat buwan, hindi tayo kumakain at ibinibigay na donasyon ang halaga ng pagkaing iyon (at higit pa) para tulungan ang mga nangangailangan.
(Russell M. Nelson, “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 97–98)
-
Ano ang pinakanapansin mo sa pahayag ni Pangulong Nelson?
-
Paano mo ipaliliwanag ang pag-aayuno at mga handog-ayuno sa isang taong hindi pamilyar sa mga ito?
-
Bukod sa pagbibigay ng mga donasyong pera sa Simbahan, ano ang iba pang paraan na matutulungan natin ang Panginoon sa pangangalaga sa mga nangangailangan? Sino ang naging mabuting halimbawa sa inyo ng alituntuning ito?
Anong nais ng Diyos na gawin mo?
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na kailangan nating humingi ng patnubay sa Diyos sa pagtulong sa mga nasa paligid natin.
Hindi ko alam kung paano dapat tuparin ng bawat isa sa inyo ang inyong obligasyon sa mga taong hindi tinutulungan o hindi kayang tulungan palagi ang kanilang sarili. Ngunit alam ko na alam ng Diyos, at tutulungan at gagabayan Niya kayo sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinigay sa atin.
(Jeffrey R. Holland, “Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?,” Liahona, Nob. 2014, 41)
Gumawa ng plano na kumilos ayon sa mga saloobin at damdamin na maaaring natanggap ninyo ngayon upang tulungan ang mga nasa paligid ninyo. Kung hindi pa kayo nakatitiyak kung sino ang nais ng Ama sa Langit na tulungan ninyo o kung paano sila tutulungan, manalangin para sa patnubay at maghanap ng mga pagkakataong mapaglingkuran ang mga nasa paligid ninyo, kabilang na ang mga miyembro ng inyong sariling pamilya. Sasagutin ng Diyos ang inyong mga panalangin sa Kanyang sariling paraan at panahon.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano ginagamit ang mga donasyon sa Simbahan ng Tagapagligtas upang maibsan ang kahirapan ngayon?
Bisitahin ang website na latterdaysaintcharities.org upang malaman ang mga sagot sa tanong na ito at higit pa.
Sa paanong paraan ko pa matutulungan ang mga nasa paligid ko maliban sa pagbibigay ng pera?
Ibinahagi ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President, ang isa sa maraming ideya:
Mga bata kong kaibigan, tinitiyak ko sa inyo na sa bawat miting ng Simbahan na dinadaluhan ninyo ay may isang taong nalulungkot, na nahihirapan at nangangailangan ng kaibigan, o nakadarama na hindi siya kabilang. May mahalagang bagay kayong maitutulong sa lahat ng miting o aktibidad at nais ng Panginoon na tingnan ninyo ang mga kaedad ninyo at pagkatapos ay maglingkod tulad ng gagawin Niya.
(Bonnie L. Oscarson, “Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan,” Liahona, Nob. 2017, 26)
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
[Ang isang miyembro ng Simbahan] ay dapat pakainin ang nagugutom, damitan ang hubad, tulungan ang mga balo, pahirin ang luha ng mga ulila, aliwin ang nagdurusa, sa simbahan mang ito, o sa iba pa, o sa walang kinabibilangang simbahan, saanman niya makita sila.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 500)